CHAPTER 1
Caress' POV
NARANASAN mo na bang maapi? O maging kawawa? Naramdaman mo na ba iyong feelings na dahil sa hitsura mo ay kinukutya ka?
Pangit.
Pango.
Kapal-labi.
Bruha.
Ilan palang iyan sa mga bad words na narinig ko mula sa aking pagkabata. Mga salitang ibinabato sa akin dahil sa panlabas kong katangian. Lalo na kapag may nagawa akong magandang bagay at kapuri-puri. Gigil na gigil sila sa galit. Iyong tipong ayaw nila àkong maging masaya dahil pangit ako.
Para bang hindi ako anak ng Diyos na kailangan ding lumigaya. Sobra silang makahusga gayong wala naman akong ginagawang masama laban sa kanila.
Grabe! Bakit kasi may mga taong sadyang mapang-api? Gusto ba nila ay sila lang ang maganda at maging masaya.
Eh, 'di sila na! Sila na ang magaling at pinagpala. Go! Huwag na nilang isipin na tao din ako at kahit pangit ay may puwang din sa mundo para mabuhay na masaya.
Naku! Talagang hindi ako tinantanan ng mga mapang-lait na tao sa paligid ko hanggang sa aking paglaki. Kaya naman bata pa ako ay namulat na ako sa katotohanan. Mabuti na lang at hindi ako iyong tipo ng tao na madaling maapi. Hindi madaling tumiklop. In fact, natanggap ko ng buong puso kung ano at sino ako.
Eh, ano ba? Wala akong pakialam sa kanila. Basta ako ay nabubuhay nang matiwasay at masaya. And thank God dahil sa kabila ng lahat ay lumaki akong matatag sa piling ng aking lola.
Sobrang salamat sa pagkakaroon ko ng mapagmahal na Lola Minda.
"LOLA..."
I won't really forgot that once upon a time in my life ay umiiyak akong umuwi sa mansion ng pamilya de Guia, kung saan nagsisilbi ang nanay ng inay ko bilang mayordoma.
Grade 1 student na ako noon sa Mabitac Elementary School. Kasi naman ay hindi ako tinantanan ng mga guwapo at maganda 'daw' na mga classmate ko sa pambu-bully, hanggang sa makalabas ako sa bakuran ng mababang paaralang iyon sa province na sinilangan ko.
"Apo, bakit?"
May pag-alala sa mukha ni Lola Minda nang lapitan ako. Hinawakan niya ang magkabila kong balikat nang umupo sa harapan ko.
"Anong nangyari at umiiyak ka?"
"Bakit po kasi pangit ako, lola?"
She took a deep breath and looked straight to my eyes. Pinunasan ng daliri niya ang mga luha sa mata ko saka ngumiti. Mahinahon ang boses niya nang magsalitang muli.
"Apo, magtaka ka kung ikaw ay maganda. Hindi mo ba nakita ang hitsura namin ng nanay mo?"
"N-nakita po..."
"O, sabihin mo nga... maganda ba kami?"
"H-hindi po..."
"Anong iniiyak mo? Nagsasabi lang naman sila ng totoo. Apo, mas masaktan ka at magalit kung tuksuhin ka nilang maganda. O diyosa. Kasinungalingan kasi 'yon. Pang-iinsulto."
"G-ganoon po ba 'yon, lola?"
"Oo, apo. Kaya huwag ka nang umiyak. Tahan na. Lalo kang pumapangit."
Napatawa ako sa sinabi ni Lola Minda.
Tumawa din siya. Saka hinagod ang buhaghag kong buhok na hindi nakapusod. Kinky ang pagkakulot niyon tulad ng sa nanay ko.
"Bakit kapag ako ang nagsabi na pangit ka ay tumatawa ka?"
"Nakakatawa po, e."
"Ganyan nga. Tawanan mo lang sila kapag sinabihan kang pangit. Apo, hindi lang naman tayo ang may ganitong mukha. Marami tayo sa mundo. 'Yong iba nga naging artista pa. Sumikat. At naging masaya dahil natanggap nila ang kanilang hitsura."
Dahil naunawaan ko ang sinabi ni Lola Minda ay tumango ako. Ngumiti. Lalo namang naging maaliwalas ang mukha niya. Natuwa siya dahil alam niyang naintindihan ko siya.
"Kaya mula ngayon ay huwag mong ikahihiya ang hitsura mo. Bigay 'yan ng Diyos. Tingnan mo ako. Kahit ganito ang mukha ko ay naging masaya dahil nakapag-asawa ako ng hindi pangit. Guwapo ang lolo mo, 'di ba? Nakita mo siya bago namatay."
"Opo. Guwapo po si lolo at hindi namin kamukha ni inay."
"Iyong tatay mo, guwapo rin. Pero ang nanay mo ang iyong kamukha. Kahawig mo rin ako. Hindi mo maitatanggi 'yan."
"Opo," sagot ko na humagikhik. "Mga pangit tayo, lola."
"Pangit tayo pero may puso. Mabubuti tayong tao."
"Mas mahalaga po ba 'yong maging mabuting tao? 'Yong may puso?"
"Oo, apo. Ano pa at naging maganda ka kung saksakan naman ng sama ang ugali mo? Mabuti pa 'yong pangit pero mabait."
"Ay, oo naman po. Para na rin pong pangit 'yong maganda kung masama ang ugali."
"Tama, apo. Tandaan mo 'yan, ha."
"Opo, lola."
"Iiyak ka pa ba kapag tinukso ka nilang pangit?"
"Hindi na po. Magiging mabait po ako para gumanda ang tingin sa akin ng mga tao."
"Ang galing talaga ng apo ko. Matalinong bata."
"Lola, salamat po. Kahit ganito po kasi ako ay minahal ninyo ako."
"Mahal na mahal kita, apo."
Niyakap ko si Lola Minda at minsan pa akong nagpasalamat. "Mahal na mahal ko din po kayo."
Tumatawa siyang gumanti ng yakap sa akin. Mas mahigpit. "Kanino ka nga nagmana, apo?"
"Siyempre, sa inyo po ni inay."
"Korek ka d'yan, apo. Very good."
Sabay kaming tumawa ng malakas ni lola.
FOUR years old ako nang mamatay ang nanay ko dahil sa isang aksidente. Ang sabi ng mga nakasaksi ay may kausap daw ito sa palengke. Maayos noong una hanggang sa nagtalo na at tumakbo na nga iyong lalaki. Kaya hinabol ni inay at sa kagustuhan daw maabutan ay hindi napansin ang paparating na jeep nang tumawid kaya nasagasaan siya.
Dead-on-the-spot ang kaawa-awa kong ina. Basag ang bungo niya sa lakas ng impact at tumilapon siya. Nagkalat daw ang mapula at sariwang dugo kung saang lugar siya bumagsak.
Sabihin pa'y lalo siyang pumangit sa aksidenteng iyon. Mabuti na lang at mahusay ang embalsamador na taga-make-up na rin ng mga patay kaya napaganda ang face ni inay habang nakahimlay sa kabaong.
Share ko na rin pala kung sino iyong lalaking hinabol ni inay sa palengke at naging dahilan ng kamatayan niya. Iyon daw ang tatay ko, na wala talagang balak na kilalanin ako. Kaya pala sila nagtalo ay dahil pinilit ni inay na puntahan ako para magkita kami. Pero ang nangyari ay parang agad natakot ang magaling kong ama at nagtatakbo. Na siya na ngang naging dahilan nang pagkawala ng inay ko.