SELENA REYES
Inilibot ko ang aking paningin sa paligid at pagkatapos ay muli akong tumingin sa direksiyon ng tatlong tao na nakatingin pa rin sa akin hanggang ngayon.
"Saan ninyo dinala si Inang?" Tinitigan ko rin sila ng masama katulad ng uri ng titig nila sa akin ngayon.
Lumipas muna ang ilang minuto bago sila sumagot sa akin. Sumilay pa ang ngiti sa labi ni Klein at tumayo siya sa kanyang inuupuan.
"Bakit dito mo hinahanap ang maruming babae na 'yon? Bueno. Makikita mo siya kung susunod ka sa magaganap na kasunduan na 'tin ngayon."
Naikuyom ko ang aking dalawang kamao dahil sa sinabi niya. Pinipigilan ko na lang ang galit na nararamdaman ko ngayon dahil baka mas lalo ko pang hindi makita si Inang kung paiiralin ko ang aking galit.
Huminga na lang ako ng malalim upang pakalmahin ang aking sarili bago ako muling nagsalita sa kanila.
"Pumapayag na ko sa nais ninyo na kunin ako. Basta't ibalik n'yo lang si Inang sa lugar kung saan n'yo siya natagpuan."
Bigla na lang tumawa ng malakas 'yong babaeng kasing edad ko na nasa tabi ni Klein. Nakataas pa rin ang isang kilay niya sa akin. Kumikintab ang labi niya dahil sa suot niyang lipstick. Pagkatapos niyang tumawa ay tinitigan niya ko habang ngumunguya ng kung anong bubble gum sa kanyang bibig.
Ang yabang naman ng isang 'to. Kaya ko rin naman makabili ng bubble gum sa amin dahil piso lang naman ang halaga no'n. Tss.
"Who said you were here with us to stay and we would really take you? Think hard, fool. We are sending you here because we need you to do something."
Nagsalubong ang dalawang kilay ko dahil sa sinabi niya sapagkat hindi ko siya naintindihan mas'yado, pero pagkalipas din naman ng ilang segundo ay sumilay ang ngiti sa aking labi. Mabuti na lang at med'yo nakakaintindi ako ng English. Nag-aral naman ako kahit papaano.
"Kung gano'n ay pumapayag ako. Hindi ko rin naman gustong tumira sa pamamahay ninyo."
Mas lalong sumama ang timpla ng mukha nila dahil sa sinabi ko.
"Kung gano'n. Ipag-uutos lang naman namin na magtungo ka sa mansion ng mga Delliego. Ikaw na ang bahala kung sa paanong paraan ka makakapunta roon at makakapanatili. Pagkatapos ay akitin mo ang nag-iisa nilang anak na lalake na si Sennoh Delliego. Ang huling misyon mo ay ang patayin siya para tuluyan na silang mawalan ng tagapag-mana at tuluyan nang bumagsak ang negosyo nila. Madali lang naman, hindi ba? Bagay naman ang gawain na 'yon para sa katulad mo."
Mahina ang boses ng babaeng katabi ni Klein, pero narinig ko pa rin ng malinaw ang lahat ng sinabi niya.
"Seryoso ba kayo sa sinasabi ninyo? Nais n'yo kong pumatay ng tao? Oo, mahirap ako pero hindi ako mamamatay tao! Bakit ako pa? Bakit ayaw n'yo na lang ipagawa ang bagay na 'yan sa anak ninyo?" inis kong tinuro 'yong babae na nagsalita kanina.
Pinanlakihan niya ko ng mata at sinamaan na naman niya ko ng tingin. Pagkatapos ay tinuro pa niya ang kanyang sarili at tumawa dahil sa sinabi ko.
"Bakit ako? Bakit ko naman dudungisan ang kamay ko? Dad don't want that idea either. That's why you are the best option to do the mission. Well, if you don't want to do it that's fine. However, you will never see your so called 'inang' again." Nilagay pa niya ang dalawang kamay niya sa kanyang leeg at nagkunwaring nasasakal.
Hindi ko na napigilan ang galit ko dahil sa sinabi niya kaya lumapit na ko ng husto sa kanila at pinagtuturo ko silang lahat.
"Isusumbong ko na kayo sa police kapag ginawa n'yo 'yon! Nasaan na si Inang? Ibalik n'yo na siya sa amin!"
"Shut up! What can you do without money? We can even sent you to jail now and-"
"Klarafei, stop now."
Nahinto sa pagsasalita 'yong maarteng babae nang marinig niya ang boses ni Klein. Kahit ako ay napatayo ng diretso dahil sa boses ni Klein. Kanina pa rin ako hinahawakan ng assistant nila dahil ano mang oras ay kaya ko silang saktan dahil sa gigil na nararamdaman ko kanina pa.
Kung nandito lang si Inang ay kanina ko pa sana sila nasaktan. Tsk.
"Selena, huwag mo ng pahabain pa ang usapan. Sabihin mo na lang kung pumapayag ka sa kasunduan o hindi. Nabanggit na rin namin sa 'yo ang mga kondisyon at hindi na magbabago 'yon. Ngayon ay kailangan na namin ng sagot mo."
Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ko. Parang gusto ko na lang umiyak dahil sa mga naririnig ko. Wala na ba talaga kong ibang paraan?
Hindi ko talaga gusto ang sinabi nila, pero kung hindi ako susunod ay tiyak na mapapahamak si Inang.
"K-Kapag pumayag ba ko ay tinitiyak ninyo ang kaligtasan ni Inang? Gusto ko rin sana na magdagdag ng isang pabor sa kasunduan." Yumuko na lang ako habang nagsasalita dahil nawalan ako bigla ng lakas.
Kahit anong desisyon naman kasi ang piliin ko ay gano'n pa rin ang kalalabasan sa akin. Hindi pa rin ako magiging masaya sa resulta.
"Ano 'yon?"
Kahit walang gana ay muli kong sinalubong ang mga tingin sa akin ni Klein at buong tapang akong nagsalita sa kanya.
"Nasisiguro ko sa inyo na gagawin ko ng maayos ang misyon ko, pero nais ko sana na bigyan n'yo rin ng magandang buhay ang inang ko. Mabigat na kasalanan ang pumatay ng tao kaya naman kahit 'yon na lang sana ang kapalit."
"Ang kapal din naman talaga na-"
"Stop, honey. Fine. Pumapayag kami sa sinabi mo. Basta't susundin mo ng maigi ang pinag-uutos namin sa 'yo."
Bumuntong hininga ako ng malalim pagkatapos kong marinig ang sinabi ni Klein at walang gana akong tumango sa kanya bilang tugon.
"Oo na. Pumapayag na ko sa sinasabi ninyo."
Sinenyasan ni Klein ang assistant niyang si Chavez nang matapos na ang aming usapan.
"Chavez, ikaw na ang bahala na magpaliwanag sa babaeng 'to ng iba pang detalye. Ilabas mo na siya rito."
Napangiti na lang ako ng pilit nang marinig ko si Klein. Parang kanina lang ay mismong pangalan ko pa ang binabanggit niya. Ngayon na pumayag na ko sa kanila ay parang naging basura na lang ako bigla.
Nagpapasalamat talaga ko na hindi ako lumaki sa pamamahay na 'to.