KEIRA POV
NANGHIHINA akong napaupo sa sahig. Pakiramdam ko naubos na ang lahat ng lakas at boses ko sa paghingi ng saklolo, pero walang dumating para tulungan ako. Hindi ko alam kung ilang oras na ang nakalilipas mula nang lumabas ang lalaking 'yon at iwan ako rito para ikulong.
Habang nakasalampak ng upo, muli akong nag-isip kung paano makalalabas dito sa kuwartong ito. Kailangan kong makaalis dito.
Hindi ko sila kilala at wala akong atraso sa kanilang lahat lalo na sa gagong lalaking 'yon.
"Pagbabayaran mo ang ginawa mo kay Mico. At ako mismo ang maniningil sa ginawa mo sa kaniya. Maniningil ako nang mahal, Keira." Nahulog ako sa malalim na pag-iisip nang bumalik sa isip ko ang sinabi ng lalaking 'yon at ang nagbabaga niyang tingin sa akin.
Base sa tinging ipinupukol niya sa akin, alam kong galit talaga siya. Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit kilala niya ako?
Teka... Hindi kaya nagka-amnesia ako at nakalimutan ko sila?
Pero imposible. Hindi naman ako nasasangkot sa aksidente. Sino ba si Mico? Wala akong natatandaan na may hinuthutan akong lalaki o kahit na sino. Pinagkakautangan, oo. Marami. Pero hinuthutan na kagaya ng sinasabi ng lalaking 'yon ay wala.
Gulong-gulo ang isip na napasubsob na lang ako sa aking mga palad habang nakasandal sa pader. Nasa ganoong estado ako nang marinig kong bumukas ang pinto ng magarang silid ng kinaroroonan ko.
Nag-angat ako ng tingin. Mabilis akong napatayo nang makitang ang lalaking nagkulong sa akin ang pumasok. Madilim ang mukha na lumapit sa akin. Sabay hagis ng paper bag.
"Change your clothes. Ayoko nang mabaho dito sa bahay ko."
Napaawang ang bibig ko. Pinaningkitan ko siya ng mga mata at buong tapang na inihagis pabalik sa kaniya ang paper bag. Tinamaan siya sa mukha.
Lalong dumilim ang mukha nito sa ginawa ko. "How dare you?!" Puno ng gigil niyang tanong.
Sa halip na magpasindak ay hi-how dare you too ko siya. "At kung ayaw mo pala ng mabaho sa bahay mo, puwes pakawalan mo 'ko!"
Bahaw itong tumawa.
"Nice try." Patuya niyang sabi sabay balya sa akin. Napaupo ako sa kama.
Napaatras ako nang dumukhang siya palapit sa akin. Syet! Ang bango niya.
"A-Anong gagawin mo?" Nauutal na tanong ko. Gahibla na lang ang agwat ng aming mga mukha.
Paatras ako, paabante siya.
"A-Anong b-binabalak mo? P-Pagsasamantalahan mo a-ako?!"
Natigilan ako nang umatras siya palayo habang humahalakhak. Halakhak na punong-puno ng pang-iinsulto.
Nang matapos sa pagtawa ay saka siya muling tumingin sa akin. Nang-iinsulto. "Ako? Pagsasamantalahan ka? Look at yourself, Keira. Kahit maghubad ka sa harapan ko, hinding-hindi ako magkakainteres sa 'yo. And I don't really understand why Mico's so into you. Hindi ka naman sexy, hindi rin maganda. Kaya napapaisip ako kung anong gayuma ang ginawa mo para mabaliw siya sa 'yo nang gano'n. To the point na halos magpakamatay siya para sa 'yo. Napaka-plain naman ng hitsura mo, ni wala ngang kaakit-akit sa 'yo." Walang prenong panglalait niya sa akin.
Hindi raw ako maganda? Kumulo nang kainaman ang dugo ko sa letsugas na ito. Sa sobrang gigil ko, dinakot ko ang bibig niya at kinuyumos.
Naningkit ang mga mata niya. "How dare you?!" Itinulak niya ako.
Napahiga ako sa kama. Pero mabilis akong bumangon at umigpaw pababa. Kaso hindi ko naituloy ang pagtakbo dahil may mga brasong humaklit sa beywang ko at walang kahirap-hirap na inihagis ako pabalik ng kama.
Napatili ako. "Walanghiya ka talaga--" naumid ang dila ko nang hawakan niya ang panga ko at pinisil.
Napangiwi ako.
"Don't test my patience! Huwag mo nang subukang tumakas dahil hindi mangyayari iyon. Dito ka lang at magbabayad ka, Keira." Pagkasabi niyon ay pinakawalan na ang panga ko.
Pinulot niya ang paper bag at muling inihigas sa akin. Pagkuwa'y lumabas na ulit at ini-lock ang pinto para hindi ako makalabas.
Naiwan akong mag-isa na naghuhurumintado ang kalooban sa sobrang inis at gigil sa lalaking 'yon. Ang kapal ng mukha para laitin ako. Huh! Hindi raw ako maganda.
"Kingina mo! Akala mo kung sino kang guwapo, hoy! Pangit ka! Maputi ka lang!" Sinadya kong lakasan para marinig niya kung sakaling nasa labas pa siya ng pintuan.
"Pangit ka rin! Maputi ka lang!" Paulit-ulit kong isinigaw iyon.
Nang mapagod, humilata ako sa malambot na kama at nagmuni-muni. Laman ng isip ko ang pamilya ko. At si Leira dahil baka nag-aalala na siya sa akin. Dahil gustuhin ko man siyang tawagan o kontakin ay hindi ko alam kung paano. Wala akong cell phone dahil kinuha nila. Wala rin namang telepono sa kuwartong ito kaya paano ko gagawin?
"Kung hindi man ako makatakas ngayon, hindi bale may bukas pa naman. Makakatakas din ako rito." Positibong anas ko pagkalipas ng mahabang sandali.
Umalis ako sa pagkakahiga, lumapit sa bintana at sumilip. Madilim na sa labas. Wala akong ideya kung anong oras ngayon. At nagugutom na ako. Ang huling kain ko pa ay noong bago ako makuha ng mga lalaking dumukot sa akin at nagdala sa bahay na ito.
Hindi ba nila ako pakakainin? Tanong na agad nabigyan ng kasagutan nang bumukas ang pinto at pumasok ang isang babae. May dala siyang tray.
Inilapag niya 'yon. Natakam ako nang makitang pagkain ang laman.
"Pasensya ka na kung late na ang hapunan mo, ah. Kadarating ko lang kanina at nagluto pa ako ng pagkain mo." Mabait niyang sabi.
Nabuhayan ako ng loob. Mukhang siya na ang sagot sa mga dasal ko kung paano ako makatatakas dito.
"Salamat po."
Tumango siya at sinabing kumain na ako.
Akma akong susubo nang matigilan. "Ikaw ba talaga ang nagluto nito?"
"Oo, ako. Bakit?"
"Wala. Gusto ko lang tiyakin na walang lason. Baka mamaya, last meal ko na pala 'to, mahirap na." Prankang sabi ko.
Natawa siya. "Walang lason 'yan kung 'yon ang inaalala mo."
"Sure ka? Baka mamaya nasalisihan ka ni... Ano nga ang pangalan no'n?"
"Sino?" tanong niya.
"'Yong lalaking pangit na nandito kanina. Sabi niya uncle daw siya no'ng Mico, eh. Ano nga ang pangalan niya?"
Pigil nito ang pagtawa. "Ah, si Señorito Michael. Siya ang uncle ni Sir Mico."
"Michael pala ang pangalan ng pangit na 'yon. Ano mo siya?"
"Amo ko."
Napatango-tango ako at sinimulang kumain. Kampante naman akong walang lason dahil mukhang mabait ang babae.
Habang kumakain ako. Nakipag-usap ako sa kaniya para malaman ang ilang detalye tungkol sa lalaking 'yon. Pero malakas ang kutob kong na-briefing na ito bago pa man pumasok dito.
Halos wala rin akong napala sa pakikipagdaldalan sa kaniya dahil hindi niya sinasagot ang mga importanteng tanong ko. Ni hindi ko rin nalaman kung ano ang nangyari at kung nasaan ang Mico na sinasabi ng lalaking 'yon na hinuthutan ko raw.
"Buhay pa naman siya, 'di ba?" tanong ko.
Natigilan siya.
Binitawan ko ang hawak kong baso at hinawakan ang kamay niya. "Miss, buhay pa siya, 'di ba?" Ulit ko.
Dahil kung buhay siya, siya mismo ang maglilinis ng pangalan ko. Siya mismo ang magpapatunay sa uncle niya na inosente ako at wala akong kinalaman sa mga ibinibintang sa akin ng uncle niya.
"Buhay siya, 'di ba? Please, kahit 'yon man lang masabi mo sa akin." Pakiusap ko nang wala pa rin akong makuhang sagot mula sa kaniya.
"Miss," untag ko.
Tumingin muna siya sa nakasaradong pinto bago dahan-dahang tumango.
"Talaga?"
Tumango lang siya ulit at pagkuwa'y nagpaalam nang lalabas dahil tapos na raw akong kumain. Nagbilin pa siyang huwag ko nang subukang tumakas dahil may bantay daw sa labas ng kuwarto. Na mapapagod lang daw ako kaya mas maganda raw na magpahinga na lang ako at matulog.
"Pero, Miss--"
"Sige na," putol niya. "Magpahinga ka na. Kailangan na kitang iwan dito."
Wala na akong nagawa kundi ang sundan siya ng tingin. Nasa may pintuan na siya nang maalala kong hindi ko pa alam ang pangalan niya kaya itinawag ko siya. "Miss."
Lumingon siya. "Bakit?"
"Ako si Keira, ikaw? Ano'ng pangalan mo?"
Natigilan ito at ilang sandaling tumitig sa akin bago sumagot. "Mildred."
Nagtaka ako nang biglang magbago ang mood niya pagkatapos kong ipakilala ang sarili ko. Kahit nang mag-thank you ako sa kaniya ay hindi na niya ako pinansin at tuloy-tuloy na umalis.
_________
HATING-GABI NA, pero dilat na dilat pa rin ang aking mga mata.
Kahit gaano kalambot ang kama, kaganda ang kuwartong kinaroroonan ko at kahit pagod na pagod ang pakiramdam ko ay hindi ako makatulog. Iniisip ko kung paano ko makakausap ang Mico na sinasabi nila.
Kailangan ko kasi siyang makausap. Siya ang pag-asa ko para makaalis sa bahay na 'to. Siya ang magpapatunay na hindi ako ang Keira na nanghuthot sa kaniya. Pero ang tanong ay paano? Paano ko siya makakausap gayong ni wala akong ideya kung ano ang hitsura niya. At kung nasaan siya. Gulong-gulo ang utak na napahilamos na lang ako sa aking mukha at nagpasyang bumalik sa pagkakahiga.
Hindi ko alam kung anong oras na ako nakatulog. Basta ang alam ko, may naririnig na akong tilaok ng mga manok...
KINABUKASAN, nagising ako dahil sa isang masamang panaginip. Sinubukan ko raw tumakas at nang mahuli ako ng Michael na 'yon ay ginilitan daw ako ng leeg pagkatapos tanggalan ng dila.
Wala sa loob na kinapa ko ang aking dila. Mayroon pa at buo. "Grabe! Parang totoo."
Sapo ang dibdib na bumaba ako ng kama at dumiretso sa banyo. Naghilamos ako para mahimasmasan sa masamang panaginip na 'yon.
Nang hindi makontento sa hilamos lang ay nagdesisyon akong maligo na rin. Tutal, may damit namang ibinigay ang Michael na 'yon. Isa pa, nangangati na rin ang bajayjay ko dahil kahapon pa ako hindi nagpapalit ng panty.
Pagkatapos kong maligo, lumabas ako ng banyo, walang saplot at dala ang mga damit kong hinubad. Akma kong kukunin ang paper bag nang biglang bumukas ang pinto at pumasok si Michael.
"Aahh!" Sigaw ko habang hindi malaman ang gagawin. Kung alin ang una kong tatakpan. "Walanghiya ka! Lumabas ka! Demonyo!"
Pero ang lintik, hindi natinag. Nakatingin lang.
"Lumabas ka sabi! Labas!" Tumitili na ako.
Sa sobrang taranta ko naihagis ko sa kaniya ang hawak ko. Sapol siya sa mukha. Pero gano'n na lang ang panlalaki ng mga mata ko nang makitang panty ko ang nasa mukha niya.
"Oh, my God!" Panggigilalas ko.
"Akin na 'yan! Labas! Labas!" Mas lalo akong nataranta.
Hindi siya kumilos. Kaya dali-dali kong ibinalot sa kumot ang katawan ko at hinablot dito ang panty ko. Nakuha ko naman.
Jusmeyo, marimar! Lihim akong napalunok nang maamoy na mapanghi 'yon tapos sumakto sa mukha niya.
Oh, my gosh! Nakakahiya! Hiyaw ng utak ko. Pero mayamaya'y natigilan din ako. Bakit ako mahihiya sa kidnaper na 'to?
Nang maalala ko ang sitwasyon kung ba't ako nandito sa harap ng lalaking ito ay nawala ang hiya ko. Napalitan 'yon ng inis at gigil kaya muli kong ibinato sa kaniya ang panty ko.
"Mamatay ka sa amoy!"
Mabilis siyang umilag at tumakbo palabas. "Disgusting!" Narinig ko pang sabi niya bago maisara ang pinto.
Paglabas na paglabas niya ay napaupo ako sa kama habang sapo ang dibdib. Ngayon ko lang na-realize na sobrang bilis at lakas ng kabog ng dibdib ko dahil sa nangyari.