CHAPTER 02

2144 Words
       “WOW...” Mahinang bulalas ni Kenzo nang may huminto na isang black Porsche Carrera S sa harapan niya. Napasipol siya dahil ang tingin niya sa sasakyan ay isang elegante at sexy na babae. Mahilig sa sasakyan si Kenzo. Marunong siyang tumingin sa mamahalin at hindi dahil sa kapag free time niya ay palagi siyang nasa Google at Youtube para magtingin ng mamahaling sasakyan. Luxury cars, to be exact. Iyon nga lang ay wala siyang pambili ng mga ganoong sasakyan. Kahit nga bisikleta ay wala siya tapos luxury cars pa kaya. Ngunit hindi siya nawawalan ng pag-asa na darating ang araw na magagawa na niyang bilhin hindi lang mamahaling mga sasakyan kundi lahat ng bagay na gusto niya. Nasa labas ng isang coffee shop si Kenzo ng gabing iyon. Magkakalahating oras na siyang nakatayo roon. Napakagwapo niya sa suot na black tuxedo na nabili niya sa isang ukay-ukay. Maayos na naka-brush up ang buhok niya na kasing-itim ng sasakyan sa kaniyang harapan. Faded ang gilid ng buhok niya para malinis tingnan. Inahit niya rin ang kaniyang balbas at bigote. Bagay kay Kenzo ang kaniyang kasuotan. Lahat naman yata ng damit ay bumabagay sa kaniya. Matangkad kasi siya. Ang taas niya ay limang talampakan at labing-isang pulgada. Sayang. One inches na lang at papalo na siya sa pagiging six-footer. Medium-built ang katawan niya at dahil sa paminsan-minsan na pagpunta niya sa bakal-gym o mumurahing gym na malapit sa bahay nila ay nagkakaroon na siya ng abs. Toned ang kaniyang mga braso at dibdib. Makapal ang mga kilay ni Kenzo. Ang mata niya na may kalakihan at tila palaging nangungusap ay namana niya sa tatay niya na isang Arabo. Matangos ang ilong niya at natural na mapula ang labi. Ang pagiging balbon ay namana niya rin pala sa tatay niya. Hindi na niya ito nakita kahit noong bata siya. Ayon sa nanay niya ay nawala itong parang bula noong malaman nito na buntis ang nanay niya. Isang hindi na bagong kwento pero totoo. Muling pinasadahan ni Kenzo ng tingin ang mamahaling kotse. Nangingintab iyon. Halatang alaga sa linis. Gandang-ganda talaga siya sa naturang sasakyan! Mula sa driver’s seat ay bumaba ang isang lalaki na nakasuot ng black polo and pants. Akala mo ay isang lamay ang pupuntahan nito. May edad na ang lalaki. “Manong Vince!” Nilapitan niya ito at tinapik sa balikat. “Angas ng kotse na minamaneho mo ngayon, a. Iyan na ba ang sundo ko?” “Ano pa nga ba? Ang sabi ni Senyora Mathilda ay ito ang ipangsundo ko sa iyo papunta sa party. Kilala mo naman iyon. Ayaw kang magmukhang kaawa-awa!” “Thank you naman! Astig!” Siya kasi ang escort ng kaniyang nobyang mayaman na si Senyora Mathilda Cohen sa isang party na pupuntahan nito sa The Manila Hotel. Mula Calamba, Laguna ay talagang ipinasundo siya nito para lang makadalo siya. Ang sabi niya kasi ay wala siyang pamasahe papunta roon kaya ito na ang gumawa ng paraan para makasama siya nito sa party. Magdadalawang buwan na ang relasyon nila ni Mathilda. Nag-match sila sa Tinder at agad siya nitong inaya sa Okada Manila para sa kanilang first meet-up. Matanda na si Mathilda. Sixty-one years old na pero kahit paano ay batang tingnan sa edad nito. Mestisa at elegante. Nagmumurang-kamatis. Biyuda at walang anak. Ubod ng yaman! Ang pagiging mayaman at galante ang nagtulak kay Kenzo upang pumayag na maging boyfriend nito kahit ang lumalabas ay sugar mommy niya ito. Ganoon pa man, wala pang naibibigay na malaking halaga ng pera si Mathilda sa kaniya. Palagi lang siya nitong dinadala sa mamahaling lugar o kaya ay restaurant. Hinihimas pa niya si Mathilda at kapag hulog na hulog na ito sa bitag ng kaniyang kagwapuhan ay saka niya ito gagatasan. Sumakay na si Kenzo sa mamahaling kotse. Nauna pa siya kay Manong Vince sa sobrang excited niya na ma-experience na makasakay sa ganoong uri ng sasakyan. Sa tanang ng buhay niya ay ngayon lamang siya makakasakay sa ganoong model ng kotse. Sobrang kumportable ng upuan. Kahit ang pag-andar ay sobrang swabe. Hindi niya nararamdaman ang pag-usad ng sasakyan. Malapad ang ngiting isinandal ni Kenzo ang likod sa malambot na sandalan. Iginala niya ang nagniningning na mata sa kabuuan ng loob ng sasakyan. Bawat sulok niyon ay nagsusumigaw ng karangyaan ng kung sino man na nagmamay-ari niyon. Imposible man sa kasalukuyan ay ipinapangako niya na darating ang araw na mararanasan niya ang ganitong karangyaan. Iyong hindi na niya kailangang kumapit sa mayayaman na tao para panandaliang ma-experience kung paano ang maging mayaman. Iyong may sarili na siyang pera na hindi galing sa bulsa ng ibang tao kagaya ni Mathilda. Iyong maipagmamalaki na niya na meron siyang sariling bahay, lupa, negosyo at mga sasakyan. Siyempre, kasama niya ang nag-iisang babae sa buhay niya—si Rhian. Makalipas ang ilang sandali ay huminto na sila sa harapan ng isang hotel. May mangilan-ngilang tao sa labas na nakasuot ng mamahaling kasuotan. Ang mga lalaki ay nakasuot ng suit habang ang mga babae ay evening gown na akala mo ay lalaban sa isang malaking beauty pageant. Confident na bumaba si Kenzo sa sasakyan. Napansin niya ang ilan na nakatingin sa sasakyan kung saan siya bumaba. Iba talaga kapag mamahalin ang gamit mo. Hindi ka mahihiyang ipakita sa mayayamang tao! Pakli ni Kenzo sa sarili. Taas-noo siyang naglakad papasok ng hotel. Sa entrance ay may isang magandang babaeng sumalubong sa kaniya. May hawak itong tablet. Tinanong nito ang pangalan niya at nang makita iyon sa guest list ay tuluyan na siyang pinapasok. Isang malaki at mahabang hallway ang nilalakaran niya. Sa gilid ay puno ng naglalakihang dingding. Kapag nagkaroon siya ng bahay ay gusto niya na merong malaking painting nila ni Rhian sa salas. Para kapag may bisita ay makikita agad kung gaano kagwapo at kaganda ang may-ari ng bahay. Aba, hindi sa pagbubuhat ng sariling bangko ay mukha talaga silang mayaman ni Rhian kapag nabibihisan nang maayos. E, kapag nga nakasuot sila ng normal ay mapagkakamalan na silang maykaya. Ano pa kaya kapag talagang pumorma sila? Nang malapit na siya sa malaking pinto papasok ng function hall ay inilabas niya ang cellphone na basag na ang screen para tawagan si Mathilda. Sa susunod ay ilalambing niya kay Mathilda na ibili siya ng bago. Ibinili na siya nito noong nakaraang linggo pero ibinigay niya iyon kay Rhian. Nagtataka nga si Mathilda kung bakit daw iyong lumang phone niya ang ginagamit niya. Sinabi na lang niya na na-snatch ang cellphone na ibinili nito. Humahanap lang siya ng magandang pagkakataon para makapagpabili ulit. Luma na kasi ang cellphone ni Rhian. Ayos pa pero lumang model na. Kaya nang makita nito ang cellphone na binili ni Mathilda ay hiningi nito. Balik tuloy siya sa luma. Siyempre, mahal na mahal niya ang kaniyang nobya. Hangga’t kaya ay ibibigay niya rito ang lahat ng gusto nito. Kahit siya pa ang mawalan. Ganoon niya kamahal si Rhian. “Hello, darling... Where are you? The party has just started.” Bungad ni Mathilda sa pagtawag niya. Sopistikada itong magsalita. Iyong parang matatandang mayaman na matapobre sa mga teleserye. Ganoon. “Naglalakad na ako papuntang function room.” Naririnig niya ang musika sa background. “Really? I’ll meet you at the door. Just wait...” “Salamat, darling. See you!” “See you, darling! I love you.” Agad nang pinutol ni Kenzo ang tawag na iyon. Iniiwasan niya talaga ang sumagot sa “I love you” ni Mathilda. Hindi niya kayang sabihin ang ganoong salita sa isang tao kung hindi niya ito mahal. Kay Rhian niya lamang pinaparinig ang mga katagang “I love you” at “Mahal kita”. Kay Rhian niya lamang kayang sabihin ang mga iyon. Nasa harapan na ng pinto ng function room si Kenzo. Alam niya na puro mayayaman ang nasa loob niyon at siya lamang ang naiiba. Ngunit hindi siya nahihiya. Kaya niyang makisama sa mga ito. Saka walang magkakamaling sabihin na mahirap sa kasuotan niya ngayon. Walang maghihinala na galing sa ukay-ukay ang damit niya. Magaling kaya siyang magdala ng damit. Walang duda. Hinawakan na niya ang kulay gintong door knob. Pinihit iyon at itinulak para mabuksan. Sumalubong sa kaniya ang malamyos na musika at mga taong lahat ay magara ang kasuotan. Medyo nagulat siya nang yumakap si Mathilda sa kaniya nang walang babala. “Finally! You’re here! My friends are excited to meet you, darling...” Bulong ni Mathilda sa tenga ni Kenzo. Naiilang na itinulak niya nang marahan ang babae. “Talaga? Hindi ba nakakahiya?” “Hmm...” Tiningnan nito ang kasuotan niya. “Walang nakakahiya sa hitsura mo, Kenzo. You look elegant and handsome. I am so proud na ikaw ang boyfriend ko. Maiinggit sila sa akin. That’s for sure!” Niyakag na siya ni Mathilda sa mga sinasabi nitong mga kaibigan. Umupo sila sa pabilog na table na merong limang babaeng nakaupo na mukhang hindi nalalayo ang edad kay Mathilda. Mga mukhang mayayaman na matrona. “Girls, meet my boyfriend—Kenzo Maranan!” Proud na pagpapakilala ni Mathilda sa kaniya sa mga nasa lamesa. Isa-isang sinabi ni Mathilda ang pangalan ng limang babae pero lumabas lang sa kabilang tenga niya ang pangalan ng mga ito kaya hindi na niya natandaan. Ang totoo ay wala siyang planong sumama kay Mathilda dahil alam niyang gagawin siya nitong “thropy”. Ayaw niya rin na na-e-expose sa ibang tao tapos malalaman na may girlfriend siyang matandang mayaman. Siyempre, alam niya agad ang magiging tingin ng ibang tao sa kaniya kapag ganoon. Lahat ng limang babae na naroon ay nagtaasan ang isang kilay. Tila hindi makapaniwala sa sinabi ni Mathilda kung sino siya sa buhay nito. “Magkano naman ang allowance niya, Mathilda? Gwapo at bata, ha. Pwede bang pa-try ako? Matagal nang patay ang husband ko. I just need a fresh meat for a while!” Medyo nabastusan si Kenzo sa sinabi ng babaeng nasa katapat niya. “No money involved here, Zandra. And my darling is not a toy that you can borrow. Find your own.” Kalmadong sabi ni Mathilda. “Parang hindi naman kapani-paniwalang no money involved. Sa gwapo niyang si Kenzo ay mukhang nagpapabayad.” Natatawang sabi ng isa na may korona na gold. “Paniwalaan mo na ang gusto mong paniwalaan, Zoraida.” “Bakit kasi hindi mo pa aminin na sugar mommy ka ni Kenzo? There’s nothing wrong about being a sugar mommy. Kahit kami ay may mga boy toy din pero hindi kasing hot niyang si Kenzo mo!” “Sarah, kapag inggit, pikit!” Pinanlakihan na ni Mathilda ng mata ang mga kaibigan. Tahimik lang si Kenzo habang pinapakinggan ang pagpapalitan ng salita ng mga babae na kasama niya sa table. Hindi niya akalain na nakakapagsalita rin ng ganoon ang mayayamang tao. Akala niya ay sa umpukan ng mga tsismosa sa lugar lang nila niya maririnig ang ganoong pananalita. Sabagay, mga tao rin ang mga ito. Ang hindi niya lang nagugustuhan ay ang harap-harapan na pagpaparamdam sa kaniya na isa siyang bagay na pwedeng bayaran at pagpasa-pasahan. Gago! E, bakit ka nasasaktan? `Di ba, pera lang ni Mathilda ang habol mo! Turan ng isang bahagi ng utak ni Kenzo sa kaniyang sarili. Kahit na. Masakit pa rin sa kalooban na naririnig niya sa ibang tao, e. Inilagay ni Mathilda ang isang kamay sa hita niya. “By the way, we have to go. Talagang ipinakilala ko lang sa inyo ang boyfriend ko. Bye, girls! Enjoy the night.” Hindi kakabakasan ng pagkapikon si Mathilda. Talagang poise na poise pa rin ito. Nang tumayo si Mathilda ay tumayo na rin si Kenzo. Humawak ito sa braso niya at magkasama silang lumabas ng function hall. Nakasunod lang siya sa babae. Ang akala niya ay didiretso na sila sa parking lot pero laking pagtataka niya nang sumakay sila sa elevator at pinindot nito ang number 26. “Akala ko ba ay aalis na tayo?” takang-tanong ni Kenzo. “Yes. Umalis na tayo doon, `di ba? Hindi ko na gusto ang pinagsasabi nila. Ang liit ng tingin nila sa iyo kahit hindi ka nila kilala.” “Thank you, darling. Pero saan ba tayo pupunta?” Medyo kinakabahan na siya. “May pina-reserve akong presidential suite just for the two of us. This is the right time para may mangyari na sa atin, Kenzo. We’ve been together for a couple of months na rin. And I want it to be special kaya naisip ko na magandang mangyari iyon sa isang expensive room here sa The Manila Hotel.” Biglang kinabahan si Kenzo sa sinabing iyon ni Mathilda. Pinagpawisan siya nang malapot kahit malamig sa elevator na kanilang kinaroroonan. Wala sa plano niya ang may mangyari sa kanila ni Mathilda. Ano ang gagawin niya? Paano niya ito matatakasan?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD