Chapter 9

2133 Words
CHAPTER 9   PASIMPLENG nakasilip sa bintana ng kaniyang office si Daniel sa dine in ng coffee shop. Peak hours ngayon kaya halos okupado lahat ng mag tables. Natanaw niyang busy sa counter si Arianne na kahit nakangiti ay kapuna-puna ang katalayan nito. Naging pormal na rin ang pakikitungo nito sa kanya at halos hindi siya matignan sa mata. Halata rin na umiiwas ito sa kanya dahil sa tuwing lalabas siya ay napasok ito ng kitchen at sasabihing may gagawin doon. "Hindi ko naman talaga alam na nasa shower siya. Isa pa, wala naman akong nakita talaga." Maya-maya pa ay may dumating na isang delivery boy, may bitbit na boquet ng flowers. Nangiti siya at naexcite sa magiging reaction ni Aya. Siya kasi ang nagpadeliver non at sinadya niyang ngayong oras dumating. Natuwa naman si Arianne nang iabot sa kanya ang mga bulaklak ngunit bigla itong napatingin sa opisina kaya nataranta siya. Nagmadali siyang bumalik sa table niya at natapilok pa siya. Sumakit ang kanang paa kaya halos pipilay-pilay na lumakad palapit sa kanyang upuan. "Ang sakit!" daing niya. Ngunit bigla niyang inayos ang itsura at kumuha ng ballpen nang bumukas ang pinto. Kinuha niya rin ang isa sa mga Folder na nasa table at binuklat iyon. "Busy ako, ano 'yon?" Wika niya. "Nothing." Gulat siyang napatingin dito. Hindi iyon si Arianne kundi si Jerome. "Magkaaway ba kayo?" tanong nito. "Bakit? May sinabi ba siya?" na-curious siya. Alam niyang laging magkausap ang dalawa. "May ginawa ka ba?" Hindi siya nakasagot agad. "A-ano naman ang gagwin ko sa kanya?" Nagkibit balikat si Jerome. "Hindi ka kasi makalapit sa kanya ngayon, e." "Puwede ba magtrabaho na lang tayo? Kung anu-ano ang nai-imagine mo." Tinakpan niya ang mukha ng folder. Gusto niyang lumabas na lang ito ng opisina. "Dens, hindi pa rin ba nabalik ang memory mo?" tanong nito. Natawa siya pero biglang kinabahan. Napansin na ba nito? "Hindi pa, eh. Bakit? Tingin ko mas okay yata na ganito na lang. 'Yung wala akong maalala talaga." "Si Aya kasi,” Bigla niyang ibinaba ang folder. “Anong problema ni Aya?” “Nagpasa siya ng resignation letter. Effective immediately.” Napaawang ang kanyang bibig. Bakit ito magreresign? Nakakuha na ba ito ng sapat na pera para hindi na magtrabaho? Pero para saan ang pag-aanunsiyo ng ama ng kasal nila? Imposibleng dahil lang ito sa nangyari kaninang umaga. Napahawak si Daniel sa kanyang ulo. Nalilito siya sa kung ano ba talaga ang gusto ni Arianne. Hindi iyon maaari. Gagantihan pa niya ito. Hindi puwedeng umalis si Arianne. Tinawagan niya si Amber at isang pabor ang kaniyang hiningi na hindi naman tinanggihan ng kapatid.   “PUWEDE BANG i-extend natin kahit two weeks ang pagiging girlfriend mo kay Daniel?” wika ni Amber. Mapait na pagngiti ang naging tugon ni Arianne. Sinadya niya kasi itong puntahan sa opisina nito para magpaalam. May dalawang araw na lang na natitira sa dalawang buwang napag-usapan nila. “Ma’am Amber, pasensiya na po kayo. Hindi ko na po kayo mapagbibigyan. Nahihirapan din po kasi ako sa sitwasyon namin. Pero aaminin ko po na naging mabuti sa akin si Daniel. Totoong naipakita niya sa akin na mahal niya ako. Masuwerte ang babaeng mamahalin niya. Kaya lang ma’am, nakukonsensiya na rin ako. Kasi hindi naman niya ako totoong girlfriend, eh. Hindi ako ‘yung babaeng mahal niya talaga. Pinagkamalan lang niya ako.” Kumirot ang kanyang puso sa huling sinabi. “May kinalaman din ba dito ‘yung ginawa ni Dad? Huwag kang mag-alala, kinausap ko na siya.” Napayuko siya. Galit siya sa ama nito dahil nga matapos niyang tumanggi sa ino-offer nito ay nagawa pa rin sabihin sa mga tao na ikakasal sila. Dahil ayaw niyang masaktan o magtaka si Daniel ay nagkunwari na lang siyang masayang marinig ang balitang ‘yon. Isa rin ‘yon sa dahilan sa nagtulak sa kanya para tapusin na ang kaugnayan sa mga ito. Natatakot siyang bigla na lamang bumalik ang alaala ni Daniel, mas masaktan ito at magalit. Naalala niya nang una niyang makita si Daniel na tumalon sa tulay. Dahil iyon sa sobrang sama ng loob at pagkabigo. Paano kung maulit iyon? Kung noon ay nag-alala siya ng husto nang hindi pa niya ito kilala, ano pa kaya ngayong pakiramdam niya ay totoong mahal na niya nito? “Aya,” “Ma’am Amber, hindi na po ako puwedeng maging girlfriend ni Daniel.” “Okay. But Daniel wanted a vacation kasama ka. Pagbigyan mo na. Huli na ‘to, pangako.” Nakangiti naman siyang tumango. Hinawakan nito ang mga kamay niya. “Just so you know, gusto talaga kita para sa kapatid ko. Sana nga ay magkatuluyan kayo pero hindi naman puwedeng ipilit ang hindi puwede, di ba? Pero umaasa ako na balang araw, magkikita kayo ulit at magiging totoo na ang relasyon ninyo.” “Sana nga.” Sagot na lang niya. Samantala, nagtungo si Daniel sa flower shop nila Clara. Si Hizon kasi ay kasama si Arianne kaya may pagkakataon siya para makatakas. Sa katapat na shop siya nagpark para hindi rin siya mahalata. Natanaw niya si Clara na nag-aayos na, magsasara na kasi ito. Bumaba siya ng kotse. Alam niyang nakarating na ang balitang ikakasal siya kay Arianne at nagpunta siya roon para linawin na hindi iyon totoo. Subalit, hahakbang pa lang siya nang may isang lalaki ang dumating. Napaupo siya at nagtago. Ayaw niya kasing may makakita sa kanya. Sumilip siya sa may bintana ng kotse para makita kung nakaalis na ito. Tiyak kasing hindi na ito bebentahan ni Clara dahil nakapagligpit na. Sa kanyang pagtataka, tila ba masayang-masaya pa si Clara na makita ito. Ilang sandali pa ay nagpatay ng ilaw sa shop at lumabas ng magkaholding hands ang dalawa. Sa isang Montero sumakay ang mga ito ngunit bago makaalis ay naharangan niya ang daraan ng mga ito. Bumaba ang lalaki at nakilala niyang isa ito sa anak ng kilalang negosyante. Napasinghal siya. "Ano bang problema, pare?" mahinahon ang pagtatanong nito. Bumaba rin naman si Clara na parang nahihiya. "Daniel, sa ibang araw tayo mag-usap." "No. I want an answer. Right here, right now!" "Sino ba 'to, Clara?" ani ng lalaki. "Sandali lang, George, mamaya ako magpapaliwanag." "Hindi pare, dapat marinig mo ang mga sasabihin niya. Para hindi ka magaya sa akin. Paiibigin ka lang niya pagkatapos peperahan ka lang. She's a gold digger!" Halatang nagulat ang binata. "Bakit ba ginagawa mo 'to, Daniel? Hindi ba nagpapanggap ka na hindi mo ako kilala? Ang tagal kong naghintay na bumalik ka pero kailangan ko maghanap ng iba!" "Totoo ba ang lahat ng bintang sa 'yo ni Amber? Sumagot ka!" Imbis mahiya ay nagtaas pa ito ng noo. "Oo, at hindi naman ako naghingi ng pera sa kanila. Sila ang nagbigay sa akin." "My goodness!" Sambit ng lalaki at bumalik na sa sasakyan. Nataranta si Clara. "Teka, George, wait lang! May date tayo, di ba?" Ngunit hindi na ito pinansin si Clara. Mabilis nitong pinatakbo ang Montero. "Hindi ako makapaniwalang inaksaya ko ang oras at panahon ko sa 'yo. Muntik pa akong mamatay. Naniwala pa akong naset up ka nga lang nila Amber para palabasin na gold digger ka, 'yun naman pala ay totoo. Nasaan ang konsensiya mo, ha? Sana maging masaya ka sa buhay mo. We are over. Period." Nang lumakad siya pabalik ng kotse ay sigaw ito nang sigaw. Galit na galit na napurnada ang target sanang huthutan ng pera. Ngunit hindi na niya ito pinansin. Hindi katulad nang una siyang makipaghiwalay dito na pakiwari niya ay duguan siya, ngayon ay kabaligataran. Para siyang nabunutan ng tinik sa dibdib at ni katiting na sakit ay wala siyang naramdaman. Natawa siya sa sarili. Ngayon lang niya napagtanto kung gaano siya naging tanga sa pag-ibig. Tama si Amber at kailangan niyang humingi ng tawad sa kapatid. "Daniel!" sumunod pa rin si Clara sa kotse. Kinatok nito nang kinatok ang bintana sa driver seat. Binaba niya ang bintana. "Gusto ko lang malaman mo na binayaran ako ng daddy mo para layuan ka. Minahal kita, pero kailangan ko ng pera dahil hindi ko alam kung paano bubuhayin ang pamilya ko. Naging practical lang ako. Hindi ako gold digger!" Nangiti siya. Kung siguro narinig niya 'yon nang panahong patay na patay siya rito ay tiyak na maniniwala siya at magpapadala sa mga sinasabi nito. Baka sa ganoong sitwasyon ay isama na niya ito at magtanan sila. Pero iba na ngayon. Iba na siya ngayon. Aminin man niya o hindi ay marami ang nagbago magmula nang maging girlfriend niya si Arianne. "It doesn't matter anymore. We're done." “Babalik ka rin sa akin, tandaan mo ‘yan!” “Bye, Clara.” Sarcastic niya itong nginitian at saka pinagsarhan ng bintana. Natanaw niya pa rin sa may side mirror na tila ba may isinisigaw pa si Clara nang makalayo na siya. Malalim siyang napabuntong hininga. Nalulungkot pa rin naman siya na tuluyan nang nagtapos ang relasyong sinubikan niyang ipaglaban. Ngunit ang kalungkutang iyon ay dahil sa hindi na niya alam ang susunod niyang gagawin. Marami siyang masamang bagay na naisip at pinlano lalo na kay Arianne para lamang mawala ito sa landas niya at maging malaya sa pakikipagrelasyon kay Clara. Nagring ang phone niya, natawag si Arianne. Halos mapatalon ang puso niya sa tuwa. “Hi sweetheart! Mabuti at tinawagan mo ako? Nasa bahay ka na ba? Pauwi pa lang ako. Ano baa ng gusto mong pasalubong?” “Ah, tumawag ako kasi makikitulog muna ako sa pinsan ko ngayon. May problema lang kasi siya at kailangan niya ng kausap.” Napakunot ang noo niya. Ang sabi ni Mr. D ay wala na itong kamag-anak na kumikilala dito at ang pinsan na inakalang concern dito. “Bukas na lang tayo magkita. Dito na ako matutulog. Mag-ingat ka sa pag-uwi. Bye.” Magsasalita pa sana siya nang marinig ang disconnection tone. Binalikan niya sa isip ang mga detalyeng sinabi ni Mr. D sa kanya kung saan ito maaaring magpunta. Imbis na tahakin ang daan pauwi ay lumiko siya pabalik sa shop. Doon rin kasi ang daan patungo sa simbahang tinutulugan noon ni Arianne. Hindi naman siya nagkamali ng hinala. Natanaw niya sa labas ng simbahan si Arianne at may kausap na madre. Tumagal ng halos bente minutos bago pumasok ang mga ito sa loob. Bumaba siya ng kotse. Hindi siya papaya na doon matulog si Arianne. May sarili naman itong kuwarto sa bahay niya. May sariling kama. Bakit kailangan magtiis ito roon? “Ano naman ang sasabihin ko sa kanya para kumbinsihin siyang umuwi na sa bahay namin?Tsaka paano ako magpapaliwanag kung paano ko nalaman kung nasaan siya.” Napaatras siya. “No, hindi ko ‘yon gagawin. Bahala na siya kung ayaw niyang umuwi.”   “OKAY LANG PO ako dito, sister. Magpahinga na po kayo.” Nakangiting wika ni Arianne nang tila ba hindi siya maiwan ng madre. “Sige, magpahinga kang mabuti. Maiwan na kita.” “Salamat po.” Nang iwan siya nito ay naupo siya sa likurang bahagi. Hindi niya mapigilang maiyak habang tahimik na nagdarasal. Wala pa man ay pakiramdam niya ay nadudurog na ang puso niya sa isiping kailangan na niyang iwan si Daniel. Pero yun ang dapat, yun ang kailangan. Mas hindi niya kakayanin ang lokohin ito. Mas masasaktan siya kung ipagpapatuloy ang isang malaking kasinungalingan. “Mahal ko na siya, Lord, eh. Baka kapag mas tumagal, mas lalo lang lumalim ang nararamdaman ko.” Napahikbi siya at napayuko. Niyakap niya ang sarili dahil wala naman ibang gagawa noon sa kanya. Namiss niya tuloy ang ina na alam niyang papagaanin ang kanyang loob sa ganoong sitwasyon. Kahit wala itong sabihin, yakap lamang nito ay magiging okay na siya. Napatigil siya nang may isang kamay na nag-abot sa kanya ng panyo. Kinuha naman niya ito at pinahiran ang mga luha. “Salamat po, pasensiya na po sa abala.” Aniya sa pag-aakalang isa iyon sa nagbabantay ng simbahan. Ngunit nang ibabalik na niya ang panyo at nag-angat ng tingin dito ay natigilan siya. Si Daniel. Nakangiti itong naupo sa tabi niya. Napakagat siya ng pang ibabang labi nang hawiin nito ang mga hibla ng kanyang buhok sa kanyang mukha. Gamit ang mga daliri ay pinahiran nito ang mga luhang nagsimula na naman tumulo. “Hindi na kita tatanungin kung bakit. Sige lang, umiyak ka lang. sasamahan kita. Ako ang magpupunas ng mga luha mo.” Anito. Hindi siya makapagsalita. Baka kasi mapahagulgol siya at masabi dito ang totoo. Napayakap na lang siya dito. “Magiging okay rin ang lahat, sweetheart. Nandito lang ako, hindi kita iiwan.” At hinagkan siya sa buhok ni Daniel. Hindi siya sumagot. Gusto niyang namnamin ang sandaling iyon. Dahil baka iyon na ang huli. Baka sa mga susunod na araw ay ang realidad na ang kanyang kaharapin… ang realidad na she is just the accidental girlfriend.    
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD