Paulit-ulit akong kumakatok pero wala pa ring nakakarinig sa akin. Napatigil na lang ako bigla nang may malamig na kamay na humawak sa dalawang braso ko.
"Asawa ko," bulong niya. Nanginig ang tuhod ko. Hindi ko nagawang umalis sa kinatatayuan ko.
"Parang awa mo na. ’Wag mo ’kong patayin, may pamilya pa ako at tsaka ipagdadasal kita araw-araw. Please lang," halos mangiyak-ngiyak kong sagot dito. Nawala ’yong malamig na kamay na humawak sa akin.
"Hayst. Humarap ka na nga," ani nito bigla. Nanlaki ang mga mata ko dahil pakiramdam ko ibang nilalang na ang kausap ko. Nakatalikod lang ako sa kanya pero pakiramdam ko lumamlam ang boses nito.
"Ayuko. Umalis ka na," ani ko. Narinig ko pa ang pagbubuntong-hininga nito.
"Wala ako sa mood para takutin ka ngayon… humarap ka na, asawa ko," ani niya.
"Ayuko! Pakiusap, umalis ka na," pagmamakaawa ko pa lalo. Pakiramdam ko maiihi na ako. Ngayon ko lang naalalang wala na pala akong kahit na anong saplot sa katawan. Nang bumalik ako sa realidad saka ako nagmadaling bumalik ng kuwarto at binalot ang katawan ko ng tuwalya saka kinuha ang walis at bumalik sa may pintuan. Pero pagbalik ko, wala na siya doon.
"Umalis na ba siya?" tanong ko sa sarili habang nakatutok ang hawak kong walis sa kung saan. Ilang segundo pa akong naghintay pero wala na akong nakikita o naririnig na kakaiba kaya minabuti ko nang ibaba ang walis na hawak ko. Napabuntong-hininga ako dahil mukhang umalis na ’yong multo. Multo ba ’yon o white lady?
"Pakiramdam ko nababaliw na ako," iling ko saka tumalikod para sana bumalik ng kuwarto pero nagulat ako nang makita ang babaeng duguan na naka-upo sa sahig ng pintuan. Nakaharang ito sa daan. Kaagad kong itinutok sa kanya ang walis.
Akala ko umalis na siya. Tang ina naman. Nakatitig lang ito sa akin, ni hindi man lang kumukurap. Nakakatakot talaga ang hitsura niya. Puro dugo ang mukha at mga damit, tapos sobrang putla pa ng kutis.
"Takot ka ba sa’kin? O takot ka sa multo?" tanong niya bigla. Napalunok ako.
"H-hindi! Kaya umalis ka na!" sigaw ko. Napa-atras ako bigla nang tumayo ito at naglakad papunta sa kinatatayuan ko.
"'W-wag kang lalapit! Binabalaan kita!" sigaw ko pa, pero parang wala itong naririnig dahil patuloy lang ang paglalakad papunta sa akin. Mas lalo pa akong napalunok.
Halos hindi ko nagawang kumurap nang makalapit na ito sa akin. Dahan-dahan niyang inilapit ang mukha niya sa mukha ko na halos isang dangkal na lang ang agwat. Nakatitig ito sa mukha ko, bumaba sa ilong, papunta sa mga labi ko na alam kong nanginginig na ngayon.
Ito na yata ang katapusan ko.
Napakurap ako nang ngumiti ito bigla.
"Takot ka nga sa akin," sabi niya sabay ngiwi. Magsasalita pa sana ako nang hinaplos ng malamig niyang daliri ang aking labi.
"Nanginginig ka. Gano’n na ba ako nakakatakot?" tanong nito pero hindi ko siya sinagot.
"Ok. Fine." Umatras na ito at gano’n. Na lang ang panlalaki ng mga mata ko nang bigla na lang magbago ang kanyang hitsura. Umiba ang damit nito, mula sa duguang damit hanggang sa maayos na puting dress hanggang tuhod. Umayos na rin ang duguan nitong mukha.
"Ok na? Hindi ka na takot sa’kin?" tanong niya. Pero hindi na ako naka-sagot dahil naramdaman ko na lang ang sarili kong bumagsak sa malamig na sahig.
---
Napamulat ako nang may maramdamang malamig na kamay na humaplos sa mukha ko. Pagmulat ko, babaeng sobrang puti ng mukha ang bumungad sa akin.
"Gising ka na, asawa ko!" nakangiti niyang ani. Nabigla ako kaya agad akong napabangon at umatras papalayo sa kanya. Akala ko panaginip lang ’yon. Totoo pala.
"Tuwing nagpapakita ako sa’yo, lagi ka na lang nahihimatay," dugtong pa nito. Nakatitig lang ako sa kanya at iniisip kung paano ako makakatakas.
"Asawa ko? Ayos ka lang?" tanong niya pa sabay wagay-way ng kamay sa harapan ko. Nakita kong bukas na ng kaunti ang pintuan papalabas ng apartment na ’to kaya mabilis akong tumakbo papalabas. Wala na akong pake-alam kung naka-tuwalya lang ako. Ang gusto ko lang ay makawala sa babaeng multong ’yon.
Mabilis kong tinungo ang elevator at halos masira na ’yon sa bilis ng pagkaka-pindot ko.
"Bilis na. Magbukas ka na," natataranta kong ani.
"Eh, kung magbihis ka muna kaya?" May nagsalita sa gilid ko. Pagharap ko, iyon na naman ang babaeng multo. Biglang bumukas ang elevator pero pagharap ko, may mga tao pala at nakatingin sila sa akin, lalong-lalo na sa suot ko. Nahiya ako bigla sa sarili ko pero sa sobrang takot ko, pumasok na lang ako at sumiksik sa pinaka-dulo ng elevator habang nakayuko.
Pinagtitinginan nila ako pero wala na akong pake-alam doon. Kailangan kong makalabas dito.
"Ang init naman dito." Napatingin ako sa gilid ko nang may magsalita. Gano’n na lang ang gulat ko na ’yong babaeng multo pala ang katabi ko. Napa-atras ako sa gulat kaya nabunggo ko ang isa sa mga kasama ko sa elevator. Sumama ang tingin nito sa akin kaya mabilis akong humingi ng paumanhin. Napilitan akong umusog pabalik sa pwesto ko. Napapikit na lang ako sa takot.