Carlos POV
"Ano ba't--" Natigilan ako nang mapansing nagising ako bigla sa hindi pamilyar na lugar. Madilim dito at medyo mausok. Tumayo ako -- at doon umilaw sa ibabaw ng ulo ko na nakatutok lang saakin. Madilim talaga ang paligid. Nasaan ba ako?
Napalingon ako bigla sa likuran ko nang may kumalabit saakin. Malabo ito noong una, pero unti-unti ko itong nakikilala.
"Elena?" Tanong ko. Ngumiti ito saakin. Lalapitan ko na sana ito -- bigla itong tumakbo palayo. Anong trip nya?
"Elena!" Tawag ko dito, pero patuloy lang sya sa pagtakbo palayo saakin. Hinabol ko ito, pero bigla itong nawala sa dilim.
"Elena?" Tawag ko ulit. Bigla itong lumitaw sa kanan ko -- sabay takbo na naman. "Ano bang trip ng babaeng 'to? Elena, saan ka pupunta?" Tanong ko -- pero nawala ito. Nagtaka ako nang tumahimik ang paligid.
Doon na lamang ako nabigla nang may sumigaw sa likuran ko.
"Carlos!" Tawag nito saakin. Nakita ko si Elena -- may gapos ng lubid ang dalawang kamay. Duguan na rin ang kanyang puting damit. Umiiyak ito sa harapan ko.
"Tulungan mo ako!" Sigaw nya. Tumakbo ako papunta dito -- bigla na naman itong mawala sa paningin ko.
"Elena!" Sigaw ko. "Elena? Nasaan ka?" Tawag ko ulit.
"Tulungan mo ako!" Bigla na naman itong lumitaw sa likuran ko. Paglingon ko -- naka-luhod na ito, may sugat ang mukha at umiiyak.
"Ayaw ko sumama sa kanila. Kukunin nila ako. Tulungan mo ako!" Iyak nito. Humakbang ako ng isang beses -- napahinto nang mapansing hindi ito nakatingin saakin, kundi nasa likod ko. Nagtaka ako kung bakit nagmamakaawa ang mga mata nito habang naka-titig sa likuran ko.
Dahan-dahan akong humarap sa likuran ko -- at ganun nalang ang pag-atras ng mga paa nang makita ang lalakeng nakatayo -- kamukha-kamukha ko.
Teka... anong nangyayari? Nakatitig lang rin ito kay Elena -- na tumutulo ang luha sa mga mata.
Nabigla ako nang bumunut ito ng b***l at itinutok sa ulo nya.
"Wag! Nakikiusap ako... asawa ko," Napatingin ako kay Elena nang magsalita ito at nagmamakaawa sa lalakeng kamukha ko.
"Patawarin mo ako, Elena. Kung hindi ko na kaya pang protektahan ka. Mahal na mahal kita -- sana ay lagi mo yang tatandaan," Sabi ng lalake -- at halos mabingi ako sa lakas ng tunog nang pitikin nya ang gantilyo ng b***l.
"Santiago. Santiago! Gising!"
Nagising ako bigla -- napagtanto kong nasa desk ko na pala ako, nakatulog.
"Ok ka lang?" Tanong ni Jam.
"Anong nangyari?" Wala sa sarili kung tanong.
"Aba! Ewan ko sayo -- eh ikaw nga tong umiiyak habang tulog. May napanaginipan ka, noh?" Usisa nya.
Panaginip? Nalibot ko ang paningin sa paligid -- kaagad na bumalik sa realidad.
Nahilamos ko na lamang ang mukha gamit ang kamay ko -- nang mapansing basa pala ito. Luha? Umiyak ako? Bakit naman ako iiyak?
"Alam mo, ang weird mo ngayong araw. Kanina ka pa wala sa sarili," Ani nito -- saka tinalikuran ako.
---
Kinahapunan noon, naatasan kami ni Jam na mag-imbestiga sa mga kabahayan malapit sa pinangyarihan ng krimen -- malapit lang rin sa apartment na tinitirhan ko.
"Ang layo talaga dito sa inyo," reklamo ni Jam -- saka pinarada ang sasakyan.
"Wag ka na ngang magreklamo. Bumaba na tayo," sagot ko nalang -- sabay baba ng sasakyan. Minabuti naming maghiwalay ng daan. Mabuti nalang at gamay nya narin ang pasikot-sikot dito -- madalas syang tambay sa apartment ko noong nag-aaral pa kami.
Ngunit kahit nandito ako -- malapit na nakatira ni sino -- wala akong kakilala. Madalas kasi akong nasa loob lang ng apartment ko kung day off -- at hindi talaga lumalabas.
Kumatok ako sa unang bahay na nakita ko. Bumungad naman saakin ang isang dalaga na nasa edad kinse pataas. Napansin kong namutla ito nang makita ako.
"Magandang umaga," nakangiti kung bati. Pilit na ngiti lang ang isinukli nito saakin.
"Pwede bang magtanong kung kilala mo itong--" Hindi ko na naituloy ang sasabihin -- biglang may sumigaw sa loob.
"Mina, sino yan? Bakit ang tagal mo dyan?" Sigaw ng babae na sa hula ko ay nanay nya -- seguro.
"Mama mo ba yun?" Tanong ko. Tumango ito.
"Pwede ko ba syang--"
"Umalis na po kayo!" Putol ng bata ang sasabihin ko sana. Nagtaka naman ako.
"Mabilis lang ako. Itanong ko lang sana kung--"
"Please po. Umalis na kayo," sabi nya pa -- at doon na ako nagtaka kung bakit may takot na gumuhit sa mga mata nito.
"Ayos ka lang ba?" Tanong ko -- pero hindi ito sumagot.
"May problema ba?" Dugtong ko pa.
"Mina! Ano ba! Bumalik ka na dito!" May galit na sigaw ng babae sa loob.
"Umalis ka na po," Ani ng batang si Mina -- at isinara ang gate. Napatunganga pa ako saglit.
"Hoy Santiago! Anong ginagawa mo dyan?" Biglang sumulpot si Jam sa likuran ko.
"Wala. Tapos ka na ba doon?" Turo ko sa pinuntahan nya.
"Oo, pero wala akong nakuha," sabi nya.
Bumalik kami ng sasakyan -- at doon tumambay habang nag-uusap.
"Ang sabi ng mga tao, isang beses lang daw nila nakita itong biktima. Dumayo daw ito dito kasama ang mga kaibigan niya. Noong isang Linggo pa daw yun," kwento nya.
"Ikaw ba? Anong nalaman mo?" Tanong nya. Napalingon ako sa bahay na pinuntahan ko kanina.
"Hindi ko alam -- bakit pakiramdam ko may kailangan tayong malaman tungkol sa mga nakatira sa bahay na 'yan," turo ko sa bahay na may pulang gate.
"Bakit? Anong nangyari?" Usisa nya. Sinabi ko sa kanya lahat-lahat -- pati narin ang takot sa mga mata ni Mina nang makita ako.
Matapos nun, bumalik na kami sa headquarters.
"May nahanap kaming bagong impormasyon," pagsasalita ni Luis. May naka-flash na litrato sa TV na nasa harapan namin.
"Pasado ala-una ng madaling araw nang makitang lumabas si Anna," patungkol nito sa pangalan ng biktima.
"Sa pinagtratrabahuhan nito," dugtong nya -- saka nag-flash sa screen ang lugar na ikinagulat ko.
"Bar?" Bigla kong tanong.
"Oo. Nalaman naming G.R.O si Anna sa lugar na iyan. Matapos ng gabi ng July 23, hindi na ito nakita pa o bumalik sa trabaho. Hanggang sa makalipas ang tatlong araw, natagpuan na itong walang buhay sa pinangyarihan ng krimen," paliwanag naman ni Jenna.
May litrato ulit na nag-flash sa screen -- at nagulat ako nang makilala kung sino ito. Si Mina.
"Diba yan yung batang sinasabi mo, Santiago?" Tanong ni Jam.
Napatingin naman ako sa kanya.
"Nakita mo na siya?" Tanong ni Jenna. Ipinaliwanag ko sa kanila ang nangyari kanina.
"Kailangan nating maka-usap ang batang iyan. Sa tingin ko, marami syang maibibigay na impormasyon tungkol sa kasong ito, Santiago," pagsasalita ni Jenna.