“MAGBE-BEHAVE PO, Mamu, Papu, ha?” ang bilin ni Victoria habang palabas ng kanilang bahay. Nakasunod sa kanya ang dalawang matanda na waring nababagot na sa kanyang mga bilin. Alam niya na paulit-ulit na siya at nais niyang tumigil na ngunit hindi niya mapigilan ang sarili. Iyon ang unang pagkakataon na aalis siya at matatagalan nang bahagya. Umaalis din naman siya sa mga nakaraan ngunit pinakamahaba na ang tatlong araw. Hindi pa siya gaanong lumalayo sa mga pagkakataon na iyon. Ngayon ay isang linggo siyang mawawala. Sa Palawan ang kanyang tungo.
Dahil sa stress, biglaan na nagkayayaan na magbakasyon ang apat na writer na nagulo ang mundo dahil mukhang sinumpong ng kabaliwan si Sir Four. Naisip ni Victoria na makakatulong sa kanya ang pag-alis at pamamasyal. Baka kailangan lang niyang makakita ng ibang environment. Baka kailangan lang niyang malayo sa stress at ilang alalahanin. Kahit na hindi handa ang kanyang bank account ay nagpasya siyang sumama sa mga kaibigan. Umaasa siyang mababawi niya ang magagastos sa mga kuwento na maaari niyang mabuo pagkatapos ng trip.
“Ikaw ang magbe-behave doon, anak,” ang sabi ni Mamu.
“H’wag mo na kaming alalahanin,” ang dagdag ni Papu.
“Ako na ang bahala sa kanila, Ate. H’wag ka nang mag-aalala,” ang nakangiting sabi ni Angel, ang pinsan niya na pinakakasundo ng dalawang matanda. Katatapos lang ni Angel sa kolehiyo at kasalukuyang naghahanap ng mapapasukang trabaho. Habang wala siya ay doon muna matutulog ang pinsan upang alagaan ang dalawang matanda. Naibilin na niya ang lahat. Maaasahan naman si Angel. Hindi lang talaga maiwasan na mag-alala siya kahit na paano.
“Huwag mong kalilimutan ang mga gamot nila, ha. Madalas nilang makalimutang uminom.”
“Ako na ang bahala, Ate. Relax ka lang.”
“Tatawag ako—“
“Sige na, anak. Magiging maayos lang kami,” ang sabi ni Papu.
Niyakap at hinagkan ni Victoria ang dalawang matanda. “Bibili ako ng maraming pasalubong.”
“Cashew nuts, Ate,” ang bilin ni Angel. “Saka pearls.”
“Kahit na huwag ka nang bumili ng kahit na ano,” ang sabi ni Mamu. “Basta mag-iingat ka roon. Kahit na marunong kang lumangoy, huwag kang magsi-swimming ng walang salbabida.”
“Lola, life vest na po ang uso today. Wala na pong gumagamit ng salbabida bukod sa mga chikiting,” ang natatawang sabi ni Angel. Binalingan siya ng pinsan. “Ang sunblock ang huwag mong kalilimutan. Sayang ang pagiging tisay mo, `te, kung masusunog ka lang.”
“Sige na, sige na,” ang sabi ni Papu. “Baka mahuli ka sa flight mo. Mag-text o tumawag ka kapag naroon ka na.”
Muling niyakap ni Victoria ang kanyang lolo at lola bago niya nagawang umalis. Habang patungo sa airport ay ipinangako niya sa sarili na hindi siya gaanong mag-iisip ng anumang negatibo. Sisikapin niyang mag-enjoy.
Masaya siya na makita sina Dream, Belle at Dawn sa airport. Dahil puyat sa pagre-research tungkol sa erotic romance, nakatulog sa eroplano si Victoria. Wala siyang gaanong malay sa pag-alis at pag-land ng eroplano na mas mainam dahil hindi niya gaanong ikinatutuwa ang experience ng take off at landing.
Pagdating sa airport sa Puerto Princesa ay masigla ang pakiramdam ni Victoria. Natawagan na niya si Angel at ipinaalam na nakalapag na ang kanyang eroplano. Unti-unting naglalaho ang kanyang sigla at pananabik habang naghihintay sa sundo na hindi na yata darating. Kaagad nabuo ang hinala na nagoyo sila sa tour package na kinuha.
Kaagad na sinabi ni Victoria ang naiisip nang lumipas na ang kalahating oras at wala pa rin ang kanilang sundo. Nananahimik man ang mga kasama, nasisiguro pa rin niya na pare-pareho ang tumatakbo sa kanilang isipan.
Noong una ay may nakakausap pa si Dream sa cell phone at sinasabing paparating na ang kanilang sundo hanggang sa wala na silang makontak. Gutom na si Victoria. Pagod na at masyadong naiinitan. Nais na niyang makapasok sa malamig na hotel room. Nagtungo na lang sila sa Libis Bay Hotel upang may mapala sila kaysa maghintay lang doon.
Sa hotel nakumpirma na nagoyo sila. Walang naka-book na room sa pangalan nila. Wala pang bakanteng silid sa hotel kaya wala silang gaanong pagpipilian kundi ang umalis na. Napagpasyahan nilang maghanap ng makakainan sa halip. Narating nila ang Ka Inato.
Dahil gutom na gutom na, sa unang dalawampung minuto matapos mailapag ang mga pagkain sa kanilang harapan ay lumamon sila. As in lumamon talaga. Dinaig pa yata nila ang appetite ng isang construction worker nang mga sandaling iyon. Siguro ay hindi lang gutom ang dahilan ng gana nila, ikinain na rin nila pati ang stress nila. Umasa rin si Victoria na pagkakain ay mas makakapag-isip siya sa mga susunod nilang gagawin.
Hindi sigurado kung kailan napansin ni Victoria ang ibang kumakain sa restaurant, partikular na sa mesa ng apat na nagguguwapuhang lalaki. Patingin-tingin din ang mga kasamahan sa table na iyon. Kahit naman sino ay mapapatingin. Guwapo ang apat na lalaki. May kanya-kanyang appeal. Walang itulak-kabigin. Nakatulong din na patingin-tingin ang mga ito sa kanilang mesa. Halos wala sa loob na napangiti si Victoria.
Hindi siya nakikipag-flirt. Sa palagay niya ay siya ang tipo na hindi kailanman matututong makipag-flirt. Naaaliw lamang siya dahil kahit na paano ay may nangyayaring hindi gaanong nakaka-stress.
Dumako ang mga mata ni Victoria sa isa sa apat na lalaki. Natagpuan niyang nakatingin na ang lalaki na dadaigin ang ilang artista sa kaguwapuhan. Umaapaw ang s*x appeal nito. Sandaling-sandali lamang nagtagpo ang kanilang mga mata dahil mabilis nitong iniiwas ang mga paningin nang mahuli niya. Bahagyang bumilis ang t***k ng kanyang puso. Nagsalubong ang mga kilay niya sa pagtataka. Nang matitigan talaga ang binata ay naramdaman niya ang pamilyaridad. May tinig na nagsasabi sa kanya na nakita na niya ito ngunit hindi niya gaanong maalala kung kailan at kung saan.
Mas nagsalaubong ang kanyang mga kilay dahil saan naman niya makikita ang binata dati? Hindi naman siya ang tipo ng palaging lumalabas ng bahay. Saan naman magtatagpo ang landas nila?
Sa airport? Kasabayan niya marahil ang lalaki sa eroplano at hindi lang niya gaanong napagtuunan ng pansin. Lohikal na ekplinasyon iyon ngunit may tinig uli na nagsasabi sa kanya na mali siya. Saan?
Nagtagpo uli ang kanilang mga mata ng binata. Bahagya itong nagulat nang malaman na nakatingin pa rin siya. Kapagkuwan ay nagsalubong na rin ang mga kilay nito. Sa pagkakataon na iyon ay si Victoria na ang nag-iwas ng tingin.
Ibinalik ni Victoria ang atensiyon sa mga kasama. Idinaing niya na maso-short ang budget niya kung hindi sila makakuha ng murang hotel accomodation pagkatapos nilang paghatihatian ang bill ng sandamakmak na pagkain na sinimot nilang apat.
Pareho ang daing ng mga kasama.
Napabuntong-hininga si Victoria habang sinisisi ng mga kasama si Sir Four na binansagan nila ng “Raffy” upang hindi mapaghalata. Wala marahil makakarinig sa kanila ngunit mas maigi na ang nag-iingat. Habang nakikipagbiruan sa mga kaibigan tungkol sa 5 Ms ay natatagpuan ni Victoria ang sarili na patingin-tingin sa dako ng mesa ng mga lalaki. May mga pagkakataon na nahuhuli niyang napapatingin din sa kanya ang guwapong binata na may malakas na s*x appeal. Paunahan sila sa pag-iwas ng tingin.
Pilit pa ring iniisip ni Victoria kung saan at kailan niya ito nakita. Hindi ang tipo ng kaguwapuhan nito ang madaling makalimutan ngunit hindi talaga niya maalala. May pagkakataon na naiisip niyang malapit na siya ngunit wala pa rin.