CHAPTER 2

2364 Words
KEIRA HINDI KO MAIWASANG mapatingin sa kakambal ko nang makita ang suot niya. Napaka-sexy kasi niya sa suot na mini skirt na kulay itim na tinernuhan ng kulay puting pang-itaas. Hindi ko alam ang tawag, pero pa-cross ang strap kaya litaw na litaw ang mga balikat at braso niya. For sure na pagtitinginan siya ng mga tao na makakikita sa kaniya. Lalo pa't dito sa probinsya ay hindi sanay ang mga tao sa sobrang daring na suot. Kailan pa siya natutong magdamit ng mga ganito? "Bakit ganiyan ang tingin mo?" tanong nito nang mapuna ang ginawa kong pagtitig sa kan'ya. "Wala lang. Ang sexy mo kasi. Ibang-iba na ang way mo ng pananamit ngayon kaysa noon," diretsang sagot ko. Na totoo naman dahil dati mahirap matukoy kung sino ang Leira at Keira kapag magkasama kami. Pareho kaming jologs kung manamit, pero ngayon ay mukhang hindi na dahil iba na ang awrahan nito. Sa isang linggo niyang pagbabakasyon dito sa bahay, napansin ko na 'yon pero ngayon ko lang nagawang sabihin ang saloobin ko. Tumawa ito. "Kapag nagsuot ka ng gan'yan sa Manila, madali nilang malalaman na taga-bundok ka, Kei." Tukoy niya sa suot ko. Napatingin ako sa suot ko. Kupas at maluwag na pantalong maong ang suot ko at simpleng v-neck t-shirt na itim. "Kapag nasa Manila ka na, saka mo lang maiintindihan ang sinasabi ko, Kei. Hindi madali ang buhay do'n at minsan kailangan mong sumabay sa agos para hindi ka maging kawawa at ma-out of place sa mga taong nakikilala mo, Kei. Minsan, kailangan mong baguhin ang mga nakasanayan mo na para makasabay ka. Para mabuhay ka," dagdag niya. "Gano'n? So, tama pala ang desisyon kong dito na lang sa atin. Atleast hindi ko kailangang baguhin ang sarili ko para sa mga taong walang ambag sa buhay ko. Ayoko talaga sa Maynila, Lei. Okay na ako dito sa atin kahit gaano pa kalaki ang sahod do'n. Kaya kahit anong udyok sa akin ni Brenda na ilakad sa agency daw n'ya, naku hindi na, oy! Baka mamaya, totoo 'yong sabi-sabi na nagiging pokpok sa Maynila ang mga dinadala n'ya roon. Hindi bale na lang, magtitinda na lang ako ng mani rito." "Good for you." Maikli nitong sabi na ipinagtataka ko. Parang nag-iba ang timpla ng mood niya. "May nasabi ba akong masama, Lei?" Umiling ito. "Wala. Sana pareho tayong may choice na dito na lang." "Ano 'yon?" Hindi ko mas'yadong naintindihan ang huling sinabi niya dahil pahina nang pahina ang boses niya. "Wala. Kako tara na, baka naiinip na sila Mama." Pagkasabi niya niyon, nagpatiuna na siyang lumabas ng kuwarto namin. Wala akong nagawa kundi ang sumunod sa kan'ya. Hindi nagtagal, umalis na rin kami. Habang daan, napansin ko ang pananahimik ni Leira. Hindi ko alam kung ano ang iniisip niya ngayon. Bigla, parang hindi ko na siya kilala. Bigla ay parang nagkaroon ng pader sa pagitan naming dalawa. Mas napatunayan ko 'yon nang makarating kami sa bahay ng kapatid ni Mama. Dati kasi kapag may isa man sa amin ang minamaliit kahit sa anong paraan ay hindi puwedeng hindi namin ipagtatanggol ang isa't isa. Pero ngayon, lahat ng kapatid at kamag-anak ni Mama ay katakot-takot na pamumuri ang ibinigay sa kan'ya habang sa akin ay pangmamaliit, pero hindi niya pinasubalian 'yon. Hinayaan niya akong maliitin ng mga kamag-anak namin. Angas-angasan lang ako palagi, pero siyempre deep inside, nasasaktan din naman ako. Kahit naman hindi ako sumasama sa kaniya sa Maynila, hindi naman ako pabigat. May ambag din naman ako sa pamilya namin. "Napakas'werte mo dito kay Leira, Ate Alice," sabi ng bunsong kapatid ni Mama na si Tita Alona. "Hindi lang kay Leira, Alona, kahit kay Keira ay s'werte ako." Pagtatanggol ni Mama. "Sus, 'yan naman si Keira, eh walang pangarap sa buhay," sabat ng isa pang kapatid ni Mama na lalaki. "Ayaw gumaya sa kakambal niyang mataas ang pangarap," dagdag niya. "Kaya nga. Hanggang pagtitinda na lang yata ng mani ang gusto at pagtatrabaho sa hardware sa bayan," si Tita Alona muli. "Wala namang magagawa si Alice kung kontento na 'yan sa pagtitimbang ng mga pako at pagkukuwenta ng perang hindi naman magiging kan'ya." "Malaki ho ang tulong sa amin ng pagtitinda ko ng mani, Tita Alona. 'Di ba ho kapag gipit kayo at nanghiram sa akin ay napahihiram ko kayo?" Sinubukan kong sumakay na lang. "Oo nga, pero magkano lang naman 'yon? At isa pa, wala pa akong nabalitaan na yumaman o umasenso sa pagtitinda ng mani, Keira," si Tito Orlan ang panganay na kapatid ni Mama. "Hayaan n'yo na si Keira kung hanggang diyan na lang ang pangarap niya." Ang isa pang kapatid ni Mama. "Mukhang kontento naman na siya sa ganiyang buhay. Hindi gaya nitong kakambal niya, mataas ang ambisyon sa buhay." Isang buntong-hininga ang pinakawalan ko bago nagdesisyong umalis sa lamesang 'yon. Kung makapagsabi na wala akong ambisyon, akala mo naman sila ay mayro'n. Akala mo naman wala akong naitutulong sa kanila kapag gipit sila. "Saan ka pupunta, Keira?" tanong ni Mama. "Sa labas lang, Ma. Titingnan ko ang mga kapatid ko." Iyon lang at iniwan ko na sila. Pero bago ako makalayo, narinig kong nagsalita si mama. "Bakit naman kayo nagsalita nang gano'n kay Keira? Malaki din ang naitutulong niya sa amin. Sa atin. Pareho lang sila nitong si Leira kung sakripisyo at sipag ang pag-uusapan." Hinintay kong sang-ayunan ni Leira ang sinabi ni Mama kagaya nang dati, pero hindi niya ginawa. Hindi ko tuloy maiwasang hindi magtampo at mapaisip kung ano ang nangyayari sa amin ng kambal ko. Kung galit ba siya sa akin o ano? Hindi ko alam. _________ NANG SUMUNOD na mga araw, sinubukan kong kausapin si Leira kung may problema ba siya dahil kapansin-pansin ang pananahimik niya. Pero palaging wala ang sagot niya sa akin. Hindi ako naniniwalang wala. Ramdam kong mayro'n. At bago siya umalis pabalik ng Maynila, kailangan kong malaman kung ano 'yon. Dahil hindi ako matatahimik kung hindi ko malalaman ang problema niya. Hindi ako sanay at nahihirapan ako. Kaya kinahapunan, pagdating ko sa bahay galing trabaho, muli akong susubok na makausap siya nang masinsinan. "Ma, si Lei?" agad na tanong ko kay Mama nang hapon na 'yon. "Nasa kuwarto ninyo, nag-iimpake na." "Ah, sige ho. Puntahan ko lang siya, Ma." "Ayaw mong magkape muna?" Alok niya. "Mamaya na lang, Ma." Pagkasabi ko niyon ay iniwan ko na si mama at dumiretso sa kuwarto namin ni Leira. Nadatnan ko siyang nakaupo sa gilid ng kama, patalikod sa gawi ng pinto kaya hindi niya ako nakita. Akma ko siyang tatawagin para sana kunin ang atensyon niya nang makita ko ang maliit na boteng inilapag niya sa gilid niya. Hindi ko alam kung saan nanggaling 'yong biglang pagsalakay ng kaba sa aking dibdib. Lalo akong kinabahan nang makita ko siyang uminom niyon. "Leira," tawag ko sabay lapit sa kaniya. "Kei!" Kitang-kita ko kung paano nawalan ng kulay ang mukha niya nang makita ako. At ang pagkataranta para lang maitago ang bote. Pero bago pa niya maitago, naagaw ko na sa kaniya. "Kei, akin na 'yan." Akma kong babasahin ang nakasulat, pero nahablot niya at mabilis na isinilid sa bag. "Ano 'yong ininom mo?" Nag-iwas ito ng tingin at patay-malisyang itinuloy ang pag-iimpake. "Lei, tinatanong kita. Ano 'yong gamot na ininom mo? Para saan 'yon?" "Vitamins 'yon." "Patingin?" Hindi siya kumilos para ibigay ang gamot. Tuloy siya sa pagsisilid ng gamit. Sa pinaghalong gigil, inis, at kaba hinablot ko ang damit na hawak n'ya. "Kei, ano ba? Ano ba'ng problema mo?" Inis na tanong niya sa akin. "Problema ko? Wala. E, ikaw? Ano'ng problema mo?" "Wala ri--" "Puwede ba, Lei? Alam kong mayro'n kaya huwag na tayong maglokohan dito. Ano ba'ng nangyayari sa 'yo? Simula nang umuwi ka rito, para ka ng ibang tao. Ano? Pati ba ugali mo, binago na ng Maynila? Kinailangan mo ring baguhin ang ugali mo para makasabay ka sa kanila? Gano'n ba 'yon?" Hindi na ako nakapagpigil. Natigilan ito at pagkuwa'y nag-iwas ng tingin. Mas lalo akong nainis dahil doon. Mahigpit kong hinawakan ang mga balikat niya at pinakatitigan, mata sa mata. "Kei--" "Ngayon, sabihin mo sa akin kung ano ang problema mo." Maawtoridad kong utos. "Huwag mong subukang magsinungaling sa akin, Lei. Kambal tayo at kilala kita. Alam ko kung may mali sa 'yo o wala." Ngunit kahit ano'ng gawin ko, hindi siya nagsalita. "Lei, please? Sabihin mo sa akin kung bakit? Kung ano ang problema mo, makikinig ako. Best friends tayo, 'di ba?" Nagsimula nang manginig ang boses ko. Basta kasi tungkol sa mga kapatid ko, humihina ako. Sila ang lakas ko, pero sila rin ang kahinaan ko. "Lei, please? Best friends tayo, 'di ba? Nangako tayo sa isa't isa na walang lihiman, na magkakampi tayo palagi kahit ano'ng mangyari. Kahit magkaroon na tayo ng sariling mga pamilya. Nakalimutan mo na ba 'yon?" Pagpapaalala ko sa kan'ya ng mga pangako namin. Umiling siya at pagkuwa'y nagsimulang tumulo ang mga luha. "Lei," nag-aalala ako lalo. "Bakit ba? Ha?" "I'm sorry, Kei." Umiiyak na sabi niya. Naguluhan ako. "Sorry saan?" "Dahil...." "Dahil ano?" gagad ko. "Dahil hindi kita naipagtanggol sa mga kapatid ni Mama noong pumunta tayo sa kanila. Na hinayaan kong maliitin ka nila," sabi niya. Ngunit malakas ang kutob ko na hindi 'yon ang dapat na sasabihin niya. Pero nagbago ang isip niya na sabihin sa akin ang kung anu man ang bumabagabag sa kan'ya. Kahit anong panggigisa ang ginawa ko, hindi ko nakuha ang sagot na gusto ko. Pero kung mayro'n mang magandang nangyari sa naging pag-uusap namin, 'yon ay ang pagbalik ng pakikitungo niya sa akin. Nakapag-usap kami ng puso sa puso at nangako na magtutulungan para sa pamilya. Sinulit namin sa pagba-bonding ang sumunod na dalawang araw bago siya tuluyang bumalik ng Maynila. _________ MICHAEL POV "Señorito!" Gulat na bulalas ng kasambahay kong si Mildred nang pag-on ng ilaw sa kusina ay makita ako. Sapo nito ang dibdib. "Bakit gising pa ho kayo? Madaling araw na ho, Señorito," dagdag niya. "Hinihintay ko si Mico," sagot ko bago sumimsim ng alak. "Ah, wala pa ho pala siya. Sana ho ginising n'yo na lang ako para ako na lang ang naghintay sa kaniya. May pasok pa ho kayo mamaya." "Thank you, Mildred, but I'm okay. Sinadya ko siyang hintayin ngayon dahil kailangan naming mag-usap." "Oo nga po, Señorito. Medyo napapadalas ho ang pag-uwi niya ng alanganing oras tapos lasing na lasing. Nakakatakot ho baka kung mapa'no si Sir Mico sa daan." "Yeah. Dalawang linggo ko na siyang napapansin na gan'yan. Hindi ko lang makausap dahil sa tuwing uuwi, lango sa alak. Sa umaga naman bago ako pumasok sa opisina, tulog na tulog pa. Sa hapon, hindi ko na maabutan dahil umalis na at uuwi ng madaling araw o di kaya'y umaga na." "Oo nga ho, Señorito. Maganda rin hong makausap n'yo siya bago pa may mangyaring hindi maganda. Tutal, kayo naman na ho ang tumayong ama sa kan'ya kaya sigurado ako na makikinig ho siya sa 'yo." "Sana nga." Totoo ang sinabi niya na ako na ang tumayong ama sa pamangkin ko dahil maaga siyang naulila sa magulang. Nakababata kong kapatid ang kan'yang ina. Namatay ang mga magulang ni Mico sa isang plane crashed at dahil may pamilya na ring sarili ang panganay naming kapatid, sa akin naiwan si Mico. Ako ang tumayong ama at ina niya sa edad kong bente-otso at hanggang ngayon na trente y otso na ako. Isang dekada na akong nagpakaama sa kaniya. At hindi ako mapapagod na magpakaama sa kaniya. "Sige na, Mildred, matulog ka na ulit." "Sige ho, Señorito." Pagkaalis ni Mildred, muli kong sinalinan ng alak ang baso ko at ininom habang naghihintay pa rin kay Mico. Nag-aalala na ako. It's already 3 o'clock in the morning. Wala akong idea kung saan siya nagpupupunta at kung bakit siya palaging lasing. "God, Mico! Where are you?" Napapatiim-bagang na muli ko siyang tinawagan. Bago pa man mag-ring ang cellphone niya, narinig ko ang ugong ng paparating na sasakyan. Alam kong si Mico na 'yon kaya mabilis kong inilapag ang baso at sinalubong siya sa labas. Nadatnan ko siyang pasuray-suray na bumaba ng sasakyan niya. Nagngalit ang mga ngipin ko nang makita ang hitsura nito. "Fvck! What happened, Mico?!" Pasigaw na tanong ko nang makitang may bahid ng dugo ang noo nito. "What happened?!" "Accident." Balewalang sabi niya. "What?!" "Don't shout, Uncle Mike. Lasing lang ako, pero hindi ako bingi." Lalong nag-init ang ulo ko sa pabalang niyang sagot. "What's wrong with you, Mico?" "Nothing--" hinaklit ko ang balikat niya. "Uncle Mike... relax. I'm good. I'm s-still alive." Natigilan ako nang mabasag ang boses niya. I know there's something wrong with him. At kung dadaanin ko sa init ng ulo, hindi ko malalaman ang dahilan ng pagkakaganito niya. Hindi ako sanay na ganito siya. Mabait at mabuting tao si Mico. "Alam mong hindi mo lang ako tito, Mico. Ama mo na rin ako." Malumanay na sabi ko, saka siya niyayang pumasok sa loob ng bahay. Binigyan ko siya ng tubig para mahimasmasan ng kaunti. Nilinis ko rin ang maliit na sugat sa noo niya. "You can talk to me, Mico. Ano'ng problema at nagkakaganito ka?" Tumungo siya at mayamaya'y narinig kong sumisinghot. Nagsimula na ring yumugyog ang mga balikat niya. "Mico," untag ko. "I don't know what happened, Uncle Mike. Mahal na mahal namin ang isa't isa, tapos nagising na lang ako isang umaga na nakikipaghiwalay na siya. Hindi ko alam kung bakit? I love her, Uncle Mike." Napanganga ako. So, babae. Babae ang dahilan kung bakit nagkakaganito siya. Magtatanong pa sana ako nang ma-realize kong nakatulog na ito sa pagkakaupo. Sa kabila ng bigat niya, nagawa ko siyang buhatin patungo sa kama niya. Pinagmasdan ko si Mico. He looked stress. Ngayon ko lang napansin na malaki ang ibinagsak ng katawan niya. Hindi puwedeng panuorin lang kitang ganito. Kinuha ko ang wallet n'ya at pinakialaman 'yon. Larawan ng isang magandang babae ang naroon. Keira? Nabasa ko sa likod ng maliit na larawan. So, it's you. "Ikaw ang nanakit sa pamangkin ko kaya siya nagkakaganito? Sino ka para sirain ang buhay niya? Huh?" "Kei, don't leave me, please?" Kuyom ang kamaong napatingin ako kay Mico nang magsalita ito nang tulog. "I love you, Kei... I love you." Damn you, woman!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD