Halos masabi ko na lahat ng dasal na alam ko sa utak ko pero hindi pa rin nawawala ang panginginig ng tuhod ko, lalo pa at nararamdaman kong nandito pa rin siya sa tabi ko.
"Saan ka ba pupunta? Magbihis ka muna kaya?" bigla nitong sabi.
"Jusko, Lord. Kung ano man ang naging kasalanan ko, patawad po," bulong ko ng paulit ulit.
"Hoy." Kinalabit niya ako. Dahil sa gulat, napa sign of the cross pa ako. Taka tuloy na nakatingin sa akin ang mga kasama ko.
"Lord, patawarin mo na ako, ayoko pang mamatay," bulong ko ulit.
"Hoy, kausapin mo naman ako," pagsasalita niya pa bigla. Mas lalo pang humigpit ang pagkakahawak ko sa tuwalya ko. Huminga ako nang malalim. Pinipilit kong hindi isipin ang lahat ng nangyayari ngayon.
"Wala ito. Nananaginip lang ako," sabi ko sa sarili. Huminga ulit ako nang malalim.
"Walang multo. Gutom lang ’to, Carlos. Tama, gutom lang ’to," dugtong ko pa. Kailangan kong isiping normal lang ang lahat dahil parang mababaliw na ako.
"Asawa ko," tawag ng katabi ko. "Alam kong naririnig mo ako. Kausapin mo naman ako," naririnig ko pang ani niya.
Ok lang ’yan, Carlos. Guni-guni mo lang ’yon. Baka gutom lang talaga ako kasi hindi pa ako nakakapag almusal at kaya kung ano ano na ang nakikita at naririnig ko. Pero hindi naman ako nakakaramdam ng gutom.
Oh baka…
"Sandali," napatulala ako.
"Ayos ka lang?"
Napalunok ako sa isiping iyon.
"Hindi kaya," napalunok ulit ako.
"Nababaliw na ako?" sigaw ko, dahilan upang mapatingin silang lahat sa akin, ’yong tingin na aakalain nilang baliw na nga ako.
"Hindi!"
Ayoko pang mabaliw. Nataranta ako sa isiping iyon. Bigla na lang bumukas ang elevator kaya mabilis akong lumabas. Dumiretso ako sa may guard.
"Pahiram akong telepono," habol hininga kong bungad sa guard. Taka naman itong tumingin sa akin at sa suot ko.
"Ok lang ba kayo, sir Carlos?" tanong nito sa akin.
"Telepono," sabi ko na lang. Dali dali naman nitong ibinigay sa akin ang telepono. Diniyal ko ang numero ng kaibigan kong pulis, mabuti naman at sumagot ito kaagad.
"Oh? May problema ba, Santiago?" bungad niya sa kabilang linya.
"Jam, pakiramdam ko nababaliw na ako," sabi ko rito.
"Ha? Pinagsasabi mo?"
"Nakakakita na ako ng multo sa apartment ko. Anong gagawin ko, Jam?"
"Naka droga ka ba o ano? Kulang siguro tulog mo."
"Seryoso ako!"
"Ikain mo na lang ’yan. Tsaka mamaya na, andiyan si Chief."
"Sandali lang, Jam–"
"Carlos, kung minumulto ka man, hayaan mo na lang. Magpanggap kang hindi mo nakikita. Gano’n lang kadali ’yon."
"Pero Jam, hello? Jam!" Napapikit ako sa inis nang babaan ako nito ng telepono.
"Tangina naman oh," inis kong binalik ang telepono.
"Ok lang ba kayo, sir Carlos?" tanong ulit ng guard pero pilit na ngiti na lang ang sinagot ko.
Napatingin ako sa singsing na suot ko pa rin. Pinilit kong tanggalin ito pero tila nakadikit na ito sa daliri ko. Inis akong napakamot sa ulo. Itong singsing yata ang nagdala ng multo sa bahay ko. Huminga ako nang malalim saka bumalik sa elevator para bumalik sa apartment ko. Wala na akong pake alam kung nandoon pa ang babaeng ’yon. Basta gusto ko lang magbihis at umalis dahil ipapatanggal ko itong singsing.
Mas lalo akong minalas dito.
Bakit pa kasi tinanggap ko pa ’to.
Mabilis akong nagbihis at kinuha ang susi ng motor ko. Pero hindi pa ako nakakalabas nang makita kong naka upo ang babaeng multo sa sofa sa sala.
"Saan ka pupunta?" tanong niya.
"Wala kang naririnig o nakikita," paalala ko sa sarili. Nagtuloy tuloy ako sa paglalakad hanggang sa pintuan. Binuksan ko ito pero biglang lumitaw sa harapan ko ang babae. Pinilit kong magkunwaring hindi ito napansin kahit na nanginginig na ang tuhod ko.
"Asawa ko. Hoy. Heyyy. Hindi mo ba ako nakikita? Hello?" Kumaway kaway pa ito sa harapan ko pero pinagpatuloy ko ang paglalakad palabas ng pintuan. Nagsitaasan pa ang balahibo ko nang tumagos ang katawan ko sa kanya.
Kailangan ko talagang mapatanggal itong singsing at magdadala na rin ako ng espiritista. Kailangan kong mapa-alis ang babaeng ’yon sa apartment ko.