"Totoo ba ang kumakalat na tsismis?"
Napaangat ang kilay ni Esme sa bungad na tanong sa kanya ng kaklase niyang si Marie Cris habang kasabay niya ito at ng isa pa nilang kaklase na si Jessa na naglalakad sa covered walk patungo sa unang klase nila sa umaga. Kakatapos lamang ng holidays at unang pasok nila ngayon sa Mt.Carmel's College sa unang buwan ng taon.
Bachelor of Science in Business Administration ang kursong kinukuha nila at parehong graduating na sa susunod na taon.
Tinanggal niya ang lollipop na nasa loob ng bibig niya. "Anong tsismis? Tungkol saan?" Aniya. Dalawang magkasunod na araw siyang pinagbantay ng mga magulang niya sa tindahan nila dahil kinailangan ng mga itong lumuwas ng Maynila upang makiramay at makilibing sa isang namatay nilang kamag-anak.
Naging busy siya sa pagkakahera kaya wala siyang panahon upang magbukas ng kanyang social media account. Nahuli tuloy siya sa tsismis na tinutukoy ng kaklase.
"Saan pa e di tungkol sa'yo."
Nangunot ang noo niya. "What? At ano naman iyon?"
"Na engaged ka kay Jackson King Degala."
Halos sabay na nanlaki ang mga mata at umawang ang labi ni Esme. Paano nakaabot sa kaalaman ng mga ito ang tungkol sa bagay na iyon? Sa pagkakaalala niya ay wala naman siyang pinagsabihan ni isa sa mga kakilala niya. Sino ang mahadera at malakas ang loob na nagkalat?
"S-saan niyo nalaman iyan? Sinong may sabi?"
"Sa sss post ni Shiela Mae Ambrosio. Hindi naman kami friends no'n sa sss pero maraming nagshare ng post niya na taga Mt.Carmels kaya mabilis kumalat."
Binuksan nito ang cellphone nito at ipinakita sa kanya ang tinutukoy na post. Nanlumo siya. Si Sheila Mae ay walang iba kundi ang anak ni Cora na kasambahay ng mga Degala. Nasa paligid lamang ito ng gabing iyon nang inanunsiyo ng kanilang mga magulang ang tungkol sa engagement nila ni Jackson kaya hindi nakapagtatakang alam nito.
"So ano nga? Tell us, may katotohanan ba iyon?" Usisa ni Jessa. "Alam mo naman na hindi kami mahilig pumatol sa fake news. Gusto namin na marinig mismo mula sa'yo ang confirmation."
Napahugot ng isang malalim na buntong hininga si Esme. Kumalat na sa socmed ang balita kaya wala siyang choice kundi umamin na lamang sa mga kaibigan. "Kahit ako ay nagulat rin sa anunsiyo nila. Dahil marahil nabigo sila kay ate Ramona at kuya Ericson ay kami naman na dalawa ni Jackson ang ipinagkasundo nila. So yeah, totoo ang tsismis. E-engaged nga kami."
Ang akala niya ay makikisimpatya sa kanya ang mga kaibigan ngunit sa halip ay umaliwalas pa ang mukha ng mga ito at tuwang tuwa na nagtilian. Halos magkapanabay na binati pa siya ng congratulations.
Nawierduhan tuloy siya. "Bakit tuwang tuwa pa kayo? Namo-mroblema na nga ako sa sitwasyon ko e."
"Bakit ka namo-mroblema? Ang suwerte suwerte mo nga e. Nakakainggit ka. Imagine, ikaw na kaibigan namin ay magiging future maybahay ni Jackson King Degala. Aba, daig mo pa ang naka-jackpot sa lotto niyan."
"Oo nga. Bukod tangi kang pinagpala ni Lord kasi binigyan ka niya ng saksakan ng pogi at hot na mapapangasawa!"
Napangiwi si Esme. Nakalimutan niya na hearthrob nga pala ang turing kay Jackson ng buong Mt.Carmel. Halos lahat ng mga estudyanteng kababaihan at maging ng mga binabae ay crush ito. Kabilang na sina Mari Cris at Jessa sa matagal nang pumapantasya rito, puwera lamang sa kanya.
"Hindi ko pinangarap na maikasal sa mayabang na Jackson na iyon, no. Mas gugustuhin ko pang maging old maid na lang kesa ang maikasal sa kanya."
"Hay naku, patawa ka naman e. Alam mo, tingin ko ay masyado ka lang nabigla sa engagement niyo kaya mo nasasabi iyan," ani Mari Cris na bumungisngis. "Take your time, girl. Later on ay matututunan mo ring tanggapin ang lahat that you're going to be the future Mrs. Degala. Basta ay masaya kami para sa'yo. Huwag mo kaming kakalimutan ni Jessa na isama sa wedding entourage nyo, ha? Pwede mo kaming kuning flower girls o di kaya ay bridesmaids, or isa sa amin ay maid of honor mo. Magbaba-bato-bato pick na lang kami para fair."
Hinawakan ng mga ito ng tig-iisa ang magkabilang braso niya habang nagpatuloy sila sa paglalakad.
"Kailan ba ang wedding date para mapaghandaan namin. Next year ba after ng graduation natin or next next year pa?" Excited na tanong ni Jessa.
"Wala pa. Wala pa naman silang binabanggit–teka, ang advance naman ng mga sinasabi niyo. Engagement pa lang naman e. Marami pang pwedeng mangyari, okay? May posibilidad nga na baka hindi pa matuloy iyon. Umaasa pa rin ako na mag-iiba ang ihip ng hangin at magbabago pa ang isip ng mga magulang ko."
Tinawanan lamang ni Mari Cris at Jessa ang tinuran niya. Hanggang sa makarating sila sa kanilang classroom ay patuloy pa rin siyang kinukulit ng mga ito tungkol sa engagement. Parang gusto na lamang tuloy niyang magtakip ng tenga.
Sumagi sa isipan niya ang kanyang ate Ramona. Gusto niyang hingin ang tulong nito. Ito naman talaga at si Ericson ang unang ipinagkasundo. Baka kung sakaling umuwi ito ay magbabago pa ang isip ng mga magulang nila. Ngunit ang problema ay ilang araw niya na itong tinatawagan sa cellphone number na iniwan nito sa kanya noon bago ito naglayas at hindi niya ito ma-contact
Dahil masyadong binabagabag ng alalahanin ang isipan ni Esme ay na-dismissed ang klase nila ng hindi halos niya namamalayan. Wala rin siyang halos naunawaan sa lecture ng kanilang teacher. Buti na lang ay hindi ito nagbigay ng quiz pagkatapos dahil paniguradong wala siyang maisasagot kapag nagkataon.
Nag-aya ang mga kaibigan niya na mag lunch sila sa canteen at tumango lamang siya.
"Ano ba 'yan. Hindi na naman available ang menudo na paborito ko," nakabusangot na sabi ni Jessa habang nasa paying counter sila at pumipila. "Sige, miss iyang pork giniling na lang, isang rice at isang sofdrink. At saka pahingi na rin ng libreng sabaw." Bumaling ito sa kanila. "Kayo, anong order niyo?
"Gano'n na din ang sa akin," tila tinatamad na sagot ni Mari Cris habang ang atensyon ay abala ng pagtipa sa cellphone nito.
"Dalawang rice, beef steak, bola bola, dalawang lumpiang gulay at iced tea ang sa akin," sagot naman niya. "And pahingi na rin ng sabaw–at pa-add ng isang egg pie."
"Ba't ang dami naman?"
"Ha e...Hindi kasi ako nakapag-almusal kanina e. Kailangan kong mag heavy meal." Sa pagmamadali ni Esme ay tanging isang baso ng gatas lamang ang laman ng sikmura niya nang umalis siya ng bahay nila kanina kaya ramdam niya ang matinding gutom.
Pagkatapos magbayad at makuha ang kanilang mga order ay inukupa agad nila ang unang bakanteng mesa na nakita nila. Nagsimula na silang kumain. Ngunit nakakadalawang subo pa lamang siya ng kanin ay bumagal ang pagnguya niya. Natigilan siya.
Ipinagtaka niya kung bakit panay ang sulyap sa gawi nila ng mga estudyante sa paligid, partikular na sa isang grupo ng mga kababaihan mula sa kabilang mesa na napagsino niyang si Ava Boromeo at ang mga kaibigan nito.
Anong problema? Bakit tila kakaiba ang mga tingin na ipinupukol ng mga ito sa kanila–sa kanya to be exact.
Nasagot ang kanyang mga katanungan nang mag-usap-usap ang mga ito na halatang sinadyang lakasan ang mga boses upang marahil ay marinig niya.
"Omg, siya ba iyong Esme, Ava? Seriously? E hindi naman 'yan kagandahan."
"I know right. She looks very plain. Ang bantot pa ng pangalan. Saka kung kumilos ay daig pa ang maton. I know Jackson will never fall for that girl. Hindi sila bagay."
"Korek. Kaya huwag na tayong magulat kung sakaling mag-back out si Jackson sa engagement nila. For sure ay napipilitan lamang siya sa ngayon na maging sunod sunuran sa gusto ng mga magulang niya."
"Agree."
Naglapat ang mga ngipin ni Esme habang pilit na pinapakalma ang sarili. Malinaw na siya at ang tungkol sa kumakalat na engagement nila ni Jackson ang pinag-uusapan ng grupo ni Ava.
Plain raw siya at hindi kagandahan. Kulang na lang ay sabihin ng mga ito na ang pangit niya.
Inaamin naman niya na hindi niya ka level ang ganda ng mga ito. Lalo na ni ava na tinanghal bilang Miss Mt.Carmels kamakailan lamang noong intramurals nila.
Kasalanan niya ba kung hindi siya katulad ng mga ito na mahilig mag-ayos? Tanging sun's screen cream at lip tint lamang ang ipinapahid niya sa mukha sa tuwing pumapasok siya ng eskuwela. Simple lamang din siya kung manamit. Kapag naka free style ay maluwang na blouse, jeans or cargo pants at rubber shoes lamang ang kadalasang isinusuot niya.
Iyon ang trip niya e, doon siya komportable. At bibihira lamang din ang mga pagkakataon na nagbebestida siya.
Mestiza si Ava at mga kaibigan niya. Samantalang si Esme ay morena–ngunit makinis naman. Aba, alaga yata ng moisturizing cream ang balat niya mula pagkabata. Halos hindi siya pinapadapuan ng ensekto ng Mama niya. Takot rin itong magalusan siya kaya nga sa loob ng bahay nila ay pajama lagi ang suot niya. Maipagmamayabang niya na walang kapeklat peklat ang legs niya.
Nakita niyang nagsitaasan ang kilay ng kanyang mga kaibigan sa pagpaparinig sa kanya ng mga nasa kabilang mesa.
"Naku, huwag mong pansinin ang pinagsasabi ng mga empaktang 'yan, Esme," ani Mari Cris sa kanya ng pabulong. "Inggit lang ang mga iyan sayo dahil nalaman nila ang tungkol sa ugnayan mo kay Jackson. Lalo na 'yang Ava. Pakiramdam niya ay inagawan mo siya ng prince charming."
"Oo nga," segunda naman ni Jessa. "Matagal na silang naglalandian ni Jackson pero hanggang ngayon ay walang progress kung ano talaga ang real score sa pagitan nila. Ni minsan ay never naman inamin ni Jackson na may relasyon sila. Tapos ngayon ay malalaman niyang engaged na si Jackson sa iba. Aba syempre masakit iyon para sa kanya."
"Deserved niya naman iyon. Napakataas kasi ng tingin niya sa sarili niya, napakayabang. Akala mo kung sinong dyosa e makapal na make up lang naman ang nagpapaganda sa kanya at saka ang kaputian niya. Samantalang ikaw ay natural beauty. Kulang ka lang sa make over, Esme. Kapag naayusan ka ay tiyak na lalabas din ang angkin mong ganda."
"Talaga?" Natawa na lamang siya sa komento ng mga kaibigan. Ipinagpagpatuloy niya ang kanyang pagkain habang nakikinig sa chika ng mga ito. Gutom na talaga siya.
Tama si Mari Cris, na hindi dapat siya magpaapekto sa pagpaparinig sa kanya ng grupo ni Ava. Hindi niya naman ginusto na maenggaged sa lalaking gusto nito. Dapat siguro ay sanayin niya na ang sarili. Bukod kay Ava ay tiyak na marami pang mga babae na matindi ang inis sa kanya ngayon.
Kasalanan itong lahat ni Jackson.
Pagkaalala sa binata ay biglang sumagi sa isipan niya ang reaksiyon nito noong gabing inanunsiyo ng mga magulang nila ang tungkol sa engagement. Parang wala lamang itong narinig at parang walang pakialam. Habang nagulatang siya sa anunsiyo, ito naman ay chill lamang sa kinauupuan nito.
Ang ibig bang sabihin noon ay hindi ito tutol?
Ah hindi pwede! Kailangan niya itong makausap ng sarilinan.