Hemira II 2

2702 Words
Hemira 2 - Prinsesa ~Yohan~ "Yohan..." Minulat ko ang mga mata ko nang marinig ko yung boses na iyon. Napatingin ako sa paligid nang makita kong nasa puting puting lugar ako na parang walang katapusan 'yung paligid. "Yohan..." Napalingon ako. "Hemira?" Wala akong nakita na kahit sino. "Yohan..." Tiningnan ko yung buong paligid. "Hemira! Nasan ka, Hemira?!" Tumakbo ako para hanapin siya pero parang hindi ako makaalis sa pwesto ko. "Yohan..." Napalingon ako kasi narinig ko 'yung boses ni Hemira roon. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ko siya na nakatayo malayo sa akin. "Hemira!" Agad akong tumakbo papunta sa kaniya at habang papalapit ako, mas nakikita ko na nakangiti siya sa 'kin pero may tumutulong mga luha mula sa mga mata niya. "Yohan..." Mas lalo kong binilisan pero parang konting distansya lang yung natatakbo ko palapit sa kanya. Nanlaki 'yung mga mata ko nang tumalikod siya at unti-unti nang lamunin ng dilim. "HINDE! HEMIRA!" Napabalikwas ako ng bangon at habol na habol ko ang hininga ko. Madilim na paligid ko agad 'yung sumalubong sa akin. "Hemira?..." Tumayo kaagad ako at kusa nang bumukas yung ilaw kaya nagkaliwanag na sa paligid. Doon ko nakita ng maayos tong magara kong kwarto. Doon din, narealize ko na panaginip lang lahat yung kanina. Hindi ko na napagilan yung mga luha ko sa pagtulo non mula sa mga mata ko. Napatakip na lang ako ng mga kamay ko sa mukha ko at napahikbi. Hemira... "Nasan si Hemira, Eugene?! Nasan sya?!" "Patawad ngunit... wala na siya Yohan... Wala na si Hemira..." "HARRGGGHH!" sigaw ko tsaka ko inihagis sa sahig yung isang vase na nakapatong sa lamesa. Malakas na nabasag yon. "A-anong ibig mong sabihin?..." "Pinasabog niya ang kaniyang sarili... kasama si Abellona... Binalikan namin ang lugar na iyon noong nakaraang linggo habang ikaw pa ri'y walang malay at puro guho na lamang ng mga bato ang aming nadatnan do—" "HINDI TOTOO YAN!" "BUHAY PA SI HEMIRA! BUHAY PA SYA!" Malakas na hinagis ko yung upuan sa may pintuan at gumawa 'yon ng malakas na ingay. Ginulo ko lahat ng gamit na nandito at pinagbabasag ko lahat ng mahawakan ko. Kuyom na kuyom ko ang mga kamao ko at galit na galit ang mga ngipin ko na nagtatagis sa isa't isa. Sobrang galit yung nararamdaman ko na hindi ko na alam kung pano pakakawalan lahat to sa dibdib ko. ~Tagapagsalaysay~ Patuloy sa pagwawala si Yohan sa kaniyang silid dahil sa galit at lubos na pagkalungkot na kaniyang nararamdaman. Mga tunog ng mga nababasag na bagay at inihahampas na gamit sa pader ang mangingibabaw sa kaniyang silid sa katahimikan ng gabi sa palasyo ng Gemuria. Humahangos na pinuntahan siya ni Remus sa kaniyang silid. "Prinsipe Argyris! Prinsipe! Buksan mo ang iyong pinto! Prinsipe!" Puno siya ng pag-aalala rito dahil sa ginagawa nito. "Prinsipe! Pakius—" Napatigil siya nang mayroong tumabi sa kaniya at si Sueret iyon. Itinapat nito ang tungkod nito sa pinto at doon ay nabuksan na iyon. Pumasok na sila pareho sa loob at napasinghap si Remus nang makita ang mga sira-sira at basag na gamit doon. Nang ibabato ni Yohan ang kaniyang hawak na disenyadong tapayan ay gumawa ng mahika si Sueret upang mapatigil siya sa kaniyang gagawin. Nakatigil lamang ngayon ang kaniyang katawan at hindi niya na magawang ibato iyon. Galit na galit na tumingin siya kay Sueret. "Wag mo kong pigilan!" Nanlilisik ang kaniyang mga mata sa galit at lumalabas na rin ang litid sa kaniya leeg sa lakas ng kaniyang sigaw. Seryoso siya nitong tiningnan. "Prinsipe... Hindi tama na gabi-gabi ka na lamang nagwawala at nagsisira ng mga gamit sa iyong silid." Tumango-tango si Remus na bakas na bakas pa rin ang pag-aalala at pangamba sa mukha. "Oo nga naman, prinsipe Argyris. Lagpas dalawang linggo na ang nakalilipas sa pangyayaring iyon at nang magising ka nitong nakaraang tatlong araw ay nagsimula ka na sa gawain mong ito. Ilang buwan ang pararaanin ay ikakasal ka na kay prinsesa Ce—" "Manahimik ka! Hindi ko pakakasalan 'yang prinsesa na 'yan! Ang gusto ko, ibalik n'yo sa 'kin si Hemira!" Nanlilisik pa rin ang kaniyang mga mata habang nakatigil pa rin ang kaniyang katawan. Nanlaki ang mga mata ni Remus dahil sa kaniyang sinabi. "Prinsipe! Huwag kang magsalita ng ganyan ukol sa prinse—" Napatigil siya nang dumaan sa tabi niya si prinsesa Ceres at nanlaki ang kaniyang mga mata nang lapitan nito si Yohan. Miski si Yohan at Sueret ay hindi inaasahan ang pagpasok ng prinsesa sa loob ng silid kung nasaan sila. Inalis na ni Sueret ang mahika niya kay Yohan kaya nakagagalaw na ito at doon ay itinuloy nito ang paghagis sa disenyadong tapayan sa pader. Malakas ang naging pagkabasag niyon at nang may patalsik na sa kanilang mga basag na piraso niyon sa kanila ay gumawa agad si Ceres ng mahikang panangga para sa kanilang dalawa. Galit na galit na tumingin siya kay Ceres. "Anong ginagawa mo rito?! Hah?!" Hindi nagbago ang kalmadong ekspresyon nito. "Prinsipe, batid kong naghihirap ng lubos ngayon ang iyong puso dahil sa nangyari sa Abellon. Miski ako'y nasasaktan din sa pagkawala ni Hemira ngunit sana'y tulungan mo na ang iyong sarili na makabangon mula sa pangyayaring iyon. Ikaw ang prinsipe ng Emeas kaya mayroong mabigat na tungkulin na nakaatang sa iyong likuran para sa iyong kaharian ngunit huwag kang mag-alala sapagkat tutulungan kitang makabangon." Mas lalong nagkaroon ng galit sa kaniyang mga mata. "Wala akong pakialam sa mga pinagsasasabi mo! Hindi ako magpapakasal sa 'yo kahit anong mangya—" PAAAAAAAKKKK! "Prinsesa!" sigaw ni Remus dahil sa pagsampal ni Ceres sa kaniyang pisngi. Nakatingin lamang si Sueret sa kanila. Hindi siya makapaniwalang napahawak sa kaniyang pisngi dahil sa ginawa nito. Seryosong-seryosong tiningnan siya nito ng deretso sa kaniyang mga mata."Huwag mong tingnan ang kahariang ito pati na ang kaharian ng Emeas na parang isang laro lamang na maaari mong ayawan kahit anong oras. Ang totoo niyan ay tutol din ako sa kasalang ito dahil nais kong makipag-isang dibdib sa lalaking tunay na nagmamahal sa akin katulad ng aking amang hari at inang reyna ngunit gagawin ko iyon para sa kapakanan ng mga taong aking nasasakupan. Para sa pagsunod sa batas ng kaharian." Hindi siya makaimik sa mga sinabi nito. Hinawakan siya nito sa kaniyang balikat. "Hindi ka na isang ordinaryong maheya, Argyris. Ikaw na ang magiging hari ng Gemuria kaya sana'y hilumin mo na ang iyong puso at mabuhay ka sa kasalukuyan." Nagsimula na namang mag-unahan ang mga luha mula sa kaniyang mga mata dahil sa tingin na ibinigay sa kaniya nito. May pangungumbinsi iyon ngunit nangingibabaw rin ang pakikisimpatya sa kaniyang nararamdaman. Pinilit niyang huwag mapahikbi sa pagkagat ng mariin sa kaniyang ibabang labi ngunit napahagulgol na siya nang tuluyan. Nagpatakan ang kaniyang mga luha sa sahig na naglandas mula sa kaniyang pisngi. Dahil doon ay niyakap siya nito upang patahanin at hindi niya napigilang yumakap pabalik dito. "S-si Hemira... B-buhay pa siya, 'di ba?... A-alam ko buhay pa siya... H-hindi niya kami iiwan. Imposibleng g-gawin niya 'yon..." Umiiyak na siya na tila isang batang nagsusumbong. Tinapik-tapik nito ang kaniyang likod upang pakalmahin ang lubos na nasasaktan niyang damdamin. Lumabas na sila Sueret sa silid na iyon upang bigyan sila ng oras sa isa't isa. Nang makalabas ang dalawa at maisara na nila ang pinto ay kinikilig na humagikgik si Remus kay Sueret. "Sueret... Mukhang dahil sa pangyayaring ito ay magkakalapit na ang loob nilang dalawa sa isa't isa!" bulalas niya. "Hindi pa rin tayo sigurado roon. Si Hemira pa rin ang laman ng puso ng prinsipe kaya mahihirapan siyang tanggapin si prinsesa Ceres nang biglaan," sabi ni Sueret at umalis na sa lugar na iyon na hindi man lamang siya nilingon. Binelatan na lamang niya ito dahil sa hindi nito pagsang-ayon sa kanya. Tiningnan niya muli ang pinto kung saan naririnig niya ang mga hikbi ni Yohan mula sa loob. Napangiti siya na kinikilig muli at doon ay umalis na rin siya. *—* * *—* Sa isang masukal at madilim na kagubatan... Sa loob ng isang sira-sirang kubo ay naroroon ang isang babaeng nakahiga sa mahabang lamesa. Nakapikit ang kaniyang mga mata at napakatamik ng paligid. "Hemira! Pasaway ka talaga kahit kailan!" "Hemira, tulungan natin sya. Baka katulad ko rin siya na nangangailangan ng iyong tulong." "Binibining Hemira, maaari ba kitang yakapin?" "Interesado ako sa iyo." "Walang kasalanan ang aming lahi, Hemira. Hindi kami mostro lalong lalo na ang aking ama." "Hemira... Mahal kita..." Dugdug... Dugdug... Dugdug... Bumibigat na ang paghinga ng babaeng iyon sa kaniyang mga naririnig sa kaniyang isip. "Isa ka bang itim na maheya, binibini?" "Nakita kita. Nababalot ka ng isang napakalakas na itim na mahika. Ano iyon?" "Ipapadala ba ng kaharan nila si Hemira upang iligtas ang kanilang prinsesa gayong isa rin naman siyang mostro at itim na maheya pa na siyang maaaring maging banta sa buhay ng prinsesang iyon?" "Ano itong marka sa iyong likod? Itim ito at tila kalahati ng bilog na mayroong mga nakapalibot na sulat na sa aking tingin ay isang mahika." "Isa ka bang itim na maheya, binibini?" "Hemira... Mahal kita..." "Isa ka bang itim na maheya, binibini?" "Love Healing..." Doon ay napamulat na ang kaniyang mga mata at nabungaran niya ang kisame ng kubo na natatanglawan ng gaserang mga nakasabit sa pader. Ikinurap kurap niya ang kaniyang mga mata at umupo na mula sa kaniyang pagkakahiga. Tiningnan niya ang paligid at nasilayan niya ang lumang kubo kung saan siya naroroon. Lupa ang kaniyang naapakan nang siya'y tumayo na. Tiningnan niya ang kaniyang sarili at nakasuot siya ng magara at may kahabaang itim na kasuotan. Nakalugay rin ang kaniyang mahabang buhok at malinis ang kaniyang katawan. Walang tumatakbong kahit ano sa kaniyang isipan. Wala sa sariling naglakad siya upang lumabas ng kubong iyon nang mayroong humawak sa kaniyang braso kaya napalingon siya roon. Isang makisig na binata ang kaniyang nakita. Nakasuot rin ito ng itim na kasuotan at nakatingin ng matiim sa kaniya ngunit mababakas ang lubos na pagkatuwa sa mga mata nito. "Hemira..," sabi nito. Nangunot ang kaniyang noo at nabakas ang pagkalito sa kaniyang mukha "Hemira?" Itinuro niya pa ang kaniyang sarili. Biglang bumukas ang pinto papalabas kaya napatingin sila roon. Tatlong taong nakaitim at nakatalukbong ang kanilang nakita. Inalis ng taong nasa gitna ang talukbong nito at nakita na niya ang mukha nito. Tila mas matanda sa kaniya ito ng higit na sampung taon at may kakisigan ito. Ngumiti ito sa kaniya na lubos na nagpangilabot sa kaniyang katawan. "Maligayang paggising... prinsesa Hemira." ~Yohan~ Nasa veranda lang ako ng kwarto ko at nakatingin sa madilim na kalangitan. Tulala lang ako roon. "Pumasok na tayo ng palasyo! Mauubos ang mahika at lakas natin kapag nagtagal tayo rito!" Sariwang-sariwa pa sa akin lahat-lahat ng nangyari sa Abellon kahit na lagpas dalawang linggo na 'yung nakaraan. 'Yung pakikipaglaban namin sa napakaraming mostro para makapasok sa loob ng palasyo. 'Yung mga kalaban na humaharang sa amin hanggang sa sama-sama na kaming lahat na nakikipaglaban sa mga alagad ni Abellona. Lahat 'yon, naaalala ko pa. 'Yung pagkabulag ni Kirion. 'Yung pagkamatay ni Ariadne. 'Yung pagkasaksak kay Hemira kaya sinubukan ko siyang tulungan... At 'yung pagkakasaksak sa akin ni Abellona hanggang sa pumikit na ang mga mata ko. Napahawak ako sa dibdib ko kung saan nasaksak ako noon. Wala na ni bakas ng pilat doon. Sabi nila, si prinsesa Ceres ang gumamot nito gamit 'yung malakas niyang mahika pero hindi ko alam kung pasasalamatan ko ba siya o hindi sa ginawa niya kasi pagkagising na pagkagising ko, yung balitang patay na si Hemira agad ang bumungad sa akin. Sobrang hindi ako makapaniwala no'n kasi alam kong hinding-hindi mangyayari 'yon kay Hemira dahil malakas siya... pero sila Eugene at Serafina na mismo ang nagbalita sa akin... Na nakita nilang dalawa 'yung pagsabog ng Abellon kung nasaan sila Hemira at Abellona... Na binalikan nila 'yung lugar na 'yon kinabukasan pero mga guho na lang 'yung nadatnan nila. Pero bakit hindi ko matanggap 'yon? At alam kong kahit kailan ay hindi ko matatanggap 'yon. "Sinasabi n'yo lang 'yan para pakasalan ko si prinsesa Ceres! Ilabas n'yo na si Hemira at wag n'yo na siyang itago sakin!" Puno ako ng galit noon at ang napagbabalingan ko ng matinding galit ay si prinsesa Ceres. Alam ko namang wala siyang kasalanan pero hindi ko mapigilang sisihin siya. Dapat si Abellona 'yung sinisisi ko dahil siya naman ang may gawa ng lahat ng nangyari pero kapag nakikita ko si prinsesa Ceres... galit agad ang nararamdaman ko at sobrang paninisi sa kanya. Alam kong mali pero anong gagawin ko?... Nasasaktan na ako ng sobra sa pagkawala ni Hemira at hindi pa rin magsink in sink in sa akin iyung sinasabi nilang wala na siya. "Magkakaibigan tayo at walang iwanan! Tatalunin natin si Abellona at lahat tayo, makakabalik sa Gemuria kasama ang prinsesa!" Nagsimula na namang tumulo ang mga luha mula sa mga mata ko. "W-Walang iwanan?... M-Makakabalik tayong lahat dito? 'Di ba 'yun 'yung sabi mo, Hemira?... Pero bakit-?..." hindi ko na napagilang hindi mapahikbi. "-bakit i-iniwan mo kami?... B-Bakit hindi ko man lang n-nakita 'yung sinasabi nilang n-nangyari sa 'yo?..." Pinunasan ko ang pisngi ko pero nababasa pa rin iyon ng mga luha ko. Nakatingin lang ako sa buwan at nakikita ko roon ang mukha niya. "Kaya hindi ko matanggap na wala ka na eh... Kase hindi ko naman nakita. Saka alam ko na hindi ko kami iiwan ng ganon-ganon na lang... Kasi mahal mo kami, 'di ba?... Kasi mahal mo ko..." Napahagulgol na ako. Pinilit kong takpan ang bibig ko para walang makarinig sa pag-iyak ko pero hindi ko pa rin mapigilan ang mga tunog na lumalabas doon. Sobra-sobra na 'yung paghahalo ng mga emosyon ko. Masyado nang masakit sa 'kin ang lahat. Sobrang sakit na nahihiling ko na minsan na sana, hindi na lang ako ginamot ni prinsesa Ceres para hindi ako nasasaktan ng ganito. Kaya siguro nasisisi ko s'ya ng sobra ay dahil doon. Hinilamos ko 'yung mukha ko para burahin ang pagkabasa ng pisngi ko na gawa ng mga luha ko. Tumikhim ako para alisin 'yung nakabara sa lalamunan ko at tiningnan ko ulit ang kalangitan. Doon, mas lalo lang akong napaiyak. Mas lalo akong napahagulgol at mas lalong napahigpit ang hawak ko sa terrace. "Prinsipe... Mayroong gaganaping seremonyas na pinagawa ng hari para sa inyong pito na nakipaglaban sa Abellon at nagligtas kay prinsesa Ceres. Para na rin iyon sa pagkamatay ng Fae ng Erresia, ng Arthan na si Euvan at ng heneral na si Hemira—" "Manahimik ka! Hindi ako pupunta ro'n kaya lumabas ka na ng kwarto ko! Hindi pa siya patay! Hindi pa patay si Hemira!" Hindi ako pumunta sa seremonyas na iyon. Lahat ng mga mandirigma ay nandoon miski na 'yung napakaraming mga tao ng kaharian para sa pagpapasalamat sa kaniya na heneral ng mga mandirigma at sa aming anim pero hindi ko sinubukang pumunta. Ang tanging ginawa ko lang no'n ay magmukmok dito sa kwarto ko at umiyak ng umiyak. Hindi ko kayang marinig na patay na si Hemira. Hindi ko kaya dahil ramdam ko sa puso ko na buhay pa siya. Na babalikan niya ko at kailangan ko lang maghintay... Dahil 'yon naman ang pinangako ko sa kanya. Na siya lang ang tanging babaeng mamahalin ko at pakakasalan at wala ng iba pa. ~Tagapagsalaysay~ Isang babaeng tagapagsilbi ang kumatok sa pinto ng isang silid. Kasama niya ang ilang mga tagapagsilbi na may hawak na trey ng mga pagkain. Napag-utusan silang magdala ng pagkain doon kahit na gabing-gabi na sapagkat ilang araw ng hindi kumakain ang nabubuhay na nasa loob niyon. Walang naging sagot sa kaniyang pagkatok kaya inudyukan na siya ng ibang mga tagapagsilbi na buksan ang pinto. Nanginginig man sa kaba ay binuksan niya na pinto. Dahan-dahan siyang pumasok doon at napakadilim doon. "G-ginoong L-l-liomean... D-dala na po n-namin ang inyong p-pagka—" "GAAAAAAAWWWWWWRRRR!" malakas na atungal ng liomeang si Kirion. "Ahhhhh!" tili ng tagapagsilbing iyon at halos magkandarapang napalabas sa silid na iyon. Miski ang mga tagapagsilbi sa labas ay napatalon sa gulat at takot sa lakas ng atungal na iyon. Sa huli ay walang makapasok ni isa sa kanila dahil sa takot ngunit ang utos sa kanila ay kailangan na nilang mapakain ang liomean dahil mamamatay ito sa gutom.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD