Carlos POV
Ilang araw at linggo ang dumaan na halos walang tulog sa pag-iimbestiga sa kasong hinahawakan namin. Ilang beses akong nagpabalik-balik sa lugar kung saan nakatira si Mina, pero hanggang ngayon ay wala pa rin akong napapala.
"Ma'am, kailangan ko lang talagang maka-usap si Mina," pakiusap ko sa nanay ni Mina. Katulad ng nagdaang araw, masama at galit ang titig nito sa akin. "Alam ko kung pulis ka, pero hindi mo pwedeng pwersahin ang anak ko sa mga gusto nyo! Umalis ka na bago pa kita ipa-barangay!" Galit nyang sigaw saka pabagsak akong sinaraduhan ng gate.
Napahinga na lang ako ng malalim saka bumalik sa sasakyan ko. Papa-andarin ko na sana ang sasakyan nang makita ko ang isang pamilyar na babae na nagmamasid sa akin, nakatago sa basurahan.
Nanlaki ang mata ko kaya dali-dali akong bumaba at pinuntahan ito.
"Mina?" tawag ko dito. Hindi ito nagsasalita, ngunit may inabot siyang papel sa akin. "Wag ka nang babalik sa bahay. Pero makakatulong ito sa'yo," sabi niya. Kinuha ko naman ang papel at pagkakuha ko noon ay tumakbo siya palayo.
Bumalik ako sa sasakyan at binuksan ang papel, pero kumunot ang noo ko — tanging drawing lang ng bata ang nakalagay doon. Para itong diamond na may bulaklak na rosas sa gitna, na may mga tinik sa talangkay. Anong ibig sabihin ng drawing na 'to?
Pagdating ng gabi, bumalik ako sa bahay. Pagod na pagod, hinayaan ko ang sarili kong tumihaya sa sofa. Kinuha ko ang papel na ibinigay ni Mina at pinagmasdan ito ng mabuti. Sabi niya, makakatulong daw ito sa amin. Ano ba ang ibig sabihin ng drawing na 'to?
"Hayst," daing ko, dahil sumasakit na ang ulo ko sa dami ng iniisip.
"Ano 'yan?" biglang sumulpot si Elena sa likuran ko. Huminga ako ng malalim.
"Hindi ko rin alam," pag-amin ko. Lumapit siya sa akin, pero kaagad na napahinto nang makita ang papel.
Hinawakan niya ito. Kitang-kita ko kung paanong kumunot ang noo niya.
"Ayos ka lang?" tanong ko.
"Parang… nakita ko na ito noon," sabi niya. Umayos ako ng upo.
"Segurado ka?" tanong ko.
"Ah!" Napatingin ako sa kanya nang mabitawan niya ang papel at napakapit sa ulo niya.
"Ayos ka lang?" alalang tanong ko. Biglang bumilis ang paghinga niya.
"Anong nangyari?" tanong ko at hahawakan ko na sana siya nang biglang umatras palayo.
"Magpapahangin lang ako," sabi niya.
"Sandali!" tawag ko, pero huli na — nawala na siya sa paningin ko. Napahinga na lang ako ng malalim.
--
Kinaumagahan, ipinakita ko sa kanila ang papel at agad naman silang nagpatawag ng meeting.
"Bumalik kami sa bar kung saan si Anna nagtratrabaho. Sinabi nilang bago lang doon si Anna, mahigit isang linggo pa lang. Nung dumating daw ito, sobrang payat. At 'yong drawing na sinasabi mo, nakita namin sa bewang ni Anna at sa lahat ng biktima ng kasong ito," kwento ni Luis. "Para itong tattoo ng pagkakakilanlan nila. Inimbestigahan namin ang tungkol sa tattoo at…" May pinakita siyang picture sa screen.
"Nalaman naming may organization dito sa Maynila na tinatawag na Black Moon. Nahawakan ko na ang kasong ito noon at ngayon nalaman kong konektado ito lahat. Ang organization na ito ay may iba't ibang illegal na bar na pinapatakbo sa buong bansa. Nalaman naming dating nagtratrabaho sa isa sa mga ito si Anna," paliwanag niya.
"Ngunit malakas ang organization na ito. Dahil hawak nila ang makapangyarihang tao — mga sindikato. Ngayon, hindi lang ang suspect na pumatay ang kalaban natin kundi isang malaking sindikato," dugtong pa niya.
Nagkatitigan kaming lahat. Alam namin na mas magiging delikado ang aming trabaho, pero wala nang atrasan. Lahat kami ay nanumpa sa trabahong ito, kaya kailangan naming gawin ang lahat para magawa ang aming tungkulin.
--
Elena's POV
Nakatitig lang ako kay Carlos na abala pa rin sa pagsusulat ng kung ano-ano sa laptop niya. Halos madaling araw na, pero hindi pa rin siya natutulog. Hindi ako lumapit dahil ayaw kong istorbohin siya sa ginagawa niya.
Hindi ko pa rin talaga nakalimutan ang mga nakita ko kanina nang makita ko ang papel na iyon. Nakita ko yung babae, yung Anna. Kinakausap niya ako na parang matagal na kaming magkakilala. Tinatawag niya ako sa pangalan ko.
"Ms. Elena, kailangan mo nang umalis dito. Iligtas mo ang sarili mo."
Yun ang huling sinabi niya sa akin.
Lalo pa akong kinabahan nang makita ko yung drawing. Bumalik ang tingin ko kay Carlos na busy pa rin sa ginagawa. Tapos bumaba ang tingin ko sa kamay ko. Napalunok ako nang makita ang kaparehong tattoo na nasa kamay ko.
Pareho 'yun nung nasa drawing.