Hemira 24 - Summon
~Yohan~
"MAGIC ARROWS!" Nagpakawala ako ng naparaming mga mahikang palaso sa ere at lumipad 'yon sa iba't-ibang direksyon.
"HAAAAAAWWWRRR!" sigawan ng mga Yeting tinamaan ko sa katawan nila.
Nahingal ako kasi kanina pa ako nagpapakawala ng napakaraming magic arrows pero hindi naman sila na-i-injured ng fatal.
Napakarami nila at sa tingin ko, kulang-kulang silang limangpu at nakapaligid pa sa amin.
Iba-iba ang sukat at laki nila pero lahat sila, halatang mababangis at malalakas.
Maganda na rin 'tong lugar kung saan kami naglalaban-laban ngayon. Open area at walang madadamay na ibang tao.
Tiningnan ko si Hemira at abala siya sa pagsaksak at paghiwa sa mga Yeting nadadaanan niya na umaatake sa kanya.
Ang bilis ng kilos niya pero parang hindi na siya kasingbilis ng dati.
Lagpas anim na buwan din naman siyang hindi nagpractice ng swordart niya kaya siguro, kinalawang siya ng kaunti pero ramdam na ramdam ko ang mas tuminding bloodlust niya na parang nagcrave siya ng napakatagal doon.
Walang-wala sa kaniya 'yung mga tilamsik ng dugo na napupunta sa kanya, basta makapatay lang siya ng Yeti.
"HAAAAAWWWRRR!" atungal sa akin ng Yeti na nasa harapan ko na pala at hindi ko man lang napasin sa kakatingin ko kay Hemira.
Bago pa siya makaatake... "MASSIVE ARROW!"
Isang malaking-malaking mahikang palaso agad ang pinatama ko sa kaniya at nabura siya n'on.
Nadaanan pa n'on ang ilan sa mga yeti at naka limang yeti agad ako sa ro'n.
"Ayos!" sigaw ko sa tuwa pero napatigil agad ako kasi napunta na sa akin ang atensyon ng marami sa mga 'yon pagkatapos ng atake kong 'yon.
"HAAAAAWWWWRRR!" sabay-sabay na atungal nila at nanlaki ang mga mata ko nang tumakbo na sila papunta sa akin.
Para silang mga toro at ako ang pulang tela sa pagsugod nila ngayon sa akin pero hindi ako natatakot sa kanila dahil marami akong mga kakampi.
"Music Nymph! I humbly summon thee! Sika release!" sigaw ko at sumulpot kaagad si Sika sa tabi ko hawak ang flute niya.
Hihipan na sana niya 'yung flute niya pero hindi niya itinuloy kaya napatingin ako sa kanya.
Nangangatal 'yung mga ngipin niya at halatang nilalamig siya kaya hindi siya makaihip do'n.
Napaface palm naman ako dahil hindi ko naisip 'yung bagay na 'yon.
Bumalik na kaagad siya sa akin ng kusa kaya naalarmang napatingin na ako sa mga Yeti na napakalapit na sa akin.
Katapusan ko na!
Napapikit na lang ako ng mariin nang biglang naramdaman ko na may yumakap sa akin at inilipad ako sa ere.
Napamulat ako para tingnan kung sino 'yon.
"Hemira..." wala sa sarili kong sabi.
Bigla kong naalala 'yung ganitong nangyari sa amin sa Abellon.
Malapit na rin akong maatake noon pero iniligtas niya ako sa paglipad sa akin.
"Bakit hinintay mo na lamang na mapaslang ng mga Yeting iyon?! Nais mo bang mamatay?!" sermon niya sa akin na hindi ko inaasahan.
Napakurap-kurap lang ako kasi kahit galit siya at halatang nag-aalala siya ng sobra.
Napangiti ako. "Pasensya naman. Hindi agad ako nakapag-isip ng gagawin sa pagsugod ng mga 'yon sa akin."
Tumingin siya sa ibaba at ako rin.
Pinagmasdan namin ang napakaraming Yeti na nag-ipon sa ibaba namin at gustong-gusto na kaming abutin pareho.
Marami pa rin ang bilang nila kahit marami na ang napatay namin sa kanila.
Pa'no, may mga nagsisipuntahan pa rito mula sa iba't-ibang direksyon at nag-iipon dito sa lugar na 'to.
Mga gusto na talaga kaming patayin.
"Gyaaaaaaahhh!"
Napatingin kami sa isang direksyon nang makarinig kami ng maliliit na mga tilian galing sa malayo.
Parang tilian ng mga maliliit na mga creatures.
Nakita namin mula sa malayo ang isang kagubatan na sinugod na rin ng mga Yeti.
Kagubatan 'yon na puno ng pine trees.
May nagliparan pataas at nang maaninag namin kung ano ang mga 'yon...
"Mga Pixias!/Winter Pixias!" sabay na bulalas naming dalawa.
Bigla siyang lumipad papunta sa direksyon na 'yon kaya napayakap ako ng mahigpit sa leeg niya.
Ang bilis ng lipad niya.
Nasunod din sa amin 'yung mga Yeti na nasa ibaba.
Hindi puwede 'to!
Lalo lang mapapahamak ang mga Pixia na 'yon kung pati 'yung mga Yeti na 'to, maisasama pa namin.
Kailangan kong makaisip ng paraan kung paano sila mapipigilan.
Pumikit ako ng mariin para makapag-isip.
Sino ba sa mga masa-summon ko ang puwedeng kumalaban sa kanila na hindi tatablan ng lamig.
Hindi pa puwede si Nero dahil kailangan namin siya kapag kalalabanin na ang pinuno ng mga Yeti.
Hindi rin puwede ang iba.
Sino nga bang makakatulong sak—
Sandali lang...
Meron!
Bigla akong napamulat nang maisip ko na 'yung makakatulong sa akin sa pakikipaglaban sa mga Yeting sumusunod sa amin.
"Ogres! I humbly summon thee! Ogres release!" mabilis na sigaw ko.
Doon, nagsulputan na ang maraming mga ogres sa ibaba at hinarang kaagad nila ang mga Yeti.
Mukhang mas marami pa sila kumpara sa mga 'yon.
Napatigil si Hemira sa paglipad dahil sa ginawa kong mahika at tumingin siya sa mga Ogrya sa baba na hindi makapaniwala.
"Mga Ogrya! Kayo na muna ang bahala sa mga 'yan! Pigilan n'yo sila na masundan kami! Alam kong kaya ng katawan n'yo ang lamig at kasing lakas n'yo rin sila kaya aasahan ko kayo!" sigaw ko sa kanila kasi nasa ibaba nga sila.
"Masusunod." sabay- sabay nilang sabi at tiningnan na ang mga Yeti nahaharangan nila.
Kinuha nila mula sa likuran nila ang malaki nilang kahoy na may mga spikes.
"HAAAWWWRRR!" sigaw ng mga Yeti at sumugod na sa kanila.
"DAAAAAAAHHHH!" sigaw rin nila at naglaban-laban na sila isa-isa na parang nagkaroon na ng riot.
"Gyaaaaaaaahhh!"
Napatingin na naman kami sa kagubatan ng mga Pixia na sinisira na ng mga Yeti na naandoon.
"Tara na, Hemira!" sabi ko kay Hemira at lumipad na nga ulit kami.
"Paano mo natawag ang ganoong karaming mga Ogrya?" tanong niya.
"Inialay nila sa akin ang katapatan nila nang iligtas ko sila noon mula sa pagkakakulong sa kanila," sagot ko sa kanya.
Hindi na siya nagtanong pa at nang marating na namin ang kagubatan ay lumapag na kaming dalawa sa yelong sahig malapit lang doon.
Humiwalay na siya sa akin at doon ay bigla akong nakaramdam na parang malaki ang nabawas sa mahika ko at nakaramdam ako ng pagod sa katawan ko kaya napaluhod ako.
"Yohan! Ayos ka lamang ba?" alalang tanong niya sa akin.
Tumango naman ako pero medyo habol ko pa rin ang hininga ko.
Mahika ko ang ginagamit ng mga Ogre dahil wala naman sila n'on.
Kailangan kong tiisin 'to hanggang sa matalo na nila ang marami sa mga Yeti na 'yon para hindi na kami masundan ng mga 'yon hanggang dito.
Tinulungan niya akong tumayo.
"Sigurado ka bang ayos ka lamang?" tanong niya ulit.
Tumango ulit ako. "'Wag na ako ang problemahin natin. Tulungan na natin ang mga Pixia."
Determinado naman siyang tumango rin kaya tatakbo na sana ako pero hinubad niya ng mabilis 'yung winter coat niya kaya napatigil ako.
"Uy, bakit mo hinuhubad 'yan?"
Ibinigay niya sa akin 'yon pati 'yung ear muffs niya at mga guwantes.
"Ipasuot mo iyan sa nabubuhay na iyo muling tatawagin. Nakita ko kanina na tumawag ka ng isang babaeng nimpa ngunit hindi siya makagamit ng mahika sa lamig ng panahon dito kaya muntik ka nang maatake."
Nangunot lang 'yung noo ko. "Pero paano ka?"
Tumingin siya ng seryoso sa akin. "Isa akong mandirigma kaya hindi mo dapat ako inaalala ng ganyan."
Natigilan naman ako sa sinabi niya.
Tumakbo na siya paalis suot lang ang itim na hooded cape niya papunta sa mga Yeting naninira sa kagubatan ng mga Pixia.
Naiwan akong nakatulala sa kawalan dahil sa sinabi niya.
"Isa akong mandirigma kaya hindi mo dapat ako inaalala ng ganyan."
"Sinabi niyang mandirigma siya... Ibig sabihin..." Tiningnan ko ang tumatakbong siya paalis ng wala pa rin sa sarili nang bigla siyang tumigil at lumingon sa akin.
"Yohan! Ano pang tinatayo-tayo mo riyan?! Halika na!" tawag niya sa akin kaya napabalik na ako sa sarili ko.
"A-ah! O-oo! Sige!" sagot ko agad.
Pinagpatuloy niya na ang pagpunta sa kagubatan at sinundan ko na rin siya.
Tama ba talaga 'yung narinig ko kanina?
Tinawag niyang mandirigma ang sarili niya na lagi niyang dinideny dati?
Ibig sabihin... may bumabalik na sa alaala niya kahit papaano.
Ibig sabihin... bumabalik na ang dating Hemira na sobrang tagal ko nang hinahanap-hanap.
~Hemira~
"HAAAAAAAHHH!" Tumalon ako ng napakataas sa pag-apak sa isang bloke ng Yelo sa sahig at saka hinati sa gitna ang malaking Yeti na paatake na sa isang Pixia.
"HAAAAWWWRRR!" sigaw n'on saka bumagsak na ang hating katawan sa sahig.
Takot na takot naman na lumipad palayo ang babaeng Pixiang aking tinulungan ngunit isang Yeti na naman ang nakahuli sa kanya.
"Gyaaaaaaahhhh!" tili niya.
Nang pipirautin na siya ng Yeting iyon ay kaagad kong hiniwa ang kamay niyon.
"HAAWWWWWWRRR!" Nalaglag ang kamay na iyon sa sahig at nakawala ang Pixia sa loob niyon.
Lumipad na iyon ng napakataas sa abot ng kaniyang makakaya.
Mukhang isa ba siyang bubot na Pixia kaya hindi pa ganoon kalakas ang kaniyang mga pakpak upang makalipad ng mataas ngunit mabuti na lamang at kahit papaano ay nagawa niya.
Nakasama na niya ang iba pang mga Pixia na nalipad sa ere.
"HAAAAAAAWWWWWWWRRRR!" atungal sa akin ng Yeting pinutulan ko ng kamay ngunit pinaghihiwa ko siya sa kaniyang katawan at doon, hiwa-hiwalay na nalaglag ang kaniyang mga piraso sa sahig.
Tiningnan ko ang paligid at ang napakaraming mga Yeti ay nasa pinakangloob na ng kagubatan.
Naririto pa lamang kami ngayon sa bungad.
Kailangan na naming magmadali kung hindi ay maraming mga Pixia ang mawawalan ng buhay!
"Dekel, suotin mo na 'to para hindi ka na lamigin! Tulungan mo naman kami kahit ngayon lang!" narinig kong pangungumbinsi ni Yohan kaya napunta sa kanila ang aking atensyon.
Isang lalaki ang kaniyang kausap at nakayakap iyon sa sariling katawan dahil sa panggiginaw.
"Sinabi ko na noon sa iyo na hindi ko nais na ikaw ay tulungan sa iyong pakikipaglaban!" sigaw niyon sa kanya.
"Ahh... Gano'n pala ha. Hindi mo ako tutulungan? Sige... Ayos lang pero isusumbong naman kita kay Serafina!"
Nanlaki naman ang mga mata nito na tila labis na nabigla.
Napangisi naman siya. "Sisiraan kita ng sobra sa kaniya at ipapakita ko pa sa kaniya ang mga gagawing sugat at kalmot sa akin ng mga Yeti rito para magalit siya ng sobra sa—"
Biglang hinablot ng lalaking iyon ang aking kasuotang ibinigay ko sa kaniya kanina.
Napipilitan nitong isinuot iyon.
"Tss! Si Serafina lang pala makakapagpatiklop sa 'yo." Napapakamot pa siya sa ulo at sinamaan naman siya nito ng tingin.
Ngunit namilog ang aking mga mata nang isa ng Yeti ang nasa likuran ng punong malapit sa kanila.
Hinawi niyon ng napakalakas ang puno kaya naputol iyon at tumumba sa sahig na yelo.
"Gyaaaaaaaahhh!" Nagsilabasan doon ang mga nagtatagong mga Pixia at lumipad pataas na mga takot na takot.
"HAWWWWWWWWRRR!" atungal niyon at aatakihin na silang dalawa.
"YOHAN!" napakalakas na aking sigaw upang sila ay babalaan ngunit tumingin lamang si Yohan sa akin at ngumiti na tila ba hindi niya batid na siya'y nasa bingit na ng kamatayan.
Pakalmot na sa kaniya ang Yeti at nagsimula nang kumabog ng malakas ang dibdib ko sa takot sa maaaring mangyari sa kanya.
Tatakbo na sana ako upang siya'y iligtas nang bigla na lamang isang napakalaking patusok na bagay na kulay asul ang tumubo mula sa sahig at doon ay nasaksak sa dibdib ang Yeting iyon.
Ni hindi na niyon nagawa pang makasigaw at nawalan na rin kaagad ng buhay.
Nakabuka lamang ang aking bibig sa pagkabigla dahil sa asul na bagay na iyon.
"Ayos ka talaga, Dekel! Buti na lang at ikaw ang naisipan kong tawagin kahit ang tigas ng bungo mo!" puri niya sa lalaking iyon na Dekel pala ang pangalan at hinampas-hampas niya pa ito sa likod.
Halatang naiirita naman ito sa kanya. "Huwag kang masyadong magpakakampante sa akin dahil mahina ako sa lugar na ito."
Itinigil niya na ang paghampas dito. "Huh?"
"Ang aking mahika ay bumagal ng sobra dahil sa lamig ng lugar na ito. Makakagawa ako ng aking mahika ngunit napakabal na niyon at paisa-isa lamang."
Gumawa muli ito ng patusok na asul na bagay sa sahig at mabagal nga ang paglabas niyon.
Napa-isip siya saglit ngunit tumingin na muli rito. "Ayos lang 'yan. Basta 'wag ka lang magiging pabigat."
Nag-apoy naman ang mga mata nito sa pagkainis. "Anong iyong sinabi?!"
Hindi na niya ito pinansin pa at tumingin na sa akin.
"Hemira! Pumunta na tayo sa pinakangloob ng kagubatang 'to! Kailangan na nating iligtas 'yung mga Pixia na nandoon!" malakas na sabi niya upang aking marinig.
Tumango ako at tumakbo na kami papunta sa loob ng kagubatan.
Sumunod na rin sa amin si Dekel.
Malamig ang paligid at nararamdaman ko iyon ng lubos dahil sa aking manipis na kasuotan ngunit kayang-kaya ko itong tiisin.
Nahihirapan lamang akong huminga dahil sa lamig ng hangin ngunit kaya ko ito.
Mas kailangan ng tinawag ni Yohan na si Dekel ang aking kasuotan kaya ayos na sa akin ang ganito.
May biglang humawak sa aking braso at pinigilan akong tumakbo kaya ako'y napatigil.
Napalingon ako kung sino iyon at si Yohan iyon.
Hinubad niya ang kaniyang pampainit sa tenga at isinuot iyon sa akin pati na ang kaniyang mga gwantes.
"Gusto kong ipasuot sa 'yo tong suot kong winter coat dahil alam na alam ko kung gaano kalamig dito pero alam ko naman na hindi ka papayag at magtatalo lang tayo kaya ito na lang muna." kaniyang sabi habang isinusuot sa aking kamay ang kaniyang mga gwantes.
Nakatitig lamang ako sa kaniyang namumula-mulang mga pisngi.
Bakas na bakas na naman sa kaniyang mga mata ang pagiging sinsero at pagmamahal na nagpatibok ng malakas sa aking puso.
Biglang nag-init ang aking mga pisngi sa kabila ng lamig ng hangin na dumadampi doon.
Niyakap niya rin ako na hindi ko inaasahan.
"Magrecharge ka sa body heat ko para kahit papaano, hindi ka na lalamigin masyado." bulong niya sa akin.
"Kayong dalawa! Akala ko ba ay kailangan na nating sugurin ang mga Yeti!" sigaw sa amin ni Dekel kaya naman napahiwalay na siya sa akin.
Lalong lumakas ang t***k ng aking puso sa hiyang aking nararamdaman.
"Tsk. Panira ng moment." naiinis niyang sabi.
Ngayon naman ay hinawakan niya ang aking kamay at tumakbo na kaming dalawa.
Nakatingin lamang ako roon habang kami ay natakbo.
"Nilalamig 'yung kamay ko kaya ako naman ang magchacharge sa 'yo." kaniyang sabi habang nakatingin sa harapan ng aming tinatakbuhan.
Napahawak ako ng mahigpit sa aking dibdib sa pagwawala roon ng aking puso.
Tila nababaliw na iyon sa mga emosyong aking nararamdaman at nais nang kumawala sa aking dibdib.
~Yohan~
"MASSIVE ARROWS!" Nagpakawala ako sunod-sunod ng tatlong malalaking palaso sa tatlong Yeting paatake na sa akin. Tinamaan ko silang lahat at nabutas sila sa gitna. Natilamsikan ng mga dugo nila ang mga puno sa paligid at mayroon pa ring mga Pixiang nagtatago ro'n.
Napaupo ako sa panghihina ko sa lakas ng mahikang ginamit ko na 'yon. Nahahapo na ako at wala na ring pakiramdam ang mga kamay ko sa lamig. Putlang-putla na 'yon at kapag hawak ko ang pana ko, pakiramdam ko, didikit na ro'n ang balat ko.
Tiningnan ko si Hemira na hiwa nang hiwa sa kung saang Yeti niya makita. Ang tindi niya talaga. Para talaga siyang sword machine na walang kapaguran. Si Dekel naman na malapit lang sa akin at nakikipaglaban din sa mga Yeti ang napansin ko. Halatang nahihirapan na siya sa paggamit ng mahika niya. Ang bagal ng pagtubo ng mga spikes niya kaya nagagawang iwasan 'yon ng mga Yeti.
Gusto kong kumuyom ng mga kamao ko sa frustration na nararamdaman ko kasi parang wala na akong matutulong. Hindi pa bumabalik sa'kin ang mga Ogrya. Ibig sabihin, hindi pa nila nagagawang matalo ang mga Yeting naiwan namin sa kanila.
Hangga't hindi sila bumabalik sa akin, patuloy na madedrain ang magic ko pero kailangan pa namin ng isa pang tutulong sa amin dito. Kung hindi ako magsa-summon, baka dumating kaagad 'yung pinuno ng mga Yeti at magagawa na nila kaming mapagtulong-tulungan.
Sige. Tatawag ako ng isa pa. Manghihina ako pero mababawi ko rin agad 'to.
Tumayo na ako. "Water Maiden, I humbly summon thee! Nerina release!"