2

2726 Words
Na-depress si Victoria. Nagkulong siya sa kanyang silid at hinayaan lang siya nina Mamu at Papu. Tiwala ang mga ito na mahahanapan niya ng solusyon ang suliranin. Sa pagkukulong, naisipan ni Victoria na bumuo ng isang kuwento. Nais lamang niyang ilayo ang isipan sa mga negatibong bagay na nangyayari sa kanyang sarili noong mga panahon na iyon. Mahilig siyang magbasa ng mga romance novel. Romance pocketbooks ang tanging maituturing na luho niya sa katawan. Kapag hindi siya makatulog sa gabi o nais niyang mag-relax mula sa aralin, dinurugtungan niya ang mga kuwentong nababasa. Minsan, kapag hindi niya gaanong nagugustuhan ang itinakbo ng kuwento ay gumagawa siya ng sarili niyang “version”—fanfiction. Halos hindi namalayan ni Victoria na nakabuo na siya ng buong kuwento. Hindi niya alam kung ano ang gagawin doon kaya itinabi niya pansumandali. Minsan ay nadaan siya sa bookstore. Wala siyang planong bumili ng pocketbooks ngunit may ilang oras siyang kailangang patayin kaya nagbuklat-buklat siya. Doon niya nakita ang imbitasyon ng Priceless Publishing para sa mga bagong manunulat. Maaaring magpasa thru e-mail. Ibinenta ni Victoria ang ilang bote na naipon niya sa bahay upang may pangrenta siya ng computer dahil wala siyang sariling computer noong mga panahon na iyon. Inakala nina Mamu at Papu na nag-a-apply siya ng trabaho sa tuwing nagtutungo siya sa computer shop. Binibigyan pa siya ng mga ito ng pampa-print niya ng resumes. Hindi gaanong umaasa si Victoria kaya hindi muna niya sinabi sa kanyang lolo at lola kung ano ang talagang ginagawa niya. Hindi niya sigurado kung matatanggap ang kanyang kuwento. Nais lang niyang masabi sa sarili na may ginagawa siya kahit na papaaano. Ayaw niyang maramdaman na inutil siya kaya nagpasa siya sa Priceless Publishing kahit na hindi niya sigurado noong mga panahon na iyon kung nais niyang maging manunulat. Natanggap ang kuwento ni Victoria. Hindi niya mapaniwalaan noong una. Makailang ulit niyang binasa ang mensahe sa e-mail na ipinadala ng publishing company. Naiyak siya noong matanggap niya ang kanyang unang paycheck. Unang-unang ginawa niya pagkakuha ng pera sa bangko ay nagtungo sa grocery at inubos ang halos kalahati niyon. Ibinili niya ng mamahaling gatas ang lolo at lola niya. Nagtira lang siya ng kaunti para sa kanya, para pang-computer shop niya at ibinigay na niya ang natitira sa kanyang lola. Gumawa uli ng isang kuwento si Victoria. Ang naunang natanggap ay tungkol sa teen romance. Tipikal na popular rich boy at not so popular poor girl. Dahil komportable na siya na medyo bata-bata na mga bida, ipinagpatuloy na niya ang ganoon. Lalo na at naging maganda ang reception ng mga mambabasa sa kanyang unang libro na lumabas sa merkado. Nakatapos uli siya ng kuwento at nakatanggap ng tseke. Ilang buwan ang nakalipas ay ipinatawag siya sa opisina at nakilala sa unang pagkakataon si Rafael “Four” Dimahingan IV sa personal. Pinapirma siya nito ng exclusive contract. Noon ganap tumimo kay Victoria na hindi pagiging guro ang nakalaang kapalaran sa kanya. Tinigilan niya ang pagtatanong kung bakit na-develop ang stage fright niya. Nawala ang pakiramdam na inutil siya. Unti-unting natupad ang pangarap niya para sa kanyang lolo at lola. Noong una ay ayaw tumigil nina Mamu at Papu sa paghahanap-buhay. Idinadahilan ng mga ito na kawawa naman ang mga suki. Sayang ang kikitain. Ngunit iginiit niya ang gusto. Mas maganda na ang kita ni Victoria. Nakabili na siya ng laptop at regular ang pagpapadala niya ng nobela sa publishing company. Alam niya na kaya na niyang buhayin ang mga ito. Ang problema ay hindi lang siya ang iniisip ng kanyang lolo at lola. May ibang anak ang mga ito na nangangailangan. May mga pinsan siya na patuloy na nanghihingi sa matatanda na waring hindi alam ng mga ito na walang pension ang kanilang lola at lolo. Dinala ni Victoria ang dalawang matanda sa clinic para sa check up sa kabila ng pagtanggi ng mga ito. Noon niya nalaman na diabetic at hypertensive na ang dalawang matanda. Noon niya talagang ipinilit na tumigil na ang mga ito sa paghahanap-buhay. Noon niya naramdaman ang hindi masukat na takot. Mula noon ay namamahay na iyon sa kanyang dibdib, patuloy na lumalago. May pagkakataon na hindi siya makatulog sa labis na takot. Alam ni Victoria na matanda na sina Mamu at Papu. Alam niya na hindi na rin gaanong magtatagal ang buhay ng mga ito. Natatakot siyang mangyari iyon. Wala siyang ibang pupuntahan. Pakiramdam niya ay walang ibang taong nagmahal sa kanya unconditionally kundi ang dalawang matanda. Kaya naman patuloy siyang nagsusumikap, patuloy na nagsisipag. Nais niyang maibigay ang luho sa dalawa habang malakas pa ang mga ito. Nais niyang paligayahin ang mga ito at maibigay ang lahat ng kailangan. Sa wakas ay nakumbinsi rin niya ang dalawa na tumigil na sa pagtatrabaho at hayaan na siya sa lahat. Nabatid ni Victoria na mas mahal niya ang pagiging manunulat kaysa sa pagiging guro. Mas naging convenient sa kanya ang propesyon na pumili sa kanya. Hindi niya kailangang umalis ng bahay araw-araw. Nababantayan niya sina Mamu at Papu kahit na nagtatrabaho siya. Nagagawa niya ang mga kailangang gawin kahit na nasa bahay lamang siya. Perpekto ang set up. “Hindi po ako nakipag-date. May meeting po sa opisina,” ang sabi ni Victoria habang nakatuon ang mga mata sa telebisyon. Nakailang beses na niyang sinabi sa dalawa na hindi siya makikipag-date ngunit waring ayaw maniwala ng mga ito. Marahil ay mas umaasa ang dalawang matanda na makikipag-date nga siya at hindi magtutungo sa meeting. “Kung makikipag-date man po ako, magsasabi ako ng totoo, Mamu, Papu. Hindi na po ako disi-seis.” Halos sabay na nagpakawala ng buntong-hininga sina Mamu at Papu.  “Iyan din ang sinasabi ko sa `yo, anak,” ang sabi ni Mamu sa malumanay na tinig. “Hindi ka na disi-seis. Hindi ka na bumabata.” “Hindi na kami bumabata,” ang dagdag ni Papu. Pinigilan ni Victoria na mapabuntong-hininga rin. Hindi na bago sa kanya ang paksa na ganoon. Hindi niya sigurado kung kailan nagsimula talaga ang kagustuhan ng dalawa na magkanobyo na siya. Ikinatuwa marahil ng mga ito ang hindi niya paglandi noong nag-aaral siya ngunit hindi na ngayon gaanong ikinatutuwa ng dalawa ang bagay na iyon. Mula noong malaman ng mga ito ang pagiging diabetic at hypertensive, natakot din marahil ang mga ito na maiwan siyang mag-isa. “Darating din po si Mr. Right, Mamu, Papu,” ang tugon ni Victoria sa tinig na waring puno siya ng kumpiyansa at ganap niyang pinaniniwalaan ang bagay na iyon. Kailangan niyang aminin na may mga pagkakataon na naniniwala siya. Umaasa at naghihintay. Naghahangad at nangangarap. Ngunit may pagkakataon na mas nais niyang magpakapraktikal. Naitatanong niya sa sarili kung mahalaga nga ba talaga ang pagkakaroon ng lovelife. Minsan ay nasasagot niya iyon ng hindi at may mga pagkakataon naman na nasasagot niya iyon ng oo. Kapag kasi naiisip niya na tatanda siyang mag-isa, parang naiiyak siya sa lungkot. Kapag naiisip niya na hindi niya mararanasan ang mga bagay na isinusulat at ipinapadama niya sa mga suki niyang mambabasa, hindi niya masabi na ganap na siyang nabuhay. Parang may palaging kulang. “Manalig lang tayo, ano po?” ang pabiro pang dagdag ni Victoria. Napaismid si Papu. “Lumabas ka. Hanapin mo na. Tigilan mo na ang paghihintay at baka hinihintay ka rin lang niya.” Banayad na natawa si Victoria. Ipinaikot niya ang mga braso sa leeg ni Papu. Amoy Efficascent oil na ang matanda. “Saan mo po nakuha `yan? Magamit nga.” “Naku, Victoria, hindi kami nagbibiro ng Papu mo,” ang sabi ni Mamu bago pa man makatugon si Papu. “Gusto namin na mahanap mo na ang mabuting lalaki na para sa `yo bago man lang kami lumisan sa mundo.” “Parating na siguro siya,” ang sabi ni Victoria kahit na hindi sigurado. Masasabing hindi rin siya gaanong interesado sa kasalukuyan. Sa ibang pagkakataon marahil ay mas magkakainteres siya. Sa ngayon ay masyadong abala ang kanyang isipan sa ipinapagawa sa kanya ng publisher niya.  “O, kumusta naman ang boss mo?” ang kaswal na tanong ni Papu. “Ganoon pa rin po. Pogi pa rin at hindi gaanong nagsasalita.” Sina Mamu at Papu ang maituturing na best friend ni Victoria. Halos lahat ng bagay ay nasasabi niya sa mga ito. Hindi pa man kilala ng mga ito sa personal ang kanilang publisher, madalas naman siyang nagkukuwento. “Ano raw ang kailangan sa `yo?” tanong ni Mamu. “May ipinapagawa lang po sa akin na bagong nobela.” “Mahirap?” ani Papu. Wala ho kayong ideya. “Hindi naman po. Kayang-kaya ko po.” Nasasabi niya ang halos lahat, maliban lamang sa kanyang mga suliranin. Alam niya na sa likod ng isipan ng kanyang lolo at lola, maging ng mga kamag-anak nila ay iniisip ng mga ito na madali ang kanyang trabaho. Akala ng mga ito ay madali lang gumawa ng kuwento. Madaling magsulat. Isang tiyuhin pa niya ang nagsabi na kayang humabi ng kuwento ng kahit na sino. Nasaktan siya noon ngunit sinikap niyang panatilihin ang ngiti sa mga labi. May pagkakataon na nais niyang patuloy na maniwala ang lolo at lola niya na mas madali ang trabaho niya upang hindi nag-aalala ang mga ito. Noong ang dalawa ang nagbabanat ng buto, wala siyang gaanong narinig na reklamo. Hindi ipinamukha ng mga ito sa kanya kung gaano kahirap ang trabaho. Ngunit mayroon din namang pagkakataon na nais niyang isigaw na hindi madali. Hindi basta-basta ang proseso ng pagbuo ng bawat karakter at bawat eksena. “Anak, `yong ibinigay mong pera sa akin noong isang araw ay ibinigay ko na sa Tita Jeng mo, ha?” ang malumanay na sabi ni Mamu. “Wala kasing baon ang mga pinsan mo. Hindi pa nagpapadala ang Tito mo. Mukhang may bagong babae na naman daw sabi ng Tita mo.” Hindi na gaanong nagulat si Victoria sa narinig. Regular niyang nilalagyan ng cash ang pitaka ng dalawang matanda. In case may biglaang gastos o may magustuhang bilhin. O mangailangan ang mga tiyuhin, tiyahin at pinsan niya. Tumango na lang siya. “Sige po. Palitan ko na lang bukas kapag nakapagwithdraw ako.” “Anak...” Napatingin si Victoria kay Papu. Nakatingin na ang abuelo sa kanya, may pag-aalangan sa ekspresyon ng mukha. Nanatili ang ngiti sa kanyang mukha. “Ibinigay n’yo po kay Tito Art ang pera n’yo?” hula niya. “Pinansabong niya?” Tumango ang matanda. Pinigilan ni Victoria ang pag-ahon ng inis sa kanyang dibdib. Nauunawaan naman niya na hindi matiis ng dalawang matanda ang mga anak. Kahit na sino marahil magulang ay hindi kayang tiisin ang anak. Nahihiling lang sana niya na huwag dumalaw o tumawag ang mga tiyuhin at tiyahin sa tuwing nangangailangan lamang.  “Okay lang din,” ani Victoria sa masiglang tinig. “Papalitan ko rin.” Tumikhim si Mamu. Sandali lang nag-alangan ang abuela. “Baka pupuwede mong idamay ang gamot ng Tito Arnel mo, anak? Nagpunta siya rito kanina, eh. Nakikiusap uli. Kinailangan kasi ng Ate Barbie mo ng pera kaya naibigay niya ang pambili niya ng gamot.” Muli, pinanatili ni Victoria ang ngiti sa mga labi kahit na mas nahirapan siya dahil sa narinig. Si Tito Arnel ang pinakapanganay na anak nina Mamu at Papu. Ang naturang tiyuhin din ang pinakahindi niya paboritong kamag-anak niya. Patawarin siya ng Diyos at ng lolo at lola niya dahil sa negatibong kaisipan na naiisip niya sa tiyuhin. Maituturing na maganda ang buhay noon nina Tito Arnel. Maganda ang trabaho nito at naibibigay ang lahat ng luho ng mga anak. Nakapag-aral ang kanyang mga pinsan sa maganda at pribadong paaralan. Maganda ang bahay nito. Nagtayo ng malaking sari-sari store ang tiyahin niya at maging iyon ay malaki ang kita. Paminsan-minsan lang nabibigyan ng mga ito sina Mamu at Papu. Minsan ay nakalista pa ang mga nakukuhang pera o supplies sa sari-sari store noon. Walang patawad ang tiyahin niya, may interes ang utang kahit na sa mga matatanda. “Paano naman kasi namin kayo bibigyan, eh, si Victoria lang naman po ang makikinabang?” Iyon ang minsang narinig ni Victoria na sinabi ng tiyuhin. Labis siyang nagdamdam at nasaktan. Ngunit nanahimik siya dahil alam niya na naging pabigat talaga siya kina Mamu at Papu noon. Hindi naging madali ang pagpapalaki sa kanya. Naging kampante ang tiyuhin at ang buong mag-anak nito dahil sa mariwasang buhay na tinatamasa. Hindi nagsumikap sa eskuwelahan ang anak nito. Nalulong sa sabong at iba pang sugal ang tiyuhin. Ganoon din ang kanyang tiyahin. Walang natapos sa anak ng mga ito. Kung hindi nabuntis ay nakabuntis ang mga pinsan niya. Nagsara ang kumpanyang pinagtatrabahuhan ng tiyuhin kaya umasa ang buong mag-anak sa kinikita ng sari-sari store. Hindi mabitiwan ng mga pinsan ang nakasanayang lifestyle kaya hindi naging sapat ang kita ng tindahan. Hindi rin nakapag-impok ang mag-asawa. Dahil tumatanda na rin, nagkakasakit na si Tito Arnel. Hypertensive rin ang tiyuhin at may maintenance na gamot. Ang Ate Barbie na tinutukoy ni Mamu ay ang panganay na anak ni Tito Arnel. Dalawa na ang anak ng pinsan ngunit magkaiba ang ama at kasalukuyang hindi kasal. Palaging nangangailangan ang pinsan niya dahil sa pagiging maluho nito. May mga trabaho naman ang mga pinsan niya kahit na hindi nakapagtapos ng kolehiyo. Hindi lang niya malaman kung bakit hindi magawang abutan ng mga ito ang mga magulang. Siguro ay mas magiging magaan sa loob ni Victoria ang pagbibigay kung hindi niya nakikita ang mga pinsan na todo ang pagyayabang sa f*******:. Halos araw-araw na nakikita niya ang shot ng kapeng iniinom ng mga ito galing sa Starbucks. Nagagawang kumain sa mga mamahaling restaurant. Ang ate Barbie niya ay apat hanggang limang beses sa isang taon kung mag-out of town. Mga bagay na hindi nagagawa ni Victoria. Nagkakasya siya sa three-in-one na kape araw-araw. Mas gusto niyang mamalengke at magluto kaysa kumain sa labas—kahit na sa fastfood restaurant lamang. Mas pipiliin niyang ibili ng gatas para sa matatanda ang kanyang pera kaysa ipambili ng mga damit o sapatos. Masuwerte na kung makapag-out of town siya minsan sa isang taon. Nitong mga nakalilipas na buwan ay si Victoria ang sumasagot ng pambili ng gamot ni Tito Arnel dahil na rin sa pakiusap nina Mamu at Papu. Sa tuwing nakikita niya ang mga larawan ng Starbucks, masasarap na pagkain, at trips sa iba’t ibang lugar ng kanyang mga pinsan ay pilit niyang ibinabaon ang inis na nagpupumilit kumawala. Ayaw niyang makaramdam ng sama ng loob. Ayaw din naman niyang hindi magbigay kahit na ikinonsidera niya iyon noong una. Kahit na gaano kasama ang naging trato sa kanya ng mga kamag-anak mula nang ipanganak siya, kamag-anak pa rin niya ang mga ito. Kadugo. Hindi mo maaaring talikuran ang pamilya mo. Ipinapaalala rin niya sa sarili na mahal nina Mamu at Papu ang mga ito. Hindi man siya minahal ng karamihan, minahal naman siya ng dalawang pinakaimportanteng tao sa buong mundo. Naisip din ni Victoria na kung magmamaramot siya at hindi tutulong, magiging katulad na rin siya ni Tito Arnel at hindi niya gustong maging ganoon siya.  “Sige ho. Isasabay ko na po ang gamot ni Tito sa pagbili ng mga gamot n’yo. Nasa akin pa naman po ang reseta niya noong nakaraan,” ani Victoria sa dalawang matanda na naghihintay ng sasabihin niya. Waring bahagya pang nag-aalala ang mga ito sa magiging reaksiyon niya. Siguro, kahit na gaano niya itago ay alam ng mga ito ang second thoughts niya.  “Salamat, `nak,” ang sabi ni Mamu. “Pasensiya ka na, Victoria, kung nagiging masyadong mahingi ang mga tito at tita mo, ha. Nagkakataon lang na nagkakasabay-sabay ang problema nila,” ani Papu. “Okay lang, ho,” ang sabi niya. “Basta ba meron. At problema ay kung wala.” Pero kahit na siguro wala ay gagawan pa rin niya ng paraan. Nang magpaalam na si Victoria kina Mamu at Papu upang magpahinga na sa kanyang silid ay ilang sandali siyang tumitig sa pader na waring maaari niyang malaman ang kasagutan sa tanong na paano siya magsusulat ng e*****a roon. Ibinagsak niya ang katawan sa single bed na may limang malalambot na unan. “Ano’ng nagawa kong kasalanan sa `yo, Sir Four, para parusahan mo `ko nang ganito?” ang tanong ni Victoria sa kisame. Hindi rin siya nakakuha ng sagot kahit na matiyaga siyang naghintay at mataman na nag-isip.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD