KEIRA POV
KABABABA ko lang ng dyip galing sa trabaho ko nang mag-ring ang cellphone ko. Agad kong sinagot nang makitang si Mama ang tumatawag.
"Ma? Bakit po?" Agad kong tanong nang marinig na umiiyak siya sa kabilang linya.
Mas lalong nilamon ng kaba ang dibdib ko nang hindi siya magsalita at umiyak lang.
"Ma? Ano pong nangyari? Bakit ka umiiyak?"
Humikbi ito. "Keira, anak, ang tito Arnold mo..." hindi na nito natapos ang sasabihin at muling humagulhol.
"A-Ano pong nangyari kay Tito Arnold, Ma?"
"N-Naaksidente siya, anak."
"Ho?!" Napalakas ang sabi ko kaya napatingin sa akin ang mga kasabay kong naglalakad.
"Oo, anak. Nahulog daw siya mula sa ikalawang palapag ng ginagawa nilang bahay." Umiiyak pa ring sagot ni Mama.
Huminto ako sa paglalakad. Bigla akong nanghina. "K-Kumusta si Tito, Ma?" Naiiyak na tanong ko.
"H-Hindi pa alam, Anak. Hindi pa lumalabas ang doktor na tumingin sa kaniya rito sa hospital na pinagdalhan sa kaniya ng amo niya. Natatakot ako, Keira. Baka iwan na tayo ng tito mo, ang babata pa ng mga kapatid mo."
Mariin akong napapikit. Napaiyak na rin ako habang naririnig ang iyak ni Mama. Ramdam ko 'yong takot at pag-aalala niya. At gano'n din ako.
Kahit hindi namin tunay na ama ni Leira si Tito Arnold ay mahalaga siya sa amin. Sa akin. Dahil naging mabuti siyang ama sa amin ni Leira mula noong maging sila ni Mama. Minahal niya kami na parang sariling mga anak. Kaya nga para makabawi ay minahal din namin ang mga anak nila ni Mama.
"Diyos ko..." Nasambit ko kasabay ng pagtulo ng aking mga luha.
Ilang minuto pa kaming nag-usap ni Mama. Ibinilin niya sa akin ang mga kapatid ko bago tinapos ang tawag.
Umuwi ako sa bahay. Nadatnan ko roon ang mga kapatid ko. Naglalaro ng mga laruang pasalubong ni Leira sa kanila noong umuwi rito noong nakaraang linggo.
Muli akong napaiyak. Ang babata pa nila kung sakali. Agad kong tinuyo ang basa kong pisngi nang bumaling sa gawi ko si Abigail.
"Ate, umiiyak ka po?" inosenteng tanong niya nang makalapit sa akin at naglalambing na yumakap.
"H-Hindi. Napuwing lang si Ate sa daan kanina," pagsisinungaling ko. Na mukhang bumenta naman.
Iniwan ko muna sila sa maliit na sala at nagpalit ng damit pambahay. Pagbalik ko sa sala naroon na si Amira at Arvin. Umiiyak pareho.
Agad ko silang nilapitan. "Bakit kayo umiiyak?"
"A-Ate, totoo ba?" Si Amira.
"Na ano?
"Na naaksidente si Papa? Narinig namin ni Arvin kanina habang papauwi dito, sabi nila naaksidente si papa at posibleng patay na."
Napasinghap ako. Agad kong niyakap ang kapatid ko at pinatahan. Nang mga sandaling 'yon, hindi ko alam kung sino ang una kong aaluin at yayakapin dahil umiiyak na silang apat.
"Hey, makinig kayong lahat sa akin," utos ko habang nakaluhod sa harapan nilang apat.
Sobrang nahabag ako habang nakikita ang mga luhaan nilang mukha.
"Makinig kayo sa akin, okay?" Sabay-sabay silang tumango. "Totoo na naaksidente ang papa n'yo, pero hindi siya patay. Kausap ko lang si Mama kanina. At kayong dalawa," hinarap ko si Amira at Arvin, "huwag kayong basta maniniwala sa mga naririnig n'yo. At sana next time, iwasan n'yo na iparinig sa dalawa dahil hindi pa nila maiintindihan nang mabuti."
"Opo, Ate." Sabay na sagot ni Arvin at Amira.
"Sige na, magbihis muna kayo. Magluluto lang ako ng hapunan natin."
Agad nilang sinunod ang sinabi ko. Pumasok sila sa silid nila habang si Amelia at Abigail ay naiwan sa sala. Naglalaro.
Habang nag-aasikaso sa kusina, pasulyap-sulyap ako sa dalawang bata.
Matatapos na akong magluto nang muling tumawag si Mama. Ang sabi niya, kailangang dalhin sa Iloilo City si Tito Arnold dahil sa hospital na pinagdalhan sa kaniya ay walang MRI (Magnetic Resonance Imaging) Kailangan daw ni Tito Arnold 'yon.
Nanlulumo akong napasandal sa pader nang malaman na mahigit bente mil daw ang test na 'yon. At para hindi na madagdagan ang alalahanin ni Mama, sinabi kong ako na ang bahala sa pambayad ni Tito Arnold basta gawin ang kailangang gawin.
Nang gabing 'yon, kinuha ko sa alkansya ang perang naitatabi ko.
"Kulang na kulang pa 'to sa kailangang pera ni Tito." Problemadong napahilamos na lamang ako sa aking mukha.
Hindi alam kung saan kukuha ng pandagdag.
_____
KINABUKASAN, lakas-loob akong lumapit kay Ate Pin para manghiram. Mangiyak-ngiyak akong nagpasalamat sa kaniya nang hindi niya ako pahindian. At nang araw ding 'yon, pinadala ko kay Mama ang pera.
Akala ko, pagdating ng MRI result ay makahihinga na kami nang maluwag ni Mama, pero hindi pala. Kailangan daw sumailalim ni Tito Arnold sa operasyon dahil nagkaroon ng pamumuo ng dugo sa ulo niya at kailangang maalis 'yon sa lalong madaling panahon.
Dahil doon, napilitan akong ipaalam kay Leira ang problema kahit kabilin-bilinan ni Mama na 'wag na raw sabihin dahil nahihiya na siya sa kakambal ko.
"Bakit ngayon mo lang sinabi?" tanong ni Leira.
"Ayaw ni Mama na ipasabi sa 'yo. Ayaw niyang mag-alala ka pa lalo na't mag-isa ka lang diyan. Kaya lang, wala na akong choice dahil nasimot na ang naipon ko sa dalawang linggo ni Tito Arnold sa hospital."
"Hindi ba sagot ng amo niya 'yan?"
"Sinagot naman 'yong iba at tutulong din daw para sa operasyon. Kaya lang kailangan nating maghanda rin."
"Sige, gagawan ko ng paraan. Pero hindi ako makakauwi diyan dahil kauuwi ko lang."
Tumango ako. Naiintindihan ko naman 'yon.
Bago niya tinapos ang pag-uusap namin, nangako siya na magpapadala ng pera para sa operasyon.
Nang sumunod na araw, natuloy ang operasyon ni Tito Arnold. Parehong para kaming nabunutan ng tinik ni Mama nang maging successful ang operasyon niya.
Pagkalipas ng dalawang linggong pagpapagaling, nakauwi na si Tito Arnold sa bahay namin.
"Maraming salamat, Keira. Sa inyo ng kakambal mo. Kung hindi dahil sa tulong n'yo, baka hindi na ako nakauwi rito sa atin," mangiyak-ngiyak na pasalamat ni tito isang gabi habang nanunood kami ng TV.
Nginitian ko siya. "Pamilya ho tayo, Tiyo. At alam ko ho na kung kami ni Leira ang nasa ganoong sitwasyon, gagawin n'yo rin ang lahat para sa amin."
Ngumiti siya pabalik at muling nagpasalamat.
Nang gabing 'yon, hindi ako nakatulog dahil narinig ko kay Mama na nagpapaalam siya kay Tito na magtatrabaho para sa gamot niya. Kahit kasi nakalabas na si Tito ng hospital, may mga gamot pa rin siyang kailangang inumin at medyo may kamahalan 'yon.
Kung aalis si Mama, sinong maiiwan sa mga kapatid ko?
Dala-dala ko ang isiping 'yon ng ilang araw. Hanggang sa napilitan na akong sabihin kay Leira ang problema.
"Hindi puwedeng magtrabaho si Mama, Keira."
"Alam ko. Kahit ako, ayoko dahil maliliit pa ang mga kapatid natin. Mahirap kapag wala si Mama sa tabi nila," sagot ko.
Ilang sandaling namayani ang katahimikan sa pagitan naming dalawa.
"Keira," mayamaya ay untag nito sa kabilang linya.
"Hmm."
"Lumuwas ka rito sa Maynila. This time, hindi na puwede ang hindi at ayaw mo na sagot. Alam mo ang sitwasyon ng pamilya natin ngayon, hindi puwedeng magtatyaga ka pa rin diyan."
"Pero, Lei, hindi ko alam diyan. Wala akong alam sa Maynila," tutol ko.
"Wala rin akong alam noong una akong tumapak dito. Pero kinaya ko, Lei. At hanggang ngayon, kinakaya ko at kakayanin pa rin hanggang sa matapos ang ganitong sitwasyon natin. Kinaya ko kaya kakayanin mo rin, Kei."
Tatanggi pa sana ako, pero hindi ko maintindihan kung bakit oo ang katagang lumabas sa bibig ko. Siguro dahil naramdaman ko ang pakiusap sa boses ng kakambal ko.
Hindi ko alam, pero bigla akong kinabahan. Sinubukan ko siyang tanungin kung ayos lang siya, pero sabi niya ay okay lang daw siya. Hanggang sa ibahin na niya ang usapan namin, tungkol sa pagluwas ko ng Maynila. Itinuro niya sa akin ang mga dapat kong gawin. Kabilin-bilinan niya na 'wag kalilimutan ang ID ko.
Nang matapos kaming mag-usap, agad kong ipinaalam ang naging pag-uusap namin ni Leira kay Mama. Sa una ay tumutol si Mama dahil alam niyang ayokong umalis dito. Na ayokong pumunta ng Maynila dahil hindi ako sanay sa magulong buhay doon. Alam ni Mama na nandito sa Iloilo ang buhay ko.
"Masasanay rin ako sa Maynila, Ma. Tama si Lei, kinaya niya ang buhay doon kaya siguradong kakayanin ko rin." Hinawakan ko ang kamay niya, "kakayanin ko rin, Ma, para sa ating lahat. Para sa mga kapatid ko."
Napangiti ako nang tumango si Mama. "Salamat, anak. Salamat sa inyong dalawa ni Leira dahil lumaki kayong mababait at matulungin. Kung mayro'n man akong dapat ipagpasalamat nang paulit-ulit, 'yun ay ang dumating kayo sa buhay ko."
Namasa ang mga mata ko nang makitang nangilid ang mga luha ni Mama. Niyakap ko siya at sinabing mahal na mahal namin siya ni Leira.
______
PAGKATAPOS kong makumpleto ang mga requirements ko sa pag-a-apply ng trabaho at pagpunta sa Maynila ay saka pa lang namin ipinaalam ni Mama sa mga kapatid ko na aalis na rin ako.
As I expected, nag-iyakan ang mga kapatid ko lalo na si Amelia. Ayaw niya akong paalisin. Iyak siya nang iyak at halos hindi na siya umalis sa tabi ko hanggang ngayon na araw ng pag-alis ko.
"Babalik si Ate, bunso. Pagbalik ko, marami akong uwi sa 'yo tapos kasama ko na rin ang Ate Leira n'yo." Pang-aalo ko para hindi na siya umiyak dahil kaunting-kaunti na lang ay malaglag na rin ang mga luha ko.
"H-Hindi ka matagal do'n, Ate, ha? Babalik ka agad kasama si Ate Lei, ha, Ate?" Humihikbi niyang sabi.
Sunod-sunod akong tumango at niyakap na lamang siya. Kapag nagsalita kasi ako, iiyak na ako at hindi puwede 'yon. Niyakap ko rin ang iba ko pang kapatid at binilinan na magbabait.
"Babalik si Ate. Pangako, pagbalik ko ay hindi na ako aalis ulit. Kami ni Ate Lei n'yo." Bago pa man pumatak ang mga luha ko, tinalikuran ko na ang mga kapatid ko at nagpaalam kay Tito Arnold at Mama.
Habang naglalakad papunta sa labasan, iyak ako nang iyak. Ang sakit kasing mawalay sa mga taong dahilan kung bakit ayokong umalis, pero kailangan.
Bago dumiretso sa sakayan ng dyip, dumaan muna ako sa tindahan ni Ate Pin at nagpaalam din.
"Mag-iingat ka ro'n, Kei. Alagaan mo 'yang mani mo, ha? 'Wag mong ibebenta 'yan." Pagbibiro niya na ikinatawa ko.
"Ikaw talaga, Ate. Mami-miss kita."
"Sus, paiiyakin mo pa akong bata ka. Basta mag-iingat ka ro'n sa Maynila, ha? Ikumusta mo ako sa kakambal mo."
"Makararating, Ate Pin. Bago ko na bayaran ang utang ko sa 'yo, ha? Sa ngayon, sandamakmak na pa-thank you muna ang maibabayad ko sa 'yo."
"Oo naman. Saka mo na ako bayaran kapag mayaman ka na."
Ilang sandali pa kaming nag-usap ni Ate Pin bago ako tuluyang umalis.
SAKAY NG EROPLANO, nakarating ako sa Maynila. Hindi matatawarang relief ang naramdaman ko nang sa wakas ay makababa ako ng eroplano.
Habang nasa himpapawid kasi ay nakapikit lang ako. Ayokong ibukas ang mga mata ko, natatakot ako.
_____
HABANG naghihintay sa tawag ng kakambal kong si Leira, napansin ko ang dalawang lalaki na kanina pa panay ang tingin sa akin. Noong una'y hindi ko pinapansin dahil baka feeling ko lang na minamatyagan nila ako. Pero napapadalas na ang sulyap nila at unti-unti na ring lumiliit ang distansya nila sa akin.
Nagsimula na akong makaramdam ng kaba at takot. Bagong salta ako rito sa Maynila, hindi ko alam ang pasikot-sikot at lalong wala akong kakilala. Maliban sa kakambal kong susundo sa akin dito sa terminal, na hanggang ngayon ay wala pa.
"Leira, nasaan ka na ba?"