Kabanata 4
MAAGANG GUMISING si Esang para simulan na ang Anyang raket na kinagisnan— iyon ay ang maagang maglaba ng mga maduduming damit ng mga kilala niyang may pera sa labas.
Nagprito muna siya ng tatlong itlog at gumawa ng sinangag na kanin na sobra pa nila kagabi. Iyon na rin ang babaunin ng kanyang dalawang kapatid sa eskwelahan. Wala namang problema pa ang tanghalian ng mga ito dahil sa umaga lamang ang klase ng dalawa. Nasa isang baitang pa lang si Cardoy at si Macky naman ay nasa ikaanim na baitang na. Sa susunod na taon ay nasa sekondarya na si Macky. Kailangan na niyang magsumikap pa para masuportahan ang dalawang kapatid sa pag-aaral ng mga ito. Hindi na magiging sapat ang kanyang paglalaba para sa gastusin nila araw-araw. Sakto lang din sa kanilang pambayad ng kuryente ang kita ng kanyang Lola Sarah sa pagtitinda ng gulay sa palengke. Swerte na lang kung may bibili ng hindi na sariwang gulay sa Lola Sarah niya. Wala naman kasing bumibili sa lola niya dahil sa bangketa lamang ito nagtitinda. Minsan ang ilan pa na tao ay nandidiri sa lola niya at tinataboy pa ito sa palengke o kaya sa tabi ng daan. Marungis kasi ito at mabaho— ayon sa mga tao.
Huminga nang malalim si Esang sa isiping iyon. Hindi niya masikmura ang katotohanang ang sariling kapwa ang manlalait at mang-aapak sa sariling kapwa. Noong una nang magkamuwang siya ay sobra niyang saya dahil napakaganda ng mundo. Ang lahat ay parang mahika at ang buhay— noong bata pa siya; parang pantasya ang lahat. Pero ang lahat ng pananaw niyang iyon ay nagbago noong lumaki na siya at nagdalaga. Noon niya nalaman na napakasama pala ng mundo at napakadaya nito. May mayaman, may mahirap. May mga pangit, may mga gwapo at magaganda. May manloloko, at may nagpapaloko. May mababait, mayroon namang masasama.
Ang isang tulad nila na mahihirap ay parang nakatira sa isang malalim na hukay— pilit silang sumisigaw ng kanilang hinaing, nagsusumamo na sila ay pakinggan at tulungan. Pero nanatiling mga bingi ang nasa itaas at sila'y patuloy na inaapak-apakan. Ganoon talaga siguro kapag nasa ibaba ang isang tao, at sila ay nasa itaas. Wala silang puwang dito sa mundo kundi parang isa lamang na langgam.
Saglit na umiling si Esang. Hindi na niya iyon iisipin pa. Hindi niya na rin mababago ang mga pananaw ng ibang tao dahil hindi naman ang mga ito ang nasa sitwasyon niya. Siguro kapag ito na rin ang nasa sitwasyon nila ay siguradong maiintindihan na rin ng mga ito kung gaano kahirap ang mabuhay; kung gaano sila kapursigo para lamang makakain sa loob ng isang araw; kung paano ang makipaglaban sa magulong mundo at kung paano ang makisalamuha sa mga taong nasa taas.
“Ate! Alis na po kami ni Cardoy!” bati agad ni Macky sa kanya habang sinusuot nito ang maliit na bag nito sa likuran.
Napangiti siya habang nilalagay na niya ang baon ng dalawang kapatid sa tupperware.
“Naku, maupo na muna kayo at kumain. Saan na si Cardoy?” tanong niya nang mapansin na wala ang bunsong kapatid.
Napakamot si Macky sa kanyang ulo. “Eh, nandoon pa sa kwarto, ate. Nagbibihis, ang tagal kasing maligo.”
Natawa siya sa inasal na iyon ni Macky. Kanina kasi nang magising siya ay wala na dalawa higaan. Alam niyang naligo na ang mga ito kaya't napagpasyahan niyang magluto nalang.
“Hindi ka na nasanay diyan sa kapatid mo. Alam mo namang matagal talagang maligo niyan,” sambit niya habang tatawa-tawa pa.
Binalot na niya ang dalawang tupperware at nilagay na iyon sa bag ni Macky at ni Cardoy.
“Sinabi mo pa ate, ang tagal din magbihis. Male-late na ako sa school,” reklamo pa nito.
“Sus ang lapit lang ng school ah. Hindi ka male-late. Ikaw talaga.” Ginulo niya ang buhok nito. “Kumain ka na diyan. Gigisingin ko lang si Lola.”
Ginising na nga niya si Lola Sarah at sabay na silang lumabas ng kwarto kasama na si Cardoy na bihis na bihis ng uniporme nito. Natutuwa si Esang habang pinagmamasdan niya ang dalawang kapatid na nakasuot ng uniporme. Naiiyak siya dahil sa kaligayahan na nararamdaman. Kahit hindi siya nakapag-aral at hanggang grade 6 lang ay ayos na iyon. Wala na siyang aasahan dahil mahina na ang Lola Sarah niya na noon ay siyang nagpapaaral sa kanya. Nakapagbabasa naman siya at nakapagsusulat. Iyon nga lang ay kaunti lang ang alam niya sa wikang Ingles. Kaya't gagawin niya ang lahat mapagtapos niya lang sila Macky at Cardoy sa pag-aaral. Ayaw niyang matulad ang mga kapatid sa kanya na walang pinag-aralan na hanggang elementarya lang.
Masaya silang kumain ng agahan na magkasama. Hindi pa rin mawaglit sa kanyang isip ang Nanay Salvi niya. Napatingin tuloy siya sa kuwadro— kung saan nandoon ang napakaganda nilang Nanay Salvi. Napangiti siya nang mapait.
Agad na nagpaalam sa kanya sila Macky at Cardoy. Pinuno niya ang mga ito ng paalala na mag-iingat sa eskwelahan at huwag makikipag-away.
Bago siya pumunta sa kanyang raket sa paglalaba ay hinatid niya muna ang kanyang Lola Sarah sa palengke. Siya na ang nagdala ng basket na may lamang gulay.
“Lola, maiiwan ko po muna kayo, ah? Mag-iingat po kayo. . . magkikita na lamang po tayo mamayang tanghalian.”
“Ah, sige apo. Mag-iingat ka rin,” paalam din ng kanyang Lola Sarah.
Hinalikan niya muna ito sa noo bago na siya tumalikod.
Agad siyang tumungo sa bahay ni Lolita na masugid niyang suki sa paglalaba. Naka-close na rin niya si Lolita at maging ang mga anak nito. Halos dalawang taon na rin siyang labandera ni Lolita kaya't suki na talaga ang matatawag niya rito.
Pagkarating niya sa bahay ni Lolita ay agad siyang tumawag mula sa labas ng gate. Pinagbuksan naman agad siya ng isa sa mga anak nito. Mukhang papunta na rin ito sa paaralan. Kasing edad ni Macky ang bunso ni Lolita. Agad na ngumiti sa kanya si Grace nang mabungaran siya nito.
“Ate, ikaw pala. Pasok ka. . .nandoon po si Nanay naghihintay sa may likod. Maiwan na muna kita, ate, papasok pa ako eh,” bati nito at paalam.
Tumango siya at ngumiti. “Ah, sige. Ingat ka.”
Nang makaalis na si Grace ay agad siyang pumasok ng gate at tumungo agad sa likod ng bahay nila Lolita.
Naabutan niya roon ang nasa mid 50's na babae. Ngumiti agad ito nang makita siyang patungo sa kinaroroonan nito. Bilang ganti ay ngumiti rin siya rito pabalik.
“Nandyan ka na pala, Esang. Mabuti naman at nakarating ka ngayon? Kumusta na pala ang Nanay Salvi mo?” salubong nito.
Huminga siya nang malalim habang naghahanda na ng sabon na bareta at powder niyang gagamitin sa paglalaba.
“Ayon nga Aling Lolita, sabi ng pulis sa amin ay patay na raw si Nanay Salvi. Pinuntahan naman namin sa morgue, pero wala naman doon ang bangkay ni Nanay. Kaya't malaki ang posibilidad na buhay pa siya at pinagkatuwaan lang kami ng mga pulis doon,” kwento niya.
“Aba'y kung ganoon maari kang tulungan ni Haven. Iyon nga lang ay nasa kabilang office siya nakadistino, pero alam kong matutulungan ka ng anak ko. Hayaan mo at sasabihin ko sa kanya mamayang gabi. Hindi mo kasi siya naabutan at kakaalis lang.”
“Naku salamat, Aling Lolita. Malaking tulong po iyon sa amin.”
“Wala iyon, Esang. Maiwan muna kita, ah? Ihahatid ko lang iyong mga paninda ko sa palengke.”
“Sige po, Aling Lolita. Ako na po ang bahala rito. Mag-iingat po kayo,” paalam na niya rito.
Tumango sa kanya ang matanda at ngumiti. Tuluyan na itong tumalikod sa kanya at naiwan na siyang mag-isa. Napatitig siya sa dalawang tambak na labahang nasa tray. Halos gustong umayaw ng katawan niya agad pagkakita roon pero hindi pwede. Marami siyang paggamitan ng pera kapalit ang paglalaba niya ng mga maduduming damit na iyon.
Umupo na siya sa maliit na bangko at nagsimula nang maglaba. Para sa kapatid niya at lola, para sa kanilang pagkain at kinabukasan.
. . .