Hemira II 9

3298 Words
Hemira 9 - Planong Pagsalakay Kinagabihan... ~Yohan~ "Kirion... sorry pero magpapakasal na ako kay prinsesa Ceres." seryosong sabi ko kay Kirion dito sa loob ng kuwarto niya. Bigla siyang napabangon at napapaling ang ulo sa direksyon ko. "Ano?! Hindi ba't sabi mo'y hihintayin natin ang pagbabalik ni Hemira?!" Napakuyom ako ng kamao ko. "Patawad talaga. Gusto ko pa ring isipin na buhay pa siya at babalikan niya tayo pero Kirion, nagising na ko sa imposibleng panaginip na 'yon. Malinaw na sa 'kin ang la—" "Manahimik ka! Babalik si Hemira! Babalik siya! Kahit abutin pa ng ilang taon ang paghihintay ko sa kanya, hihintayin ko siya! Hindi tulad mo na madali siyang sinukuan, maghihintay ako!" Napansin ko na lalong humahaba at tumatalas ang mga patusok niya sa katawan. Nainis ako sa kanya. "Akala mo ba, naging madali sa 'kin 'yung pagdedesisyon nito?! Akala mo ba, ikaw lang ang gustong umasa?! Kirion, mahal na mahal ko si Hemira at hindi pa rin nawawala 'yung pagmamahal ko sa kaniya ni katiting pero ito na 'yung nararapat kong gawin para sa kaharian at para na rin sa sarili ko! Sobra-sobra na akong nasaktan at kung magtatagal pa 'yon, hindi ko na kakayanin! Baka takasan ko na lang 'yon at maisipang bumalik sa dati kong mundo pero hindi na 'ko katulad ng dati at kailangan kong pakasalan si prinsesa Ceres." "Lumabas ka na. Ayoko nang marinig pa ang iyong mga sasabihin." Napahinga ako ng malalim. "Kung ayaw mo talagang pumunta sa kasal ko, ayos lang pero sana Kirion... sana ipagamot mo na 'yang mata mo at bumalik ka na sa pagiging liosalfar mo. Bumalik ka na rin sa dati mo. Patawad kung ako 'yung dahilan ng pagiging ganto mo kasi pinaasa kita na babalikan tayo ni Hemira. Sana magising ka na rin sa katotohanan gaya ko. Napakasakit n'on pero kailangan mo na ring tanggap—" "Sinabi nang lumabas ka na! GAAAAAAWWWWWRRRRRR!" malakas na angil niya sa 'kin na puno ng galit. Wala akong nagawa kundi ang lumabas na lang ng madilim niyang kuwarto. Pagkalabas ko, napatitig lang ako sa pinto niya at narinig ko ang mga mahihinang hikbi niya na alam na alam kong pinipigilan niya. Nagsimula nang mangilid 'yung luha ko. "Sorry talaga, Kirion... Sorry... Pero sana hindi mo ako mapatawad sa gagawin kong 'to. Ayos lang na magalit ka sa 'kin kaysa maintindihan mo 'ko. Ayos lang na kagalitan mo ako buong buhay mo pero sana, maibangon mo na rin ang sarili mo. Sana makabangon ka na..." Doon ay umalis na ako habang pinupunasan ang mga luha ko. Kinabukasan... Abalang-abala ang lahat ng mga tao sa kaharian ng Gemuria para sa gaganaping kasal. Ang lahat ng mga tagapagsilbi ay mayroong masasayang ngiti sa kani-kanilang mga labi at halata ang pagkasabik sa kanilang mga mukha habang sila ay nag-aayos sa lugar kung saan gaganapin ang kasalan. Ang lugar kung saan gaganapin iyon ay ang unahan ng loob ng palasyo. Mayroon ng napakagagandang mga palamuting bulaklak na nakapalibot sa malaking pintuan. Ang mga pader din ay nilagyan na ng mga maheya ng mga magagandang palamuti. Napakasaya ng lahat para roon at hindi na sila makapaghintay na magsimula na ang seremonyas. Sa kuwarto ni prinsesa Ceres. Kasalukuyang inaayusan ang prinsesang si Ceres ng kaniyang mga tagapagsilbi habang siya ay nakaupo at nakaharap sa kaniyang bilog at disenyadong salamin. Mayroong dalawang tagapagsilbi ang nag-aayos sa kaniya at ang iba naman ay mayroong mga ginagawang ibang bagay na kaniyang kakailanganin din sa kaniyang kasal. Napakaganda ng damit na kaniyang suot na kualy pula at mayroon siyang suot na malaking palamuti sa kaniyang ulo. Maingat na inaayos ng mga tagapagsilbi ang kaniyang tadisyunal na kasuotan pati na ang kaniyang buhok. Mayroong nag-aayos sa kaniyang mukha. Marahan na naglalagay ng pulbos sa kaniyang malaporselanang balat at ang kaniyang mapulang labi ay pinatingkad pa ng kaunti na lalong nagdagdag sa kaniyang kagandahan. Nakatingin siya sa kaniyang sariling repleksyon sa salamin. Pinagmamasdan niya kung gaano siya kaganda ngayon. "'Wag kang mawawala bukas." naalala niyang sabi sa kaniya ni Argyris kaya hindi niya napigilang mapangiti. Maraming beses siyang gumawa ng paraan upang mapalapit dito. Kahit hindi nito binubuksan ang puso nito sa kaniya ay hindi niya ito sinukuan dahil gusto niyang iligtas ang puso nito sa kalungkutan. Nais din niya na mapansin na siya nito at suklian ang kaniyang pag-ibig na ibinibigay rito. At ngayong binigyan na siya nito ng tsansa na makapasok sa buhay niya, lubos siyang natutuwa at walang mapagsidlan iyon. "Prinsesa, napakaganda n'yo po kapag ngumingiti po kayo ng ganyan. Lalong kayong rumirikit." ngiting-ngiting puri sa kaniya ng tagapagsilbing nag-aayos sa kanya. Ito ang kaniyang tagapagsilbing si Muriel. Nagsimula itong magsilbi sa kaniya nang bumalik na siya rito sa kaharian galing sa Abellon. Napakabait ng kaniyang tagapagsilbi ngunit may pagkatahimik ito. Napangiti siya lalo. "Maraming salamat, Muriel. Mayroon lamang akong naalalang isang bagay kaya hindi ko napigilan ang pagguhit ng ngiti sa aking mga labi." "Iyon ba prinsesa ang nangyari kahapon sa inyo ni prinsipe Argyris?" kinikilig na tanong ng isa pa sa kaniyang tagapagsilbi na nag-aayos sa kaniyang kasuotan na nakalapag sa sahig. Napakagat siya ng labi upang pigilan ang nagbabadyang ngiti dahil lalo siyang nakaramdam na tila kinikiliti ang kaniyang puso. "Kyaaaaahhhh! Lubos na nakakikilig ang tagpo ninyo iyon, prinsesa! Hindi namin akalain na yayakapin ka niya sa kahit na kami'y nasa inyong paligid! Isa siyang romantiko na isa sa iyong mga tipo, prinsesa Ceres!" kinikilig na bulalas naman ng isa pa. "Miski ako ay hindi ko inaakala iyon. Napakailap niya sa akin. Lagi niya akong iniiwasan at hindi pinapansin. Ang aking buong akala ay magiging malungkot ako sa araw na ito dahil batid kong napipilitan lamang siya na makipag-isang dibdib sa akin ngunit nang siya na mismo ang nanigurado na dapat akong magpunta sa kasalang ito ay lubos na hindi ako makapaniwala. Pakiramdam ko ay ako'y nasa isang mataas na ulap habang mabilis naman ang pagtibok ng aking puso." nangingiti niyang turan. "Kyaaaaaaahhhhh! Lubos lubos kaming masaya para sa iyo, prinsesa! Nais din sana namin na magkaroon kaagad kayo ng supling. Maganda kung isang prinsipe iyon!" bulalas ni Muriel at natigilan si Ceres sa kaniyang narinig. Miski ang ibang mga tagapagsilbi ay natigilan din at nanlaki ang mga mata. "S-supling?..." wala sa sariling sabi niya at doon ay unti-unti nang namula ang kaniyang mukha kaya napahawak siya sa kaniyang pisngi at napayuko. "Kyaaaaaaaaahhhh!" kinikilig na tilian naman ng mga tagapagsilbi dahil sa kaniyang naging reaksyon na lubos na nagpaaliw sa mga ito. Hindi niya mapigilan ang kaniyang ngiti. Hindi pa sumasagi sa kaniyang isipan ang tungkol sa bagay na iyon ngunit ngayong nabanggit na ay tila nasasabik na nga siya na magkaroon niyon. Nasa harapan ng silid na iyon ang hari upang bisitahin sana siya ngunit nang marinig nito ang kanilang mga pag-uusap at ang mga tilian ng kaniyang mga tagapagsilbi sa kilig ay napangiti ito. Ngayon lamang narinig ni Herman na nagkaganoon ang mga tagapagsilbi ng kaniyang prinsesa at mukhang masaya talaga ang mga ito lalo na ang kaniyang nag-iisang lahat. Hindi na lamang siya tumuloy upang hindi maudlot ang kasiyahan ng mga ito at umalis na roon. Sa kuwarto ni Yohan... ~Yohan~ "Napakakisig ng aking prinsipe. Kamukhang-kamukha mo ang iyong ama noong ikakasal na rin ako sa kanya." nakangiting sabi sa 'kin ng nanay kong prinsesa habang tinitingnan niya 'ko. Nakatayo ako sa harap niya at nakaharap sa kanya. Tapos na akong ayusan at ang suot ko ngayon ay tradisyunal na damit na pangkasal para sa lalaki. Nandito rin sila Seth, Piero, at Zetes. Wala na si Egidio kasi nasa Emeas na siya. Inaasikaso niya 'yung mga kaguluhan na nangyayari ro'n. Ayaw niya nga raw na masabit sa gano'ng kakumplikadong bagay pero no choice na siya. Siya na lang ang huling bloodline namin na puwedeng umupo sa posisyon ng hari sa Emeas. Nasa gilid ng pinto 'yung tatlo at masayang nakatingin sa 'min. Miski si Zetes na laging seryoso, halatang masaya rin. Siguradong masaya sila para sa 'kin kasi sa wakas, magpapakasal na ako kay prinsesa Ceres at hindi na inoobsessed ang sarili kay Hemira. Hindi ako alam kung ano bang dapat kong maramdaman ngayon. Ang totoo ay wala tala akong nararamdaman na kahit ano para sa araw na 'to. Kung mayroon man, parang pagsisisi 'yon. Pagsisisi sa sinabi ko kay prinsesa Ceres kahapon. Parang nagsisisi na ako na nandito ako ngayon sa araw ng kasal namin at mayamaya lang, maglalakad na ako papunta sa gaganapan ng kasal tapos ilang oras lang, may asawa na ako. "Hindi ba't sabi mo'y hihintayin natin ang pagbabalik ni Hemira?!" Napakatanga ko para sabihin 'yung mga sinabi ko kay Kirion dati. Okay lang sana kung pinaasa ko 'yung sarili ko pero dinamay ko pa siya. Siguradong sobra siyang naapektuhan nang malaman niyang ginive up ko na 'yung paghihintay ko kay Hemira. Pero hindi naman ako nag-give up. Tinanggap ko lang 'yung katotohanan na wala na talaga siya. Hindi ko napigilang mapabuga ng hangin. Nagtataka namang napatingin sa 'kin ang nanay ko. "Bakit mahal kong prinsipe? Ano ang dahilan ng iyong pagbuntong hininga?" Pinilit kong ngumiti. "A-ah... Wala po. Medyo kinakabahan lang ako." pagsisinungaling ko. Parang may nabasa akong kalungkutan sa mga mata niya pero ngumiti rin siya agad at niyakap ako. Tinapik-tapik niya ng mahina 'yung likod ko. "Ayos lamang iyan, anak ko. Huwag kang magpanggap sa iyong nararamdaman sa aking harapan dahil kahit hindi tayo nagkasama ng matagal, nababasa ko pa rin kung ano ang sinasabi ng iyong mga mata. Alam ko na ang tungkol sa pag-iibigan ninyo ng dating heneral at pumanaw nang si Hemira." Nanlaki 'yung mga mata ko sa sinabi niya. Alam niya 'yon? "Nalaman ko na kung gaano ka nasaktan noon at labis akong nasasaktan dahil wala man lamang ako sa iyong tabi upang sana ay damayan ka sa mga oras na iyon. Sana ay mapatawad mo ako sa mga kakulangan ko sa iyo ngunit ngayon naririto na ako, pupunuin ko na ang mga iyon. Gagawin ko ang lahat upang matulungan ka. Kung may nais kang sabihin ngunit wala kang mapagsabihan, puntahan mo lamang ako at hinding-hindi ako tatanggi na makinig sa iyo." Hinaplos niya ang buhok ko na nagpakomportable sa 'kin kaya yumakap ako pabalik sa kanya. "Huwag kang mahihiya sa akin at lahat ng nais mong sabihin ay iyong sabihin. Kung nais mong umiyak ay umiyak ka sa aking harapan. Dadamayan kita, anak ko... Kasi mahal na mahal kita." Doon, hindi ko na napigilan ang mga luha ko. Napaiyak na ako at ibinaon ko ang mukha ko sa balikat niya. Umaalog ang balikat ko sa sobrang pagpigil ko sa pagpalahaw ko ng iyak. Gustong-gusto kong umiyak ng umiyak sa kaniya pero hindi ko pa rin kaya. Narinig ko na bumukas ang pinto at sumara rin agad 'yon. Lumabas na sila Seth para bigyan kami ng oras sa isa't isa. Niyakap ko siya ng mahigpit. "Ina, mahal na mahal ko si Hemira pero iniwan niya 'ko. Ni hindi man lang siya nagpaalam sa 'kin. Ni hindi ko man lang nakita 'yung totoong nangyari sa kaniya kaya nahirapan ako ng sobra na tanggapin na wala na siya. Nahihirapan ako ng sobra tapos nadamay ko pa si Kirion. Pinaasa ko rin siya tapos ngayon, si prinsesa Ceres naman ang dinamay ko sa kagaguhan ko. Ang sakit sakit na. Sa araw-araw na dadaan sa 'kin, pakiramdam ko... wala ng saysay 'yung buhay ko." Napahagulgol na ako at hindi ko na napigilan 'yung mga hikbi ko. Kinuskos niya 'yung likod ko ng palad niya para icomfort ako. "Anak, hindi walang saysay ang iyong buhay. Narito na ako. Kailangan kita sa tabi ko. Alam ko kung gaano kasakit ang iyong nararamdaman dahil naranasan ko rin iyan. Nawalan ng buhay ang iyong ama habang hawak ko ang kaniyang kamay ngunit ang aking sasabihin sa iyo... Maswerte ka dahil hindi mo nasaksihan ang kamatayan ng iyong minamahal. Kung iyong nasaksihan ay walang kasing sakit iyon na halos nais mo siyang samahan sa mismong oras ng kaniyang pagkawala." Umiiyak din siya at patuloy ang pagtapik ng mahina sa likod ko. "Mas nakapangdurugo ng puso na makita ang kaniyang huling hininga at alam mo sa iyong sarili na wala ka man lamang nagawa upang mailigtas ang kaniyang buhay. Walang kasing sakit iyon, anak ko ngunit tingnan mo ako. Kinaya kong mabuhay kahit wala na siya dahil wala man siya sa aking tabi, ang lahat naman ng aming masasaya o malulungkot pa mang alaala ay nakatago sa loob ng aking puso at walang makakakuha niyon sa akin." Napahagulgol na naman ako. Basang basa na ang pisngi ko at paniguradong mugto 'tong mata ko mamaya pero ngayon na 'yung oras na mailabas ko 'tong lahat... kasi kung hindi, baka bumalik na naman ako sa dati. 'Yung dati na nagmumukmok at nagbabasag ng gamit sa kwarto ko para mawala lahat ng sakit na nararamdaman ko. "Sabay nating harapin ang kasalukuyan, prinsipe ko. Alam naman natin na lagi tayong ginagabayan ng ating mga mahal kahit wala na sila. Huwag kang matakot na buksan ang iyong puso para sa ibang babae. Lubos na makatutulong iyon para maibsan ang sakit na iyong nararamdaman hanggang sa tuluyan ka na muling magiging masaya kasama ang bagong pag-ibig na iyon," sabi niya at humiwalay na sakin. Pinunasan niya ang mukha ko ng marahan at may ingat. Ngumiti ako ng malawak kahit na may mga luha pa ring pasaway na tulo ng tulo. "Naiintindihan ko na, ina. Gagawin ko 'yon. Tutulungan ko 'yung sarili ko na maging masaya ulit kasama si prinsesa Ceres. Kahit mahirap sa una, gagawin ko." Ngumiti naman siya at tumango. Pinunasan ko rin 'yung mga luha niya sa pisngi. Tama siya. Hindi ko masasabing handa na ako kung hindi ko naman sinisimulan at ginagawan ng paraan. Ngayon, tanggap na tanggap ko na talaga. Tatanggapin ko na si prinsesa Ceres sa buhay ko. Gagawin ko ang lahat para maging masaya kami... habang si Hemira... Lahat ng alaala naming dalawa, nakatago ng safe sa puso ko na dala-dala ko habangbuhay. ~Tagapagsalaysay~ "Ngayon na ang araw na gaganapin ang pag-iisang dibdib ng tunay na prinsipe ng Emeas at ni prinsesa Ceres sa palasyo Gemuria. Kailangan ay maging handa na tayong lahat sa ating gagawing paglusob." seryosong wika ni Handro habang sila'y nakaupo sa mga upuan at magkakaharap sa isang lamesang may kahabaan. "Ngayon na ang araw na lulusubin natin ang prinsesa na nagnakaw sa aking mga alaala?" tanong ni Hemira na mayroong pagkalito. Nangunot naman ang noo ni Handro. "Bakit? Hindi ba sinabi sa iyo ni Melba ang tungkol sa bagay na iyon?" Napatingin siya kay Melba na nakaupo sa kaniyang harapan. Tila nananaginip ito ng gising habang nakatingin lamang ito kay Euvan na nakatayo sa kaniyang tabi. Tinapik ito ng malakas sa balikat ng katabi nitong si Mades kaya napabalik ito sa sarili nito. "Opo! Binabantayan ko po ang silid ng mabuti upang hindi makalapit doon si prinsesa Hemira!" biglang sabi nito sa kawalan sa sarili. Nanlaki ang mga mata ni Handro sa binulalas nito at nangunot naman ang noo ni Hemira. "Anong silid iyon, Melba?" tanong niya rito. Nang maisip nito ang pagkadulas ng dila ay napatakip ito ng bibig at nanlalaki ang mga matang tumingin sa nagpipigil ng galit na si Handro. Inalis na nito ang galit sa mukha nito at nakangiting tiningnan siya. "Wala iyon, prinsesa ko. Nananaginip lamang ng gising itong si Melba kaya kung ano-ano na ang kaniyang binubulalas." Napatango-tango na lamang siya ngunit nang maalala... "Ngunit ama, ang tungkol sa ating pagsalakay. Ano nga ba ulit ang ating mga gagawin?" Huminga ito ng malalim at sumeryoso nang muli. "Ngayon na ang araw ng pag-iisang dibdib ng prinsipe ng Emeas at ni prinsesa Ceres. Isang napakalaking banta sa atin ng seremonyas na iyon sapagkat kapag nag-isang dibdib na sila at isinagawa ang halik ng pag-iisa ay mas lalong lalakas ang kapangyarihang Yang na taglay ng prinsesa. Mauungusan niya ng malaking porsyento ang kapangyarihang Yin nasa iyo kaya hindi natin maaaring hayaang mangyari iyon. Kailangan nating pigilan iyon." Nagkaroon ito ng itim na itim na awra na nagpakilabot kina Mades. "Kung gayon, ay pipigilan lamang pala natin ang kanilang kasal ngunit ang mayroon akong suhestyon para kay prinsesa Hemira," wika ni Mades kaya napatingin sa kaniya ang lahat. Tumikhim muna siya bago magpatuloy. "Kailangan na nating gumawa ng hakbang upang makilala na siya ng marami bilang prinsesa ng Yin. Kasabay ng pagsugod natin sa Gemuria ay nakabubuting manakop na rin tayo ng maraming lugar upang bumihag doon ng maraming nabubuhay na maaaring magsilbi sa atin. Hindi naman maaari na tayo-tayo lamang ang magkakasama. Nararapat na dagdagan natin ang ating pwersa upang kapag bawian nila tayo at gantihan ay hindi nila tayo magagapi." Napatango-tango naman si Handro. "Magandang ideya iyan. Ang aking unang balak sa problemang iyan ay magpatawag na lamang ng maraming mga mostro ngunit mukhang mas maganda iyan." "Kung ganoon ay sa pamilihan tayo magpadala ng mga mananalakay roon! Maraming iba't-ibang nabubuhay roon lalo na't mga malalakas panigurado ang mga iyon. Madali ring mapapakalat ang balita tungkol kay prinsesa Hemira dahil paniguradong mayroong mga makatatakas at babalik sila sa kanilang mga kaharian o lahi dala ang balita tungkol sa kanya!" tuwang-tuwang suhestyon ni Melba. Napangiti si Handro. "Sige. Aking ipag-uutos iyan." Biglang natahimik si Hemira dahil sa kaniyang narinig. Napatingin sa kaniya si Euvan. "Talaga?! Maganda kung ang ating uunahin ay ang pamilihan ng Adon na malapit lamang di—" "Hindi maaari!" sigaw niya kaya napatigil si Melba sa sinasabi nito. Nawala ang ngiti nito at napatingin sa kanya. "Bakit prinsesa? Bakit hindi maaaring salakayin ang pamilihang iyon?" Dahil doon ay bigla siyang natameme at hindi malaman kung ano ang sasabihin. Hindi niya maaaring sabihin na kaya ayaw niyang masira iyon ay dahil nakapunta na siya sa lugar na iyon na labis niyang nagustuhan. Nais niya ring makabalik doon bilang isang mamimili, hindi isang mananalakay. "A-Ahh... Ang iyong sabi sa akin ay maganda ang mga pamilihan kaya naman... Saka isa pa, mahihinang mga tao lamang ang paniguradong naroroon at matatanda pa. Hindi nila tayo matutulungan pag sa usapang labanan na." pagdadahilan niya. Bumalik ulit ang ngiti sa mukha ni Melba. "Ganoon ba, prinsesa? Sige. Sa pamilihan na lamang ng Panos. Marami roong mga mandirigma dahil mayroon silang Estadio na ginaganapan ng mga paligsahan at—" "Lalong hindi maaari!" sigaw niyang muli na bakas na bakas na ang galit sa kaniyang tinig. Lumabas ang itim na mahika sa kaniyang paligid at nagiging itim na itim ang kaniyang mga mata. Hindi niya batid kung bakit tila lubos siyang sinidlan ng galit gayong hindi niya naman alam ang lugar ng Panos. Mayroong humawak ng kaniyang kamay kaya napatingin siya roon at ang kaniyang amang si Handro iyon. Biglang nawala ang galit sa kaniyang dibdib at napalitan iyon ng pagkatakot na hindi niya naman nararapat na maramdaman. Nakatingin ito ng matiim sa kanya. "Bakit hindi maaari ang lugar na iyon?" Mayroong humawak ng kaniyang braso upang alisin ang kaniyang kamay sa pagkakahawak nito. Napatingin siya kay Euvan dahil sa ginawa nito. Masama ang tingin nito sa kaniyang ama. Tiningnan niya nang muli si Handro. "Sinabi ko nang huwag na lamang sa pamilihan dahil paniguradong wala tayong mapapala roon. Ang mabuti pa ay sa kaharian ng Gemuria na lamang tayo manalakay. Ang mismong palasyo ang ating aatakihin sa pagpigil sa kasalang magaganap at wala ng iba pa." kalmado niyang sabi ngunit may awtoridad ang kaniyang tinig. Pinaghawak ni Handro ang dalawang kamay nito at tila nag-isip sa kaniyang sinabi. "Sige, kung 'yan ang iyong nais." Pagka ay ngumiti na ito. Doon ay nagkaroon na siya ng panatag na loob. Hindi niya batid kung para saan ba ang pagkapanatag na iyon ngunit hinayaan niya na lamang ang kaniyang sarili na maramdaman iyon. Tiningnan niya si Handro at nakatingin ito ng matiim sa kanya. Tila binabasa siya nito ngunit ngumiti na rin ito sa kanya. Pinilit niya ring ngumiti.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD