THALIA POV
Habang nasa isang café kami ni Dad, tulala lang ako, nakatitig sa tasa ng kape sa harap ko. Paulit-ulit kong hinahalo ang kutsarita kahit matagal nang natunaw ang asukal. Wala talaga ako sa mood. Paano ba naman ngayong araw daw namin makikilala ang mga magulang ng lalaking ipapakasal sa akin… at syempre, pati na rin siya.
Hindi ko alam kung dapat ba akong kabahan o magalit. Ano ba ‘to, unang kita tapos kasal agad? Wala man lang ligawan, walang kilig, walang pagkakataon para magkakilala. Parang transaksyon lang. Para bang desperado silang magkaroon ako ng asawa. Pero kung tutuusin, anong klaseng kinabukasan ang naghihintay sa akin kung yung ipapakasal sa akin ay halos baldado na, at baka nga hindi na kayang magkaanak?
“Umayos ka, Thalia, ha? Ayokong mapahiya sa mga magiging balae ko.” Paalala na naman ni Dad. Napairap na lang ako. Ilang beses na ba niyang binanggit ang linyang ‘yan? Parang sirang plaka. Palaging iniisip ang impresyon ng ibang tao, pero ang damdamin ng sarili niyang anak wala. Balewala. Minsan iniisip ko, paano kaya kung ibang tao ako? Siguro mas mapapansin niya ako. Siguro pahalagahan niya ako.
Maya-maya pa ay may nagsalita sa likuran namin. Napalingon ako at nakita ko ang mag-asawang bagong dating. Halos kaedad ni Dad ang lalaki, samantalang ang babae ay mukhang kasing-edad ni Mama. Pareho silang nakangiti, tila sinusukat ako ng mga mata nila. Tipid na ngiti lang ang naisukli ko, kahit pilit.
“Ito ba si Maris?” tanong ng lalaki, bahagyang nag-ngiwi ako sa loob-loob ko. Si Ate talaga ang nakatakda dito. Pero dahil lumpo ang lalaking dapat pakasalan niya, agad siyang umayaw. At heto ako, ang bunso, ang isinusubo.
“Ah, hindi,” agad na sagot ni Dad, mayabang pa ang tono. “Si Thalia ito, bunso kong anak. Siya ang magpapakasal sa anak ninyo.”
Napansin ko ang mabilis na tinginan ng mag-asawa, halatang nagdadalawang-isip. Para bang hindi sila kumbinsido.
“Ok naman itong si Thalia,” dagdag pa ni Dad, pilit na ipinagmamalaki ako. “Masipag ito. Kaya niyang alagaan ang anak ninyo.”
Nag-angat ng kilay ang babae. “So ibig mong sabihin, yung isa mong anak ay ayaw sa anak namin, kaya itong bunso na lang ang isusubo ninyo?”
Ramdam ko ang pagkakabaon ng bawat salita niya. Diretsahan, walang paligoy-ligoy. Napatingin ako kay Dad, umaasang ipagtatanggol man lang ako kahit konti. Pero tumango-tango lang siya, walang bakas ng pagkailang.
Sa totoo lang, ayoko rin. Kung ako lang masusunod, tatakbo ako palayo ngayon din. Pero hindi ko magawa. Nakagapos ako sa banta ni Dad na kapag tumanggi ako, aalisin niya ang suporta para sa gamot ni Mama na hanggang ngayon ay nasa ospital, walang malay, naka-coma.
“Well…” tugon ng babae matapos ang ilang segundo ng katahimikan. “Sasabihin ko na lang sa anak namin na naiba ang babaeng ipapakasal sa kanya. Mukhang ayos din naman itong si Thalia.”
Ngumiti siya, pero ramdam ko ang bigat ng kanyang mga mata. Hindi iyon ngiti ng kasiyahan, kundi ng pamimilit. At sa oras na iyon, mas lalo kong naramdaman na hindi ako isang anak, hindi ako isang tao… kundi isang bagay na ipinagbibili sa mesa ng kasunduan.
Habang abala si Dad sa pakikipag-usap sa mag-asawa tungkol sa kasunduan, halos wala akong marinig sa kanila. Ang isip ko, gulong-gulo pa rin. Ang bawat salitang lumalabas sa bibig nila ay parang ingay na hindi ko maintindihan lahat tungkol sa negosyo, pera, at pabor na kapalit ng kasal na ito.
Bigla akong napalingon nang marinig ko ang babae na may tawag mula sa likod. “Oh, nandito na pala siya…” aniya, may kakaibang ngiti sa labi.
Kasabay niyon, naramdaman ko ang bahagyang pagbagal ng t***k ng puso ko. Dahan-dahan akong lumingon, at doon ko siya nakita.
Isang lalaki ang pumasok sa café, nakasakay sa wheelchair. Itinutulak siya ng isang butler mahinhin ang kilos, pormal ang tindig, halatang matagal nang naninilbihan. At habang papalapit sila, unti-unting napako ang atensyon ko sa mismong lalaki sa upuan.
Kung siya ang lalaking ipapakasal sa akin… Diyos ko, hindi ko alam kung matatakot ba ako o matutulala sa gulat.
Hindi ko inasahan ang hitsura niya. Hindi siya ‘yung tipikal na imaheng pumasok sa isip ko tuwing naririnig ko ang mga salitang baldado, imbalido, matanda. Hindi siya kulubot, hindi siya mukhang malapit nang mamatay kagaya ng inilarawan ni Maris. Sa halip, siya ay sobrang gwapo mas gwapo pa kaysa sa mga nakikita kong modelo sa mga magazine.
Matangos ang ilong, mapupungay ang mata, at may matitipunong panga na tila hinubog ng mismong langit. Ang makapal ngunit maayos na kilay ay nagbibigay ng lalim sa kanyang ekspresyon. Kahit nakaupo sa wheelchair, halata ang tindig ng isang taong may dating at awtoridad. Ang balat niya ay makinis, bahagyang maputi, at ang buhok ay maayos ang gupit na para bang laging handa sa isang photoshoot.
Para akong natulala. Para akong nahipnotismo. Hindi ko maialis ang tingin ko sa kanya habang papalapit sila. At sa bawat pulgada ng distansyang nababawas, mas lalo kong nararamdaman ang kakaibang enerhiya na dala niya.
At doon ko narealize… hindi pala ganoon kasimple ang lahat. Oo, siya ang lalaking pakakasalan ko. Oo, siya ang lalaking pilit kong iniiwasan. Pero bakit ganoon? Bakit sa unang tingin ko pa lang sa kanya, may kung anong kakaibang pintig ang gumising sa puso kong kanina lang ay puro pagtutol?
Napakagat ako sa labi, pilit itinatago ang kalituhan sa dibdib ko. Hindi ko alam kung paano haharapin ang susunod na mangyayari. Pero isang bagay ang malinaw sa sandaling iyon, nagsimula na ang isang kabanatang hindi ko na mababalikan.
Nagpatuloy ang paglapit ng butler habang marahang itinutulak ang wheelchair. At sa sandaling iyon, nagtama ang mga mata namin. Para bang natigilan ang oras—ang mga tao sa paligid ay naglaho, at tanging siya lang ang nakikita ko.
May kakaibang lalim sa kanyang tingin, malamig ngunit misteryoso, na para bang kaya niyang basahin ang iniisip ko. Bigla akong kinabahan, kaya’t mabilis kong ibinaling ang tingin ko sa tasa ng kape sa mesa. Pero ramdam kong nakatuon pa rin ang paningin niya sa akin, mahigpit, matalim… at sa di ko maipaliwanag na dahilan, may kumislot na damdamin sa puso ko.