HINDI KAILANGAN ni Victoria ng alarm clock. Mayroon na siyang internal alarm clock. Kusa siyang nagigising pagsapit ng alas-singko ng umaga. Nakasanayan na niya marahil dahil mula pagkabata ay ganoon kaaga na siya nagigising. Ganoon din kasi ang oras ng gising nina Mamu at Papu. Mamamalengke si Papu at magluluto na si Mamu ng mga pagkain ilalako sa buong maghapon.
Ipinupusod niya ang buhok habang palabas sa kanyang silid. Isinalang niya ang takuri sa kalan bago niya inabot ang kanyang toothbrush. Pagkatapos niyang mag-toothbrush at maghilamos ay tumunog na ang takuri. Isinalin niya ang laman iyon sa thermos at nagtimpla siya ng kape para sa kanya. Pagkatapos ng tatlong higop sa kape ay sinimulan na niya ang paghahanda ng almusal para sa dalawang matanda na alam niyang anumang sandali ay babangon na.
Matagal-tagal bago nakasanayan nina Mamu at Papu na huwag magkumahog paggising ng umaga. May pagkakataon daw na hinahanap-hanap ng katawan ng mga ito ang trabaho. Ngunit kahit na gaano kasidhi ang kagustuhan ng mga ito na kumilos, hindi na maitatanggi ang katandaan. Ramdam na ng mag-asawa ang pagrupok ng katawan.
Nang lumabas ang dalawang matanda sa silid ay mabilis na nagtimpla ng kapeng may maraming gatas si Victoria. Tahimik silang nagkuwentuhan habang nag-aalmusal. Inalam niya ang plano ng dalawang matanda para sa araw na iyon. Aasikasuhin ni Papu ang munting hardin nito. Nakahiligan ni Papu ang pagtatanim ng ilang herbs at namumulaklak na halaman. Plano ni Mamu na bisitahin ang mga apo nito kay Tita Jeng. Mukhang may pinagdadaanan ang tiyahin sa babaerong asawa.
Pagkakain ay nagsimula na ang dalawang matanda sa mga planong gawin. Inipon ni Victoria ang mga labahin at habang gumugulong ang mga iyon sa washing machine ay naglinis siya ng bahay. Naligo na siya pagkasampay ng mga labahin. Siniguro muna niya na nakahanda ang mga maaaring kailanganin ng dalawang matanda bago siya nagtungo sa bangko upang maglabas ng pera. Binili na niya ang lahat ng gamot na kailangan ng matatanda at ni Tito Arnel. Pagkatapos ay nagtungo siya sa grocery store para bilhin ang mga kulang na supplies sa bahay.
Hapon na nang makaupo si Victoria sa harap ng kanyang desk. Hindi maaaring lumipas ang araw na wala siyang nagagawang trabaho. Determinado siyang gawin ang lahat ng kanyang makakaya. She could maybe work around it.
“Kaya mo, Maria Victoria Bataoile,” ang sabi niya sa sarili, paulit-ulit. Binuksan niya ang laptop. “Kakayanin mo dahil wala kang ibang pupuntahan. Wala ka nang ibang fallback. Kakayanin mo dahil ipinangako mo sa sarili mo na hindi ka na susuko basta-basta. You are good.” Mas nais niyang mag-isip ng mga bagay na positibo sa puntong ito ng kanyang buhay.
Binuksan ni Victoria ang isang blangkong word document. Lumipas na ang halos kalahating oras ay nananatili pa rin iyong blangko. Pakiramdam pa niya ay tinutuya siya ng blinking cursor. Makailang beses naman niyang sinubukang magsulat, makaisip ng “erotic” title. Ngunit wala talaga. Noon lang siya nablangko nang ganoon.
“Ugh!” ang naiinis na usal ni Victoria habang patayo sa swivel chair. “Sir Four!” Nanggigigil niyang binuksan ang isang pakete ng KitKat na inilabas niya mula sa kanyang snack drawer. “Bakit hindi mo na lang ako hayaan sa genre na masaya ako, sa genre na mahal ako, sa genre na mahusay ako? Bakit kailangan mong gawin sa akin ang bagay na ito?”
Ibinagsak ni Victoria ang sarili sa kama at tumitig uli sa kisame. Sinubukan niyang ilarawan sa kanyang diwa ang ilang plot na maaari niyang magamit. Sinubukan niyang ilarawan sa kanyang diwa ang mga eksena na maaari niyang gamitin. Walang pa-tweetums. Walang whiner na teens na may superhero complex. Walang emo. Walang gaanong drama. Walang corny, pa-cute lines.
“Erotic. Hubad? Hubad na maskuladong katawan ng lalaki. Sexy eyes. Playful grin. Guwapo siyempre. Iyong tipo ng kaguwapuhan na lalaking-lalaki. Hindi lang cute. May abs at may porma ang mga braso. Okay, hindi na masama. Babae naman. Siyempre maganda. Matangkad. Sexy. May boobs. Bouncy boobs. Ew.” Halos wala sa loob na napatingin siya sa sarili niyang dibdib. “Maliit ang baywang. Mabilog na balakang. Uhmm... ano pa?” Ilang sandali na napatitig pa rin siya sa kisame. Blangko. “Wala na. Paano sila magkakakilala? Bakit sila meant to be? Bakit sila magse-s*x?”
Blangko. Walang maisip si Victoria na kahit na ano. Ni hindi siya makabuo ng kahit na isang eksena. Hindi siya makabuo ng magandang backstory. Naihilamos niya ang mga palad sa mukha. “Ugh! Ugh!”
Ngayon lang nangyari ang bagay na ito sa kanya. Mula nang maging VA Sinclair si Victoria ay hindi siya nagkaroon ng ganoon katinding writer’s block. Hindi niya maiwasang mag-alala.
NAUPO SI Roberto sa kanyang executive chair at pinagmasdan ang isang panig ng kanyang pader. Sinadyang inayos ang bahaging iyon para sa karangalang natanggap niya at ng kanyang agency. Iyon ang tinatawag niyang “brag wall.” Pinaghirapan niya ang bawat isa sa mga tropeo at rekognasyon na naroon kaya marapat lang na ilantad upang makita ng lahat, ipagmalaki. The trophies were reminder that he—they were good at what they were doing. Ngunit madalas din niyang sabihin sa kanyang staff na hindi dapat masyadong pinakatitigan ang mga award. Once you accepted one, be happy and brag a little. Then move on. Achieve another one.
Marami-rami na ang tropeo at rekognasyon ngunit nasa gitna ng mga iyon ang dalawang pinakamahalaga para kay Roberto. Ang kanyang Best Actor Award noong aktibo pa siya sa pagiging artista at ang kanyang Clio statue na hindi pa natatagalan mula nang igawad sa kanyang ahensiya para sa isang ad na ginawa nila. Ang Clio Awards ang equivalent ng Oscar sa mundo ng advertising. Kahit na sinong nasa mundo nila ay iyon ang hangad. Mula nang simulan niya ang kanyang agency ay iyon na pinakaasam-asam niya. He knew he would get one. It was not a matter of if and how, it was just a matter of when. Hindi niya siguro mararating ang kasalukuyang estado kung hindi higit pa sa sapat ang kanyang pananalig sa kanyang kakayahan at sa kanyang buong team.
Sa pagkakaroon ng Clio statue, mas lumago ang respeto ng mga tao sa kanya. Siguro ay nabura na nang lubusan sa alaala ng marami na dati siyang artista na mas kilala sa mga role na kinailangan niyang maghubad ng damit. Wala na marahil tatawag sa kanya ng pipitsuging boldstar.
Napangiti si Roberto. Sa totoo lang, hindi niya gustong mabura sa alaala ng lahat ang naging nakaraan. Hindi niya mabubura ang nakaraan. He is what he is now because of what he was at the past. Kung tatanungin siya kung pinagsisihan niya ang mga naging desisyon niya noon, hindi pa rin nagbabago ang kanyang sagot. Hindi. Hindi pagsisisihan kailanman. Hindi naman kasi lahat ng pelikulang ginawa niya ay basura. Halos lahat ng mga naging pelikula niya ay naghubad siya ngunit may ilan naman na masasabing maganda ang materyal. Hindi puro kamunduhan at s*x scenes. Hindi naman siya mananalo ng Best Actor award kung ganoon nga.
Those B movies also paid for so many things. His mother’s medical bills and his education. Kung wala ang mga pelikula na iyon ay hindi maililigtas ang buhay ng kanyang ina na may heart condition. Kinailangan nitong operahan noon at nakatulong nang malaki ang mga naging talent fee niya. Hindi rin marahil siya makakabalik sa kolehiyo kung hindi sa pagiging boldstar niya. Wala ang Roberto Falcon na Clio awardee kung wala si Bob Falcon na bold star.
Naalis ang mga mata ni Roberto sa “brag wall” nang makarinig siya ng banayad na katok. “Pasok,” aniya sa sinumang nasa labas ng pintuan. Palaging bukas ang kanyang opisina ngunit nakasanayan na ng mga staff niya na kumatok muna.
“Hey,” ang nakangiting pagbati ni Petra habang papasok sa loob ng kanyang opisina. “The conference room will be ready in ten.”
Gumanti si Roberto ng ngiti at tumango. “Everything is in order?”
Mas lumapad at mas tumamis ang ngiti ni Petra. “Everything’s great. Everything will not fall apart while you’re gone. Ang gagawin mo lang sa conference room ay tahimik na makinig at hayaan ako sa lahat.”
“Hindi ko sure kung kakayanin kong manahimik.”
“You will let me handle everything, Rob.”
Banayad na natawa si Roberto sa banayad na pagbabanta sa tinig ng kaibigan at pinakapinagkakatiwalaang staff. “I know everything will not fall apart while I’m gone. I trained you.” Senior account executive siya noon sa ibang firm at isang intern naman si Petra. Nang simulan ni Roberto ang kanyang ahensiya, sumunod sa kanya ang dalaga imbes na ipagpatuloy ang nasimulan sa malaking advertising agency na pinagtrabahuhan nilang dalawa. Sa kasalukuyan ay si Petra ay senior account executive at maituturing na second in command.
Isa si Petra sa mga itinuturing niyang matalik na kaibigan. Iilan lamang ang maituturing niyang mga totoong kaibigan. Ang mga kaibigan na lubos ang respeto sa kanya sa kabila ng kanyang pinagmulan.
“Yes, you trained me and I’m very good at what we do. Masyado nang overdue ang bakasyon na ito, Rob. Panahon na para naman pagbigyan ang sarili mo. Relax and don’t think of work.”
Napabuntong-hininga si Roberto. “Hindi ko na yata alam kung paano gagawin ang ganoon.” He had been working his ass off almost all his life.
“Dalawang linggo ka lang mawawala sa opisina.”
“I know. Pero hindi ko na maaalala kung kailan ang huling beses na wala akong ginawang trabaho sa loob ng dalawang linggo.” Competitive ang advertising world. Hindi rin nakatulong na masyado silang maraming kalaban. Stressful ang environment. It was also constantly evolving. Sa bilis magpalit ng uso sa panahon ngayon, wala nang ideya at konsepto na nagtatagal. Ang pinag-uusapan ngayon ay maaaring hindi na pag-usapan kinabukasan. Ang kinagigiliwan ng mga consumer ngayon ay baka kainisan na sa mga susunod na araw. They had to keep up or get ahead.
“It’ll be easy,” ang nakakatiyak na sabi ni Petra kahit na katulad niya ay bihira ring magbakasyon ang dalaga. Parehong umiikot ang kanilang mundo sa trabaho. “Kapag nasa magandang isla ka na ng Palawan, makakalimutan mo kaagad ang mga trabaho. Beach, bikinis, and sun. Ano pa ba ang hihilingin mo?”
“Yeah, you’re right.” Hindi maamin ni Roberto na may ibang bagay na bumabagabag sa kanya. Hindi niya maamin dahil naiinis siya sa sarili. Patuloy siyang nagpapaapekto sa nakaraan at hindi na dapat. Hindi niya maiiwasan ang Palawan buong buhay niya. Nang matanggap niya ang kanyang Clio statue, ang unang sumagi sa isipan niya ay ang naging marriage proposal niya kay Tanya halos sampung taon na ang nakakaraan. Napagpasyahan niyang balikan ang lugar. Habang tangan ang award, pakiramdam niya ay may napatunayan na siya sa wakas sa kanyang nobya. Hindi siya aware hanggang nang mga sandaling iyon na umikot ang ilang pangarap niya sa naging pagtanggi ni Tanya na makasama siya habang-buhay. Hindi siya aware na hindi lang sa sarili niya nais patunayan ang kakayahan kundi pati na rin sa babaeng labis na minahal ng kanyang puso.
Maraming lugar na maaaring puntahan si Roberto. He loved New York. Nais niyang bisitahin ang teatro at ilang museo. Nais niyang maglakad-lakad sa Central Park. Ngunit napagpasyahan niyang magtungo muna sa Puerto Princesa. Ibabaon niya ang lahat ng kailangang ibaon. It was time to stop obsessing about the past. Hindi na niya iyon mababago at hindi na niya hahayaan na diktahan niyon ang kasalukuyan at kinabukasan niya. Isang linggo siya sa Palawan at tutuloy siya sa New York upang gugulin ang isang linggo roon.
“Everything will be okay,” ang sabi ni Roberto, mas sa kanyang sarili kaysa kay Petra. Wala siyang dapat na ipag-aalala, iyon ang sinasabi ng kanyang isipan ngunit may bahagi pa rin sa kanya ang hindi mapakali, ang bahagyang nababahala. Wala siyang makitang dahilan o maaaring pagmulan ng mga pakiramdam na ganoon. Hindi na sila nagkita ni Tanya mula noong iwanan siya nito sa Palawan.
“Ready for your last meeting before your overdue vacation?”
Tumayo na si Roberto sa executive chair bilang tugon. Kanugnog ng kanyang opisina ang conference room. Naroon na ang halos lahat. Sandali niyang iginala ang paningin sa paligid bago siya naupo sa kanyang designated seat. His conference room was both creative and convenient. Carefully chosen artworks were hanging on the walls. Komportableng mga upuan. May mga halaman din upang mas maging malamig sa mata ang paligid at upang malinis ang hangin. Mas madaling mag-isip kung kahit na paano ay malinis ang hangin na nalalanghap. Sa silid na iyon madalas na nabubuo ang mga pinakamagagandang ideya ng team. He was going to miss the room. Kinonsola niya ang sarili sa kaalamang ilang linggo lang naman siyang mawawala.
Nang mga sumunod na sandali ay naging abala na ang lahat sa meeting. Nanahimik lamang si Roberto habang pinakikinggan ang mga progreso sa mga ongoing campaigns nila. Inisa-isa niya ang mga bound copies ng proposals at glossy printouts. Mataman siyang nakinig sa mga pitch at campaign proposals ng account executives niya. Si Petra ang nag-present ng new businesses sa kanila. Siya ang karaniwang gumagawa niyon.
Shampoo, diapers, milk for geriatrics, tourism, hotel at pet shop. Ilan lamang iyon sa mga account na maaari nilang makuha. Tiwala naman si Roberto na kakayanin ng mga executive niya. Hindi niya kailangang mag-alala. Bahagyang nanibago ang mga executive sa pagiging tahimik niya ngunit nginitian lang niya ang bawat isa. Nais niyang ipaubaya ang lahat kay Petra. Alam niya na hindi siya madidismaya sa kanyang pagbabalik.
“Mr. Dimahingan is in your office waiting, Sir Rob,” ang sabi ng assistant ni Robert pagkatapos na pagkatapos ng kanilang meeting.
“Thanks.” Pagkasabi niyon ay bumalik na siya sa kanyang opisina. Nadatnan ni Roberto si Mr. Rafael Dimahingan IV na pinagmamasdan ang kanyang Clio statue. “Four,” ang nakangiting pagbati niya.
Nilingon siya ng kaibigan, may tipid na ngiti sa mga labi nito. “Rob. Lovely award. Congratulations.”
“Thanks. I deserve it. My team deserve it.”
Bahagya lang lumapad ang ngiti sa mga labi ng kaibigan. “Yeah, you do deserve it.”
Binalikan ni Roberto ang mesa. “Your new campaign is going well.”
Naupo sa isa sa mga komportableng couch si Four. “Yeah, it is. Thank you.”
Presidente ng Priceless Publishing si Rafael “Four” Dimahingan IV. Ang lalaki ang isa sa mga unang kliyente ng kanyang ad agency. Pinagkatiwalaan siya nito pagkatapos ng unang pitch niya. Nabuo na rin ng pagkakaibigan sa pagitan nila mula noon. Isa si Four sa mga kaibigan na hindi siya hinusgahan. Hindi marahil alam ni Four kung gaano kahalaga sa kanya ang naging pagtitiwala nito sa kanyang ahensiya noong nagsisimula pa lamang sila. He could’ve gone to a bigger ad agency. Whatever he saw in him that earned his trust, he was very grateful.
“Petra’s going to handle everything while I’m gone. Hindi mo kailangang mag-alala.”
“Hindi ako nag-aalala,” ang walang anumang tugon ni Four. “So. Palawan?”
Nabasa ni Roberto ang concern sa mata ng kaibigan kahit na sinikap nitong itago sa kanya. Hindi niya sinadyang masabi kay Four ang nangyaring pagtanggi sa kanya ni Tanya noon sa Palawan. They were not the type who loved talking about feelings. Ngunit isang gabi sa isang bar ay naparami ang kanyang inom at nasabi sa kaibigan ang tungkol sa pangyayaring iyon sa kanyang buhay. Sa palagay niya ay may nagtanong sa kanya kung bakit hindi siya nakikipagrelasyon.
“Yeah. I think it’s time to come back.”
“Okay. Puwede mong gamitin ang bahay ko roon.”
Napangiti si Roberto. “Yeah?” Maaari siyang mag-hotel ngunit matagal na niyang nais pasyalan ang bahay ng kaibigan sa Puerto Princesa.
“Nagkataon na magbabakasyon din sina Kale, Harry at Thor. Nabanggit ko na sa kanila na magbabakasyon ka rin pero kung mas gusto mong mag-isa—“
“No, it’s fine. It’s great, actually. Malungkot kung mag-isa lang akong magbabakasyon. Mas gusto ko nang may kasama.” Ang mga tinukoy nito ay mga malalapit din niyang kaibigan. Mga kaibigan na nakilala niya dahil kay Four. Totoong ikinatuwa niyang malaman na magbabakasyon ang ibang kasama. Siguro ay mas magiging masaya ang trip. “I’m gonna call them. Hindi ka rin ba sasama? Sumama ka na lang. Take some time off from work.”
Umiling si Four. “I can’t leave work. Call me if you need anything else.”
“Thanks, Four.”
“Anytime.”
Kumatok at pumasok sa loob ng kanyang opisina si Petra, tangan ang isang folder na sa palagay niya ay naglalaman ng progreso ng ad campaigns ng Priceless Publishing. Nakangiting binuksan ni Petra ang pintuan patungo sa conference room. “Shall we, Mr. Dimahingan?”
Tumayo na si Four at tinungo ang conference room. Tumingin si Petra kay Roberto.
“I’m sitting this one out,” ang sabi ni Roberto. “You got this.”
Nang mawala sa paningin ni Roberto ang dalawa ay sinimulan na niya ang pagpaplano ng bakasyon. Nasabik siya at naglaho ang ilang agam-agam at pag-aalala sa kaalamang makakasama niya ang mga kaibigan.