Chapter 6

1008 Words
Kabanata 6 MAAYOS NAMAN ANG paghatid ni Haven kay Esang nang makarating na sila sa barong-barong. Bago umalis ang lalaki ay nagpasalamat siya sa kabutihan nito. Hindi niya maikakaila na humanga siya sa kagitingan at kabutihang taglay ni Haven. Mabait ang lalaki simula pa noong maging labandera na siya ni Aling Lolita. At natutuwa si Esang na hanggang ngayon— kahit na may propesyon na ang lalaki ay hindi pa rin ito nagbabago— ito ay mabait pa rin. Hindi muna siya pumasok ng barong-barong hangga't hindi naalis sa kanyang paningin ang likuran ni Haven. Hindi niya alam pero sobrang hanga ang nararamdaman niya sa lalaki. Naiiba ang tingin niya sa mga pulis sa tuwing naalala ito. Sadyang may mababait talagang mga pulis at mayroon namang mga masasama— tulad ng mga pulis na nakausap nila noon sa presinto. Mga pulis na mga hangal ang laman ng tiyan. Umiling-iling siya at kumatok na sa pinto ng barong-barong nila nang tuluyang maglaho ang pigura ni Haven sa madilim na parte ng daab. Pumasok agad siya pagkabukas na pagkabukas ng kanyang Lola Sarah ng pinto. Humagulhol agad ito pagkakita sa kanya. “Lola? Bakit po kayo umiiyak?” Napatingin siya sa dalawang kapatid niya nang papalapit ito sa likuran ng kanilang Lola Sarah. “Anong nangyari Macky at Cardoy?” baling niya sa mga kapatid. Maging ang mga ito ay umiiyak din. Hindi malaman ni Esang kung paano papatahanin ang tatlo mula sa pag-iyak. At hindi niya alam ang dahilan kung bakit ang mga ito humahagulhol. Habol ang hininga ni Lola Sarah nang magsalita ito. “N-nanakawan tayo, apo. W-wala na ang pera na pampiyansa sa Nanay Salvi mo sana. . . at ang ilang gamit natin ay sinama.” Lumaylay ang balikat ni Esang pagkarinig sa sinabing iyon ng Lola. Kung ganoon ay wala na ang pera na sana ay pang-laan sa Nanay Salvi nila kapag makita na nila ang bangkay nito, o kung hindi man kapag makita nila itong buhay. “Wala man lamang silang awa, Lola. . . bakit tayo pang wala rin sa buhay?” Hindi na niya napigilan ang mapa-iyak. “Ate. . . bakit may ganoong tao sa mundo? Bakit nagnanakaw sila? Bakit hindi sila tumulad sa atin na naghihirap para makaahon sa buhay? Bakit kailangan pa nilang gumawa ng masama sa kanilang kapwa?” isang tanong ni Macky na siyang nagpukaw sa atensyon nilang lahat. Ngumiti ang Lola Sarah nila at yumuko ito para harapin ng kapatid niya. “Nagagawa nila iyon Macky at Cardoy dahil sa wala na silang mahanap na paraan. Desperado na silang magkapera at may makain. Kaya't siguro nagagawa na nila ang masasamang bagay dahil kinakailangan na nila. Tulad nating hirap din sa buhay, pero tayo ay hindi naman nagmamadali kaya't natitiis pa natin ang pagkalam ng ating sikmura. May kanya-kanya naman tayong dahilan at rason sa buhay kung bakit natin nagagawa ang isang bagay. Sadyang mas pinili lang nila gumawa ng mali kaysa sa mabuti.” . . . “Pero hindi ibig sabihin no'n ay huhusgahan na natin ang pagkatao nila. Oo, normal lang na magalit tayo dahil sa ginawa nila, pero hindi tama ang laitin sila at pagsalitaan ng mga masasama. Pilitin pa rin natin silang intimdihin sa abot ng ating makakaya. Kasi tulad natin ay nangangailangan din sila, pero sa maling paraan lang nila ginawa. Tatandaan ninyo iyan palagi Macky, Cardoy at Esang.” Tumango silang lahat matapos iyong sabihin ng kanilang Lola. Pagkatapos ng usaping iyon ay dumiretso na sila sa hapag-kainan para kumain ng hapunan. Kinalimutan na lamang ang pagnanakaw na naganap sa kanilang simpleng bahay na barong-barong. Tulad nga ng sabi ng kanilang Lola Sarah habang sila ay kumakain. Ipagdasal na lamang nila sa Diyos ang nangyaring iyon sa kanila. At bahala na ang Diyos sa kung sinoman ang nagnakaw ng pera at ilan nilang gamit. Para kay Esang ay tama ang sinabi sa kanila ng Lola Sarah, kahit nakagawa ng kasalanan ang isang tao ay hindi dapat na husgahan at pagsalitaan ng mga masasamang salita. Dahil hindi nila alam kung ano ang rason at totoong kwento sa likod ng pagkatao at kagagawan nito. Hindi nila alam ang buong katotohanan para apakan ang kapwa tao. Huminga si Esang ng malalim at napatitig sa kanyang Lola Sarah— maging sa mga kapatid. Ang mga aral ng kanilang Lola ay babaunin niya hanggang sa siya ay tumanda at sana ay ganoon din ang gawin nila Macky at Cardoy. . . . MAAGANG nagising si Esang kinabukasan para ipaghanda ulit ang kanyang dalawang kapatid ng umagahan at baon ulit sa eskwelahan. Hindi lang din iyon kundi para maabutan niya si Aling Lolita na siyang magdadala sa kanya sa kaibigan nito— na naghahanap ng kapalit bilang katulong. Mabilis na lumipas ang oras at nagpaalam na ang kanyang dalawang kapatid para pumasok. Agad naman siyang naghanda para ihatid ang kanyang Lola Sarah sa tindahan. Ngayong araw ay nanigurado na siya— dinala na niya ang lahat ng kanilang pera. Ibinigay niya ang kahati kay Lola Sarah para kahit papaano ay may dudukutin ito kapag may bibilhin. Nagpaalam agad siya sa matanda nang maihatid ito. Mabilis siyang tumungo sa daan papunta kay Aling Lolita. Sa kanyang paglalakad ay hindi maiwasan ni Esang na marinig ang mga panlalait at tsismis ng mga taong naroroon sa distrito, patungkol sa kanyang Nanay Salvi. Hindi na lamang niya iyon pinansin at nagpatuloy na sa paglakad. Masasayang lang ang oras niya kapag pagtuunan niya ng pansin ang mga pagtsitsismis ng mga ito laban sa kanyang ina. Hindi aakalain ni Esang na sadyang may ganoong tao sa mundo— nabubuhay na lamang sa panlalait at pang-aapak ng ibang kapwa. Hiling niya na sana ay mabago na ang mga ito; mahanap na ang katotohanan at kapayapaan sa puso. Sana nga. Iyon ang hiling ni Esang. Hindi niya naman maipagkakait ang katotohanan. Lalo na at ganito ang kanilang sitwasyon. Pero kahit na magkaganoon ay hindi siya titigil hanggang hindi natutupad ang kaniyang mga pangarap sa buhay. Kahit na anoman ang mangyari, gagawin niya ang lahat.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD