Hemira 28 - Pagdating ng Hadlang
Kinabukasan...
~Yohan~
Iminulat ko ang mga mata ko nang magising na ako.
Napaunat ako at umupo na sa hinihigaan ko pero biglang kumirot 'yung ulo ko kaya napahawak ako ro'n.
Napangiwi pa ako sa sakit n'on.
Nang medyo nakaya ko nang tiisin 'yon, tiningnan ko 'yung paligid at nasa isa akong magandang kuwarto.
Nakasuot din ako ng white na buttoned shirt at panjama.
Napahikab ako at nag-unat ng kamay ko pero...
"Hemira..."
"Yohan! Ano ba?!"
"Hindi ko lubos na inakalang ganyan ka pala, Yohan."
Bigla akong napatigil sa paghihikab at unti-unting nanlaki ang mga mata ko nang magflash sa isipan ko 'yung nangyari kagabi sa pagitan namin ni Hemira.
Nanlalaki ang mga mata kong napatingin ako sa pinto.
Ilang saglit lang, nagkukumahog akong bumaba ng kama ko at tumakbo palabas nitong kuwarto.
Mga tagapagsilbi kaagad ang sumalubong sa akin sa may labas ng pinto at may dalang tray ng pagkain ang isa sa kanila.
"Ginoo, ito na po ang inyong aga—"
"Nasaan si Hemira?! 'Yung babaeng kasama ko kahapon?!" tanong ko agad sa kanila.
Nangunot ang mga noo nila at parang nag-isip pa.
"Ah! Si Binibining Hemira po? Umalis po siya sa kaniyang silid kanina at—"
"Ano?! Saan siya nagpunta?!" sobrang kabado ko nang tanong dito sa may hawak ng tray ng pagkain.
"Bumaba po siya sa unang palapag at—" Kumaripas na kaagad ako ng takbo bago pa niya matapos ang sasabihin niya.
"Ginoo!" tawag pa nila sa akin pero hindi ko na sila pinansin.
Aalis na si Hemira!
Iiwan niya na ulit ako dahil sa ginawa ko sa kaniya kagabi!
Marami akong nasalubong na mga mandirigma at tagapagsilbi at nagugulat pa sila sa akin sa pagdaan ko sa harapan nila at bilis ng takbo ko.
Nagmamadali akong bumaba ng hagdan papuntang first floor at nakita kong naglalakad si Hemira papuntang malaking pintuan.
Mayroon pang mga nakasunod sa kaniyang mga tagapagsilbi.
"Hemira!" tawag ko sa kaniya at napalingon siya sa akin pero napasala ang pag-apak ko rito sa binababaan kong hagdanan kaya balebalentong akong nahulog pababa n'on.
Narinig ko pa ang pagsinghap ng mga tagapagsilbi sa baba dahil sa nangyayari sa akin.
Buti na lang at mababa lang 'yung binagsakan ko at gumulong pa ako sa sahig hanggang sa tumigil na 'yung katawan ko.
Ang sakit ng katawan ko pero nagmamadali akong tumayo. "H-hemira! S-saglit lang!" Nang makatayo na ako, nakita ko siya na nakatingin sa akin pati mga tagapagsilbing kasama niya.
Tumakbo kaagad ako palapit sa kaniya ng paika-ika dahil sa sakit ng paa ko.
Nang makalapit na ako sa kanya, hinawakan ko agad ang balikat niya. "Hemira! Sorry ng sobra-sobra sa ginawa ko sa 'yo kagabi! Patawad talaga ro'n! Hindi ko naman talaga sinasadya 'yon eh! Naano lang kasi ako ng ano... ng ininom kong alak sa pagdiriwang no'n kaya nagkagano'n ako pero hinding-hindi ko talaga sa 'yo magagawa 'yon! Hindi ako gano'ng klase ng lalaki gaya ng iniisip mo."
Nakatingin lang siya sa akin ng walang emosyon.
Itinaas ko ang kanang kamay ko para mangako sa kanya. "Pangako, hinding-hindi ko na talaga uulitin 'yon. Hinding-hinding-hindi na kaya please naman... 'Wag kang umalis... 'Wag mo kong iwan ulit... Please..."
Hindi pa rin siya nagsasalita kaya lumuhod na ako sa harapan niya at tumingala sa kaniya na puno ng pagmamakaawa.
Namamasa-masa na rin ang mga mata ko dahil naiiyak na ako. "Kahit ano gagawin ko. Kahit na bugbugin mo pa ako o pagpractice-an mo pa ako ng espada ngayon sa harapan ng mga tagapagsilbi na 'to, ayos lang... 'Wag mo lang akong iwan ulit... 'Wag ka lang bumalik sa lugar na 'yon kung saan hindi ka naman talaga dapat."
"Bakit ubo Yohan? Ano ba ang nigawa mo kay umbo Hemira kagabi upang iwan ka niya?"
"Nalasing kasi ako gawa n'ong alak do'n sa pagdiriwang tapos..." Natigilan ako at napatingin sa batang lalaking nasa tabi niya at hawak niya ang kamay na ngayon ko lang napansin.
Si Zenon 'yon at curious na curious na nakatingin sa akin.
Nanlaki naman ang mga mata ko. "Zenon?! Bakit nandito ka at kasama si Hemira?!" hindi ko makapaniwalang tanong.
"Katatapos lamang namin maglaro ni umbo Hemira at nipunta na kami ngayon sa silid kainan upang kumain." Ngiting-ngiti si Zenon at yumakap pa ito sa bewang niya.
Pinunasan ko ang mga mata ko na mamasa-masa at napasinghot-singhot pa saka tumingala ulit sa kanya. "I-ibig sabihin... H-hindi mo ako balak iwan?"
Nag-iwas lang siya ng tingin sa akin.
Hindi niya sinagot ang tanong ko at kinarga lang si Zenon saka na ngumiti. "Halika na Zenon. Siguradong labis kang napagod sa ating paglalaro kaya kailangan mo nang kumain. Masama sa iyo ang malipasan ng gutom."
Masaya namang tumango ito sa kaniya at naglakad na sila paalis kasama ang mga tagapagsilbi.
Naiwan lang ako rito na nakaluhod pa rin at parang isang hangin na hindi niya pinansin.
Tumayo na ako at napabuntong hininga.
Hindi nga siya umalis pero galit naman siya sa akin.
Tsk! Bakit ko ba kasi ginawa 'yon kagabi?!
Nakakaasar!
Napatakip ako sa mukha ko at napaupong parang natae.
Haaarrrggghh!
Sa lahat ng gagawin ko, bakit 'yun pa?!
Siguradong r****t na ang tingin niya sa akin.
Isang molester at manyak!
Hindeeeee! Ayoko! Hindi ako gano'n!
"Yohan? Ano ang ginagawa mo riyan?" tanong sa akin ng isang boses ng lalaki.
Napatingin ako kung sino 'yon.
Si Theo 'yon at may kasama siyang mga tagapagsilbi.
Tumayo kaagad ako at napatikhim. "W-wala naman..."
Nakakahiya. Nakita niya akong parang baliw.
"Bakit ganyan pa ang iyong suot? Hindi pa ba dumadating ang iyong mga magiging tagapagbihis?" tanong niya.
Tiningnan ko naman ang sarili at nakapantulog pa ako.
Umiling ako sa kanya. "Dumating na sila kaso may nangyari lang kaya napalabas agad ako ng kuwarto ko," pagdadahilan ko.
"Ganoon ba?..." Napatango-tango siya pero tumingin siya sa akin ng seryoso. "Ngunit tama ba na ang aking itawag sa iyo ay Yohan?"
Napamaang naman ako. "H-huh? A-anong ibig mong sabihin?" Bigla akong kinabahan kasi baka alam niya na ako si prinsipe Argyris.
Ngumiti lang siya. "Wala naman. Sige na at ika'y magpunta sa silid ng hapag kainan upang magkasalo-salo tayo sa ating pagkain. Magpupunta rin nga pala ang mga tao mamayang hapon dito sa palasyo upang makapagpasalamat sa inyo dahil sa ginawa ninyong pagpaslang sa pinuno ng mga Yeti. Doon na rin namin kayo pararangalan sa harapan nilang lahat." Masayang-masaya 'yung mga ngiti niya.
"Salamat Theo pero kailangan na rin naming umalis kaagad ni Hemira dahil maglalakbay pa kami sa Zephyrus. Hihingi na lang ako sa 'yo ng mga pagkaing madadala namin sa paglalakbay namin bilang pabor. Pasensya na rin kasi baka hindi kami makadalo ng kasal n'yo ni Nero."
Nawala 'yung ngiti niya at parang nalungkot. "Ganoon ba? Naiintindihan ko ngunit mukhang mahihirapan si Hemira na magpaalam kay Zenon. Iyon ay sapagkat akala ni Zenon na rito na kayo mamamalagi sa kaharian at palagi niyang makakalaro si Hemira ngunit kailangan n'yo palang umalis. Paniguradong iiyak iyon ng lubos at labis na malulungkot."
Napa-isip naman ako.
Mukhang mahihirapan din si Hemira na magpaalam kay Zenon kasi nakita ko sa ngiti niya kay Zenon kanina na masayang-masaya siya sa batang 'yon pero sinabi ko naman sa kaniya dati pa na hindi kami magtatagal dito sa kontinente ng Boreas.
Dadaan nga lang dapat kami rito at sa Zephyrus na dederetso pero paano na 'to ngayon?
"Naku, Yohan. Pasensya na kung pati ang kay Zenon ay ipinapoproblema ko pa sa iyo pagkatapos ng malaking problema namin ni Nero na pinasolusyonan namin sa inyo ni Hemira. Huwag mo nang isipin pa iyon at kami na ang bahala kay Zenon na magpaliwanag. Mabait na bata naman iyon at alam kong maiintindihan niya ang inyong pag-alis."
Napatango naman ako. "Sige. Ikaw nang bahala Theo."
Ngumiti naman siya.
*—* * *—*
Nasa labas na kami ngayon ng palasyo ng Priam.
Nandito si Theo pati na rin si Nero.
Kasama rin nila ang maraming mga mandirigma at mga tagapagsilbing mga nakawinter coat.
Suot ko na ulit 'yung armor ko at may bago na rin akong winter coat na ibinigay nila sa akin.
Sakbit ko rin 'yung lagan ko sa loob ng winter coat ko at may laman 'yon na maraming pagkain na binigay rin nila sa akin dahil sa request ko kay Theo.
"Uwaaaaaaaaaahh! Umbo Hemira! Ayaw ko na ika'y umalis! Hindi ko iyon nais! Uwaaaaahhhh!" pagngalngal ni Zenon na ayaw bumitaw sa pagkakakarga sa kaniya ni Hemira.
Halatang awang-awa na si Hemira sa kaniya at parang ayaw rin siya nitong bitawan.
Lumapit na sa kanila si Theo. "Zenon, bumitaw ka na sa kaniya sapagkat kailangan na nilang umalis. Mayroon pa silang kailangang lakbayin at hindi ka dapat maging sagabal doon."
Umiling-iling si Zenon ng malakas habang umiiyak pa rin. "Ayoko! Ayokong iwan ako ni umbo Hemira sapagkat siya ang aking magiging asawa! Siya ang babaeng aking pakakasalan!"
Nanlaki naman ang mga mata naming lahat sa sinabi niya.
"Ano?!" violent reaction ko.
"Zenon, ano ba ang iyong pinagsasasabi?! Isa ka pa lamang paglit kaya paanong pakakasalan mo si binibining Hemira?" tanong sa kaniya ni Theo na halatang nagpapanic na dahil sa pinagsasasabi ng kapatid niya.
"Siya'y aking pakakasalan dahil iyon ang aking nais!" sigaw ni Zenon.
Naiirita na ako.
Kebata-bata, kakaribalin pa ako kay Hemira!
Kung hindi nga naman talaga pasaway.
Tumingin pa siya kay Hemira. "Umbo Hemira, kailangan mong hintayin ang aking paglaki upang makapagpakasal na tayo. Katulad ni ubo Theo at diwata Nero, nipapakasal din tayo, hindi ba?" Pasinghot-singhot pa siya.
Tumango naman si Hemira na ikinalaglag ng panga ko.
"Kung iyan ang iyong nais ngunit kailangan na talaga naming umalis, Zenon. Babalik din naman kami upang ika'y bisitahin, ayos lamang ba iyon?" Ngiting-ngiti pa siya.
"Huh?! Bakit ka pumay—"
"Talaga?!" biglang bulalas sa tuwa ni Zenon kaya hindi ko na natapos 'yung pagrereklamo ko.
Tumango-tango ulit siya.
"Ikaw talaga, Zenon. Mas lalo mo lamang pinahirapan si binibining Hemira sa iyong nais," sabi ni Theo habang apologetic na nakatingin sa kanya.
Ipinasa na niya rito ang pagkakakarga kay Zenon at sa wakas ay bumitaw na 'yon sa kanya.
"Prinsipe."
Nakaagaw ng pansin ko 'tong nagsalita sa tabi ko.
Si Nero 'yon.
"Shhhhhhh! 'Wag mo kong tawaging prinsipe kasi baka malaman nila!" Tumingin-tingin pa ako sa paligid at tiningnan kung may nakarinig ba sa itinawag niya sa akin.
Buti at wala.
"Nalaman ko mula kay Theo na pumayag ka sa nais ng hari na paslangin ang mga Yeti kapalit ang kaniyang basbas sa aming pagpapakasal," sabi niya.
Napatingin ako sa kanya. "Oo. Bakit? Hindi pa rin ba pumapayag 'yung hari na 'yon?!"
Umiling lang siya. "Pumayag na siya gaya ng inyong napag-usapan."
"Mabuti naman. Akala ko, hindi niya tinupad eh."
"Hindi ba't nalaman mo na kapag ako'y naikasal ay hindi mo na ako maaaring tawagin para sa iyong mga labanan ngunit pumayag ka pa rin. Sigurado ka ba sa iyong naging desisyon? Hindi mo ba ito pagsisisihan?"
Nangunot ang noo ko. "Bakit naman ako magsisisi ro'n? Ano ka ba? Ayos lang naman eh. Bukal na bukal sa loob ko 'yon saka may nagawa na naman akong paraan do'n kaya 'wag mo nang isipin 'yon. Basta maging masaya lang kayong dalawa, ayos nang pangbawi 'yon." Ngumiti na ako sa kanya.
"Anong paraan iyon, prin—"
"Ops. Ya'n ka na naman eh. Basta. Ang masasabi ko na lang... Maraming salamat sa lahat ng naging tulong mo sa akin, Nero. Thank you ng sobra sa pagiging kabilang mo sa mga Maiden ko."
Nakatingin siya sa akin at hindi ko mabasa 'yung iniisip niya.
"Napakalaki na ng iyong pinagbago, prinsipe."
"Shhhhhh! Sabing 'wag mo 'kong tawagin n'on eh!"
Tumingin ulit ako sa paligid para tingnan kung may nakarinig n'on pero nakita kong lumabas si haring Atreus sa malaking pinto ng palasyo at lumapit sa aming dalawa.
Seryoso siyang nakatingin sa akin. "Binatang Tumatawag, ako'y humihingi sa inyo ng paumanhin ng iyong kasamahan dahil sa masamang pagtrato ko sa inyo simula nang dumating kayo rito. Hindi naman ako ganoon sa mga bumibisita sa aming kaharian. Naging ganoon lamang ako dahil sa labis na pamomroblema sa kaligtasan sa aming mga mamamayan."
Nakatingin lang ako sa kanya.
Tumingin naman siya kay Nero. "At sa iyo, diwata. Labis akong humihingi ng tawad dahil sa aroganteng pag-asta ko laban sa iyo. Sana'y maintindihan mo ang aking pinanggagalingan kung bakit ko nagawa iyon."
Tumango naman si Nero sa kanya. "Naiintindihan kita, haring Atreus. Batid ko na kaligtasan lamang ng marami ang iyong pinakananais at hinding-hindi ako magtatanim ng galit sa iyo dahil sa bagay na iyon."
"Maraming salamat, diwata..," sabi pa niya.
Tiningnan ko si Hemira at nag-uusap pa rin sila ni Zenon.
Nag-excuse ako rito kina Nero at pumunta kina Hemira.
Pagkalapit ko, kinulbit ko si Hemira kaya napalingon siya sa akin.
"Tara na," sabi ko lang.
Tumingin naman kaagad siya kay Zenon na karga ni Theo.
"Paumanhin Zenon ngunit kailangan na talaga naming umalis," pagpapaalam niya rito.
Ngumiti naman si Zenon na ikinataas ng isang kilay ko.
Kanina lang, kung makangalngal 'tong batang 'to.
"Sige, umbo Hemira. Basta, ang iyong pangako na bibisita kang muli. Huwag mo iyong kakalimutan," paninigurado pa nito sa kanya.
Masaya naman siyang tumango-tango at hinalikan ito sa ilong.
Nangunot ang noo ko sa ginawa niya.
Alam kong bata lang si Zenon pero nakakapangselos pa rin. Tsk.
Gusto ko rin n'on.
"Paalam, Zenon. Maraming salamat din, prinsipe Theo." pagpapaalam niya.
Nakangiting tumango si Theo sa kanya.
Nagpaalam na kaming lahat sa kanila.
Nagsimulang umiyak ulit si Zenon pero pinilit pa rin naman nitong ngumiti at kumaway na sa amin.
"Paalam sa inyo!"
"Mag-iingat kayo sa inyong paglalakbay!"
"Maraming salamat sa inyong dalawa!" sabi ng mga tagapagsilbi at mga mandirigma sa amin.
Kumaway kami sa kanila.
Nakatingin sa akin si Nero na katabi na si Theo at sabay na yumuko sa akin.
Nginitian ko sila at naglakad na kami paalis ni Hemira.
~Tagapagsalaysay~
Nang makaalis na sila Yohan at Hemira, nagsimulang humikbi na naman si Zenon at yumakap ito ng mahigpit sa leeg ng kapatid nitong si Theo.
Si Nero naman ay hinahagod ang likod ng paslit upang pakalmahin.
Lumapit sa kanila si haring Atreus na may pagtataka sa mukha. "Theo at diwata, bakit kayo yumuko sa binatang iyon? Tanda iyon ng paggalang sa mas mataas ang antas sa inyo kaya bakit ninyo ginawa iyon?"
Nagkatinginan lamang ang dalawa kaya mas lalo siyang nagduda. "Batid ko na isang malakas na Tumatawag ang inalayan mo ng iyong katapatan, diwata. Sa aking pagkakaalam pa'y isa iyong maharlika. Ang binatang iyon ba iyon? May nakapagsabi sa akin na tagapagsilbi na ang baluting suot niyon ay pangmandirigma ng mataas na kaharian ng Gemuria. Ano ba talaga ang kaniyang pagkatao upang magbigay kayo ng galang sa kanya?" sunod-sunod na kaniyang tanong.
Nais na nais niyang malaman ang kasagutan doon at dahil doon ay hinarap siya nang maayos ni Nero. "Mahal na hari, ang binatang iyon ay ang... ang tunay na prinsipe ng Emeas. Siya si prinsipe Argyris."
Namilog ng labis ang kaniyang mga mata at halos malaglag ang kaniyang panga sa pagkabigla. "Ano?! Siya ang prinsipeng iyon na magiging bagong hari ng kahariang Gemuria?! Ngunit paanong napadpad siya sa lugar na ito?!" Hindi maalis ang pagkabigla sa kaniyang mukha at napatingin pa siya sa anak niyang si Theo kung alam ba nito iyon.
Kalmado lamang ang mukha nito dahil alam na nga nito iyon.
"Hindi niya binanggit ang kaniyang dahilan kung bakit siya naririto ngunit ang kaniyang bilin ay huwag na huwag ipagkakalat na siya'y nagpunta sa lugar na ito," sabi ni Nero.
Napatingin siya sa nilakaran nila Yohan paalis at nakabuka pa rin ang kaniyang bibig sa pagkabigla sa kaniyang mga nalaman.
"H-hindi kapani-paniwala... Labis talaga akong hindi makapaniwala..." nasabi na lamang niya habang nakatanaw roon.
~Yohan~
Naglalakad lang kami ni Hemira at ang tahi-tahimik niya.
Seryosong-seryoso rin siya at hindi ko alam kung ano ang tumatakbo sa isip niya.
Ni hindi man lang niya ako tinitingnan simula pa kanina.
Si Zenon kasi ang palagi niyang kasama kanina sa palasyo ng Priam.
Gustong-gusto ko siyang kausapin tungkol do'n sa nagawa kong kagaguhan sa kaniya pero hindi ko siya makausap gawa nga ni Zenon.
Hindi ko naman alam kung paano ko ba sisimulan na buksan 'yung topic na 'yon kasi baka magkamali ako ng sasabihin at magalit pa siya.
Ang bigat-bigat ng atmosphere naming dalawa. Para ngang gusto ko nang mahimatay sa bigat n'on.
Para akong may hawak na papel na may lamang tubig at sobrang pinakaiingatan ko para hindi 'yon mabutas sa isang maling galaw ko lang.
Napahinga ako ng malalim.
Paano ko ba sisimulan 'to?!
Bahala na nga!
"H-hemira." nauutal na tawag ko sa kaniya kasi nauunahan na ako ng kaba.
"Huwag mo akong kausapin. Wala ako sa wisyo upang makipag-usap." cold na pagkakasabi niya na mas malamig pa sa panahon dito.
Napatigil ako sa paglalakad kasi parang sampal 'yung sinabi niya na sa akin na 'yon pero naglakad ako ng mabilis para mahabol siya at hinarangan ang dadaanan niya.
Tiningnan ko siya ng deretso sa mga mata niya pero napansin ko na parang namumula 'yon at namamasa-masa.
Natulala pa ako sa kaniya dahil parang iiyak na siya.
Hindi ko inakala na nasaktan ko siya ng ganito kagrabe sa ginawa kong 'yon sa kanya.
"Hemira... Gusto mo bang umiyak dahil sa ginawa ko sa 'yo na 'yon? Ayaw mo na ba akong makita o makasama man lang dahil do'n? Pero hindi ko na naman uulitin 'yon eh. Nangako na ako. Hindi na rin ako iinom ng alak para wala akong maging dahilan para mabasag ko 'yung pangako ko na 'yon... Please... 'Wag ka nang magalit sa akin..." pangungumbinsi ko sa kanya.
Gusto kong hawakan 'yung kamay niya pero baka mamis-interpret niya 'yung gagawin ko at isipin na baka may gawin na naman ako sa kanya.
Napatakip siya ng bibig niya at nagsimula nang humikbi kaya mas lalo akong nagpanic.
"Hemira..." Hindi ko na alam ang sasabihin ko para lang makumbinsi ko na siya na hindi ko na uulitin 'yon.
"H-hindi ako nagkakaganito dahil doon, Yohan..," sabi niya kaya nagtaka ako.
"Huh? Eh bakit ka umiiyak?"
Inalis niya na 'yung pagkakatakip niya sa bibig niya at pinunasan 'yung mga luha niya. "Nalulungkot lamang ako ng sobra dahil sa binitawan kong pangako kay Zenon na babalikan ko siya at magkikita kaming muli," sabi niya pero nagsimula na namang mangilid 'yung mga luha niya na kakapunas niya lang.
Nangunot 'yung noo ko. "Bakit ka nalulungkot do'n? Puwede mo naman talaga siyang balikan ah pero ang hindi ako papayag eh 'yung kasal n'yo na sinasabi niya."
Umiling-iling siya habang kagat ang labi niya para pigilan ang paghikbi niya. "Hindi ko sigurado na matutupad ko ang pangakong iyon. Hindi ko alam kung babalik pa nga ba ako sa lugar na ito."
Hinawakan ko siya sa balikat niya at inilapit siya sa akin kaya napatigil siya sa paghikbi niya at napatingin ng deretso sa mga mata ko. "Makakabalik ka. Ako na ang nagsasabi sa 'yo. Makakabalik ka rito kahit kailan mo gusto sa hinaharap. Siguradong-sigurado 'yon. 'Wag mo nang tanungin kung bakit kasi malalaman mo rin 'yung sagot do'n kapag nakaalala ka na."
Hindi siya nakaimik sa sinabi ko.
Napahinga ako ng malalim at niyakap na lang siya.
Tinapik-tapik ko ng mahina ang likod niya. "'Wag mo nang masyadong isipin 'yung mga kumplikadong bagay katulad n'on. Basta maniwala ka lang sa lahat ng sasabihin ko, makakabalik ka na sa dati at totoo mong pagkatao. Sinabi ko na sa 'yo 'yon dati eh. Paulit-ulit na ako pero hindi ka pa rin naniniwala."
May mahihinang paghikbi na naman siya.
Bakit kaya ganito na siya kaemosyonal ngayon?
Dati naman, hindi siya madaling umiyak.
Paniguradong nahihirapan na siya at nalilito ng sobra sa katotohanan kaya siya nagkakaganito.
"Para hindi ka na umiyak at malungkot, may ireregalo ako sa 'yo. Pambawi ko na rin dahil do'n sa nagawa ko sa 'yo kagabi." Humiwalay na ako ng yakap sa kaniya at pinunasan ko ang pisngi niya na basa ng luha.
"Ano iyon?" pasinghot-singhot niyang tanong.
Para tuloy siyang si Zenon.
Napangiti ako. "Pumikit ka muna."
"Bakit?"
"Basta. Pumikit ka na dali. Sobrang-sobra-sobrang matutuwa ka sa regalo kong 'to sa 'yo."
Halatang curious na curious na siya sa kung ano 'yung regalong sinasabi ko pero pumikit na rin siya.
"'Wag na wag kang mumulat hangga't hindi ko sinasabi na dapat ka nang mumulat ah," babala ko sa kanya.
Tumango naman siya.
Lumayo ako ng kaunti sa kaniya at tiningnan ang paligid.
Maluwag 'tong lugar na 'to at may mga pine trees din pero kaunti lang.
Puwede na 'to.
"Winter Pixias! I humbly summon thee! Livana and Winter Pixias, release!" tawag ko sa mga Winter Pixias at nagsisulputan naman sila.
Si Livana ang unang lumapit sa akin.
Siya 'yung leader nila at nag-alay sila ng katapatan sa akin no'ng pabalik pa lang kami ng Priam.
Sobra silang nagpasalamat no'n gawa nga nang iniligtas namin sila sa mga Yeti.
Sila 'yung nag-alok sa akin na masummon ko sila at tinanggap ko naman kasi nga, mawawala na sa akin si Nero kaya sila 'yung pwedeng pumalit sa kanya.
Ibinulong ko sa kaniya 'yung dapat nilang gawin na mga Winter Pixias at tuwang-tuwa naman silang pumayag.
Lumipad na sila pataas ng ere.
"Bakit tila ang tagal mo naman akong pamulatin?" naiinip na tanong ni Hemira at magmumulat na sana...
"Ops! Teka lang! Hindi pa ako game eh!" pigil ko sa kanya.
Napapikit naman agad ulit siya. "Game? Ano iyon?"
"Basta."
Tiningnan ko 'yung mga Winter Pixias at nagsimula na sila.
Napangiti ako.
Nilapitan ko na siya ulit at sa harap niya mismo ako tumayo. "Okay na. Puwede ka nang magmulat."
Doon, dahan-dahang bumukas ang mga mata niya at tumingin sa akin.
Nangunot 'yung noo niya sa pagtataka na ako lang ang nabungaran niya. "Nasaan ang sinasabi mong regalo?"
Napangiti lalo ako nang may nalaglag na mga puti sa ulo at balikat niya.
"Tingin ka sa taas," sabi ko kaya tumingin naman siya.
Doon niya na nakita ang regalo ko sa kanya.
Ang nyebe.
Nanlaki ang mga mata niya dahil sa hindi niya inaasahan ng sobra 'yon.
Nang makabawi na siya, unti-unti nang gumuhit ang napakasayang ngiti sa mga labi niya at napuno ng pagkatuwa ang mukha niya.
"Waaaaaahhh! Nyebe!" parang bata niyang bulalas at sinalo 'yung mga nyebeng inilalaglag nila Livana.
Habang pinagmamasdan ko siya, parang may kumikiliti sa puso ko at sobra akong natutuwa na napapasaya ko siya ng ganito.
Sinabi niya sa akin no'ng nagpunta kami rito na gusto niyang maulanan ng nyebe bago kami umalis ng kontinenteng 'to at hindi ko naman 'yon nakalimutan.
Hinding-hindi ko 'yon makakalimutan kasi kasiyahan niya na 'yung pinag-uusapan.
Nakatingin lang ako sa kaniya habang siya, tuwang-tuwa sa mga nyebeng umuulan.
Nagpaikot-ikot pa siya sa sobrang pagkatuwa ro'n.
Unti-unting nababawasan 'yung guilt na nararamdaman ko dahil sa ginawa ko sa kaniya kagabi.
Parang dito, nakabawi-bawi na ako kahit papaano pero marami pa akong gagawin na mas ikakasaya niya para tuluyan akong makabawi sa kanya.
Ang pinakamahalaga sa mga 'yon... Ang maibalik ang alaala niya.
"Yohan! Napakaganda ng nyebeng ito, hindi ba?!" malawak ang ngiting tanong niya sa akin habang nanghuhuli ng mga nyebe sa hangin.
Gusto kong matawa sa kaniya sa pinaggagagawa niya.
"Oo pero mas maganda ka pa rin." banat ko.
Napatigil naman siya at napatingin sa akin. "Ano?"
"Wala. Sabi ko, manghuli ka na lang ulit ng mga nyebe. Damihan mo para dadalhin natin sa Zephyrus," palusot ko.
"Hah? Ngunit matutunaw na ang mga ito." inosenteng sabi niya.
Ay. Sineryoso 'yung sinabi ko.
Napatawa tuloy ako sa kanya.
"Bakit ka tumatawa?" nagtatakang tanong niya.
"Wala... Wala... Uy! Tingnan mo! Dumadami 'yung mga nyebe oh!" turo ko sa itaas at napatingala naman siya.
Nanghuli ulit siya nang mga nyebe at nakisali na rin ako sa trip niya.
Para lang kaming mga batang naglalaro.
Gumawa pa ako ng snow man sa nag-ipon na mga nyebe at nakuha kong sana ng pine tree.
Amaze na amaze naman siya ro'n.
Nagbatuhan kami ng snow balls at grabe.
Ang lakas niyang bumato.
No'ng tinamaan niya ako sa mukha, akala ko, hihiwalay na 'yung ulo ko sa leeg ko sa lakas n'on.
Naalog pa 'yung utak ko.
Nang medyo mapagod na kami, humiga kami sa lupang nyebe at gumawa ng angel do'n.
Tinuruan ko pa siya kung paano 'yon at as usual, amaze na amaze na naman siya ng sobra.
Habang nakikita ko 'tong bagong side niya na 'to na kahit kailan ay hindi ko nakita sa kaniya dati, mas lalo akong nahuhulog sa kanya.
Mas lalong lumalakas ang t***k ng puso ko sa kaniya at mas lalo ko siyang gustong itreasure.
Laro lang kami ng larong dalawa na parang gusto ko na huwag nang matapos 'tong mga oras na 'to pero may bigla kaming naramdamang prisensya na palapit na ng palapit sa amin kaya napatigil kami pareho.
Palapit ng palapit 'yon pero parang pamilyar sa akin 'yung prinsensyang 'yon.
Parang naramdaman ko na 'yon dati.
Bumalik na agad sa akin sila Livana dahil sa paparating na 'yon.
Ilang saglit lang, may nakita kaming bulto ng tao na naglalakad palapit sa amin.
Galing siya sa direksyon na medyo madilim dahil sa mga pine trees kaya hindi namin makita ang mukha n'on kung sino 'yon pero halatang lalaki 'yon.
Lumapit agad ako kay Hemira at itinago siya sa likod ko.
Handang-handa na akong tumawag ng tutulong sa amin na diwata nang maaninag ko na ang mukha ng taong 'yon.
Nanlaki ng sobra ang mga mata ko at napanganga ako nang makilala ko kung sino 'yon.
Sobra-sobra rin akong hindi makapaniwala.
"Euvan?"