Mainit ang tanghali sa siyudad nang bumaba si Jenny mula sa kotse ng Ate niyang si Samantha Maxine Alvarez. Nasa harap sila ngayon ng mataas na condominium sa city, isang gusaling may salamin sa harap, security guard sa bawat sulok, at amoy ng mamahaling air freshener kahit sa lobby pa lang.
Habang hawak niya ang maliit na maleta, napalingon siya sa paligid. Lahat ng tao ay nagmamadali, may cellphone sa kamay, may bitbit na kape, may halong pagod at determinasyon sa mukha. Wala siyang kakilala. Wala siyang kilalang ingay.
Nilingon niya ang Ate niya na halatang pagod sa biyahe galing taping. Suot nito ang sunglasses at may hawak pang cellphone, kausap yata ang manager. Pero nang matapos, agad siyang tiningnan nito.
“Jenny,” panimula ni Maxine, “pag-isipan mo muna ‘to. Hindi mo kailangang manatili rito. Kung gusto mo, bumalik ka muna sa bahay. Alam kong hindi ka pa sanay sa ganitong lugar.”
Umiling si Jenny, pilit na ngumingiti.
“Ate, kaya ko ‘to. Gusto ko lang naman mag-aral dito. Hindi naman ako lalabas kung saan-saan. Promise, behave ako.”
Huminga nang malalim si Maxine at tiningnan siya nang diretso.
“Hindi ganun kasimple, Jenny. Alam mo bang nakakasira ng mental health ang ganitong lugar? Lalo na kung galing ka sa probinsya. Iba ang pace rito. Maingay, mabilis, nakakapagod. Ako nga, minsan gusto ko na lang tumakas.”
Napayuko si Jenny pero hindi siya umatras.
“Alam ko, Ate. Pero gusto ko subukan. Hindi ko naman ‘to ginagawa para lang kay Joshua.”
Napataas ang kilay ni Maxine. “Hindi mo ginagawa para kay Joshua?”
“Totoo ‘yon,” sagot niya, diretso ang tingin.
“Ginagawa ko ‘to para sa sarili ko. Oo, parte siya ng dahilan, pero hindi na ‘yon tungkol sa kanya lang. Gusto kong makita kung hanggang saan ko kayang tumayo nang mag-isa.”
Tahimik lang si Maxine. Ilang segundo silang nagkatitigan bago ito napailing at tumawa nang mahina.
“Nakuha mo talaga ‘yang katigasan ng ulo ng Papa mo.”
“Eh kasi ikaw din ‘yung nagturo sa ‘kin na huwag sumuko,” sagot ni Jenny, may halong lambing sa tono.
“Jenny, iba ‘yung huwag sumuko sa pagsabak sa gulo,” sagot ng ate niya, sabay buntong-hininga.
“Hindi mo pa alam ang mga nangyayari rito. Minsan, kahit walang nang-aapi, mararamdaman mong parang binubuhusan ka ng lamig ng lungsod. Walang yakap, walang katahimikan.”
“Pero may mga pangarap,” sagot ni Jenny, mahina pero matatag. “At gusto kong simulan ‘yon dito.”
Matagal na tinitigan ni Maxine ang kapatid niya. Kita niya ‘yung kislap sa mata ni Jenny, ‘yung uri ng determinasyong hindi niya nakikita dati. Dati, si Jenny ay laging sumusunod lang sa gusto ng iba. Pero ngayon, ibang Jenny na ang kaharap niya ay mas malakas, mas buo.
“Alam mo,” sabi ni Maxine, “nakakatakot kang hayaan dito. Hindi dahil mahina ka, kundi dahil masyado kang mabait. Sa ganitong lugar, hindi lahat ng ngiti ay totoo.”
“Okay lang,” sagot ni Jenny, “basta ‘yung akin totoo.”
Napatawa si Maxine kahit pilit. “Ang kulit mo talaga.”
Ngumiti si Jenny. “Hindi ba ikaw rin ang nagsabi dati? ‘Pag may gusto ka, huwag kang matakot kahit kalabanin mo ako.’”
“Sinabi ko nga,” sagot ng ate niya, “pero hindi ko akalaing gagamitin mo sa akin.”
Sabay silang natawa, pero alam nilang pareho silang kinakabahan.
Pag-akyat nila sa unit, agad napansin ni Jenny kung gaano kaganda ang lugar. Malinis, maaliwalas, may malalaking bintana at view ng buong siyudad. Parang ibang mundo.
“Ang ganda,” bulong niya habang lumalapit sa balcony. “Ang daming ilaw kahit araw pa lang.”
“Yan ‘yung sinasabi ko,” sagot ni Maxine, lumapit din.
“Maganda siya tingnan, pero nakakapagod din. Kapag gabi, akala mo kalmado, pero sa totoo lang, lahat ng ilaw na ‘yan may kaakibat na pagod at problema.”
“Eh ‘di mas lalo kong gugustuhing makilala ang mga taong nabubuhay sa ilalim ng mga ilaw na ‘yan,” sagot ni Jenny, humarap sa kanya.
“Ate, hindi ko sinasabing madali, pero gusto kong subukan. Kahit mahirapan ako, gusto kong maramdaman ‘yung buhay sa labas ng comfort zone ko.”
Tahimik lang si Maxine sa sagot niya. Halos isang minuto rin bago ito muling nagsalita. “Kung ipipilit mo talaga, wala na akong magagawa. Pero promise me one thing, kapag hindi mo na kaya, sabihin mo agad sa akin. Hindi kahinaan ‘yon, ha?”
Ngumiti si Jenny at tumango. “Promise, Ate. Pero ‘wag kang mag-alala, hindi ako basta susuko.”
“Okay,” sabi ni Maxine saka huminga nang malalim. “Pero magpa-enroll ka na lang sa university na malapit dito. Alam kong may mga kaibigan ako ro’n.“
Napatango si Jenny, sabay yakap sa kanya.
“Salamat, Ate. Alam kong ayaw mo talaga, pero salamat kasi pumayag ka pa rin.”
Bumuntong-hininga si Maxine pero niyakap din siya pabalik.
“Paano ako hindi papayag? Ikaw ‘yan, eh. Alam kong kahit gaano ka pa kakulitan, marunong ka namang lumaban.”
At sa unang pagkakataon mula nang umalis si Joshua, nakaramdam si Jenny ng konting gaan sa dibdib. Hindi na gano’n kabigat ang mundo, kasi alam niyang may panibagong simula na siya sa lungsod na minsan ay kinatatakutan niya, pero ngayon ay magiging daan ng pagbabago sa buhay niya.
Habang nakatingin siya sa labas ng bintana, pinagmamasdan ang mga sasakyang nagmamadali at mga taong naglalakad, marahang ngumiti si Jenny.
Hindi niya alam kung anong naghihintay sa kanya dito. Pero sa puso niya, buo ang pangako, kahit gaano kagulo o kaingay ang siyudad, hahanapin pa rin niya ang sarili.
At kung sakaling magtagpo silang muli ni Joshua, paniguradong magugulat iyon. Miss na miss na niya ito kaya hindi na siya makapaghintay na makita ito. Talagang ginawa niya lahat para lang makapasa sa entrance exam kahit na sobrang hirap.
Kahit hindi siya sanay sa buhay sa siyudad pero pipilitin niya.