CHAPTER 8
PAST
Para lubayan ako ni Kaleo noong araw na ‘yon sa coffee shop ay ibinigay ko ang number at account ko sa social media sa kanya. Sabi ba naman niya sa’kin ay ‘di niya raw hahayaan na matahimik ang gabi ko. Kung pauulanan man niya ako ng messages o chat ay ‘di ko rin naman mapapansin ‘yon ‘pag tulog na’ko dahil naka-airplane mode ang cellphone ko.
Kauuwi ko galing klae ay sinalubong ako ni Mama na nakaturo ang palad sa’kin. Alam niya na ngayong araw ako nakatanggap ng pera mula sa scholarship ng governor namin. Kahit ‘di ako katalinuhan ay nakapasok pa rin ako sa mga binigyan ng scholarship ng lcoal government namin. Kaya lang ay ‘di naman sa’kin lahat napupunta ‘yon. Kahati ko sina Mama at Papa.
Hindi ko alam sa sarili ko kung ba’t hinahayaan kong mangyari ‘yon. Walang tuition sa university ko dahil sakop ‘yon ng free tuition law ng bansa. Kahit pa gano’n ay nagpa-part time job ako online sa paggawa ng assignments ng iba para ‘di ako magmukhang kawawa sa harap ng mga mayayaman kong kaibigan. Kaya lang pati do’n ay may kahati ako.
“Saka na,” sagot ko at walang gana na pumasok ng kwarto. Wala pa ang Kuya ko kaya naman wala akong kakampi sa oras na ‘to. Guguluhin nila ako at hihingan ng pera hanggang sa magbigay ako.
“Baka naman, Nazelle.”
Ayos lang sana kung sa mabuting paraan mapupunta ‘yung pera. Kaya lang ay diretso sugalan si Mama at diretso alak naman kapag si Papa ang nanghingi. Nauubos ang pasensya ko sa kanilang dalawa. Kahit pa gayon ay ‘di ko mapigilan ang sarili ko na magbigay. Magulang ko pa rin sila at kahit papaano ay minahal nila ako.
Hindi na ako nagsalita pa at humugot ng pera sa wallet ko. ‘Di gano’n kalaki ang ibinigay ko tulad ng inaasahan nila ngunit alam kong babalik pa sila mamaya.
Naghilamos ako ng mukha at nagpalit ng damit. Saka ipinosisyon ang laptop sa table ko para tingnan kung may bagong client ako sa maliit na online business ko. Marami na ang tama ngayon na maski maiikling essay ay iniaasa pa sa ibang tao. Ang dahilan nila ay kesyo marami raw talagang ipinapagawa. Ang opinyon ko naman do’n ay time management lang ang solusyon.
Naranasan ko na rin madapa at matambakan ng gawain. Muntik na ‘kong bumigay pero nandyan ang Kuya at mga kabigan ko para umantabay sa’kin.
Sa kalagitnaan ng pagagawa ko ng essay ng kung sino-sinong tao ay tumunog ang cellphone ko. Mula yon kay Kaleo.
Kaleo:
Nakauwi ka na?
Mabilis akong nagtipa ng mensahe saka inihagis ang cellphone sa higaan. Ayokong kalapit ‘yon dahil mapapasarap lang ako ng usap sa mga kaibigan ko.
Ako:
Oo.
Sana ay ‘di mag-reply si Kaleo. Sana pala ay binuksan ko muna ang disturb mode option ng cellphone ko bago ko ‘yon inihagis sa higaan. Sana ay matahimik ako habang gumagawa ng tula rito sa isang client.
‘Di ako makata. Napag-aralan ko lang gumawa ng tula dahil hilig ‘yon ni Kuya Nathan. Nanalo na siya sa maraming spoken poetry contest at ang napanalunan niya ay kahati rin sina Mama at Papa. Ilang beses na akong naglabas sa kanya ng sama ng loob. Paulit-ulit niya lang na ipinapaliwanag sa’kin na mga magulang namin sila at wala kaming choice kung gano’n. Sabi pa niya na ‘pag naman nagkaroon na kami ng sariling pamilya ay mahihiya na silang manghingi sa amin.
Natatakot ako na ‘pag nag-asawa na si Kuya Nathan ay ako na lang ang maiiwang mag-isa rito sa bahay. Natatakot ako na ‘pag wala na siya ay wala na rin ‘yung tao na nagbibigay ng payo sa’kin.
Tatlong taon ang tanda niya sa’kin. Civil Engineering ang course dahil napili ‘yon ng mga magulang namin. Bukod pa ay magaling siya mag-drawing at sa Math. Ilang beses na rin siyang nahirang na honor noong high school. Proud na proud sina Mama at Papa sa kanya. Lalong-lalo na ako.
Pangalawang taludtod pa lang ako sa tula na ginagawa ko ay muling tumunog ang cellphone ko. Napakamot ako sa ulo sa inis. Nawala tuloy ‘yung mga salitang nasa isip ko.
Yamot akong tumayo mula sa upuan at pinulot ang cellphone mula sa higaan.
Kaleo:
Ok
I growled. Nasayang lang ang pagtayo at pagkawala ng mga creative juices ko sa katawan dahil lang sa dalawang letrang reply niya. ‘Di ko alam kung sa’n ako naiinis. Dahil ba sa ginulo niya ako mula sa ginagawa ko o dahil sa maikli niyang reply. Nag-expect ako na mas mahaba pa ‘yon.
Ako:
Nakakainis ka! Ang dami ko kayang ginagawa tas basta-basta ka na lang magtetext. Kaurat.
Dinala ko muli ang ccellphone sa may table ko. Bubuksan ko pa lang muli ang laptop nang may reply na naman si Kaleo.
Kaleo:
Sorry. Ano gawa mo?
Ako:
Part time.
Kaleo:
Akala ko ba nakauwi ka na? Bat nagpapart-time ka pa?
Ako:
Online. School services. Mga essay, tula, assignment. Di naman porke part time ay sa restaurant na.
Kaleo:
Ah, sige. Galingan mo ha!
Napangiti ako sa munti niyang pag-cheer. Akala ko sa mga lalaki ay ‘di madaldal gaya niya. Ipinatong ko ulit ang cellphone ko sa tabi ng laptop ko at saka gumawa ng tula.
Masarap magmahal
Lalo na ‘pag bagong kakilala
Nakakasabik, nakatutuwa
‘Wag lang magpaloko at maging tanga
Binasa ko muli ang taludtod na isinulat ko. Walang koneksyon ‘yon sa una kong isinulat. Ang assignment kasi nitong nagpapagawa ay gumawa ng tula tungkol sa pag-ibig sa magulang. Iba na yata ‘yung nagawa ko.
Matagal pa naman ang deadline nito. Sobrang distracted ako kay Kaleo. Ba’t kaya siya biglang nag-chat? Ba’t niya ako hinahanap?
Huminga ako nang malalim at isinara ang laptop. ‘Di ko matatapos ‘tong tula hangga’t ‘di ko nakakausap nang matino si Kaleo. Kailangan ko ng sagot sa mga tanong sa isipian ko.
Ako:
Bat ka nga pala nagtext?
Isa. Dalawa. Tatlo. Tatlong segundo akong naghintay ngunit wala siyang reply. Baka may iba na siyang ginagawa kaya ‘di siya agad nakapag-reply. Pero matapos ang kalahating minuto ay tumunog muli ang cellphone ko.
Napahagikhik ako sa mabilis niyang pag-reply at sa mensahe niya.
Kaleo:
Naisip lang kita. Baka magpapahatid ka ulit eh.
Humahagikhik ako habang nagta-type ng reply nang bumukas ang pinto ko. Si Kuya Nathan ‘yon na kauuwi lang mula sa university na pinasukan namin. Malawak ang ngiti niya sa labi nang makita akong nakangiti.
“Mukhang may nagpapasaya na sa’yo, ah,” biro niya sa’kin.
Umiling ako. “Wala lang ‘to, Kuya. Taga-university lang ‘yung nagba-basketball. New acquiantance.”
Ngumisi siya sa’kin. “Talaga lang ha.”
“Oo nga.” I assured him.
“Sige kunwari naniwala ako. May miryenda ref. Kuha ka na lang ‘pag gusto mo.”
“Sige. Thank you!”
Isinara niya ang pinto. “Goodluck sa kalandian mo!”
“Hindi ko ‘to kalandian!”
Natawa ako nang tumahimik ang paligid. Napakamabiro talaga nito ni Kuya. Nagtipa ako ng huling mensahe para kay Kaleo bago i-power off ang cellphone ko.
Ako:
Di naman kita nakita eh. Next time na lang papahatid ako sa’yo.
...
Nakakapagod makipagtitigan sa professor lalo na kung wala naman akong maintindihan sa itinuturo. ‘Di naman kasalanan ‘yon ng prof. Wala lang akong interest sa minor subjects.
Kaya ako kumuha ng business course ay para malayo sa Math at Science. Ta’s core subjects pala ‘yon ng lahat ng course. Kahit pa course sa paglalaro ng Dota ang kuhanin ko ay may Math at Science pa rin.
Napahikab ako nang mahina habang si Astrid na katabi ko ay nakatungo na. Walang pakialam ‘yung matandang prof sa mga kaklase naming mahimbing na ang tulog. Basta magtuturo siya may gising man o wala.
Hindi namin kaklase si Shana sa subject na ‘to. Ito kasi ang tanging oras para sa isa sa mga major subjects ng interior design. Oo, magkakaiba kami ng course na magkakaibigan pero sisnigurado namin na kahit sa minor subjects ay magkakaklase kami. Dito lang talaga sa science subject wala si Shana.
Electronics Engineering ang kinuha ni Astrid. ‘Di niya raw alam kung ano ‘yon. Gusto ng parents niya na mag-Engineer siya pero ayaw naman niyang mag-Civil kaya kinuha na lang niya ang course niya ngayon.
Mayaman sina Astrid kaya parang ‘di siya nagseseryoso sa pag-aaral. Kahit pa gano’n ay ‘di naman sila nagpapagawa ng assignment o project sa’kin.
Natapos ang klase. Nakahinga ako nang maluwag mula sa pagkakaipit sa dalawang oras na klasent ‘yon. There were great teachers in the university. Isa sa exception ang teacher namin sa minor subject na ‘yon. Kahit ata science subject ay magpapagawa ng essay.
Dumiretso kami ni Astrid sa lounge kung saan tumatambay ang mga estudyante na naglalaro lang o kaya ay nag-uusap. Ang cafeteria ay para sa mga gutom. At ang library ay para sa mga tunay na nag-aaral. Malakas ang boses naming tatlo kaya ‘di kami pwede sa library.
Wala pa si Astrid sa usual spot namin. Mabuti na lang at wala ring ibang tao na umuupo roon. Dahil araw-araw kami rito noong first year ay kilala na rin namin ang mga mukha ng nandito. Merong grupo ng mga lalaki na naglalaro ng mobile games. May mga babae namang nanonood ng movies. Nandito kami para magkwentuhan sa mga latest update ng school. Boring kasi ang buhay ‘pag walang chismis.
“Grabe antok ko,” saad ni Astrid.
“Nagpuyat ka ba?” Hindi naman siya antukin kahit sa subject na ‘yon. Kung ‘di ko pa tinapik ay ‘di siya magigising.
Tumango siya. “Nag-window shopping lang naman ako. ‘Di ko namalayan na madaling araw na.”
Parehas sila ni Shana na mahilig tumingin sa mga online shopping apps ng mga gusto nilang bilhin. Problema ng mga mayayaman at shopaholic. ‘Di ako maka-relate dahil ‘di ako sigurado kung saan ko gagastusin ang ipon ko. May mga pagkakataon kasi na bigla-biglang may sisingilin sa school. Free tuition nga pero may bayarin pa rin.
May itinuro si Astrid sa likod ko kaya napalingon ako. Akala ko si Shana na, si Kuya Nathan lang pala na may dalang tatlong bote ng iced coffee na malamang ay binili niya sa convenience store sa labas. Minsan ay may ipinapadala ako sa kanya at dito sa lounge niya ‘yong dinidiretso kaya alam na niyang nandito kami ng ganitong oras.
“Hello, Kuya Nathan,” bati ni Astrid sa kapatid ko. Silang dalawa lang naman ni Shana ang kilalang kaibigan ng mga kapatid ko kaya ‘di na sila mailap kay Kuya. Inabutan kami ni Kuya Nathan ng tig-isang bote ng iced coffee. Ang isa ay sa gitna namin na sa tingin ko ay para kay Shana. “Thank you.”
“Bigla-bigla ka na lang nagdadala rito ng pagkain, ah.” Nginitian ko siya at binuksan ang bote.
“Inumin ‘yan, Nazelle!” aniya at pinitik ang noo.
“Upo ka muna. Wala kang klase?”
Umiling siya at nanatiling nakatayo. “Meron. Lumabas lang ako kasama mga tropa ko ta’s naisip ko kayong bilhan. Aalis na rin ako kasi may klase ako mayamaya.”
“Baka mamaya magselos jowa mo. Sa sobrang ganda ko, akalain na kabit mo ko.” Tumawa ako nang malakas habang si Kuya Nathang ay humagikhik. Si Astrid ay napangiti lang.
“Hindi ‘yan. Kamukha kaya kita. Sige, alis na ‘ko. Magagalit Prof ‘pag na-late.” Kinawayan ko na lang ang kapatid ko habang naglalakad siya paalis. Hula ko lang naman na may girlfriend siya. Madalas kasing may ka-chat sa gabi at nakangiti. ‘Di ko alam kung sino.
...
Pagkatapos ng lahat ng klase namin ay inintay ko pang makasakay ng service nila ang mga kaibigan ko. Lagi nila akong niyayaya na isabay kaso magkaiba naman kami ng daan pauwi. Kung sasabay ako sa isa sa kanila ay hassle pa para sa driver. Mabilis lang naman mag-commute sa jeep.
‘Di ko rin nakakasabay si Kuya Nathan. Dalawa lang ‘yan: Maaga siyang uuwi o maaga akong uuwi. May mga kaibigan din naman siya na kasama kaya ‘di kami nakakapagsamang dalawa.
Habang naglalakad sa tabing kalsada para maghintay ng jeep ay may tumigil na itim na kotse sa gilid ko. Kinabahan ako sa pag-aakalang kidnapper ‘yon.
Bukas ang bintana kaya nakita kong nakatingin ang driver sa’kin. ‘Di kami close. Pero kilala ko siya. Same course kami at nasa basketball team din siya. Walang gaanong kaibigan maliban sa lalaking kasama niya palagi. As far as I know, Novel Enriquez ang pangalan niya.
Nakatingin lang siya sa’kin at ‘di nagsalita. Isinara niya ang bintana at saka nag-drive paalis. Baka napagkamalan niya lang ako na girlfriend niya o kung sino. Mailap din sa tao ang isang ‘yon. Kaklase ko sa isang major subject at walang ibang kinakausap. ‘Pag binabati naman siya ng iba ay ngumingiti siya at nag-he-hello. Baka tahimik lang talaga siya tulad ng iba.
“Nazelle! Nazelle!” pagbasag ng isang boses sa pag-iisip ko. Lumingon ako sa direksyon no’n at nakita si Kaleo. Hinihingal siyang tumigil sa tapat ko. Patak ng pawis sa noo hanggang leeg niya. “Kanina pa kita tinawatawagan, ‘di ka nasagot.”
“Naka-airplane mode cellphone ko kasi lowbat. Bakit ba?”
“Ihahatid ka pauwi o kaya gusto mo punta tayo somewhere na malapit.”
“Saang somewhere?”
Tinawanan niya ako. Ang gwapo at refreshing niyang tingnan ‘pag nakangiti. “Kaya nga somewhere kasi ‘di rin ako sure.”
“Bawal ako gabihin.” May ginagawa rin ako. Wala pa namang urgent do’n sa mga nagpapagawa ng assignment sa’kin. ‘Di rin naman ako magtatagal ng kasama siya. ‘Di strict ang mga magulang ko kung abutin ng dilim kaya lang ay kinakailangan kong magpaliwanag sa kanila na kasinghaba ng essay.
“Hindi naman tayo gagabihin.” Tumingin sya sa relo niya. “Mag-a-alas tres pa lang naman.” Hinawakan niya ang kamay ko at tila napaamo nang tuluyan ang puso ko. “Tara na?”
Napangiti ako. “Tara!”