Chapter 3

2762 Words
Mag-aalas siyete na ng umaga nang magising si Jenny sa tunog ng alarm ng cellphone niya. Mabigat ang mga mata at parang kulang sa tulog kahit maaga siyang natulog kagabi. Tinitigan niya muna ang kisame ng condo unit ng ate niya bago marahang bumangon. Isa na namang araw ng klase, isa na namang araw ng pagpipilit niyang ayos lang ang lahat. Pagkatapos maligo ay nag-ayos siya ng buhok, naglagay ng kaunting lip tint at pulbo, saka nagbihis ng simpleng jeans at university shirt. Habang inaabot ang bag, tumingin siya saglit sa cellphone. Wala pa ring mensahe mula kay Joshua. “Siguro busy lang ulit,” bulong niya sa sarili. Ngunit kahit ilang beses niyang ulitin iyon, hindi na niya masyadong pinaniwalaan pa. Madalas na gano’n ngayon. Parang laging may dahilan si Joshua para hindi siya makausap. Minsan game, minsan practice, minsan group meeting. At minsan… tahimik lang talaga, walang paliwanag. Masakit at naiiyak siya habang naiisip ‘yon. Pagdating niya sa campus, agad niyang nakita si Suzanne Rosaventi na nakatayo sa may hallway, nakasandal sa pader at ngumunguya ng chewing gum habang hawak ang kape. “Hoy! Akala ko late ka na naman!” masiglang bati ni Suzanne. “Maaga akong nagising,” sagot ni Jenny, pilit na nakangiti. “Hindi ako mapakali.” “Hmm,” sabi ni Suzanne habang naglalakad silang dalawa. “Si Joshua na naman ‘yan, no?” Hindi sumagot si Jenny agad, pero halata sa mukha niya. “Hindi naman kami nag-away,” sabi niya sa wakas. “Pero… hindi na kami gaya nu’ng dati. Parang… lumalayo na siya.” “Eh nakausap mo na ba nang maayos?” tanong ni Suzanne. “Sinusubukan ko,” sagot niya. “Pero laging may dahilan. Kahit kagabi, sinabi niyang may game ulit sila. Nanonood naman ako sa livestream wala naman pala.” Napakunot-noo si Suzanne. “Ouch. Medyo red flag ‘yon.” “Baka gusto lang niyang mapag-isa,” pilit pa ring depensa ni Jenny. “Alam mo kasi ganoon siya, minsan tahimik lang ‘pag may iniisip.” Tumango si Suzanne pero halatang nag-aalangan. “Just be careful, ha? Wag mo masyadong i-adjust ang mundo mo para sa kanya. Dapat gitna lang.” Ngumiti si Jenny, bagaman may lungkot. “I know. Pero… mahal ko pa rin siya, Suzanne. Hindi ko kayang bitawan ‘yung pinagsamahan namin nang basta-basta.” “I understand you, girl.” Pagkatapos ng klase nila ay nagyaya si Suzanne na mag-review sa bahay nila para sa upcoming midterms. Medyo nagdalawang-isip si Jenny, pero sa huli ay pumayag din siya. Mas mabuting maging busy kaysa malunod sa kakaisip. Pagdating nila sa bahay ng mga Rosaventi, gaya ng dati ay sinalubong sila ng tahimik at maaliwalas na paligid. “Doon tayo sa study room, Jenny,” sabi ni Suzanne habang umaakyat sa second floor. “Si Kuya siguro nando’n din, nag-aaral ng kung ano na namang accounting stuff.” Nang buksan nila ang pinto, nandoon nga si Jace, nakaupo sa lamesa, nakasuot ng simpleng gray polo at salamin, nakatutok sa laptop. Tumango lang ito bilang pagbati, saka muling tumingin sa ginagawa. “Hi, Kuya,” sabi ni Suzanne. “Magre-review lang kami ni Jenny.” “Go ahead,” sagot ni Jace, hindi inaalis ang tingin sa screen. “Just don’t be too noisy.” Nagkatinginan sina Jenny at Suzanne, saka sabay na napatawa. “Promise, tahimik kami,” sagot ni Suzanne. “Baka nga ikaw pa ‘yung mas maingay sa amin.” Umupo si Jenny sa kabilang side ng mesa, inilabas ang mga libro at notes. Habang nag-aaral sila, napansin niya kung gaano kaseryoso si Jace. Walang kaabog-abog sa kilos, parang may sariling mundo. Sa tuwing titingnan niya ito, naiisip niya kung gaano kalayo sa ugali ni Joshua. Masyado itong disiplinado, tahimik, palaging nakatuon sa ginagawa. Pero hindi pa rin nawawala sa isip niya si Joshua. Habang binabasa ang notes, biglang nag-vibrate ang cellphone niya. Agad niyang kinuha iyon, umaasang si Joshua ang nag-text. Joshua: Sorry, can’t meet this week. May kailangan akong asikasuhin. Napangiti siya nang kaunti. At least, nag-message. Pero maya-maya ay napansin niya ang bagong update sa social media feed ni Joshua. Naka-tag ito sa group picture ng team nila, kasama ang ilang cheerleaders. May caption pang: “Celebrating after a good win!” At sa gilid ng frame, may babaeng nakayakap sa braso ni Joshua na nakangiti, masaya, at halatang close. Nanlaki ang mga mata ni Jenny. Sandaling natigilan ang buong mundo niya. Sinubukan niyang huwag mag-react, pero hindi niya mapigilang manikip ang dibdib. “Hey,” bulong ni Suzanne, napansin ang pamumutla niya. “Okay ka lang?” Tumango siya, pilit. “Oo, okay lang. Medyo sumakit lang ulo ko.” Nag-alala si Suzanne at agad na lumapit. “Gusto mo magpahinga muna?” “Hindi na, ayos lang.” Ngunit kahit anong sabi niya ay malinaw na hindi ayos ang lahat. Tahimik lang siya sa buong review session. Si Suzanne na ang madaldal, habang si Jenny ay tahimik na lang, parang nawalan ng gana. Si Jace naman, paminsan-minsan ay napapatingin sa kanya, marahil napapansin ang bigat sa mukha niya, pero hindi nagsalita. Pag-uwi ni Jenny sa condo ay halos hindi na niya napigilan ang sarili. Pagkapasok sa kwarto ay diretsong nahiga siya sa kama at tinakpan ang mukha ng unan. Umiiyak siya, tahimik lang, walang ingay, puro hikbi at paghinga. Mahal pa rin niya si Joshua. Mahal na mahal. Pero paano kung siya na lang ang lumalaban? Makalipas ang ilang minuto ay tumunog ang cellphone niya. Tumatawag si Suzanne. “Jenny,” boses ni Suzanne sa kabilang linya, mahinahon. “Alam kong ayaw mong pag-usapan, pero gusto kong malaman mo na hindi mo kailangan mag-isa. Hindi mo kailangang tiisin ‘yan.” Tahimik lang si Jenny. “Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko, Suzanne. Parang… lahat ng plano ko, umiikot sa kanya. Lahat ng dahilan ko kung bakit nandito ako.” “Then maybe it’s time to find new reasons,” sagot ni Suzanne. “Hindi mo kailangang magmadali. Pero ‘wag mong hayaang kainin ka ng sakit.” Napaluha na naman si Jenny, pero ngayon, mas kalmado na. “Salamat, Suzanne.” “Anytime,” sagot ng kaibigan. “Bukas ulit tayo sa bahay. Hindi mo kailangang magpanggap. Okay lang ‘di maging okay.” ⸻ Kinabukasan ay bumalik sila ni Suzanne sa bahay ng mga Rosaventi. Tahimik pa rin si Jenny, pero sinusubukan niyang ngumiti. Si Jace ay naroon na naman, nagbabasa ng libro sa mesa. Habang nagre-review sila, lumapit ito saglit. “Jenny,” sabi niya nang mahinahon. “You look tired. Make sure you’re eating properly. Midterms are hard enough without you pushing yourself too much.” Napatingin siya sa kanya at bahagyang nagulat. Ngumiti naman siya nang tipid. “Oo po, Kuya. Medyo puyat lang.” Tumango si Jace. “Puyat sa pag-aaral o sa pag-iisip?” Halos mapatawa siya kahit papaano. “Siguro pareho po.” “Hmm,” sagot ni Jace, bahagyang tumango. “Then you need to rest both.” At bumalik na ito sa ginagawa na parang walang nangyari. Pero sa loob ni Jenny ay may kakaibang katahimikan. Nagtataka rin siya. Siguro masyadong halta sa mukha niya ang kalungkutan. Hindi niya alam kung bakit, pero ‘yung simpleng concern ni Jace ay parang pahinga. Hindi matamis, hindi kilig, pero totoo. Pag-uwi niya ng gabing iyon ay tiningnan niya ulit ang cellphone. Wala pa ring mensahe mula kay Joshua. Sa halip, may bagong message mula kay Suzanne. Suzanne: Don’t forget, you’re stronger than you think. 🌷 Napangiti si Jenny, kahit bahagya. Hindi pa siya handa bumitaw. Hindi pa siya handang kalimutan si Joshua. Pero sa bawat araw na lumilipas, unti-unting natututo siyang huminga nang hindi na umaasa. At sa gitna ng mga taong nakapaligid sa kanya, sa gitna ng bagong mundong unti-unti niyang natutunan. May mga taong tahimik lang na nando’n. Tulad ni Suzanne. Hindi pa niya alam kung saan siya dadalhin ng lahat ng ito. Pero sa ngayon, sapat na muna ang isang bagay, buhay pa siya. At kahit nasasaktan, kaya pa rin niyang ngumiti. Sabado ng hapon at abala si Jenny sa harap ng salamin. Ilang beses na siyang nagpalit ng damit. Ang una dress, tapos jeans, tapos balik ulit sa dress. Pero wala pa rin siyang mapili. Ang sabi ni Suzanne ay Simple celebration lang. Huwag na masyadong mag-ayos. Pero sa tono pa lang ng kaibigan niya, alam na niyang iba ang ibig sabihin ng “simple” para sa isang Rosaventi. Huminga siya nang malalim habang pinipigilan ang kaba. “Okay, Jenny. Smile lang. Don’t trip, don’t spill anything, and don’t embarrass yourself,” bulong niya sa sarili. Sa huli, pinili niya ang pastel pink na midi dress na binili ng ate niya para sa kanya, paired with low heels. Sakto lang, hindi masyadong bongga, hindi rin sobrang plain. ⸻ Pagdating niya sa bahay ng mga Rosaventi ay agad siyang napatigil sa gate pa lang. May mga ilaw na nakasabit sa mga puno, mga bulaklak sa bawat gilid ng walkway, at mga sasakyan na halatang mamahalin. Pagtawag pa lang ng guard sa loob, napalingon siya sa mga dumadaang bisita. Puro naka-gown, naka-coat, at may dalang regalo na parang galing pa sa mamahaling boutique. “Jenny!” sigaw ni Suzanne mula sa veranda, kumakaway. Nakasuot ito ng eleganteng silver gown, simple pero napaka-classy. “Ang ganda mo naman!” sabi ni Jenny nang makalapit siya. “Of course,” sagot ni Suzanne sabay tawa. “Birthday ko kaya! Pero mas maganda ka ngayon. You clean up so well, girl.” Napangiti si Jenny na medyo nahihiya. “Naku! Baka matawa ‘yung mga bisita mo sa suot ko.” “Wala silang karapatang matawa,” sagot ni Suzanne. “Trust me, you look perfect.” Sabay silang pumasok sa loob at doon lalo pang nanlaki ang mga mata ni Jenny. May string quartet sa isang sulok, may buffet table na puno ng imported dishes, at sa gitna ay may malaking chandelier na parang sa hotel. Ang mga tao, pawang business partners at kaklase ni Suzanne na halatang galing sa mayayamang pamilya. Hindi mapigilan ni Jenny ang mapahawak sa bag niya. “Suzanne… ang sabi mo simple lang.” “Eh simple naman ‘to,” tawa ni Suzanne. “Simple sa standards namin.” Natawa rin si Jenny, kahit kinakabahan pa rin. “Come on, let’s get some drinks,” aya ni Suzanne. “I want you to meet some people.” Habang naglalakad sila ay napapansin ni Jenny ang ilang matang nakatingin sa kanya. Hindi niya alam kung dahil bago siya o dahil iba ang aura niya na hindi sosyal, hindi rin sobrang pormal, pero maayos. May dalawang babae pa ngang nagbubulungan malapit sa table ng desserts. “‘Yan ba ‘yung friend ni Suzanne? Parang… probinsyana.” “Cute naman, pero halatang hindi sanay sa ganitong crowd.” Narinig ni Jenny ang mga iyon, pero hindi niya pinansin. Pinilit niyang ngumiti, pilit na kalmado. “Hindi mo kailangan patulan, Jenny. Hindi ka naman lumaki para patunayan ang sarili mo sa kanila,” sabi ng isip niya. “Jenny!” tawag ni Suzanne mula sa kabilang mesa. “Dito ka, gusto kong ipakilala sa ’yo nang maayos si Kuya. Kunwari ngayon mo lang siya nakilala,” natatawang sambit nito. Paglingon niya ay nakita niya si Jace Noam Rosaventi — naka-black suit, may hawak na wine glass, at nakangiti nang bahagya habang kinakausap ang isang grupo ng mga bisita. Mas relaxed ito kaysa noong mga nakaraang araw. Wala ang seryosong ekspresyon, pero andoon pa rin ang dignidad at composure sa bawat galaw. Lumapit si Suzanne, sabay hila kay Jenny. “Kuya, ‘eto nga pala si Jenny, ‘yung classmate kong lagi kong kasama sa projects.” Tumango si Jace at ngumiti nang magalang. “Ah, yes. We’ve met before. Nice to see you again, Jenny.” “Nice to see you too po, Kuya Jace,” sagot ni Jenny, halos hindi makatingin nang diretso. “Drop the ‘po,’” sabi ni Jace, bahagyang nakangiti. “You make me feel old.” Natawa si Jenny. “Sorry, sanay lang po—este, sanay lang talaga ako.” Tumaas ang kilay ni Jace, halatang natatawa rin kahit bahagya. “You’re polite. That’s rare here.” “Kuya!” sabat ni Suzanne, natatawa. “Don’t tease her.” Ngumiti si Jace at tinanguan si Jenny bago bumalik sa kausap. Habang naglalakad sila palayo ay napabuntong-hininga si Jenny. “Ang intimidating talaga ng kuya mo.” “Sanayan lang ‘yan,” sagot ni Suzanne. “‘Pag nakilala mo pa siya nang matagal, mare-realize mong softy ‘yan sa loob.” “Softy? Si Jace? Hindi halata,” natatawang sagot ni Jenny. “Trust me,” sabi ni Suzanne. “He’s the kind who doesn’t talk much, but he notices everything.” Habang tumatagal ang gabi ay dumami na ang tao sa loob. Si Suzanne ay inasikaso ang mga bisita, habang si Jenny naman ay napunta sa isang maliit na grupo ng mga kakilala ni Suzanne. “Hi,” bati ng isang babae, si Clara, anak daw ng business associate ng mga Rosaventi. “So, you’re Jenny, right? Suzanne’s friend?” “Yes,” magalang na sagot ni Jenny. “Classmate niya ako sa Tourism.” “Tourism? Oh,” sabay kindat ni Clara sa kasama niyang lalaki. “That’s cute. You must be planning to be a flight attendant or something?” “Maybe,” sagot ni Jenny nang mahinahon pa rin. “Gusto ko lang kasi makakita ng mundo. Mahilig akong maglakbay.” “Nice,” sagot ng lalaki, pero halatang hindi interesado. “Suzanne said you’re from the province, right? Must be… different here.” “Medyo,” tugon ni Jenny, nakangiti pa rin. “Pero masaya rin. Marami akong natutunan sa city life.” Tahimik sandali bago muling nagsalita si Clara. “Well, good for you! Sana di ka ma-overwhelm. You know how fast things go here.” Nakangiting tinapik ni Jenny ang baso. “Don’t worry. I learn fast.” Magalang pero may diin at hindi suplada, pero may laman. Sakto namang dumaan si Suzanne. “Hey, Jenny! Halika nga, picture tayo!” Agad siyang lumayo sa grupo at sumama kay Suzanne. “Girl, I saw that,” bulong ni Suzanne habang naglalakad. “The way you handled Clara? Iconic. I’m so proud of you.” Napatawa si Jenny. “Wala ‘yun. Sanay na ako sa ganu’n sa amin. May mga mas masungit pa sa palengke namin.” Sabay silang nagtawanan, at doon na muling nawala ang bigat sa dibdib ni Jenny. Pagkatapos ng hapunan ay nagbigay ng speech si Jace para kay Suzanne. Simple lang, pero ramdam ni Jenny ang affection at respeto sa boses nito. “Growing up with Suzanne,” sabi ni Jace, “taught me that chaos can be beautiful, as long as it comes with heart.” Tumawa ang mga bisita, pati si Suzanne. Ngumiti si Jenny habang pinapanood silang magkuwentuhan sa stage. Sa gitna ng mga ilaw, ng mga tao, at ng musika, naisip niyang ang saya-saya pala ni Suzanne sa mundong ito kahit ang layo sa mundo niya. Pagkatapos ng programa ay lumapit si Jace sa kanila. “Jenny,” sabi niya, “thanks for coming. My sister talks about you a lot. I’m glad she has someone she can trust.” Ngumiti siya at medyo nahihiya. “Thank you po—ay, thank you. Masaya akong naging kaibigan ko siya.” Tumango si Jace. “She’s better because of you. I can tell.” Hindi na siya nakasagot. Hindi dahil sa kilig, kundi dahil hindi siya sanay marinig na may ganun siyang epekto sa ibang tao. Pag-uwi niya kinagabihan ay nakasandal siya sa bintana ng taxi. Tahimik ang kalsada, at sa isip niya, bumabalik ang lahat ng nangyari. Ang mga ilaw, ang mga ngiti, ang mga taong parang laging may maskara, at si Jace na tahimik pero mapanuri. Naisip niyang Iba talaga ang mundo nila. Pero kahit saglit, naging parte siya roon at okay lang pala. Ngumiti siya nang tipid. Kahit may kirot pa rin sa puso niya para kay Joshua, unti-unti niyang natututunang may iba pang mundong pwedeng galawan, hindi para palitan ang dati, kundi para muling mabuhay. At sa loob ng taxi, habang pinagmamasdan niya ang mga ilaw ng siyudad, alam niyang nagsisimula nang magbago ang takbo ng buhay niya. Tahimik lang, dahan-dahan, tulad ng mga bituin na hindi mo mapapansin hangga’t hindi ka tumingin paitaas.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD