Hemira 11 - Pagtatagpo
~Hemira~
"H-hemira?..."
Nanlaki ang aking mga mata nang banggitin ng lalaking nakahawak sa akin ngayon ang aking pangalan na tila ako'y kaniyang kilala.
Nawala ang punyal na tubig niya na nakasaksak sa aking balikat.
"Kil—" Hinawakan niya ang aking magkabilang pisngi gamit ang nangangatal niyang mga kamay kaya napatigil ako sa akin sanang itatanong.
Nangilid kaagad ang kaniyang mga luha habang puno ng 'di pagkapaniwala ang kaniyang mga mata na nakatingin sa akin. "H-hemira... T-totoo na ba talaga 'to?... H-hindi na ba 'ko naghahaluccinate lang?... Ikaw na ba t-talaga 'to, Hemira?..."
Napuno ako ng pagkalito sa mga sinabi.
Hinaplos pa niya ang aking buhok ng may pagsuyo at hindi tumitigil ang pagtulo ng mga luha mula sa kaniyang mga mata.
"A-ang itim na itim mong buhok..." Hinawakan naman niyang muli ang aking pisngi. "Ang napakaganda mong mukha. Sabihin mo sa 'king ikaw na talaga 'to, Hemira... Na binalikan mo na talaga kami." puno ng pakikiusap ang kaniyang tinig pati na ang kaniyang mga mata.
"Oo. Ako si Hemira ngunit—"
Bigla niya akong niyakap kaya ako'y napasinghap sa pagkabigla.
Tila mas lalong nagwala ang aking puso sa malakas na pagtibok niyon.
Ang higpit ng yakap niya sa akin na tila ba ako'y mawawala sa kanya. "Bakit ngayon ka lang bumalik?!... Bakit ang tagal mong hindi nagpakita sa 'min?! Hah?!... Bakit pinahirapan mo ko ng sobra sa paghihintay kung buhay ka naman pala talaga?!... Bakit mo ginawa 'yon?... Hindi mo alam kung ano 'yung muntik ko nang gawin. Hindi mo alam na muntik na 'kong mawala sa 'yo ng tuluyan at mapunta sa ibang babae. Muntik ko nang mabali 'yung pangako ko sa 'yo dati!"
Humihikbi na siya ng lubos na tila isang bata.
Nangunot na ng sobra ang aking noo dahil sa kaniyang mga sinasabi at tila kilalang-kilala talaga niya ako.
Na tila ba mayroon kaming malakas na koneksyon noon na hindi ko naman natatandaan.
"S-sino ka ba? Bakit kilala mo ako? At anong ang iyong mga pinagsasasabi?" tanong ko sa kanya.
Natigilan siya sa paghikbi.
~Yohan~
"S-sino ka ba? Bakit kilala mo ako? At anong ang iyong mga pinagsasasabi?" tanong sa 'kin ni Hemira kaya napatigil ako sa paghikbi.
Parang tumigil ang pag-inog ng mundo ko sa mga tanong niya lang na 'yon sa 'kin.
Humiwalay ako ng yakap sa kaniya at hindi makapaniwalang napatingin sa kanya.
Napabuka pa ang bibig ko sa sobrang pagkatigagal.
Hinawakan ko siya sa magkabila niyang bisig. "H-hindi mo ako natatandaan?..." tigagal na tanong ko sa kanya.
Parang nakalinya 'yung buhay ko sa magiging sagot niya sa 'kin.
Nakatingin lang siya sa 'kin.
Binasa ko 'yung mata niya at 'yung tingin niya sa 'kin, parang hindi niya na talaga ako kilala. Hindi katulad ng dati. Laging may pagmamahal 'yung tingin niya sa 'kin.
Doon, parang biglang binasag ang buong mundo ko.
Parang nilaglag ako sa napakataas na lugar.
Hindi ko pa 'yon makukumpara sa ginawa kong pagpapatihulog no'ng isa lang araw na hindi ko tinuloy.
Dahil doon, nawala na 'yung ipo-ipong tubig na kontrol ko sa paghiram ng mahikang tubig kay Nerina pero hindi ko hinayaan na mawala 'yung tubig na inaapakan ko.
"A-ano bang nangyari sa 'yo? Paanong hindi mo na 'ko natatandaan?" litong-lito kong tanong sa kaniya pero napansin ko 'yung prinsensya niya.
Hindi na tulad 'yon ng dati.
Kaya no'ng inatake ko siya kanina, hindi ko siya nakilala dahil ang prinsensya niya, parang sa isang napakalakas na mostro na. Hindi na sa Hemira noon.
Bigla akong nakaramdam ng sobrang pagkalito.
Hindi kaya pakulo lang 'to ng mga kalaban?
Na baka hindi talaga siya si Hemira at isa lang siyang nagpapanggap para lituhin ako?
Pero hindi eh.
Sobrang lakas ng t***k ng puso ko sa kanya.
Napakalakas din ng pakiramdam ko na siya talaga si Hemira.
Kahit sino ang tumingin sa kanya, masasabing si Hemira talaga siya pero bakit iba na siya ngayon?...
Anong nangyari sa kanya?
"Sino ka ba? Ano ang koneksyon mo sa akin?" tanong pa rin niya at puno na 'yon ng kaseryosohan.
"Prinsesa Hemira!" sigaw ng isang babaeng boses at nagulat na lang ako nang may pumulupot sa katawan niya na mahabang buhok at hinila siya palayo sa 'kin.
"Hemira!" sigaw ko at pumunta agad ako sa kanila sa kontrol ng tubig na inaapakan ko pero napatigil ako nang isang nakakasilaw na ilaw ang kumalat sa buong lugar.
Napatakip pa ako ng mga mata ko sa sobrang pagkasilaw ro'n.
Ilang saglit lang 'yon at iminulat ko na 'yung mga mata ko.
Napatingin ako sa paligid.
Unti-unti nang lumiliwanag ulit ang buong paligid dahil nawawala na ro'n 'yung itim na mahika.
Nanlaki ang mga mata ko nang papasok na lahat ng mostro sa black portal na pinanggalingan nila kanina.
Paliit na ng paliit 'yon.
Nakita ko na papasok na 'rin doon sila Hemira kasama 'yung iba pa niyang kasamahan na mga nakacloak na itim.
Nakatingin siya sa 'kin.
"Hemira!" Sobra-sobrang kaba at takot ang naramdaman ko.
Hindi na rin makapagpahinga ang puso ko sa lakas ng pagtibok n'on sa lahat ng nararamdaman ko ngayon.
Hindi siya puwedeng mawala ulit sa 'kin.
Ngayong napatunayan ko na na buhay talaga siya.
"Air Maiden, let me borrow thy power! Air magic release!"
Mayroon nang pumaikot sa 'kin na hangin at ginamit ko 'yon para makalipad ako pero nagpagewang-gewang na naman ako sa ere dahil hindi ko na naman makontrol 'tong hangin.
F*cksh*t talaga! Bakit hanggang ngayon, hindi ko pa rin kayang kontrolin 'tong hangin na 'to?!
"Prinsipe!" tawag sa 'kin ng isang babae na alam kong si Aella.
Doon, kumalma na 'yung hangin sa paligid ko. Lumipad sa harap ko si Aella at nag-aalala siya sa 'kin.
"Aella, sundan natin 'yung mga mostro sa portal!" utos ko sa kaniya at sobra siyang nabigla sa sinabi ko.
"Ngunit bakit—"
"Basta! Sundan na natin si Hemira!" sigaw ko sa kanya.
Kahit nalilito siya, lumipad kami sa paliit na ng sobra ng portal.
Ngayon ko lang siya nasigawan ng ganto kagalit pero hindi ko na talaga kasi kayang kontrolin 'yung sarili ko.
Sobra na 'kong natatakot sa nararamdaman ko at sa nalaman ko.
Siguradong bihag si Hemira ng mga mostro at gagawin ko ang lahat para mailigtas ko siya agad ngayon.
Huling papasok doon sila Hemira kasama 'yung apat na nakacloak na itim.
Pumasok na 'yung dalawa at tatlo na lang sila na papasok pa lang.
"Hemira! 'Wag kang sumama sa kanila! Hemira!" sigaw ko habang papalapit na kami sa kanila.
Napalingon siya sa 'kin.
Bumilis ang paglipad namin ni Aella at malapit na kami sa kanila nang may biglang manghila sa kaniya papasok ng portal.
Nanlaki 'yung mga mata ko at natigagal ako ng sobra.
Doon pumasok na 'yung dalawa pang nakacloak na natira at sumara na ang portal bago pa kami makapasok doon ni Aella.
Napatigil kami sa paglipad at sobrang lakas ng kabog ng dibdib ko.
Hindi ko na rin alam kung anong sasabihin ko at parang mababaliw na 'ko sa lahat ng emosyon na pumupuno sa 'kin.
Pumatak ang mga luha ko at sobra kong nakuyom ang mga kamao ko.
"HEMIRAAAAAA!"
~Hemira~
"Bakit naman kaagad tayong umalis sa Gemuria? Hindi pa nga natin lubos na nasisira ang mga lugar doon lalo na ang palasyo! Ni hindi ko rin nagawang mahanap ang aking anak na si Cleon!" reklamo ni Mades sa amin.
Nasa aming palasyo na kami at nakaupong muli sa harapan ng lamesa kung saan kami laging nagpupulong.
"Ang ating plano lamang sa pagpunta roon ay ang pagpigil sa kasal nila prinsesa Ceres at prinsipe Argyris. Nagawa natin iyon kaya naman makuntento na muna tayo ngayon," wika ni ama kaya napatikom ng bibig si Mades.
"Ngunit ginoong Handro, naramdaman n'yo ba ang mahikang liwanag kanina lamang? Malakas iyon ngunit hindi naman iyon nakaapekto sa atin," wika naman ni Melba.
Napatango-tango rin si Mades. "Nakita kong si prinsesa Ceres ang gumawa niyon. Pagtataboy lamang sa ating mga mostro iyon ngunit kung ako ang gumawa niyon ay mas malakas pa siguro ang aking magagawa. Hindi rin ako nakaramdam ng kakaiba sa mahikang iyon. Kung hindi lamang talaga sana ipinag-utos ni ginoong Handro ang ating pag-alis ay napaslang ko sana si Aerin. Siya at ang kaniyang anak ang may kasalanan ng lahat ng kamalasang nangyari sa akin." Nakuyom niya pa ang kaniyang mga kamay habang nanlilisik ang mga mata.
Napatingin ako sa lamesang nasa aking harapan at natulala roon.
"H-hemira?..."
Bakit alam ng ginoong iyon ang aking pangalan?
"Prinsesa ko, bakit wala ka sa iyong sarili? May nangyari ba?"
At bakit tumibok ng lubos ang aking puso sa unang pagtatama pa lamang ng aming mga mata?
Bakit ko naramdaman ang kakaibang mga pakiramdam sa aking sistema na hindi ko pa naman nararamdaman noon?
"Hemira!" tawag sa akin ng isang boses kasabay ng paghawak sa aking balikat kaya napabalik ako sa aking sarili.
Napatingin ako sa aking ama na siyang tumawag sa akin.
Nakakunot ang kaniyang noo at tila mayroon siyang sinasabi sa akin na hindi ko naman naparinggan kanina dahil sa kawalan ko sa aking sarili.
"P-po?" mangang tanong ko sa kanya.
Bumitaw na siya sa aking balikat. "Bakit mo ginamit ang kapangyarihang Yin kanina? Para saan mo iyon ginamit?" tanong niya sa akin at doon ay natameme ako.
Batid na batid kong magagalit siya pati na ang iba pa naming mga kasamahan kapag nalaman nila na ginamit ko ang aking mahika para paslangin ang marami sa kakampi naming mostro.
Hindi ako makahagilap ng sasabihin.
"A-ahh... Ginoong Handro, ginamit po iyon ni prinsesa Hemira para makipaglaban sa malalakas na maheya na umaatake sa kanya. Hindi po kasi namin siya maprotektahan ni Euvan dahil mayroon ding mga sumusugod sa amin." pagdadahilan ni Melba kaya napatingin ako sa kanya.
Alam kong alam niya ang tunay na ginawa ko ngunit pinagtakpan niya ako kay ama.
"Ganoon ba?..." Napatango-tango si ama. "Sa ngayon ay tagumpay ang ating nagawa. Napigilan natin ang kasal sa Gemuria. Kailangan nating magsanay pa upang lumakas tayo at dumami ang ating hukbong panlaban." seryoso niyang sabi.
Tumingin sa akin Melba at ngumiti ng patago dahil napaniwala niya si ama.
Pinasalamatan ko naman siya sa aking pagtingin sa kanya.
"Ikaw Hemira, nararapat na mas sanayin mo pa ang iyong mahika nang sa ganoo'y kapag ginagamit mo ang Yin ay hindi ka agad nauubusan ng mahika. Ang tagahawak ng Yin at Yang ay dapat mga sanay na sanay na mga maheya sapagkat mas nagiging kontrolado nila ang mga kapangyarihang iyon sa ganoong paraan," wika ni am habang nakatingin sa akin ng matiim.
Tumango ako.
Tumingin na siya kay Mades. "Huwag mong hahayaang makaligtaan ni Hemira ang pagsasanay niya ng mahika mula sa iyo. Ituro mo ang lahat ng iyong nalalaman."
Tumango naman din ito sa kanya.
Napayuko ako habang patuloy sila sa paguusap-usap.
"H-hemira... T-totoo na ba talaga to?... H-hindi na ba 'ko naghahaluccinate lang?... Ikaw na ba t-talaga to, Hemira?..."
"Bakit ngayon ka lang bumalik?!... Bakit ang tagal mong hindi nagpakita sa 'min?! Hah?!... Bakit pinahirapan mo ko ng sobra sa paghihintay kung buhay ka naman pala talaga?!... Bakit mo ginawa 'yon?... Hindi mo alam kung ano 'yung muntik ko nang gawin. Hindi mo alam na muntik na 'kong mawala sa 'yo ng tuluyan at mapunta sa ibang babae. Muntik ko nang mabali 'yung pangako ko sa 'yo dati!"
Natigilan ako sa mga alaalang iyon.
Lubos na naman akong nakaramdam ng pagkalito.
Sino ba talaga ang lalaking iyon?
Bakit ganoon ang mga sinabi niya sa akin?
Pati na ang aking pangalan, batid niya at kung bigkasin niya iyon ay mayroong pananabik at pagsuyo.
May koneksyon ba kami noon?
Ngunit paano kung isa siyang tagaGemuria?
Marami pang mga tanong ang nagsimulang sumakop sa aking isipan.
Mga katanungan na nangangailangan ng kasagutan at kailangan kong makuha ang mga sagot na iyon.
Siguradong hindi ako patutulugin ng mga bagay na iyon hangga't hindi ako gumagawa ng paraan upang malaman ang mga iyon.
Ano ang gagawin ni Hemira para masagot ang mga katanungan na nais niyang mahanapan ng sagot?
Ano nga ba?