THALIA POV
“Bakit ako, Dad?!” malakas kong sabi, halos mabasag ang boses ko dahil sa gulat. Hindi ko inakala na sa dinami-rami ng pwedeng piliin, pangalan ko ang lalabas sa bibig niya.
“Alangan naman ako?” singit agad ni Maris, ang step sister kong mula’t mula pa lang ay mahilig makisawsaw. Hindi naman siya tunay na anak ni Dad, pero kung makapang-asar, kung umasta, para bang siya ang prinsesa ng bahay na ito.
Napapikit ako at mariing huminga. “Eh bakit nga ba hindi ikaw?” sagot ko, puno ng sarcasm. “Hindi ba’t ikaw itong palaging bidabida kay Dad? Palagi kang nakaporma, palaging nagpapa-cute. Ikaw dapat ang mas bagay sa ganyan.”
Nakita ko kung paanong nanliit ang mga mata niya sa akin, halatang inis na inis. Kung titigan lang ang laban, matagal na akong nilapa ng tingin niya.
“Ikaw ang ipapakasal ko, Thalia.” biglang singit ni Dad, mariin at walang bahid ng alinlangan ang tono niya.
“Pero Dad!” halos mapasigaw na ako. “Hindi ba si Ate Maris dapat? Napag-usapan na natin ‘to dati, hindi ba? Na hindi ako hindi ako yung magpapakasal!”
“Ang arte mo naman, Thalia.” singit ulit ni Maris, nakataas ang kilay at may halakhak na parang lason. “Mayaman na si Mr. De Vries! Swerte mo na nga eh. Kung pakakasalan mo siya, lahat ng gusto mo makukuha mo pera, bahay, kotse, alahas. Lahat!”
Napasinghal ako, halos mabulunan sa pagkadinig ng mga salitang iyon. “Eh bakit hindi ikaw ang magpakasal kung ganoon? Kung sinasabi mong jackpot, bakit hindi ikaw ang sumalo?”
Napailing siya, saka tumawa nang mapanlait. “Ayoko, no! Ayokong mag-asawa ng baldado at malapit nang mamatay.” Diretso niyang sambit, walang pakundangan, walang pakialam kung naririnig ni Dad.
Napahinto ako. Tila may kung anong kumulo sa loob ko. “Ah, so kaya pala ayaw mo?” tanong ko, dahan-dahan pero mariin. “Dahil matanda na siya. Dahil malapit na siyang mamatay. Pero hindi mo iniisip na ako ang isinusubo ni Dad sa kanya.”
Tumahimik ang buong silid saglit. Ramdam ko ang titig ni Dad sa akin, malamig, mabigat, at puno ng kapangyarihan.
“Hindi mo naiintindihan, Thalia,” mahina ngunit mariing sabi niya. “Ito ang pinakamainam para sa pamilya natin. Para sa negosyo. Para sa kinabukasan mo.”
Napatawa ako, mapait at may luha nang nagsisimulang mamuo sa gilid ng mata ko. “Kinabukasan ko? O kinabukasan ng kompanya mo, Dad? Hindi ako palitan ng utang. Hindi ako kontrata. Anak mo ako.”
Nagsalubong ang kilay ni Dad, kita kong nagdidilim ang mukha niya, ngunit sa gilid ay naririnig ko si Maris na bahagyang napangisi, parang tuwang-tuwa na siya ang nakaligtas at ako ang isinusubo.
Ang mundo ko biglang bumigat. Hindi ko alam kung saan ako tatakbo, pero isa lang ang malinaw: isa itong bitag na hindi ko ginusto.
“Dad, hindi ako papayag,” mariin kong sabi, pilit pinatitibay ang boses ko kahit nanlalamig na ang buong katawan ko. “Hindi ako magpapakasal sa taong hindi ko mahal, lalo na kung gagawin lang akong palitan ng pera. Hindi ako laruan!”
Nakita kong muling umirap si Maris, halatang gusto niya pang makisabat pero pinigilan siya ni Dad ng isang iglap na tingin. Mabigat ang katahimikan na sumunod.
Lumapit siya sa akin, mabagal pero mariin ang bawat hakbang. At nang magsalita siya, halos ikaguho ng tuhod ko.
“Kung ayaw mo, Thalia…” malamig niyang simula, “aalisin ko ang lahat ng suporta para sa gamot ng nanay mo. Alam mo kung gaano kalaki ang ginagastos ko buwan-buwan sa hospital. Hindi ba’t naka-coma siya? Kung hindi dahil sa akin, matagal na siyang—”
“Dad, tama na!” pasigaw kong putol, agad na sumirit ang luha sa mga mata ko. Hindi ko kinaya ang marinig na parang utang na loob pa ang buhay ng mama ko. Mama… ang tanging tao na hindi ako iniwan, ang tanging yakap na tunay kong naalala mula pagkabata.
Napakapit ako sa dibdib ko, halos hindi makahinga. “Wala kang karapatang gawing sandata si Mama laban sa akin. Wala kang karapatang ipagsugal ang buhay niya para lang sa gusto mo!”
Pero nanatiling malamig ang mukha niya. “May karapatan akong magdesisyon, Thalia. Ako ang gumagastos. Ako ang nagbabayad ng doktor, ng ospital, ng gamot. Kung hindi ka susunod, hindi ko na ipagpapatuloy iyon.”
Parang gumuho ang lahat ng lakas ko. Ang galit, ang sakit, ang pagtutol—lahat iyon biglang naghalo at bumigat sa dibdib ko. Napaluhod ako, hawak ang gilid ng mesa para hindi matumba.
Narinig kong napatawa si Maris, mahina pero puno ng pang-aasar. “Kita mo na? Wala kang laban, Thalia. Kung ako sayo, tatanggapin ko na. Mas okay nang maging asawa ng matandang mayaman kaysa mawalan ng nanay.”
Napatingin ako sa kanya, puno ng luha ang mga mata. “Hindi mo alam ang pinagsasabi mo,” mahina kong sagot. “Wala kang alam sa pakiramdam ng mawalan ng nanay. Hindi mo ramdam ang bawat araw na nakikita kong nakapikit siya sa kama, hindi man lang ako naririnig. Hindi mo alam kung paano mabuhay sa takot na baka bukas wala na siya.”
“Then mas lalo mong dapat pag-isipan ang desisyon mo,” singit ulit ni Dad, mariin at walang bakas ng awa.
At doon ko naramdaman ang pinaka-matinding pagkabasag. Pinipilit kong lumaban, pero bawat salita ni Dad ay parang kadena na unti-unting pumupulupot sa leeg ko. Kung pipilitin kong tumanggi, baka si Mama ang kapalit.
At wala akong lakas para mawala siya.
Napasandal ako, nanghihina, at sa loob-loob ko ay sumisigaw Paano, Mama? Paano ako lalaban kung buhay mo ang kapalit?
Napayuko ako, halos madurog sa bigat ng pasya na ipinapasan sa balikat ko. Ang luha ko, walang tigil sa pagpatak, bumabasa sa palad kong nakatakip sa labi ko upang pigilan ang hikbi. Sa bawat t***k ng puso ko, naroon ang tanong—bakit ako? Bakit kailangan kong maging sakripisyo?
“Anak, kailangan mong intindihin,” muling sabi ni Dad, malamig at walang bakas ng lambing. “Ito ang paraan para masigurado ang kinabukasan mo… at ng nanay mo.”
Nanay. Isa lang ang kahinaan ko, at iyon ang pangalan niya.
“Kung hindi mo ako susundin, bukas ipapahinto ko lahat ng treatment niya. Wala nang doktor, wala nang gamot. Kung gusto mong mabuhay pa siya, alam mo ang dapat mong gawin.”
Ramdam ko ang nanunuot na sakit sa puso ko. Parang binibiyak ako sa gitna. Ayaw ko. Gusto kong sumigaw, gusto kong ipaglaban ang sarili ko. Pero paano kung kapalit niyon ang buhay ng mama ko?
Naramdaman ko ang mapanuyang tingin ni Maris mula sa gilid. Wari bang nanalo siya sa laban na hindi niya kailangang salihan.
At sa loob-loob ko, unti-unting bumuo ng desisyon ang puso kong sugatan. Kung ito ang paraan para manatili si Mama… wala akong pagpipilian.
Ngunit kasabay niyon, may apoy na unti-unting nag-aalab sa dibdib ko. Isang apoy ng pangakong hinding-hindi ko hahayaang manatili ako sa bitag na ito magpakailanman.