KAPAG PALA masaya ka mabilis lumipas ang mga araw. Namalayan na lang ni Lyn na isang buwan na mula nang ikasal sila ni Benedict. Wala siyang mairereklamo pa sa takbo ng buhay niya ngayon. Masaya siya sa trabaho niya, masaya siya sa buhay may asawa niya at masaya rin siya na regular niyang nakakausap sa cellphone ang kanyang lola. Ipinabigay ng asawa niya sa tauhan nitong nasa Rizal. Kaso kahit palagi sila nag-uusap, na-mi-miss pa rin niya ito. Lalo na sa araw na ‘yon na monthsary nila ni Benedict. Lalo niya kasing na-miss ang bayan nila. Saka napanaginipan niya si Lola kaya nang dumilat siya kinaumagahan hindi niya napigilan mapaiyak. Hindi ‘yong tulo luha lang kung hindi malakas talagang iyak. Nagising tuloy ang asawa niya na mahimbing na natutulog sa tabi niya.

