CHAPTER 1

1563 Words
Jonga's POV: "Maraming salamat sa pakikinig. Huwag niyong kakalimutan ang inyong takdang-aralin ha. Kailangan printed, colored, at nakalaminate. Kapag may gusot o gasgas ay hindi ko tatanggapin," sabi ni Prof Vergara. Nagring na ang bell kaya nagsitayuan na kami. Napakamot naman ako sa ulo at napahilamos sa mukha. Saan ako nito kukuha ng pampaprint? Ni pamasahe nga ay wala ako! "Oh pre, bakit parang pinagbagsakan ka na naman ng langit at lupa?" tanong ni Chog sa akin. "Hoy Chog, tigilan mo nga ako. Wala ako sa mood ngayon," inis kong sabi. "Hoy ka rin, Jonga. Huwag mo akong tawaging Chog at panira sa chix! Reynald o Rey ang itawag mo sa akin, ang bango-bango ng pangalan ko eh. Ang napakagwapong si John Reynald Alviar!" sigaw pa ni Chog. Napailing na lang ako at isinukbit ang aking bag. Muntik ko pang maibato ang upuan ko nang bumukha ang zipper ng bag ko at masira. "Putang ina, konti na lang talaga. Yayaman din ako pagdating ng panahon," timpi kong sabi. "May extra akong bag sa bahay, iyo na lang. Bigay noong eleksyon ni Kap Milar, hindi ko pa naman nagamit. Ang angas pa nga ng style," alok ni Chog. "Salamat pre, pasensya na ah. Sabay tayo palabas tapos deretso na ako sa prutasan nila Ching para magtinda. Alam mo na, walang kakainin si Jeric at Kinchay. Naggagamot pa si tatay ngayon," buntong hininga kong sabi. "Sige pre, tulong ako sa inyo pagsweldo ko kay Tiyang Cora. Ingat ah, ikumusta mo na lang ako sa kanila," sabi ni Chog kaya tumango ako. Sabay kaming lumabas ng Bernardo Senior University ni Chog pero umiba na ako ng daan. Sapo ko pa ang ilalim ng bag kong sira na ang zipper. Lintik na ito, ang galing ng timing. 4th year college na ako ngayon. Kumuha ako ng kursong Biology dahil gusto ko sanang magdoktor kung papalarin, kung hindi pasyente na lang. Wala kasi kaming pera at scholar ng bayan lamang ako. Tumigil pa ako ng isang taon dahil sobra kaming kinapos. Laki ako sa hirap simula kabataan. Sa squatter lamang kami nakatira pero masaya. Madami ngang nagtataka kung bakit daw napakagwapo ko kahit mahirap lamang kami. Amerikana raw kasi ang nanay ko sabi ni tatay, wala naman akong pake sa ina namin dahil pinabayaan niya kami. Sanggol pa lamang yata ako nang iwan ako ni nanay. Si tatay na ang nagpalaki sa akin kasama ang dalawa, si Kinchay at si Jeric, na inampon namin. Mga batang lansangan silang magkapatid, kami na ang kumupkop. Muntik pa akong masubsob sa gutter dahil nadulas ako. Napabuntong hininga na lang ako at pinigilang magwala. Sobra na ako sa pag momonologue. Konting lakad pa ay narating ko na ang palengke. Pumasok naman ako sa prutasan ng amo kong si Manang Bireng at nagtanggal ng polo. "Jonga, gusto mo ako na ang magtanggal?" tanong ni Ching at nagbeautiful eyes sa akin. Napangiwi naman ako at lumayo sa kaniya. Pinagpagan ko naman ang balikat kong hinawakan niya. Bente pa lang si Ching at anak ni Manang Bireng. May gusto siya sa akin simula noong pumasok ako sa kanila. Naiirita na talaga ako sa bungal na iyan at gusto ko na umalis dito. Kung wala lang talaga akong utang kay Manang Bireng! "Ako na, kaya ko na. Tigilan mo nga ako Ching," saway ko sa kaniya. Pagkahubad ko ng aking polo ay isinabit ko iyon sa gilid. Lumabas naman na ako at nagtawag ng mga mamimili. "Bili na kayo! Prutas kayo r'yan! Masarap at fresh na fresh pa!" sigaw ko habang nagtatali ng panyo sa aking ulo. Nakita ko naman ang mga babaeng namamalengke na halos maglaway na sa akin. Kinindatan ko naman sila kaya nagtilian ang mga ito. Kaagad akong nakahakot ng customer at may iba pang nagbigay ng tip. Nakakadalawang daan na rin ako sa tip, dagdag pa ang sahod ko mamayang 150. Ayos na rin, may panggawa na ako ng assignment at pangkain namin. Nang matapos ang duty ko kay Manang Bireng ay sumaglit ako sa botika. Bumili ako ng gamot ni itay na umabot sa halagang 150. Ayos pa rin, may 200 pa ako pambili ng pagkain namin. Napadaan naman ako sa mga maggugulay at nanghingi ng mga itatapon na sanang gulay. Naghanap ako ng pwede pang iluto at nagpasalamat sa kanila. Alas tres ako umawas pero alas otso na ako ngayon nakauwi. Dito pa lang sa labas ng bahay namin ay rinig ko na ang malakas na pag-ubo ni tatay. "Kuya Jonga! Si tatay kanina pa po umuubo. Hindi po namin alam anong gagawin namin ni Kuya Jeric," umiiyak na sabi ni Kinchay. "Ako na ang bahala kay tatay, iluto niyo muna ito. May sinaing pa ba tayo?" tanong ko sa dalawa. "Wala na po kuya, ako na ang bibili," sabi ni Jeric at inilahad ang palad niya. Nag-abot ako sa kaniya ng singkwenta. Matapos kong utusan ang dalawa ay bumaling ako kay tatay. "A-Anak, kumusta ang pasok mo? Huwag mong papabayaan ang pag-aaral mo ha," sabi ni tatay. "Oho, magaling ho ako sa school. Ito ho ang gamot niyo inom na kayo," sabi ko. "Salamat Jonga, maasahan ka talaga. Alam kong hindi na ako magtatagal, alagaan mo ang mga kapatid mo ha. Huwag mo silang papabayaan pati ang pag-aaral mo," bilin ni tatay. Pinigilan kong maiyak. Ayaw kong nagpapakita na mahina ako dahil sa akin sila kumakapit at kumukuha ng lakas. May stage 3 lung cancer si tatay. Kaya ako tumigil noon para makapagtipid kami at maipagamot siya pero hindi talaga kaya ng pera namin. Pinainom ko na si tatay ng gamot pagkatapos naming kumaing pamilya. Pinatulog ko na rin ang mga bata habang nakinig muna ako sa radyo ng aking cellphone. "Ayon sa datos, tumaas na mahigit sa limang daan ang may Namseong Virus o NamV-25 sa South Korea. Nasa isang libo naman na ang may sakit mula sa Saudi Arabia, USA, Thailand, Vietnam, Egypt at Puerto Rico. Kontrobersiyal pa rin kung bakit tanging tinatamaan lamang ng sakit ay ang mga kalalakihan. Inaalam na ito ngayon ng IHO upang bigyan ng pansin," balita ng reporter. Napakunot naman ang aking noo. Namseong Virus? Parang narinig ko na iyan noon kay Chog. Nakakatakot daw iyon dahil kaming mga lalaki lamang ang tinatamaan, hindi naman ako makapaniwala sa kaniya ngunit talagang totoo pala. Nagkibit balikat na lang ako at pinatay ang radyo. Kaya naman nila iyang lutasan, sila pa ba. Mas namomoblema pa ako ngayon sa kakainin ng pamilya ko. Humiga na ako sa papag katabi ni Kinchay at Jeric. Itinaas ko naman ang aming kumot na tatlo. Pumikit na ako at sinubukang matulog. Paniguradong pagod na naman ako bukas. – "Magkano ho lahat?" tanong ko. "75 lang iho, kasama na iyong oras mo sa pagcocomputer," sagot ng mamang may-ari nitong internet cafe. "70 na lang ho kuya sige na. Wala na ho kasi akong pamasahe mamaya," pambabarat ko. Pumayag naman ang mama kaya laking tuwa ko. Aba, malaking tipid na para sa akin ang limang piso. May natira pang singkwenta pesos sa kinita ko kahapon. Sampung piso na lamang pambili ng kikiam ang ibabawas ko mamaya na pang-ulam ko. Nagbigay pa kasi ako ng baon sa dalawa at nag-iwan ng pera kay tatay. Pagkarating ko sa BSU ay nag-aral na akong mabuti. Ayos na ako sa palagi kong top 2 na pwesto, ang mahalaga ay may scholarship pa rin ako. Napagod ako sa buong araw na klase. Pagdating ko pa sa palengke ay siksikan ang mga tao. "Ching, anong mayro'n?" tanong ko dahil nagtutulakan pa ang mga tao. "May libreng bakuna kasi sa center, ewan ko kung para saan. Laban yata sa bulutong o Influenza o libreng flu vaccine," sagot ni Ching. Nagkibit balikat na lang ako at nag-ayos na para sa trabaho. Marami akong pinoproblema at ayaw ko nang isipin iyan. Maaga kaming nagsara dahil matumal ang mga bumibili dahil nasa center ang karamihan. Napagdesisyunan ko namang umuwi na. Dumaan ulit ako sa botika para bumili ng gamot sa sakit ng ulo. Pagkarating ko ay may mamang nakaitim pero hindi ko siya pinansin. "Iho, sa iyo na ito. Mukhang kailangan mo eh," sabi ng mama at inalog ang hawak niyang pouch. Ibinato niya ito sa akin kaya sinambot ko. Nagkibit balikat naman ako at binuksan ito. Maraming pera sa pouch kaya nanlaki ang mata ko. Bigla naman akong nakarinig sa likod ko nang kasa ng baril. "Itaas mo ang iyong kamay! Huwag kang kikilos ng masama dahil magpapaputok kami!" sigaw ng isang pulis sa likod ko. Sa taranta ko at gulat ay naibato ko ang pouch at nagtaas ng kamay. Pinosasan naman nila ako. "W-Wala ho akong kasalanan! Inabot ho sa akin nung mama kanina iyong pouch!" sigaw ko. "Manahimik ka! Kayong mahihirap ang kapal ng mukha niyong gumawa ng masama!" sigaw nitong matabang mamang pulis. "Hindi ho porket mahirap kami, kami na ang pagbibintangan niyo! Mga gago pala kayo eh!" inis kong sigaw. "Aba, matapang ka pa ha!" sigaw niya pabalik at hinampas ako ng batuta sa tiyan. Napa-aray ako at lumayo. Sunod-sunod naman akong pinagpapalo nitong tatlong pulis hanggang sa manlabo na ang paningin ko at matumba ako sa sahig. "Tangina ka, bubulukin kita sa kulungan," sabi nitong mamang pulis at hinampas ako sa ulo ng baril. "J-Jeric... K-Kinchay..." nahihirapan kong tawag sa mga kapatid ko bago ako mawalan ng malay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD