Kabanata 5
MAAGANG NATAPOS sa paglalaba si Esang. Naabutan pa siya ni Lolita na palabas na ng gate. Bumalik ito para kunin pa ang ibang paninda. Ngumiti sa kanya si Loluta sabay abot ng tatlong libo nitong bayad para sa paglalaba niya.
“Ang laki naman nito, Aling Lolita.”
Umiling ang babae. “Tanggapin mo na iyan. Alam kong malaki ang pangangailangan mo. Sana makatulong ako kahit papaano.”
“Maraming salamat po talaga, Aling Lolita ah?”
Hinawakan nito ang kanyang kamay nang mahigpit.
“Wala iyon, basta lang makatulong. Ay! Oo nga pala, hindi ba at naghahanap ka ng permanenteng trabaho na malaki ang sahod?”
Halos magdiwang ang dalawa niyang taenga pagkarinig ng sinabi ni Aling Lolita.
“Aba'y oo, Aling Lolita. Matagal na po akong naghahanap kaso wala pong tumatanggap sa akin, eh. May alam po ba kayo?” tanong na agad niya.
“Oo, naghahanap ang isa kong kaibigan na kapalit sa pinagtatrabahuhan niya. Mag-aalaga raw kasi siya ng anak niya kaya't aalis na siya roon. Ikaw? Gusto mo ba maging kasambahay? Ang starting na sweldo ay four thousand sa isang buwan. Pero tataas iyon sa pitong libo kapag tumatagal ka, sure ka na ba? Para masabi ko kay Gelda.”
Agad siyang tumango. Mahirap nang maagawan siya ng iba. Sayang na rin ang apat na libong iyon sa isang buwan. May posibilidad pang tumaas iyon kapag magtagal siya.
“Hindi ko po iyan tatanggihan, Aling Lolita.”
“O siya, sige. Bukas ay humalik ka ulit dito sa ganitong oras at nang magka-usap kayo ni Helen.”
“Sige po, Aling Lolita. Maraming salamat po talaga.”
Tinapik siya nito sa balikat at tumango sa kanya ang matanda.
“Sige po, Aling Lolita. Alis na po ako. May paglalabhan pa po kasi ako sa kabila.”
“Sige, Esang. Mag-iingat ka.”
Tumalikod na siya para pumunta sa bahay ni Pesing— ang isa sa mga kakilala ng Lola Sarah niya sa distrito na iyon.
. . .
MABILIS NA LUMIPAS ang araw at gabi nang umuwi si Esang. Alasais na ng gabi nang magpaalam siya sa huling pinang-raketan niya. Halos mamaga na ang kamay niya dahil sa matapang na sabon na kanyang gamit. Pulos sugat na rin na mamaliliit iyon. Napahinga siya nang malalim na mas gumagaspang ang dalawa niyang palad. Tumanghalian na rin siya kanina sa isang pinaglabhan niya ng mga damit. Apat na kabahay ang pinaglabhan niya at nakakapagod sa balakang at kanyang likuran ang nakaupo at nakayuko sa buong maghapon.
Idagdag pa ang pagkawala nang tuluyan ng kanyang lakas. Paniguradong sasalampak na lamang siya nito mamaya sa kama at hindi na kakain. Ramdam na ramdam na njya anga antok at pagod.
Nakalikom siya ng pitong libo sa loob ng isang araw. Ang iba pa ay ang baba sa kanya magbigay ng suhol. Mas mainam na iyon kaysa wala siyang maiuwing pera galing sa pinaghirapan niya. Sakto na lamang iyon sa tubig at kuryente; sa baon ng kapatid niya at sa kanilang pagkain sa loob ng tatlong araw. Pagkakasyahin na lamang niya iyon para umabot sa tatlong araw bago siya makahanap ulit ng panibagong raket. Hindi naman araw-araw ay naglalabada siya. Minsan isang beses lang sa isang linggo o dalawang linggo. Isa pa mabilis lang dumaan ang pera sa kanyang kamay, parang pinadama lang sa kanya ang magaspang na papel at pinaamoy iyon sa kanyang ilong. Pagkatapos ay iiwan na lamang iyon at hahanap ulit ng panibago.
Dumaan siya sa isang eskeneta na may mga kalalakihang nag-iinuman. Kanina pa nakasunod ang titig ng isa sa kanya. Kahit kinakabahan man siya ay inignora niya ang malisyosong tingin nitong pinupukol. Binikisan niya ang paglakad nang hindi matuloy ang balak nito.
Hindi pa siya nakakalayo ay tumakbo ang isang lalaki para harangan siya. Tumingin siya sa kanyang likuran nang tumayo ang dalawa roon. Tatlong lalaki ngayon ang nakaharang sa kanya.
“Aba'y ikaw ba ang anak ni Salvi? Iyong babae na kung sinu-sinong lalaki ang tumatalik?” sabi ng isang lalaking may marming tattoo sa dalawang braso nito. Maumbok ang tiyan nito— matabang lalaki.
“May pinagmanahan ang ganda nitong dalaga, pre. Akalain mo at kumikinang ang kutis nito kahit na nasa eskwater nakatira. May lahi yata ang ama nito, eh. Isa pa maputi rin si Salvi. Mukhang tiba-tiba tayo nito,” sagot naman ng isang lalaki na may bigote sa mukha.
Mukhang lasing na lasing na nga ang mga ito at kung ano na ang kasamaang pumasok sa isip. Hindi lang iyon ang hinuha ni Esang— mukhang gumamit na naman ang mga ito ng ipinagbabawal na gamot.
Umuusbong ang galit at inis ni Esang sa nakikitang kabastusan niys sa mata ng mga lalaking ito, bukod doon ay dahil din sa panlalait at harap-harapang pangbabastos ng mga ito sa Nanay Salvi niya.
“Hindi ganoon ang Nanay ko. . . biktima lang siya. . . biktima ng sakit ng lipunan.”
Humalakhak ang isang lalaki na nasa likuran niya. Payat ito maliban sa dalawang lalaki na nasa harapan niya at kasama ng payat sa likod na may malaking pangangatawan. Pinagtawanan ng payat na lalaki ang sinabi niya— isang nakakainsultong tawa. Umigting ang panga ni Esang, ngali-ngali na siyang patulan ang mga ito.
“Biktima? Baka naman nagpabiktima. . . at baka nga tulad ka rin niya. Bakit hindi ka na lamang namin paligayahin ngayon? Sakto at tatlo naman kami,” segunda nito sa tawa.
Mga hangal na hayok sa laman! sigaw ng isip niya.
Wala siyang lakas na isatinig iyon, baka mamaya'y mapadali ang masamang balak na gawin ng mga ito sa kanya.
“Kung maari ay paraanin niyo na lang ako mga manong.”
“Pagbigyan niyo muna kami.”
Tumawa pa ang mga ito habang unti-unting lumalapit sa kanya. Nakahanda na sana siyang tumakbo kung hindi lang dahil sa isang tinig ang umagaw ng atensyon nilang lahat.
“Paraanin na ninyo ang binibini,” wika ng isang baritanong boses na nagmumula sa isang sulok ng poste.
Halos mapaiyak si Esang dahil sa wakas ay may dumating para iligtas siya mula sa masamang balak ng tatlong lalaki sa kanya. Piping napausal siya ng pasasalamat sa Diyos.
Unti-unting lumakad ang lalaki papunta sa kanya. Napasinghap siya nang makilala ang lalaki na iyon. Taglay nito ang seryosong mukha habang nakapamulsa ang dalawang kamay. Naghuhumiyaw ang kaastigan nito at kagwapuhan dahil sa kulay bughaw nitong uniporme na suot. Si Haven — ang anak ni Aling Lolita na isang pulis sa kanilang distrito na iyon.
“Sir Haven, ikaw pala. Kinakausap lang namin itong anak ni Salvi.”
Mababakas sa mga mukha ng tatlong lalaki ang gimbal na takot. Kilala kasi si Haven sa kanilang baranggay na isang magaling na pulis. Marami na itong nahuhuling mga masasamang tao sa kanikang lugar. Pero iyin lang ay sa kabilang distrito ito nakadistino. Kaya't siguro hindi niya ito nakita sa presinto sa bayan kung saan nakakulong ang Nanay Salvi niya noon.
“Siguro ay tapos niyo na siyang kausapin. Maari na kayong umuwi. Gabi na at nag-iinuman pa rin kayo,” sabi pa nito.
Tumawa-tawa ang isang matabang lalaki na may mga tattoo. Halatang kinakabahan na ito. “Oo nga, uuwi na nga kami Sir.”
At wala pa sa isang iglap pagkatapos nitong sabihin iyon ay nakalayo na ang mga ito. Naiwan silang dalawa ni Haven na nakasunod ang tingin sa tatlong lalaki, papalayo.
Sa ngayon ay ligtas siya dahil kay Haven. . . pero hindi niya alam kung ligtas pa ba siya sa ganitong klaseng lugar at klaseng mga tao ang nakakasalubong niya sa susunod na araw.
“Ihahatid na kita sa inyo, Esang. Mukhang delikado ka sa lugar na ito.”
Napatingala siya rito. Sa sobrang taas ba naman nito na six footer ay hindi na nagtaka si Esang. Samantalang siya ay nasa flat five lang ang taas.
“S-salamat, Haven. Kung hindi ka dumating ay hindi ko alam kung ano na lamang ang naghihintay sa akin bukas.”
Nagsimula na itong lumakad. Sinabayan naman niya ang lalaki. Hindi na rin siya tatanggi sa paghatid nito. Natakot na siya sa mga makakasalubong pa niya sa mga susunod na eskenetang kanyang dadaanan.
“Paano na lamang kung hindi ko naisipan na sumipat sa lugar na ito? Malamang ay napagdiskitehan ka ng mga iyon. Sa susunod ay huwag ka nang magpapagabi o umuwi ng mga ganitong oras. Kung pwedi ay umuwi ka na may kasama.”
Napatitig si Esang kay Haven matapos marinig ang mga sinabi nito. Ngumiti siya na saktong nilingon din siya nito.
“Oo nga pala, Esang. Nakwento sa akin ni Nanay na magpapatulong ka tungkol sa kaso ng Nanay Salvi mo. Huwag kang mag-alala, tutulungan kita sa abot ng makakaya ko. Tutulungan kita na hanapin ang katawan ng Nanay mo.”
Titig na titig lamang si Esang sa gwapong mukha ni Haven. Seryosong-seryoso kasi ito kung magsalita— walang kangiti-ngiti mula noon pa man. Kailan niya kaya ito huling nakita na ngumiti?
“Isa pa. . . kung maari ay itago mo iyang minana mo kay Aling Salvi. Kaya ka lapitin ng pahamak eh,” dugtong pa nito.