Hemira II 26

3026 Words
Hemira 26 - Mga Espada ~Yohan~ "Kainis! Ano nang gagawin natin ngayon?! Paniguradong ang pinuno na ng mga Yeti 'yung papuntang 'yon dito!" Nagugulumihan na ako at hindi ko na alam ang gagawin ko. Pati si Dekel, halatang nagpapanic na rin pero seryoso lang si Hemira. "Gyaaaaaaaaaahhh!" tilian ng mga Pixia at nagliparan sila paalis lahat. Pati 'yung mga nagtatago sa mga punong natitira pang nakatayo, nagliparan na rin paalis sa takot sa paparating na 'yon. "Hoy! Saglit lang! 'Wag n'yo kaming iwan!" sigaw ko sa kanila. Paniguradong may maitutulong naman sila sa amin pero natatakot sila at naiintindihan ko naman 'yon. Marami na ang namatay sa kanila dahil sa pag-atake sa kanila ng mga Yeti. 'Yung marami namang mga Yeti na natira rito, mga nagdidiwang na dahil sa papunta na nilang pinuno rito. Mas lumalakas ang paglindol sa lupa at napakapit pa ako sa isang puno na malapit sa akin para hindi ako ma-out balance. Marami pa kaming kalaban pero nandito na ang pinakaboss. Ito na nga ba ang pinakakinakatakot ko. Bigla kong naramdaman na nahigop ko na ang mga Ogrya pabalik sa akin pero iilan na lang sila. Naramdaman ko na isa sa mga 'yon ay ang pinuno nila. Mabuti naman at nakabalik na sila. Makakapagrecharge na ako ng mahika ko kahit papaano. "Ano ang bagay na iyon?!" biglang tanong ni Dekel habang nakaturo sa itaas kaya napatingin kami ro'n. Nanlaki ang mga mata ko nang maaninag ko na napakalaking bloke ng yelo 'yon na patusok at pabagsak na sa amin. "Air Maiden! Let me borrow thy power! Air magic release!" Mabilis akong gumawa agad ng mahikang hanging na makapagpipigil sa bloke ng yelo na 'yon. Para akong may pinipigilang isang napakabigat na bagay. "IGGHHH!" Itinapon ko papuntang ibang direksyon 'yung yelo na 'yon at napunta 'yon sa ilan sa mga Yeti na nakatayo lang doon. "HAAAWWWWRR!" sigawan nila sa takot doon pero nabagsakan na sila n'on. Ang lakas ng naging pagkabasag n'on. Dahil sa lakas ng mahikang ginamit ko, nagsimula na naman akong hapuin pero mas mabigat na paghinga na ang nararamdaman ko ngayon. Hindi pa man ako nakakabawi, lumindol na ng napakalakas ang sahig at pagtingala ko, nakita ko na ang isang napakalaking Yeti na nakasilip sa amin mula sa itaas. Parang kasingtaas siya ng 5th floor at nag-uusok ang ilong niya sa lamig. Malaki ang sungay niya at ang kapal ng puting balahibo. Nagsimula na naman siyang humakbang palapit sa amin at mas malakas na yanig ang nagawa n'on. "HAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAWWWWWWWRRRRRRR!" nakakabinging atungal n'on na pati sahig na yelo, nagcrack na. Sa pag-atungal na 'yon, nagsimula nang mang-atake ulit ang mga Yeti kina Hemira. Mas lalo silang naging aggressive at malakas dahil lang sa pagdating ng pinuno nila. Nahahalata na rin ang pagkapagod ni Hemira dahil nahihirapan na siya sa mga 'yon. Si Dekel naman, pinipilit pa rin ang pakikipaglaban. Kailangan ko ulit tumawag ng tutulong sa amin. Nararamdaman ko na bumabalik na 'yung mahika ko pero sino ba ang makakatalo sa mga halimaw na 'to lalo na sa pinakamalaki sa kanila. Sinong matatawag ko na sa isang pitik lang ng kamay, magagawa nang talunin lahat ng Yeti na 'to. Sino?! Si Blas. Alam ko si Blas pero wala na bang iba?! Hindi pupunta si Blas kahit tawagin ko siya. At kung pumunta man siya, magwawala lang siya rito at baka tunawin niya pa ang buong kontinente na 'to! Ano bang pwede kong gawin?! Eh 'di hiramin mo 'yung apoy niya. Natigilan ako sa naisip ko na 'yon. Hihiramin ko 'yung apoy ni Blas? Pero... Hindi ko pa nasusubukang hiramin 'yon. 'Yung kay Aella pa lang 'yung nasusubukan ko at sa tingin ko, level 3 pa lang ako ro'n kahit na matagal ko nang ginagamit 'yon. Napasabunot ako sa buhok ko sa pagkagulo ng isipan ko. Hahayaan mo ba na may mangyari kina Hemira dahil lang sa pagdadalawang-isip mo na 'to? Napatingin ako kina Hemira. Tama. Hindi ako papayag na may mangyari sa kanila dahil lang sa pagiging duwag ko. Lumayo na ako sa punong kinakapitan ko at tiningnan ko ng seryoso ang pinunong Yeti na sinisira ang buong kagubatan na nasa paligid niya. Ipinangako ko sa haring Atreus na 'yon na dadalhin ko ang ulo ng Yeti ng 'to sa kaniya kaya sisimulan ko na! "Fire Maiden of the Four Elements! Let me borrow thy power! Fire Magic release!" Bigla akong naglagablab ng apoy at nakaramdam ako ng sobrang hapdi sa balat ko. "GAAAAAAAAHHHHH!" sigaw ko dahil parang sinilaban ko ang sarili ko. Inalis ko agad 'yon sa akin at napaupo ako habang hingal na hingal. "Y-yohan! A-anong nangyayari sa iyo?!" tanong ni Hemira sa akin habang may kalaban siyang isang Yeti. Ni hindi ko magawang makapagsalita sa hapdi ng katawan ko. Hindi ko talaga kaya ang apoy ni Blas. Kung tinagalan ko pa ng kaunti na ginamit ko 'yon, siguradong nasunog na ako. "Ang susi sa paghiram ng mga mahika ay emosyon. Kailangan mong gayahin ang emosyon na palaging nararamdaman ng may-ari niyon upang mapasunod mo iyon." Emosyon? Kung emosyon na palaging mayroon si Blas ang tatanungin, paniguradong galit 'yon. Galit na matindi man o hindi. Kailangan kong magalit para makontrol ko tong apoy. Kailangan kong mag-isip ng mga bagay na makakapagpagalit sa akin. "Nais kong malaman ninyo na si Hemira ay hindi na itinuturing na kakampi ng kaharian. Isa na siyang kalaban. Kapag sinubukan niya muling pumasok sa palasyong ito, hulihin niyo kaagad siya at paslangin." "Kahit na ano pa ang iyong hinaing, hindi mo na mababago ang tunay na pagkatao ni Hemira. Isa na siyang mostro at paniguradong hanggang doon na lamang siya." Nagsisimula na akong mapuno ng galit habang naiisip ko 'yon. "Hindi ako marunong gumamit ng espada." "Huwag na huwag mong husgahan ang aking mga kaibigan! Hindi mo sila kilala! Sila nga'y mga mostro ngunit napakabubuti nila sa akin! Ikaw dapat na ngayon ko pa lamang nakilala ang nararapat na hindi ko paniwalaan!" "Sino ka? Bakit mo ako kilala?" "HAAAAAAAAAHHHHH!" sigaw ko sa sobrang galit na nararamdaman ko. Hanggang ngayon, napupuno pa rin ako ng galit dahil hindi ko matanggap kung nasa ano nang sitwasyon si Hemira ngayon. Ang dating kaharian na sobrang minahal niya at pinagsilbihan, ngayon, itinuring na siyang kalaban at kaaway. Kaming mga kaibigan niya, iniwan namin siya sa mga alaala niya. Naging mag-isa siya at walang karamay na totoo. Hindi ko matanggap na wala talaga akong nagawa no'ng mga panahong 'yon. "Fire Maiden of the Four Elements! Let me borrow thy power! Fire Magic release!" Lumabas na ang apoy sa katawan ko kagaya ng nangyari kanina. Napapikit ako ng mariin at hinintay na humapdi ang balat ko. Ilang sandali ang dumaan, wala naman akong nararamdamang hapdi o sakit sa balat ko. Napamulat na ako at tiningnan ang sarili ko. Doon ko na nakita ang umiikot sa akin na pulang-pulang apoy. Nanlaki ang mga mata ko sa 'di pagkapaniwala. Kaya ko nang makontrol ang apoy at hindi na ako napapaso! Ayos! Pero mamaya na ako magpaparty-party. Hindi na dapat ako mag-aksaya pa ng oras. "FIRE BOOSTER! ROCKET!" Gumawa ako ng malakas na apoy sa mga paa ko at para akong rocket na pinakawalan sa ere. Doon, palipad na ako papunta sa pinunong Yeti na naninira sa paligid niya na mga puno. "Kalimutan mo na si Hemira, prinsipe. Ikakasal ka na kay prinsesa Ceres kaya kalimutan mo na siya." Nagsimula na naman akong makaramdam ng galit sa biglang pagsagi n'on sa isip ko. "Sabihin ninyo sa inyong kaibigang diwata, hinding-hindi ako papayag sa nais niyang pagpapakasal sa aking anak. Ibang babae ang aking nais sa aking prinsipe at hindi na magbabago iyon." Napakuyom ako ng mga kamao ko. Hindi ko hahayaan na matulad sa amin sila Nero at Theo. Mahal nila ang isa't isa kaya dapat lang na sila ang magpakasal at hindi sa ibang babae mapapakasal si Theo dahil lang sa gusto ng tatay niya. Sila dapat ang magdesisyon sa buhay nila at hindi ang iba! "FIRE CANNON BALL!" Binato ko ng bolang apoy 'yung pinunong Yeti sa katawan niya kaya napunta na sa akin ang atensyon niya. Hindi siya nakaapekto 'yon sa katawan niya dahil sa makapal na fur niya sa katawan. Tumigil ako sa paglipad. "HAAAAWWWRRRR!" atungal niya na galit na galit. Itinaas niya ang malaking kamay niya at hahampasin na ako. Nang padaan na 'yon sa akin... "FIRE BOOSTER!" Lumipad ako palayo sa pwesto ko kaya hindi niya ako nahampas. Ang bagal ng kilos niya dahil sa laki niya. "FIRE BLADE!" Gumawa ako ng apoy na espada at naglalagablab 'yon. "HAAAAHHHHH!" Ihiniwa ko 'yon sa hangin pagilid at nakagawa ako ng malaking fire wave. Tinamaan siya n'on sa dibdib niya at napaurong ko siya ng kaunti. "HAAAAWWWRRRR!" mas lalong malakas na atungal niya at napahawak sa dibdib niya na napaso ng apoy. "Kailangan kong iuwi ang ulo mo sa Priam! Ihahagis ko 'yan sa harapan ni haring Atreus para hayaan niya na sila Nero at Theo na magpakasal!" sigaw ko sa kanya. "Para sa kanilang dalawa, gagawin ko 'to. Para na rin sa aming dalawa ni Hemira. Pangpalakas ng loob ko," sabi ko sa sarili ko habang kuyom ko ang mga kamao ko. "Na kahit hindi man namin alam kung ano ang mangyayari sa hinaharap, basta ang alam ko, kaming dalawa pa rin ni Hemira sa huli! Na siya ang babaeng pakakasalan ko gaya ng pangako ko sa kaniya dati!" sigaw ko na puno ng determinasyon. "HAAAAWWWRRRR!" atungal sa akin ng Yeti at gumawa 'yon ng malakas na hangin sa akin. Halos mapatay niya ang apoy sa paligid ko pero hindi ko 'yon hinayaan. "FIRE PHOENIX!" sigaw ko at nabigla ako sa sarili ko kasi bigla ko na lang nasabi 'yon. "KAAAAAAAAKKKKKK!" Biglang may lumabas sa katawan ko na isang apoy na ibon. "Phoenix?!" hindi ko makapaniwalang sabi dahil doon. Lumipad 'yon papuntang Yeti at bumuga ng napakalakas na apoy. "HAAAAWWWRRRR!" sigaw n'on dahil sa lakas ng atake niya. Natigilan ako nang maramdaman kong biglang bumagal ang t***k ng puso ko. Bigla ring naging blurr ang paningin ko at parang hindi ako makahinga. Nadrain na ng sobra ang mahika ko dahil sa paggamit ko ng apoy ni Blas at paglabas ng phoenix na 'yon. Naramdaman ko na lang na pabagsak na ako ngayon dahil sa hangin na humahampas sa likuran ko. Mukhang hanggang dito na lang talaga ang kaya ko. "YOHAN!" ~Hemira~ "YOHAN!" sigaw ko nang aking makita na pabagsak na mula sa ere si Yohan. "Fugio!" Lumipad kaagad ako upang siya ay saluhin. Niyakap ko agad siya nang makalipad na ako papunta sa kanya. "Yohan! Anong nangyari sa iyo?! Yohan!" Labis na pag-aalala at pangamba na ang aking nararamdaman dahil sa nangyari sa kanya. Bumalik sa kaniyang katawan ang apoy na ibon na kaniyang napakawalan. Tiningnan ko ang pinunong Yeti at napahiga ito dahil sa huling atake ng ibon na iyon. Marami na ang paso sa katawan niyon ngunit buhay pa rin iyon. Bumaba kaagad ako papunta kay Dekel at agad na rin siyang nahigop ng katawan ni Yohan. Inihiga ko siya sa sahig ng maingat. May lapnos sa kaniyang pisngi pati na rin sa kaniyang mga kamay. Paniguradong dahil ito sa paggamit niya ng mahikang apoy kanina. Gagamutin ko na sana siya ng aking mahika ngunit napatigil ako. Tiningnan ko ang aking mga kamay. Gagamitan ko siya ng aking itim na mahika? Ngunit baka siya ay aking mabahiran ng aking pagiging masama. Hindi na ako makapagdesisyon sa aking gagawin nang magmulat siya ng kaniyang mga mata. "H-hemira..." tawag niya sa akin kaya agad kong inilapit ang aking mukha sa kanya. "Yohan... Mabuti at nagmulat ka..." alalang-alalang aking sabi. Inangat niya ang kaniyang kamay at hinawakan ang aking pisngi. Mayroong ngiti na nabuo sa kaniyang mga labi. "'Wag kang m-mag-alala... N-naubusan lang ako ng m-mahika... H-hindi kita i-iiwan kasi t-tayo pa ring d-dalawa hanggang sa h-huli." Hindi ko napigilang hindi mapaluha sa kaniyang sinabi at hinawakan ko ang kaniyang kamay sa aking pisngi. Malamig iyon. Napupuno ng kalungkutan at takot ang aking dibdib dahil sa kaniyang kalagayan. "HAAAAAAAAAAAAAAAAWWWWWWWWRRRR!" atungal ng pinunong Yeti. Napatingin ako sa paligid at nakapalibot na sa amin ang mga natira pang mga Yeti. Tumayo na rin ang pinunong Yeti kaya nayanig ang buong lugar. Hinanap ko ang aking espada at nakatusok iyon sa sahig di gaanong malayo sa amin. Isinaksak ko iyon doon dahil sa paglipad ko papunta kay Yohan. Palapit na sila sa aming lahat at pati ang pinunong Yeti ay nakatingin sa amin na puno ng galit. Kailangan ko nang gamitin ang aking mahika... Kung hindi ay mamamatay kami pareho rito. Tumayo na ako. Hindi ko hahayaan na saktan ng mga mostro na ito si Yohan. "Hinding-hindi!" sigaw ko. Handa na akong bumigkas ng aking mahika at pahampas na rin sa amin ang pinunong Yeti nang bigla na lamang isang makapal na pader na yelo ang humarang sa kamay ng pinunong Yeti na iyon. Nabasag agad iyon at paulan na sa amin ang mga patusok na nabasag na pirasong iyon ngunit panibagong yelong harang na naman ang nagawa sa amin. Sa palibot lamang namin iyon ni Yohan na pabilog. Tila nasa loob kami ngayon ng kweba. Sino ang gumawa nito? Hindi kaya... Biglang nayanig ang lupa dahil sa nagbagsakang mga yelong iyon at nagkaroon din ng basag sa gilid ang kwebang ito kaya nakagawa iyon na malaking butas. "HAAAAAAAWWWWWWWWRR!" rinig na rinig kong atungal ng mga Yeti sa labas. Agad akong umupo sa tabi ni Yohan at siya'y aking binuhat. Hindi na kami ligtas dito. Tumakbo ako palabas ng butas at tiningnan ang nangyayari sa paligid. Namilog ang aking mga mata nang akin nang masaksihan kung ano na ang nangyayari rito. Mayroong maraming mga mandirigma sa paligid na nakikipaglaban sa natirang mga Yeti. Sila'y mga mandirigma ng Priam at mayroon ding mga maheya ng yelo na kaagapay nila. Akin pang nakita si prinsipe Theo na nakikipaglaban din. "Paumanhin Hemira kung ngayon lamang kami nakarating upang kayo ay matulungan." kaniyang sabi at saka sinaksak ang isang Yeti na kaniyang kalaban sa dibdib nito. Napaatungal naman iyon at napahiga na lamang. "HAAAAAAAAWWWWWWRRR!" Napalingon kaagad ako sa ere nang aking marinig ang atungal ng pinunong Yeti. Doon ko naman nakita ang diwata ng yelo na si Nero na nakikipaglaban sa pinunong iyon at pati na ang... Ang mga Pixia?! Hindi ko inaasahan na sila'y tutulong din sapagkat takot na takot sila kanina dahil sa ginawa ng mga Yeting ito sa kanilang tirahan. Pinapaulanan nila ng mga patusok na yelo ang Yeting iyon ngunit halatang nahihirapan pa rin sila na talunin iyon. Nagwawala na iyon ng lubos at winawasiwas ng winawasiwas ang kamay sa kung saan-saang direksyon nito naisin. Ako'y napasinghap nang tamaan ng kamay na iyon si Nero at napakabilis ng kaniyang naging pagtalsik sa aming direksyon. Tumama ang kaniyang katawan sa isang punong nakatumba. "Nero!" gimbal na sigaw ni Theo dahil sa nangyaring iyon. Agad itong tumakbo papunta sa kaniya at isinandal ang kaniyang ulo sa dibdib nito. "Nero! Ayos ka lamang ba? Ang iyong katawan..." Labis na pag-aalala ang nababakas sa mga mata nito. "Manggagamot! Nasaan ang manggagamot na aking isinama?!" Nagugulumihan itong tumingin sa paligid upang hanapin ang manggagamot na sinasabi nito. "A-ayos lamang ako, T-theo..." pagpapakalma niya rito ngunit napa-ubo siya at may dugo iyon. Namilog ang mga mata nito sa pagkagimbal ngunit nginitian lamang niya ito. "Huwag ka nang mag-alala pa. Ayos lamang talaga ako. Di maitatangging napakalakas na tunay ng pinuno ng mga Yeti ngunit kaya ko siyang talunin. " Pinipilit niyang tumayo ngunit pinigilan pa rin siya ni Theo. Nagtatalo na silang dalawa dahil sa bagay na iyon. Habang pinapanood ko silang dalawa ay mas lalo kong nakikita ang pagmamahal nila sa isa't isa. Ang matinding pag-aalala sa mukha ni Theo at ang pagnanais naman ni Nero na matalo na ang pinuno ng Yeti upang mapayagan na ang kanilang kasal, basang-basa ko iyon sa kanilang mga mata. Tiningnan ko si Yohan na nakapikit lamang. Kaya mo ba sila nais tulungan ay dahil nabasa mo rin ang iyon sa kanilang mga mata? Dahil nababatid mo na mahal na mahal talaga nila ang isa't isa? Kung gayon ay tutulong na rin ako. Lumapit na ako sa kanilang dalawa kaya sila'y napatigil sa pagtatalo at sabay na napatingin sa akin. Nakatikluhod kong ibinaba sa kaniyang tabi ang nakapikit na si Yohan at tiningnan sila ng seryoso. "Ako na ang bahala sa pinunong Yeti, Nero. Ako na ang bahala sa mostro na iyon." Napakuyom pa ako ng aking kamao at tumayo na. "Ngunit Hemira, kaya ko pang lumaban," sabi ni Nero. Tumingin ako sa kaniya ng deretso. "Kailangan mo ang iyong mahika hanggang mamaya dahil kailangan natin silang ikulong muli. Kung ikaw ay mauubusan na ng mahika ay magiging malaki ang tsansa na hindi natin mapagtatagumapayan ang labanang ito." Tumango naman ng puno ng pagsang-ayon si Theo. "Tama siya, Nero. Malaking pinsala na ang nakuha mo sa atakeng iyon ng Yeti at hindi ko na hahayaan na may mangyari pa sa iyong masama." "Ano ang iyong pinaplano upang talunin iyon?" tanong sa akin ni Nero. Napaseryoso na akong muli at tiningnan ang nagwawala pa ring pinuno ng Yeti. Kalaban niyon ang maraming mga Pixia. "H-hemira... 'W-wag mong g-gagamitin ang m-mahika mo..." Napalingon ako kay Yohan sa kaniyang sinabi. May pagmamakaawa ang kaniyang matamlay ng mga mata. Ngumiti ako sa kaniya upang siya'y hindi na mag-alala pa. "Magpahinga ka na muna at huwag nang mag-alala pa. Hindi ko iyon gagawin." Napahinga siya ng maluwag dahil doon. "Nero, kailangan ko ng iyong tulong sa aking gagawin." aking sabi kay Nero. "Ano iyon, Hemira?" tanong niya. "Kailangan ko ng dalawang malaking espada. Maaari bang gawaan mo ako niyon gamit ang yelo?" Siya'y tumango. "Hindi naman iyon makakaapekto sa aking mahika." Bumigkas siya ng kaniyang mahika at doon ay lumutang sa aking harapan ang dalawang malaking espadang gawa sa yelo. Bumigkas pa siya ng bagong mahika at nabasag ang yelong iyon at doon ay naiwan ang dalawang malaking bakal na espada. May mga disenyo iyon na napakaganda. Hinawakan ko na iyon pareho at hindi iyon mabigat sa akin. Napangiti ako nang madama kong muli ang malakas na pagtibok ng aking puso sa paghawak lamang sa mga espadang ito. Tiningnan ko na ang pinunong Yeti. Katapusan mo na.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD