Hindi na ako mapakali sa aking kinauupuan dito sa loob ng kotse. Kanina pa kami naghihintay pero hanggang ngayon ay hindi pa dumadating si Zephyr. Naghihintay din sina Samantha, Tita, Tito at ang iba pang bisita sa labas ng simbahan. Gusto ko nang umiyak dahil sa isiping hindi na matutuloy ang kasal.
Lalabas na sana ako sa kotse nang biglang nag-ring ang kanina ko pang hawak na cellphone. Dali-dali ko itong sinagot nang makita ang pangalan ni Zephyr sa screen.
"Thanks God at tumawag ka. Nasaan ka na ba? Zephyr naman eh huwag mo naman akong pakabahin. Kung ikaw hindi sisipot sa kasal natin talagang hahanapin kita kahit saan ka man magpunta," halos naiiyak ko ng sabi. Narinig ko namang tumawa siya sa kabilang linya. May gana pa siyang tumawa at ako heto nagsusumamo na sana siputin niya ako sa kasal.
"I'm sorry kung pinakaba kita. Don't worry, I'm on my way. Nasiraan lang ako ng kotse kaya ako natagalan," paliwanag niya. Nakahinga ako ng maluwag dahil sa sinabi niya. Kahit papaano ay naging kampante ako na darating siya.
"Zephyr, mag iingat ka. Promise me na makakarating ka ng ligtas," paninigurado ko.
"Yup, I'll promise," tugon niya.
"I love you," nakangiting sambit ko.
"I love you too," aniya. Ibinababa ko na ang cellphone nang maputol na ang tawag. Nakangiti akong napasulyap sa bintana ng kotse. Wala dapat akong ikabahala dahil alam kong pupuntahan ako ni Zephyr. Mahal namin ang isa't isa at wala dapat akong ikatakot.
Makalipas ang higit sampung minuto ay heto pa rin ako naghihintay. Pasulyap sulyap ako sa bintana at nagbabasakaling nandito na siya. Pero habang tumatagal ay nawawalan na ako ng pag asa hanggang sa makaramdam na ako ng kaba. Napalingon ako sa bintana nang may kumatok dito. Nang tuluyan ng bumaba ang bintana at nagtataka kong tiningnan ang lalakeng kaibigan ni Zephyr.
"Nakarating na ba si Zephyr?" nakangiting tanong ko sa kanya pero kaysa sa sagutin ako ay nakayuko lamang siya at nakakuyom ang kanyang mga kamay.
"Sagutin mo ako, nandyan na ba si Zephyr?!" Hindi ko na napigilan pang tanungin siya ng pasigaw. Tiningnan niya ako na may luha sa kanyang mga mata dahilan upang mas lalo akong kabahan.
"I'm sorry Esmae, hindi na makakarating si Zephyr. Wa—wala na siya. Naaksidente siya, Esmae. Patay na siya," saad niya. Para naman akong nabingi dahil sa kanyang ibinalita. Natulala lamang ako at tuloy-tuloy na nagsibagsakan ang aking luha.
"Hindi totoo 'yan. Kausap ko siya kanina at sinabi niyang papunta na siya. Alam kong darating siya kaya huwag mo akong lolokohin!" Lumabas ako ng kotse at tumingin tingin sa paligid. Umaasa na nandito na siya.
"Esmae patay—"
"No! Huwag mong sasabihing patay na siya! Alam kong nandito na siya at gusto niyo lang akong lokohin!" Naglakad ako at lumilinga sa paligid. Bakit? Bakit kailangang mangyari ito sa araw pa mismo ng kasal namin.
"Zphyr! Magpakita ka na sa akin! Nangako kang hindi mo ako iiwan sa araw ng kasal natin. Please...kung isa lang itong kalokohan huwag mo naman akong saktan ng ganito. Zephyr!" Napaluhod na ako sa sahig at napahagulhol na ng iyak.
"Esmae, tahan na. Huminahon ka." Napatingala ako kay Samantha. Hinawakan ko siya sa kanyang kamay.
"Sabihin mong hindi totoo ang sinabi niya. Buhay pa si Zephyr, hindi ba? Samantha sabihin mong hindi pa patay si Zephyr." Hindi ko na kaya. Halos hindi na ako makahinga dahil sa pag hikbi ko.
"Sorry, Esmae." Wala na akong nagawa pa kung hindi ang iiyak na lang ang sakit. Naninikip na rin ang aking dibdib. Anong nagawa kong mali at bakit si Zephyr ang kailangang mawala.
Nanginginig ang kamay kong tiningnan ang cellphone ko nang mag ring ito. Si Karina ang tumatawag. Sinagot ko ito at itinapat sa aking tenga. Hindi ako nagsalita at hinayaan lamang siya.
"Esmae, wala na si Zuri."
Pagkasabi niya 'yun ay nabitawan ko na ang aking cellphone. Kaparusahan ba itong nangyayari sa akin? Bakit sa akin pa kailangang mangyari sa akin lahat ng ito? Sobrang sakit na ang naranasan ko sa aking nakaraan at heto muli ako nasasaktan na hindi naman dapat mangyari sa akin. Ang hangad ko lang naman ay ang maging masaya pero bakit ang hirap ibigay sa akin nun? Ganoon ba ako kasama para ako ang parusahan ng ganito? Hindi ko maintindihan kung ano ang nagawa kong masama sa mundong ito at ganito na lamang ako saktan. Pagod na ako sa lahat ng napagdaanan ko. Tama na...hindi ko na kaya pang harapin ang ganitong buhay. Suko na ako.
Nakayuko lamang ako habang nakatulala sa sahig. Gusto ko mang mag sisigaw pero hinang hina na ang aking katawan na kahit anumang oras ay babagsak na ako. Naramdaman kong may humawak sa aking balikat.
"Hindi mo deserve ang ganitong buhay, Esmae. Bumalik ka na at mamuhay ng masaya," rinig kong sabi ni Samantha. Iniangat ko ang aking ulo at laking pagtataka ko na hindi ko siya nakita. Hindi ko na sila nakita pa. Lahat ng mga taong nakapalibot sa akin ay parang bulang nawala na lamang. Hanggang sa unti-unti na akong pinalibutan ng nakakasilaw na ilaw.
Naramdaman ko na lamang ang sarili kong nakahiga sa isang malambot na kama. Naulinagan ko ang boses ng mga taong nakapaligid sa akin. Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata at medyo nanlalabo ang aking matang tumingin sa paligid habang hindi ginagalaw ang aking ulo.
"Salamat at gising ka na." Rinig kong boses ni Karina. Nanatili lamang akong nakahiga habang iniisip kung anong nangyari sa akin. Nasaan na ba ako?
"Doc, gising na po ang kaibigan ko." Nakita ko si Karina na ngayon ay nakangiti sa akin. May lumapit naman sa aking isang doctor at para bang tinitingnan kung okey ako.
"Maayos na ang lagay ng pasyente kaya huwag ka ng mabahala hija. Ipagpasalamat na lang natin sa diyos na sa wakas ay gising na ang kaibigan mo. Pero kailangan pa namin siyang obserbahan." Boses ng isang doctor. Nakatingin lamang ako sa kanila. Gusto kong magsalita pero nahihirapan ako. Parang natuyo ang lalamunan ko.
"Huwag mong pilitin ang iyong sarili hija. Ipahinga mo muna ang iyong sarili," sabi ng doctor.
"Natutuwa akong makita kang okey ka na." Hinawakan ni Karina ang aking kamay.
Nang medyo maramdaman kong okey na ang lalamunan ko ay sinubukan kong magsalita.
"Karina?"
"Bakit? May kailangan ka ba? May masakit ba sayo?" nag aalala niyang tanong. Binalak kong umupo at tinulungan naman niya ako. Nanghihina pa rin ang katawan ko. Sumagi naman sa aking isipan si Zephyr.
"Karina, nasaan si Zephyr? Tawagin mo naman siya, oh. Sabihin mo kailangan ko siya," nanghihina kong sabi. Nalilito naman niya akong tiningnan. May mali ba sa sinabi ko? Bakit ganyan siya makatingin sa akin?
"Ano? Sinong Zephyr ang sinasabi mo? Wala akong kilalang nagngangalang Zephyr," aniya. Hindi...imposible 'yang sinasabi niya. Hindi niya kilala si Zephyr? Alam ko na nasabi ko na sa kanya ang tungkol kay Zephyr.
"Pinag loloko mo ba ako?" medyo galit kong sabi.
"Bakit naman kita lolokohin? Hindi ko alam kung sino 'yang tinutukoy mo. Kung alam ko man, hindi ko sana sinabing hindi ko siya kilala, hindi ba?" Tiningnan ko lang siya na parang hindi ako naniniwala.
"Kung iniisip mong nagsisinungaling ako, nagkakamali ka. Epekto ba ito ng nangyari sayo?" bulong niya sa huli niyang sinabi pero narinig ko pa rin siya.
"Anong nangyari sa akin?" May hindi ba ako alam? Bakit nga ba si Karina lang ang nandito? Nasaan na sina Tito, Tita at Samantha?
"Wala ka bang naaalala?" tanong niya. Naguguluhan na ako sa kanya. Bakit hindi na lamang niya ako diretsahin?
"Huwag ka ng magpa ligoy-ligoy pa. Sabihin mo na sa akin."
Huminga siya ng malalim. "Isang taon na ang nakakalipas nang maaksidente ka. Wala ka ba talagang maalala tungkol doon? Kaarawan mo 'yun. Naalala ko pa nang sabihin mo sa akin na papunta ka na sa hospital para ipagdiwang natin ang kaarawan mo pero hindi ko naman inaasahan na naaksidente ka. Tsaka ko lang nalaman nang dinala ka dito na puno na ng dugo. Sobrang kaba ang naramdaman ko noong araw na 'yun. Sinabi ng doctor na na-coma ka at hindi niya alam kung kailan ka gigising. Pero heto ka na ngayon, sa wakas ay gising ka na," mahaba niyang paliwanag. Naaalala ko ang araw na iyun. Ang akala ko isang panaginip lamang pero nagkamali ako ng akala. Ang totoo ay naaksidente ako ng kotse na naging dahilan upang ma-coma ako ng isang taon.
Bigla naman akong nanghina dahil sa napagtanto ko. Kung ganoon, isang panaginip lamang na nakasama ko si Zephyr. Yung pagpunta ko sa Farm ni Tito, ang mga araw na nakasama ko sina Samantha, Tita, Chloe at ang napagdaanan namin ni Zephyr ay isang malaking kasinungalingan lamang? Maging ang kasal namin ni Zephyr. Isang panaginip lang ba ang lahat?
"May problema ba, Esmae? Bakit ka lumuluha? May masakit ba? Esmae naman sagutin mo ako. Huwag mo naman akong pag alalahanin." Hinawakan niya ang kamay ko.
"Isang panaginip lang ba ito, Karina?" tanong ko. Para bang ayaw tanggapin ng sarili ko na ito na talaga ang mundong kinalalagyan ko. Isang taon ko silang nakasama, si Zephyr na nagparamdam sa akin ng isang magandang buhay. Ipinaramdam niya sa akin kung paano ang pakiramdam na umibig muli at mahalin ng isang lalake. Siya ang lalakeng sobrang nagmahal sa akin at binangon ako sa sakit na napagdaanan ko. Pero ang lahat ng iyun ay isa lamang panaginip.
"Ano bang nangyari sayo? Bakit parang napunta ka sa ibang lugar at hindi alam kung isa ba itong panaginip o hindi? Totoong totoo na ito, Esmae. Hindi ito isang panaginip," sagot niya. Pati siya litong lito na rin sa ikinikilos ko at sinasabi ko. Ako hirap pa rin itong paniwalaan.
"Karina, maniniwala ka ba kapag sinabi kong oo. Para akong napunta sa ibang mundo na ipinaramdam sa akin kung paano muli sumaya at makalimot sa sakit. Karina, naramdaman ko kung paano muli imibig at si Zephyr ang naging dahilan nang lahat kung bakit pinili kong mamuhay ng masaya kasama niya." Napahagulhol na ako ng iyak. Niyakap naman ako ni Karina dahilan upang lalo akong mapaiyak.
"Bakit ang daya? Bakit kailangang iparamdam sa akin lahat ng iyun kung isa lamang panaginip ang lahat?"
"Tahan na, siguro may dahilan ang lahat kung bakit iyun nangyari sayo?" pagpapatahan niya sa akin. May dahilan nga ba?