Habang naglalakad ako papunta sa motor ko, ay napatigil ako bigla. Ano bang pumasok sa isip ko at hindi ko itinutuloy ang balak? Kumunot ang noo ko. Bakit nga ba hindi ko itinutuloy ang pagpapaputol?
Inis na napakamot ako sa ulo. Hindi naman dahil naawa ako sa multong ’yon, diba?
"Syempre hindi! Bakit naman ako maawa doon?" bulyaw ko sa sarili. Bigla akong napatigil nang mapamilyaran ang isang daan sa kaliwa ko. Nanlaki pa ang mga mata ko nang makita ang pamilyar na flower shop sa pinaka-dulo nito. Ito ’yong nakita ko noong isang gabi. Walang pasubaling kaagad ko itong pinuntahan. Pumasok ako roon at may iilang taong pumipili ng bulaklak.
"Lola," bigkas ko nang ma-mukhaan ang matandang babaeng nakatalikod na kausap ang isang customer. Kaagad ko itong nilapitan.
"Lola!" tawag ko pero pagharap nito, hindi niya kamukha ’yong matandang babae na nakausap ko noong gabing ’yon.
"May kailangan ka ba, hijo?" tanong niya.
"W-wala… wala po." Tumalikod na ako.
Hindi ako pwedeng magkamali. Ito ’yong flower shop. Pero bakit…
"Ah… sandali lang po. Pwede po bang magtanong?" aniko.
"Ano ba iyon?" tanong naman ng matanda.
"May kasama po ba kayong matanda na mahaba ang buhok. Mga parehas nyo po ng tangkad. Medyo chubby ng kaunti, tapos maputi na medyo singkit?" Pagbibigay ko ng deskripsyon. Kaagad na gumuhit ang pagtataka sa kanyang mukha.
"Matandang maputi na singkit?" Ulit niya sa tanong ko. Tumango naman ako.
"Wala naman. Ako lang mag-isa ang namamahala sa flower shop ko, hijo. Baka naman nagkamali ka lang," aniya.
Ha? Hindi ako pwedeng magkamali. Huminga na lang ako nang malalim. Tumango na lang ako.
"Sige po… mauna na ako," paaalam ko. Tatalikod na sana ako nang bigla niya akong tawagin.
"Sandali lang, hijo."
"Ho?"
"Saan… saan mo nakuha iyang singsing?" tanong niya na nakatitig sa singsing sa kamay ko.
May alam ba siya tungkol dito?
"May alam po ba kayo--"
"Ah… baka nagkamali lang ako. Pasensya na," putol niya sa dapat na sasabihin ko at tsaka, walang sinabing tinalikuran ako.
Weird.
Pinagpasyahan ko na lang na umalis. Sunod kong pinuntahan ang kakilala kong espiritista, si Manong Kanor.
"Magandang araw, Manong Kanor," bati ko. Nakaupo lang ito at nagkakape sa upuan sa loob ng bahay niya.
"Oh, ikaw pala, Carlos. Anong sadya mo? At may kasama ka pa," ani niya na ipinagtaka ko.
"Ho?"
Napatingin ako sa paligid ko pero wala akong nakitang kahit ano. Pagharap ko ulit kay Manong Kanor, doon ko nakita ang babaeng multo na nasa likod ni Manong Kanor at nakatitig lang sa akin.
"Nakikita mo ba…"
"Hindi. Pero nararamdaman kong may kasama ka. At paniguradong hindi siya tao hahaha," tawa pa niya saka humigop ng kape.
"Oh… pasok ka muna," aya niya sa akin. Pumasok ako at bumungad sa akin ang medyo madilim na bahay. May kung ano-anong naka-sabit sa dingding na mga dahon.
"Umupo ka," aniya. Naupo naman ako sa kahoy na upuan na tumutunog na kapag gumalaw.
"Ano bang sadya mo?"
Bago sumagot ay hinanap muna ng mga mata ko ang babaeng multo pero wala na siya roon. Baka kasi sumulpot na naman ito sa kung saan-saan.
"Ito po." Ipinakita ko ang singsing sa daliri ko.
"Sinusundan kasi ako ng multo dahil sa singsing na ’to," pagpapaliwanag ko. Kinuha naman ni Manong Kanor ang kamay ko at tinitigan ng maigi ang singsing.
"Ghost marriage wedding ring? Pa’no ka nagkaroon nito? At saan mo ito nakuha?" sunod-sunod niyang tanong.
Ghost marriage wedding ring? Ano ’yon?