Third Person POV
Hating gabi na nang makauwi si Carlos sa apartment nito. Halos wala na ring tao sa dinadaanan niya. Paligoy-ligoy pa ang paglalakad niya dahil naka-inom siya ng kaunti. Malaki kasi ang problema niya ngayon dahil mukhang mawawalan na siya ng trabaho at wala na siyang pera.
Naubos na kasi ang ipon niya sa sunod-sunod na pagpapadala nito sa kapatid niyang may sakit sa probinsya. Isa itong matiponong pulis ngunit mababa lamang ang ranggo at walang kasiguraduhan kung maipapromote pa ba ito. Kaya mababa rin ang natatanggap niyang sweldo buwan-buwan.
Huminto siya nang mag-vibrate ang kanyang cellphone sa bulsa. Umiikot na ang paningin niya kaya minabuti niyang kapain na lang ang cellphone sa bulsa ng jacket niya.
"Huwag ka munang pumasok bukas, dadating si Chief, alam mo namang mainit ang ulo no’n sa’yo," basa niya sa natanggap na text galing sa kaibigan niyang pulis din. Napakuyom niya ng kamao sa inis.
"Ang malas-malas ko naman talaga!" sigaw niya na parang baliw sa daan. Nagpapadyak pa siya at kalaunan ay tumigil na rin sa pagsisigaw ng mapagod. Huminga siya nang malalim saka nagpatuloy sa paglalakad hanggang sa mapansin ni Carlos na parang naliligaw na siya, pakiramdam niya hindi niya alam ang daan na dinadaanan niya. Bigla siyang napatigil nang makarinig ng ungol ng mga aso sa malapit. Lalo pa siyang nawindang nang kumulog nang malakas sa kalangitan.
Hindi niya alam kung bakit may nabubuong takot sa kanya sa pagkakataong iyon.
"Hijo..."
"Anak ng kabayo!" Malakas na sigaw niya nang may matandang biglang magsalita sa likuran niya. Tila kaagad siyang natauhan at nawala ang kanyang kalasingan. Humarap siya sa matandang babae na nakangiti na ngayon sa harapan niya.
"Hijo," tawag ulit ng matandang babae kay Carlos. Tumaas man ang balahibo niya, minabuti pa rin niyang lapitan ang matanda.
"Lola, naman, nanggugulat naman kayo. Ano bang ginagawa niyo dito sa ganitong oras?" mahinahon niyang tanong. Nagulat siya nang hilahin siya ng matandang babae papunta sa malapit na flower shop. Hindi na niya naalma nang hilahin siya ng matanda papasok.
"Lola, sandali lang po," ani niya saka siya binitawan ng matanda. Nagtaka siya nang pumasok ang matandang babae sa nag-iisang pintuan sa harapan nila saka mabilis ring lumabas na may hawak na pulang maliit na box. Sobrang laki ng ngiti ng matanda kay Carlos habang papalapit ito sa binata.
"Lola, sa tingin ko po ay kailangan ko nang umalis--"
"Sandali lang, Hijo. Tanggapin mo ito," nakangiting ani ng matandang babae. Kumunot ang noo ni Carlos nang makita kung ano ang laman ng maliit na pulang box na hawak-hawak nito.
"Wedding ring?" bulong niya sa sarili.
"Sa’yo ‘yan," dugtong pa ng matanda, sabay pilit na ibinigay kay Carlos ang pulang box.
"Sandali lang po, Lola. Aanhin ko naman po itong wedding ring eh single since birth nga ako," sagot ni Carlos, pero mas lalo pang napangiti ang matanda.
"Sa’yo ‘yan. Suotin mo. Matagal ka na niyang hinihintay."
"Ho? Ano pong ibig niyong sabihin? Sino ’yong naghihintay sa akin?"
"Si Elena. Ang asawa mo. Matagal ka na niyang hinihintay, Hijo."
"Sandali lang po." Kaagad niyang ibinalik ang pulang box sa kamay ng matanda.
"Sa tingin ko po ay nagkamali kayo ng taong bibigyan nito. Single po ako, kaya wala po akong asawa at lalong-lalo na pong wala akong kilalang Elena. Mauna na po ako." Nakatayo na siyang handang lumabas nang magsalita ulit ang matanda.
"Bilhin mo na lang sa akin."
Inis na napakamot siya sa ulo. Huminga siya nang malalim bago lumapit ulit sa matanda.
"Lola, kahit piso po ay wala talaga akong pera dito. Sobrang malas ko po ngayon kaya pasensya na po--"
"Kung gano’n, ay mas lalo mo itong kailangan. Maniwala ka sa akin, Hijo. Ito ang magdadala sa’yo ng swerte habang buhay."
"Lola, wala ho akong pera–"
"Segi na, Hijo. Wala nang oras. Tanggapin mo na," ani pa ng matanda, sabay silip pa sa glass window ng flower shop na kitang-kita ang bilog na buwan.
"Segi na. Tanggapin mo na. Swerte ang lalapit sa’yo kapag tinanggap mo ito."
Ayaw man ni Carlos, napilitan siyang tanggapin ang maliit na pulang box saka binuksan ito.
"Suotin mo," utos ng matanda. Napahinga na lang siya nang malalim saka kinuha ang singsing at dahan-dahang isinuot sa kanyang daliri.
Ngunit kaagad siyang napa-igtat nang masugatan ang kanyang daliri habang sinusuot ang singsing, dahilan upang dumugo ito ng kaunti. Napansin kaagad ni Carlos ang malawak na ngiti ng matanda.
"Salamat," ani ng matanda saka walang pasabing tinalikuran si Carlos at iniwang mag-isa na nakatayo roon. Ilang segundo siyang nakatayo roon bago bumalik sa sarili. Napailing na lang siya saka mabilis na lumabas sa flower shop.
Naglakad siya muli habang iniisip kung bakit niya tinanggap ang singsing na ibinigay ng matanda. Napailing na lang siya sa sarili.
"Hayst. Kung minamalas ka nga naman," ani na lang niya. Ilang sandali pa at gumuguhit na sa kalangitan ang kakaunting liwanag kaya alam niyang mag-uumaga na. Napatingin siya sa singsing na para sa kanya ay kakaiba ang hitsura, animo’y antik na pag-aari pa ng Hari at Reyna sa nakalipas pang panahon. Sobrang luma nito at kaagad niyang hindi nagustuhan ang disenyo. Kaagad niya itong tinanggal ngunit hindi pa niya nagagawa nang mangilabot siya dahil sa kakaibang lamig na humaplos sa leeg niya.
Hindi niya alam kung bakit tumayo ang mga balahibo niya.
"Asawa ko..."
"s**t!" Napamura siya sa sarili nang may marinig na boses sa kanyang likod. Nagpaikot-ikot pa siya ngunit wala naman siyang nakikitang tao maliban sa kanya sa daan na iyon. Inis na napakamot siya sa ulo.
"Lasing lang ‘to," ani niya sa sarili at nagsimulang maglakad ulit, ngunit napatigil siya nang may malamig na bagay na humawak sa kanyang dalawang braso. Hindi siya makagalaw sa kinatatayuan.
"Asawa ko. Uuwi na ba tayo?" boses ng babaeng tila bumubulong sa kanya. Kaagad siyang napatalon sa takot at humarap, ngunit kaagad siyang nawalan ng malay nang makita ang babaeng nakaputi, puro dugo ang mukha, na nakangiti sa harapan niya.
"Asawa ko..."