CHAPTER 4

1823 Words
KEIRA CERVANTES "Leira, nasaan ka na ba?" Bulong na tanong ko sa aking sarili, saka pasimpleng tiningnan ang aking cellphone. Wala pa ring reply mula sa kakambal ko kung malapit na ba siya o malayo pa. Hindi na ako nakatiis, tinawagan ko ulit si Leira. Nabuhayan ako ng pag-asa nang sagutin niya. "Bakit ngayon mo lang sinagot? Kanina pa ako tumatawag sa 'yo." Bungad ko sa kaniya. Hindi siya sumagot. Kaya inulit ko ang tanong ko. "Nasa trabaho pa ako. Kabi-break ko lang," sagot nito sa kabilang linya. "Ano'ng kabi-break mo lang? Leira, kanina pa ako rito sa terminal. Alam mo naman ang oras ng flight ko, 'di ba? Bakit ba hindi ka pa nag-out kanina?" Hindi ko naitago ang inis dahil kinakabahan na talaga ako sa dalawang lalaking 'yon. "Pasensya na, Kei. Nawala sa isip ko." Nawala sa isip? "Sige na. Pero puwede bang bihisan mo na? Hindi ko alam ang lugar na 'to at kinakabahan na ako, Lei." Muli kong sinulyapan ang mga lalaking 'yon. Nakatingin pa rin sila sa akin, mas kinabahan ako. "Lei, bilisan mo na, ha? Kinakabahan na ako kasi may mga lalaking kanina pa tingin nang tingin sa akin." Sumbong ko. Tinawanan lang niya ako at sinabing baka nagagandahan lang daw sa akin. "Hindi ako nagbibiro. Natatakot ako." Natigilan ito at sinabing papunta na raw siya, basta hintayin ko siya. Tinapos na nito ang tawag para daw makaalis na siya. Nang makita kong nag-uusap ang dalawang lalaki, sinamantala ko 'yon at sumabay sa paglalakad ng isang grupo ng mga tao. Nakisiksik ako. Nakaalis ako sa puwesto ko kanina na hindi napansin ng dalawang lalaki na 'yon. Sa isang karinderya ako pumunta. Nagugutom na kasi ako. Tapos na akong kumain, pero wala pa rin si Leira. Naghintay pa rin ako. Hanggang sa sumakit na ang pantog ko dahil sa pagpipigil ng ihiin kanina pa. Kahit ayokong umalis sa puwesto ko, wala akong choice dahil palabas na talaga. Pumunta ako sa kinaroroonan ng pampublikong palikuran na itinuro ng tindera sa karinderya. "Boss, nakawala ho." Napatda ako sa akmang paglabas nang marinig 'yon. "Yes, boss. Hahanapin ho namin. Ang sabi ho ng pinagtanungan namin ay pumunta raw ng restroom." Namilog ang mga mata ko. Diyos ko, sila ba 'yong mga lalaki kanina? Sa takot na sila nga, hindi ako lumabas. "Baka hindi rito pumunta. Subukan nating hanapin sa iba, pare." Dinig kong suhestiyon ng isa pang boses lalaki. Pigil ang paghinga at taimtim na dumalangin na sana'y umalis na sila. May kumakatok na kasi sa labas ng pinto na malamang ay iihi rin. Kaya hindi ako puwedeng magtago nang matagal dito. Nanginginig ang kamay na kinuha ko sa bag ang cellphone ko at tinawagan si Leira. Hindi niya sinagot kaya nag-send na lang ako ng message kung nasaan na siya. Malapit na. Maikling reply niya. "Miss, ano ba? Matagal ka pa ba?" Masungit na tanong mula sa labas ng pinto. "Kanina ka pa riyan, ah. Ihing-ihi na ang anak ko." Kinalampag na niya ang pinto. Nagpalit muna ako ng suot na t-shirt para kung sakali, hindi ako makita ng mga lalaking 'yon, kung ako talaga ang pakay nila. "Miss, ano ba?!" Mas malakas na kalampag nito sa pinto. Napilitan akong lumabas. Ang sama ng tingin ng babae, pero hindi ko na pinansin dahil agad na gumala ang mga mata ko sa paligid. Hindi siguro ako ang kailangan nila. Sa isip ko nang makitang wala ng ibang tao sa labas ng banyo. Nagsimula akong humakbang pabalik sa karinderya nang biglang may humarang sa daraanan ko. Mabilis akong nag-angat ng tingin. At bago pa man ako makapag-isip ng gagawin, huli na. Pinagitnaan na nila ako. Susubukan ko pa sanang tumakbo, pero may naramdaman akong malamig na bagay sa aking tagiliran. Kutsilyo? Hintatakutan akong tumingin sa mga ito nang mapagtantong patalim 'yon. "S-Sino ba kayo? Ano'ng kailangan n'yo sa akin?" "Kami, wala. Pero ang boss namin, meron." Anang lalaking may hawak ng patalim. "Boss n'yo? B-Baka nagkakamali lang kayo, wala akong atraso kahit kanino. Kaluluwas ko lang dito sa Maynila at hindi ko alam kung sinong boss ang sinasabi n'yo." Hindi ako magkandaugaga sa pagpapaliwanag. Wala akong atraso kahit kanino! "Pasensya na, Miss, pero napag-utusan lang kami. Sumama ka na lang nang maayos para wala tayong maging problema." "Hindi! Hindi ako sasama sa inyo dahil hindi ko kayo kilala-- natigilan ako nang maramdamang medyo dumiin ang patalim sa balat ko. Hintatakutan akong tumingin sa kanila. "H-Huwag n'yo akong sasaktan, please?" "Sumama ka na lang para hindi ka masaktan," anang isa pang lalaki. Nagsimula silang igaya ako paalis ng lugar na 'yon. "Huwag kang iiyak," banta ng may hawak na patalim. "Diretso lang ang lakad. Huwag ka ring magkakamaling sumigaw, hindi ako mangingiming ibaon ito sa 'yo." Pananakot niya. Napalunok ako. Sa takot na tuluyan niyang ibaon sa tagiliran ko ang patalim, pinigilan kong huwag tumulo ang aking luha. Nagawa nila akong ilabas ng terminal na wala man lang nakapapansin sa nangyayari. Wala man lang nagbigay-pansin sa mga mata kong nanghihingi ng saklolo. Mayamaya'y may humintong sasakyan sa tapat namin. Sapilitan nila akong isinakay roon, saka pabalyang binitawan. "Aray!" sigaw ko dahil tumama ang puwet ko sa matigas na nasa upuan. "Ano ba'ng kailangan n'yo sa akin?! Sino ba kayo? Huh?" Galit na tanong ko. Nakangising lumingon ang lalaking nakaupo sa driver's seat. "Wala kaming kailangan sa 'yo, pero ang boss namin, meron." "Sino bang boss? Wala akong atraso sa kahit na sino at lalo na sa boss na sinasabi n'yo! Kaluluwas ko lang ng Maynila kaya parang awa n'yo na, pakawalan n'yo na ako. Kung kidnap for ransom 'to, ako na ang nagsasabi, walang pambayad ang mga magulang ko! Maawa kayo, mahirap lang kami!" Kahit anong pagmamakaawa ko, nagmistula silang bingi na hindi ako naririnig. Pati bag ko ay kinuha nila sa akin, kasama ang cellphone ko. "Akin na 'yang cellphone ko!" Gigil kong hinablot ang buhok ng lalaki sa driver's seat. Napamura ito sa ginawa ko habang ang isa ay malakas na tumawa. "Ibalik mo sa akin ang cellphone ko, walanghiya ka!" Namilog ang mga mata ko nang sa halip na ibalik ay inihagis niya 'yon sa labas ng bintana ng sasakyan. "Mga walanghiya kayo!" Nilamon ng kaba ang dibdib ko dahil paano pa ako makahihingi ng tulong kay Leira kung sinira nila ang cellphone ko. "Idedemanda ko kayong lahat!" Pagtatapang-tapangan ko. Ngumiti lang ang mga ito at nagsimulang umandar ang sasakyan. Nagsisigaw ako. Galit na pinaghahampas ko ang dalawang lalaki sa unahan. Ngunit mayamaya'y natigilan ako. May naamoy akong mabaho. Bago pa man ako makahuma, unti-unti akong nakaramdam ng pagkahilo hanggang sa tuluyang bumagsak ang ulo ko. "Maganda pala talaga, pare." "Kaya naman pala nalokong malala si Sir Mico, hot babe." "Sinabi mo pa." Naulinigan ko pa ang pag-uusap nilang 'yon bago tuluyang nakawin ng karimlan ang kamalayan ko. PAGGISING KO, agad akong napabalikwas ng bangon. "Nasaan ako?" Siniyasat ko ang sarili ko. Mainit, humihinga. "Buhay pa ako? Diyos ko, salamat po!" Pasalamat ko habang iginagala ang paningin sa kabuuan ng silid na kinaroroonan ko. Maganda ang silid. Malambot ang kamang kinaroroonan ko. Agad kong inalis ang paghanga para sa silid. Bumaba ako mula sa kama at lumapit sa pinto. Sinubukan kong buksan, pero naka-lock sa labas. "Hoy! Pakawalan n'yo ako rito, mga walanghiya kayo!" Sigaw ko habang kinakalampag ang pinto. "Pakawalan n'yo ako rito!" Hindi ako tumigil sa kasisigaw. Mayamaya'y may narinig akong mga yabag na papalapit. Kasunod ang paggalaw ng doorknob. Mabilis ang kilos na kinuha ko ang lampshade na nakita ko. Kasabay ng pagdampot ko niyon ay ang pagbukas ng magarang pinto. Hindi nag-iisip na inihagis ko 'yon sa lalaking papasok. Pero mabilis itong nakailag kaya sa sasahig bumagsak ang kawawang lampshade. Lumikha iyon ng ingay. "Syet!" Baritonong boses na pagmumura ng lalaking nakatungo. Titig na titig sa lampshade na durog-durog. Napaatras ako nang dahan-dahan siyang mag-angat ng mukha at matalim na tumingin sa mga mata ko. Pinigilan kong mapaawang ang bibig nang ma-realize kung gaano kaguwapo ang lalaking nasa harapan ko ngayon. Matangkad, mestiso, matangos ang ilong at makakapal ang kilay at may mga buhok sa panga. Guwapo, pero madilim ang mukha. Sa palagay ko, nasa mid thirties na siya. Maghunos-dili ka, Keira! Kidnapper ang lalaking 'yan! Bigla akong natauhan. "Sino ka?! Ikaw ba ang boss ng mga lalaking dumukot sa akin?! Ano'ng kailangan mo? Bakit mo ako pina-kidnap?! Bakit mo 'ko dinala dito? Ano'ng kasalanan ko sa 'yo?!" Sunod-sunod na tanong ko. "I'm Michael Thompson. Mico's Uncle." Pagpapakilala nito sa sarili habang matalim ang tinging ipinupukol sa akin. Natigilan ako. Hindi ko kilala ang lalaking binanggit niya. "Speechless, huh?" Patuyang dagdag niya at nagsimulang humakbang palapit sa akin. "I'm Mico's Uncle." Ulit niya sa mariing tono. "Mico's Uncle? Teka, sinong Mico?" Nalilito kong tanong. Mukhang mali na nagsalita pa ako dahil mas dumilim ang mukha niya. Pagkuwa'y pagak na tumawa. "Who's Mico? Really? Paanong hindi mo na kilala ang lalaking pagkatapos mong huthutan ay iniwan mo na?!" "Huh? Ano'ng huthutan ang pinagsasasabi mo? Hindi ko kilala ang Mico na sinasabi mo at wala akong alam sa mga pinagsasasabi mo," tanggi ko. Hindi ko napaghandaan ang kasunod niyang ginawa. Tinawid niya ang distansya namin at halos madurog ang mga buto ko sa magkabilang balikat sa sobrang higpit ng pagkakahawak niya. Hindi pa siya nasiyahan, ibinalya ako sa pader. Napaigik ako dahil sa pagtama ng likod ko. "B-Bitawan mo 'ko!" Nagpumiglas ako, pero lalo lang dumiin ang kamay niya sa balikat ko. "Nasasaktan ako. Ano ba?!" "Pagbabayaran mo ang ginawa mo kay Mico. At ako," nagliliyab sa galit ang mga matang itinuro niya ang sarili, "ako mismo ang maniningil sa ginawa mo sa kaniya. Maniningil ako nang mahal, Keira." Napatanga ako sa kaniya. "Kilala mo 'ko?" "Nagulat ka ba?" Patuya niyang balik-tanong. "Paano? Hindi ko kilala ang Mico na sinasabi mo. At lalong hindi kita kilala--aray!" Napaigik ako nang gigil niyang hawakan ang panga ko. "Listen to me, carefully..." utos niya. "Aray! N-Nasasaktan ako." Kulang na lang ay durugin niya ang panga ko. "Pagbabayaran mo nang mahal ang ginawa mo sa pamangkin ko. Maniningil ako." Iyon lang at marahas niyang binitawan ang panga ko, saka ako itinulak. "Hoy!" Sigaw ko nang talikuran niya ako. Tumigil siya sa mismong pintuan at lumingon sa akin. "Shut your dirty mouth." "Aba't! Hoy!" Akma akong susugod, pero mabilis siyang nakalabas at isinara ang pinto. Kinalampag ko 'yon. "Hoy! Buksan mo 'to! Mga walanghiya kayo! Kapag hindi mo 'to binuksan, sisigaw ako!" Pananakot ko. "Go ahead. Sumigaw ka lang nang sumigaw hanggang sa mamaos ka. Walang makaririnig sa 'yo." Kinalampag ko nang paulit-ulit ang pinto kasabay ng sigaw. Mas malakas. Mas matinis. Nagbabakasakali ako na may makarinig sa akin. Pero masakit na ang kamao at palad ko, walang sumaklolo sa akin. Nanghihinang napaupo ako sa tabi ng pinto. Diyos ko, sino po ba ang mga taong 'yon? Wala po akong kilalang Mico at lalong hindi ko po kilala ang Michael Thompson na 'yon. Alam ko pong alam Mo na nagsasabi ako ng totoo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD