Carlos POV
Napamulat ako nang marinig ang alarm ng cellphone ko. Natakpan ko pa bigla ang mata ko dahil sa silaw ng araw. Umaga na pala. Napa-sarap yata ang tulog ko. Naka-inom pa naman ako kagabi.
"Teka." Bigla akong napatigil nang may maalala. Inikot ko ang mata ko sa kuwarto. "Pa’no ako naka-uwi?" tanong ko sa sarili. Ang huling naalala ko ay lasing akong umuwi kagabi tapos may matandang babae na binigyan ako ng singsing. Tama ’yong singsing. Kaagad akong napatingin sa kamay ko at laking gulat ko na may singsing nga doon.
Akala ko lasing lang ako kagabi dahil kung ano ano ang nakikita ko. May nakita pa nga akong…
"Babaeng duguan ang mukha." Hindi ko namalayang nasabi ko na ang nasa isip ko. Halos mapatalon ako sa gulat nang mahulog bigla ang picture frame na nakasabit sa pintuan ko. Wala namang hangin pero bakit nahulog ’yon? Wala naman sigurong multo sa apartment ko. Siyempre wala, ilang taon na akong nakatira dito at wala akong nakakasalamuhang multo o kahit anong kababalaghan. Minabuti ko na lang na tumayo saka pinulot ang picture frame at ibinalik ito sa pintuan ng kuwarto ko.
Inayos ko na ang higaan ko saka binuksan ang bintana para pumasok nang tuluyan ang sikat ng araw. Wala akong duty ngayon kaya mamamalengke na lang ako. Wala na akong gano’n kalaking pera at sa tingin ko aabot na lang ito sa dalawa o tatlong linggo. Hay, buhay nga naman oh. Puro kamalasan na lang ang nangyayari sa buhay ko.
Matapos buksan ang bintana ay hinanap ko na rin ang charger ko saka chinarge na ang cellphone ko. Lumabas na rin ako ng kuwarto saka dumiretso sa kusina. Naghanap ako ng puwedeng maluto at mabuti na lang may tatlong itlog at ketchup akong nakita kaya iyon na lang ang niluto ko. Pagkatapos kong magluto saka ako naligo.
Hinubad ko na lahat ng damit ko saka binuksan ang shower. Sobrang gaan sa pakiramdam ng malamig na tubig na dumadampi sa balat ko. Pagkatapos magbasa ay kinuha ko na ang sabon pero nabitawan ko ito at nahulog sa sahig. Mabilis ko naman itong kinuha ngunit bigla na lang akong napa-atras nang may kamay na kumuha ng sabon.
"s**t! Ano ’yon?" kinakabahan kong tanong sa sarili. Inikot ko pa ng tingin ang buong banyo pero ako lang ang nag-iisang tao doon. Mabilis kong kinuha ang sabon saka iwinaksi ang mga iniisip ko.
"Gutom lang ’to," sabi ko sa sarili. Mabilis akong naligo saka nakatapis ng tuwalya sa bewang habang naglalakad papunta sa kuwarto. Bubuksan ko na sana ang pintuan ng kuwarto ko nang may tumawa sa likod ko. Napaharap ako bigla pero wala namang tao.
"Sino ’yan?" tanong ko sa kawalan. Pero walang sumagot. Napailing na lang ako sa sarili at tuluyang binuksan ang pintuan pero hindi pa man ako nakakapasok nang may biglang humila ng tuwalya na nakatapis sa bewang ko, dahilan upang lumabas ang lahat ng tinatago ng katawan ko.
"s**t," mura ko sa sarili at mabilis na itinapis pabalik ang tuwalya. Nagulat ulit ako nang may tumawa na naman, pero ngayon mas malakas na. Pakiramdam ko nasa paligid lang siya at nakatitig lang sa akin, pero wala naman akong nakikitang kasama ko rito.
"Sino ka? Anong ginagawa mo rito sa bahay ko?" pasigaw kong tanong. Pero tanging tawa lang ang naririnig ko. "Magpakita ka. Alam mo bang trespassing itong ginagawa mo?" ani ko pa.
"Asawa ko."
"Putangina!" Nagulat ako nang may bumulong sa tenga ko. "S sino ka? Magpakita ka kung hindi ipapakulong kita. Pulis ako!" natataranta kong ani. Pero tanging tawa lang ang naririnig kong tugon niya. Doon ko na napagtantong boses babae ang tumatawa.
"Lumabas ka. Magpakita ka sa akin," utos ko. Biglang lumamig ang paligid at aaminin kong kinalibutan ako. "Gusto mo ba talaga akong makita, asawa ko?" Nabigla ako nang marinig ang sagot nito. "S- sino ka?" sigaw ko.
"Ako si Elena, asawa ko," malumanay na sagot nito. Kaagad kong kinuha ang walis na nasa tabi ng kama ko. Hindi ko inakalang matatakot ako sa boses ng babae. "Lumabas ka," utos ko. "Sigurado ka ba, asawa ko?" tanong pa nito. "Hindi mo ako asawa. Kaya lumabas ka na kung ayaw mong dalhin sa bilangguan," pananakot ko pa rito.
Napaigtat ako nang may humaplos sa likod ko. Sobrang lamig no’n na halos magsitaasan ang balahibo ko.
"Sige, pero ipangako mo sa akin na hindi ka matatakot o sisigaw o mahihimatay kapag nakita mo na ako," sagot nito.
"Anong ibig mong sabihin? Bakit naman ako matatakot sa’yo? Ipakita mo ang sarili mo. Lumabas ka."
"Sige."
Nagulat ako nang bumukas ang ilaw ng kuwarto ko saka pumatay sindi ito. Lumakas din ang hangin na nililipad na ang kurtina sa bintana.
"Asan ka?" sigaw ko, nilalabanan ang takot na nagsisimulang mamuo sa akin. "Nandito ako." May nagsalita sa likuran ko kaya mabilis akong humarap dito at gano’n ko kabilis nabitawan ang walis na hawak ko. Hindi ako nakagalaw sa kinatatayuan ko nang makita ang babaeng nakaputi, sobrang haba ng buhok na sumasayad sa sahig, mahaba rin ang damit nito na halos hindi na makita ang mga paa niya. Nakatalikod ito sa akin habang nakaupo sa kama ko.
Nanginig ang kamay ko pero nagawa ko pa rin itong lapitan. Dahan dahan ang mga galaw ko sa paglapit dito. Hindi man lang ito gumagalaw, aakalain mong istatwa. Dahan dahan kong iniangat ang kamay ko para kalabitin ito. Nang maipatong ko na ang kamay ko, naramdaman ko kaagad ang lamig ng katawan nito.
"H-h-humarap ka," nauutal kong sambit. Pero pinagsisihan kong sinabi ko iyon. Napaupo ako bigla nang tuluyan na itong humarap sa akin.
"Putangina!" Napamura ako nang sobrang lakas sa nakita ko. Siya ’yong babaeng duguan na nakita ko kagabi. Nagkatitigan kaming dalawa. Nanlalaki ang mga mata ko habang siya ay walang emosyon na nakatitig sa akin. Dahan dahang bumaba ang tingin nito sa pang ibabang bahagi ng katawan ko na ngayon ay nakalabas na lahat pati ’yong tinatago ko. Bigla itong ngumiti nang makita iyon.
"M-m-multo!" sigaw ko saka mabilis na tumayo at tumakbo na halos magkadapa dapa pa ako. Kaagad kong sinubukang buksan ang pintuan papalabas ng apartment ko pero tila naka lock ito. Kumatok ako at paulit ulit na sumigaw, nagbabakasaling may makarinig sa akin sa labas.
"Tulong. Tulungan n’yo ako. May multo sa bahay ko. Tulong. Minumulto ako. Tulungan n’yo ako. Tulong!" paulit ulit kong sigaw pero tila walang nakakarinig no’n.
Walangya naman oh. Papatayin niya ba ako? Katapusan ko na ba? Hindi puwede.
Hindi ako puwedeng mamatay ngayon dahil…
Hindi pa ako nagkaka jowa.