1

1926 Words
“SIR, HINDI KO PO kaya,” ang sabi kaagad ni Victoria kay Sir Four pagkatapos nitong sabihin na kailangan niyang magsulat ng isang nobela na malayong-malayo sa genre na karaniwan niyang isinusulat. Nasa meeting si Victoria kasama ang tatlong kasamahang writer at publisher na si Rafael Dimahingan IV o mas kilala sa tawag na “Sir Four.” Nakatanggap siya ng tawag mula sa publisher mismo para sa isang mahalagang meeting. Hindi niya inakala na ang dahilan ng meeting na iyon ay pagpapalit-palitin ang kanilang mga genre. Mukhang hindi pa nakakahuma ang mga kasama sa napakalaking pagbabago na ipinatutupad ng kanilang publisher.  Isang Young Adult fiction writer si Victoria. Apat na taon na siya sa pagiging manunulat. She loved being a YA writer. Mahusay siya sa genre na iyon. Young romance and teenage angst were her thing. Her stories were sweet and gentle and pure. Paano naisip ni Sir Four na kakayanin niyang magsulat ng isang erotic romance? Erotic romance! Sex sa bawat pahina. s*******n ng mga babae. Victoria couldn’t fully wrap her head around it. Hinihintay pa rin niya na sabihin ni Sir Four na biro lamang ang lahat. Ngunit hindi naman nagbibiro ang kanilang publisher. May munting bahagi sa kanya ang nais kalmutin ang poker face nito na waring wala itong pakialam sa ginagawa sa kanila. May munting bahagi rin naman sa isipan niya ang nakakaunawa kung bakit nito iyon ginagawa sa kanila. Kung naiba-iba lang ang publisher nila, hahayaan lang sila nito. Ngunit pinagkakaabalahan nitong tulungan sila kung paano mag-improve. Kung paano mahahasa ang kanilang kakayahan. Ngunit sa ngayon ay nais muna niyang mainis at makiusap nang sabay. Sa ibang pagkakataon na lang siya aalis sa kanyang comfort zone. Sa  ibang panahon na siya mag-e-experiment sa ibang genre—kahit na anong genre. Hindi siya handa. Kailangan muna niyang ikondisyon ang kanyang creative mind at bank account. “You can do it,” ang walang anumang sabi ni Sir Four. Hindi sigurado ni Victoria kung talagang matatag ang pananalig ng publisher sa kanyang kakayahan dahil walang anumang mababasang indikasyon sa mukha nito. Maaaring sinasabi lang nito ang mga katagang iyon upang tumahimik na siya o sa palagay nito ay iyon ang pinakatamang sabihin. Ngunit naisip din niya na hindi ang tipo ni Sir Four ang mahilig mag-patronize. Hindi sila maituturing na close. Sa palagay ni Victoria ay walang writer sa Priceless Publishing ang makaka-claim na close na close kay Sir Four. Ang kanilang boss na 4M—macho, mayaman, masungit at misteryoso. Pepektong hero sa romance novel. Ngunit iba siyempre ang fiction sa totoong buhay.  Umiling si Victoria. “e*****a?” Napangiwi siya at halos hindi makapagsalita. “Tingnan mo nga po ako, Sir,” ang kanyang padaing na hiling. Pinagmasdan nga siya ni Sir Four. Sa palagay ni Victoria ay waring nais tumaas ng isang kilay nito. Mukhang bored na ang kanilang boss. Mukhang kaunting panahon na lang nito mato-tolerate ang kanyang “whining.” “Anong parte sa mukha ko ang nagsasabing kaya kong magsulat ng e*****a?” “Ano’ng parte sa mukha ko ang nagsasabing magbabago ang isipan ko?” ang walang anumang tugon ni Sir Four. Itinikom na ni Victoria ang kanyang bibig dahil alam niyang walang mangyayari. Ngunit sa kanyang isipan ay mariin niyang pinipisil ang ilong ng kanyang publisher. Pagkatapos ay kikilitiin niya ito nang walang humpay upang mawala ang astig nitong poise. Nagpa-panic siya ngunit sinubukan niyang kalmahin kahit na paano ang sarili. Sinabi niya sa sarili na makakaisip siya ng paraan ngunit maging siya ay duda. May tiwala siya sa kanyang kakayahan bilang manunulat ngunit hindi siya tiwala na kaya niyang bumuo ng isang erotic novel.  Maituturing na mayaman ang kanyang imahinasyon ngunit kahit na sino marahil na NBSB at certified virgin ay mahihirapang magsulat ng anumang e*****a. Oo, nakakapanood siya ng s*x scenes sa mga pelikula at palabas sa TV ngunit ilang segundo lang naman iyon. Madalas na nakatutok ang camera sa itaas na bahagi ng katawan ng nagniniig. Walang humpay na halikan kasabay ng suggestive hip movements. Minsan pa ay ikinaiilang niya ang naririnig na daing mula sa mga artista. Ni hindi pa siya nakakapanood ng p**n! Natatakot kasi siya na mahuli ng kanyang lolo at lola. Mas natatakot siyang tumingin kahit na ng erotic pictures sa mga internet cafe. May mga larawan siya ng lalaking shirtless ngunit sino bang babae ang hindi nais tumitingin sa mga ganoong larawan? Hanggang sa makaalis si Victoria sa opisina ay iniisip pa rin niya kung ano ang gagawin. Ang bilin ni Sir Four sa editorial team ay huwag silang tanggapan ng bagong manuscript hanggang sa hindi nila natatapos ang ipinapagawa nito. Sumama siya sa tatlo pang kasamahang manunulat na sina Dawn Mendez, Belle Dame at Dream de Gracia sa isang fast food na malapit lamang sa opisina. Habang kumakain ay kusa nang lumabas sa bibig ang napakaraming rant tungkol sa kanilang publisher. Siyempre ay mahal nila si Sir Four—hindi na iyon magbabago. Nang mga sandaling iyon ay mahirap lang maalala ang bagay na iyon. Sa isipan ni Victoria ay mariin pa rin niyang pinipisil ang ilong nito, kinikiliti nang walang humpay. Kahit na paano ay gumaan ang pakiramdam niya pagkatapos ng rants na pinakawalan niya. Nang maghiwalay silang apat ay mas lumalim ang kanilang pagkakaibigan. Ang apat na dating nagbabatian lang sa opisina at meetings ay naging malalapit na magkakaibigan na. Napag-usapan nila ang pagbabakasyon upang ma-relax kahit na paano ang kanilang creative minds. Bago umuwi sa kanilang bahay ay dumaan muna si Victoria sa bakery at bumili ng cheese bread. Paborito iyon ng kanyang Mamu at Papu—lolo at lola. Laking lolo at lola si Victoria dahil wala na siyang ibang mapupuntahan. Bunso sa apat na magkakapatid ang kanyang ina. Dahil bunso, ito lamang ang napatuntong sa kolehiyo ng kanyang lolo at lola. Tumulong ang mga kapatid nito sa pagpapaaral. Matalino raw kasi ang kanyang ina at nakakuha pa ng magandang scholarship sa isang sikat na unibersidad. Ngunit totoo yata ang sinasabi ng marami. Kung ano ang ikinatalino ng isang tao sa academia ay iyon din ang ikinabobo nito sa pag-ibig. Nabuntis ang ina ni Victoria ng isang lalaking hindi ito pinanindigan. Ang sabihing nadismaya ang mga magulang at kapatid nito ay kulang. Ngunit wala nang magawa ang mga ito dahil naroon na siya. Dahil hindi pinanindigan, depressed ang kanyang ina noong ipinagbubuntis siya. Anim na buwan pa lamang siya sa sinapupunan nito ay ipinanganak na siya. Napakaliit daw niya at hindi raw inakala ng mga doktor mabubuhay. Pumanaw ang kanyang ina sa komplikasyon sa panganganak.  Ang lolo at lola na ni Victoria ang nag-alaga sa kanya mula noon. Ibinigay ng mga ito ang lahat sa kanya kahit na mahirap. Iginapang ng mga ito ang kanyang pag-aaral hanggang sa kolehiyo. Mahal siya ng lolo at lola niya. Hindi lang siguro dahil sa siya na lang ang natitirang alaala ng kanyang ina kundi pinalaki siya ng mga ito. Mahal na mahal din niya ang kanyang Mamu at Papu. Gagawin niya ang lahat para sa mga ito. Ibibigay ang lahat. Pagpasok sa loob ng bahay ay nadatnan niyang nasa sala ang mga matatanda at tahimik na nanonood ng TV. Mabilis niyang inabot ang kamay ng mga ito at nagmano. “Kumusta ang date mo?” ang kaswal na tanong kanyang Mamu. “Pinakain ka ba niya ng masarap?” ang dagdag ni Papu. Natatawang inilabas ni Victoria sa supot ang mga tinapay na dala at ibinigay sa dalawang matanda. Imbes na maupo sa tabi ng mga ito at makinood ng TV ay nagtuloy siya sa kusina. Naglabas siya ng maiinom mula sa kanilang one-door ref pagkatapos niyang mailapag ang bag sa kuwarto. Pagbalik niya ay dala na niya ang mga inumin nila. Abala ang dalawang matanda sa pagkain habang nanonood ng TV. Gustong-gusto ni Victoria na makita sa ganoong relaxed state ang kanyang Mamu at Papu. Gusto niyang nagre-relax na lang ang dalawa at walang ginagawa. Ganoon naman talaga kapag matanda na. Lumaki siya na nakikitang nagtatrabaho mula pagsikat ng araw hanggang sa paglubog niyon sina Mamu at Papu. Nabuhay at napagtapos siya ng mga ito sa pamamagitan ng paglalako ng mga lutong pagkain. Mahusay magluto ang kanyang Mamu. Magba-bike ang Papu niya at ilalako nilang mag-asawa ang mga lutong pagkain. May pagkakataon na naglalako pa ng balot at chicharon ang kanyang Papu noon upang may pandagdag sa kanilang gastusin. Mapalad na nakakuha si Victoria ng full scholarship sa isang politiko ngunit malaki pa rin ang pang-araw-araw na gastos. Pagtuntong niya sa kolehiyo ay mas mahina na ang katawan ng dalawang matanda ngunit pinilit pa rin ng mga ito na mapatapos siya. Maraming pagkakataon na ginusto niyang tumigil na lamang ngunit hindi siya hinayaan nina Mamu at Papu. Nais daw ibigay ng mga ito sa kanya ang lahat.  Kaya naman araw-araw niyang ipinangako sa sarili na susuklian niya ang kabutihan at pagsusumikap ng mga ito. Sa sandaling matapos siya sa pag-aaral ay titigil na rin ang mga ito sa pagtatrabaho. Ibibigay niya ang lahat ng luho at pangangailangan. Habang nag-aaral ay hindi rin niya hinayaan ang sarili na makipag-nobyo. Kahit na hindi sabihin nina Mamu at Papu, alam niya na natatakot ang mga ito na baka matulad siya sa kanyang ina. Hindi siya pinagbawalan ng mga ito ngunit lagi siyang binibilinan na huwag gaanong magmamadali. Hayaan muna niya ang sarili na makita ang kayang ihain ng buhay sa kanya bukod sa pag-ibig. Hindi nakatulong na parang inaasahan at hinihintay lang ng mga tiyuhin at tiyahin niya na gumaya siya sa kanyang ina. Nauunawaan naman niya ang ganoong reaksiyon, hindi lang maiwasan na masaktan siya siyempre. Hindi rin niya tuwirang masabi sa mga ito na walang dapat ipag-alala. Hindi si Victoria ang tipong ligawin. Hindi masama ang hitsura niya, alam naman niya ang bagay na iyon. Maganda siya. Hindi rin naman siya pinangingilagan ng mga lalaki. Marami siyang mga naging kaibigan na lalaki na hindi man lang nagtangkang manligaw. Siguro lang ay may mga ganda na hindi tipong kaagad na nagugustuhan ng opposite s*x. Siguro ay masyado siyang petite at baby face o virginal. Everyone wanted to protect her. Ganoon lang. Protective instinct ang kanyang nabubuhay sa lalaki, hindi lust. May kaibahan ang beautiful sa attractive at stunning. Kaagad nabatid ni Victoria na hindi “happy ever after” kapag naka-graduate na sa kolehiyo. Kinailangan muna niyang ipasa ang Licensure Exam for Teachers. Nagawa naman niyang pumasa kahit na hindi siya nagtungo sa review center. Hindi pa rin naging madali ang lahat para sa kanya. Nahirapan pa rin siyang maghanap ng trabaho. Dahil iyon sa stage fright. Hindi sigurado ni Victoria kung saan nanggaling iyon. Noong kolehiyo naman siya ay hindi iyon naging problema. Siguro ay dahil alam niya na estudyante pa lang siya noon, hindi pa talaga guro. Noong naghahahanap siya ng trabaho ay lubos nang tumimo sa kanyang isipan na nasa totoong buhay na siya. Naninigas siya sa harap ng mga bata na dati niyang pinaniniwalaang kinagigiliwan niya at kinagigiliwan siya. Hindi siya makapagsalita at hindi makapag-isip. Hindi malaman ni Victoria ang gagawin. Umabot sa punto na hindi siya makapasa sa mga interviews dahil sa stage fright. Hindi nakatulong na sinubukan siyang unawain nina Mamu at Papu imbes na kagalitan at itulak. Madalas sabihin ng mga ito na magiging maayos ang lahat, makakahanap din siya ng paraan. Hindi rin nakatulong ang mga naririnig niya mula sa mga tiyuhin, tiyahin at ilang pinsan, “Walang silbi.” “Ano `yon, pinag-aral para lang sa wala?” “Dapat ay hindi na talaga siya pinag-aksayahan ng pera sa pag-aaral. Wala namang pakinabang.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD