Bestfriends,
Pag-uwi ko ay agad kong ikinuwento ang mga nangyari sa mga kapatid ko, palagi silang nagpapakwento tuwing uuwi ako galing Recollection o Retreat.
Mahilig rin kasi silang makinig patungkol sa diyos. Kung anong naiku-kwento ni Father ay ikinukwento ko rin sa kanila. Nakakatuwa ngang isipin na mayroon kaming sariling recollection tuwing gabi.
May mga gabi rin nga na hindi sila nakakatulog kakatanong kung ano ang mga susunod na nangyari, kaya minsan ay nadadamay ako sa pagpupuyat nila.
Paminsan din ay gumigising pa kami ng maaga tuwing linggo para lang panoorin ang superbook sa t.v dahil lang sa hilig nila sa kwento tungkol sa bible. Hindi pa yata sapat ang pagbabasa naming ng bible minsan. Kahit naikwento ko na rin ang bawat bahagi ng palabas na iyon ay gusto pa rin nilang panoorin.
“Kaya kayo dapat, mahalin niyo sina Mama at Papa, palagi dapat niyo silang paalalahanan na mahal niyo sila. Kahit na maiksi lang ang oras ni Papa tuwing umuuwi siya rito, at kailangan niya ulit umalis huwag niyong kalimutang sabihan siya ng mahal niyo siya kahit pa nga paulit-ulit na tipong maririndi na siya. Napakalaking bagay noon para sa kanya.” ani ko,
“Okay Eli.” sagot naman ni Sheridan,
Nagbabalat ng orange na galing pa sa puno na tanim na Papa sa bakuran para sa kapatid niyang bunso na babae.
“Ate Eli.” sita ni Stevan kay Sheridan nang tawagin ako nito sa mismong pangalan ko. Mas matanda si Stevan ng apat na taon kaya pinapangaralan niya ito.
“Nadapa ako kanina pero walang sumalo sa akin, tapos nadapa rin ‘yong kaibigan ko, sinalo ko.” Napatingin ako sa biglaang salita ni Eliah, na kanina pa nakatingin sa kalawakan ng langit.
Minsan ganoon talaga si Eliah, nakakatuwa nga dahil parati siyang nagkukwento sa akin kaso nga lang ay hindi ko naman nagugustuhan ang karamihan sa kanila, kung ang dahilan naman na kung bakit niya iyon ikinukwento dahil lamang sa nagsusumbong siya ay parang masakit na rin iyon para sa akin.
Kunot noo ko’t prinoseso ang sinabi niya.
Si Eliah, madami siyang napagdaanan kahit na walong taon pa lamang siya, hindi ko alam kung ilang beses na siyang lumipat ng school dahil sa mga nang bu-bully sa kan’ya, hindi ganoong fast learner si Eliah, dahil sa naging mahina si Mama noong ipinapanganak niya ay nakakaapekto iyon kay Eliah.
Kaya sa tatlong nakababata kong kapatid, sa kanya ako palaging nakatuon. Ayaw kong maramdaman niya ang naramdaman ko noong bata pa lamang ako. Kung paano ako umuuwing luhaan dahil sa mga nang-aaway sa akin sa school.
Gusto kong magkaroon siya ng mga tunay na kaibigan, hindi man marami pero alam kong totoo sa kanya.
“Ang bait naman ni Iya, maganda iyong tinulungan mo ang kaibigan mo.” sabi ko, gumaan man lang ang loob.
“Sana ay natulungan din nila ako.” ito na nga ba ang sinasabi ko,
Bumuntong hininga siya, hindi ko mapigilang yakapin. Gusto kong maging matibay ang kapatid ko, kung paano ako nahulma at naging matapang na hindi na lamang pinapansin ang mga ‘yon, gusto kong gano’n rin siya.
Dahil pag dating ng araw, walang ibang tutulong sa kanya kun'di ang sarili niya lamang.
“Dapat tinawag mo ako noong nadapa ka!” ani Sheridan, pinagmamasdan ang itim na kalangitan habang asim na asim sa kinakain na orange. Napipikit-pikit pa ang isang mata.
“Ang layo mo kaya, tagal mo pa dumating.” Si Eliah, pag ismid niya pa, napahalakhak ako.
“Hayaan mo na, tinutulungan naman kita sa mga assignments mo.” si Sheridan na patuloy pa rin sa pag banat doon sa orange.
Bumuntong hininga na lamang ako.
“Isipin mo na lang si Ian, ‘yong crush mo. Pag nadapa ka ulit tutulungan ka niya.” may pag ngisi pa si Sheridan, kahit kailan talaga itong bata na ito.
Napahalakhak ako. may pinagmanahan talaga kay Papa.
Bago pa ako mag salita muli ay nakasabat na si Stevan.
“Ian, Iya. Hindi bagay.” supladong sabat naman ni ni Stevan, imbis naman na orange ang pinagkakaabalahan ay pinili na lang ayusin ang nasirang tsinelas.
Natawa akong muli.
“Bawal muna magka-crush.” pahabol niya, kilabot pa ang panlalaki ng mga mata.
“Eh bakit si Eli, crush niya si Kuya Isaac.”
Ay ano? Namula ang magkabilang pisngi ko, medyo nangingiti rin sa remarkang iyon ni Sheridan. Muntik ko na siya busalan ng panyo sa bibig.
“Tumigil nga kayo.” Napasapo ako sa noo, nahihiya
“Kaya pala noong bumisita siya sa flower shop, sobrang saya mo na tinapos mo na ang hugasin ko.” pang-aasar pa ni Stevan.
Inasar pa nga ako ng dalawang, ang mga batang ito talaga, hihintayin ko ang pag tanda nitong dalawa at ako naman ang tatawa kapag hindi sila sinagot ng mga babaeng gusto nila.
“Dahil minsan na lang kami magkita, sa Maynila na siya nakatira ‘di ba?” sabi ko, totoo naman. Kahit totoo rin ang sinabi nila.
“Bakit ‘di mo aminin sa kanya?” dagdag pa ni Stevan.
Lumunok ako, iyon ang hindi ko sigurado kung kaya ko bang gawin. Hindi ganoon kadali, kung tutuusin hinihintay ko na lang na mawala ito tutal hindi naman na kami parating magkakasama, at isa lang naman ako sa mga nagkakagusto sa kan’ya. Pasalamat na lang din ako dahil naging kaibigan ko siya kahit pa sa maikling panahon.
Matalik pa.
Hindi naman kasi mahirap magustuhan si Isaac. Mabait, matalino, halos perpekto at walang pinipiling kaibigan.
Alam kong mali ang magkagusto sa kan’ya, lalo na’t may iba na siyang gusto at magkaibigan lang ang itinuring niya sa akin hindi na lumampas pa roon. Sinabi niya iyon sa akin bago siya lumipat ng Manila.
Iyon ang araw na naging mailap ako kay Isaac, hindi na kami nagkikita tuwing umuuwi siya, hindi rin ako makapag desisyon ng maayos kung magiging casual ba 'ko, dahil hindi naman niya alam na may gusto ako sa kan’ya o lalayo dahil kahit papaano ay nasasaktan din ako.
Dahil ngayon pa lang alam kong nawawala na ang friendship na iniingatan ko.
Na alam kong kahit hindi ako umamin, hindi na rin kami magiging tulad noon.
“Pero paano kung gusto ka rin niya? Natatakot lang siya.”
Umiling ako sa tanong ni Stevan, dalawang taon lang naman ang tanda ko sa kan’ya kaya ganito na kami mag usap, sa paraang ganito ay nalalaman ko rin ang mga nararamdaman at naiisip ni Stevan patungkol sa mga ganitong bagay.
“Hindi siguro, mayroon siyang ibang gusto…”
“Oo, alam ko. Pero Ate, paano kung ikaw talaga ang gusto niya?”
Imposible.
“Imposible. Ang layo, ang layo ko sa mga natitipuhan niya.”
Sumimangot si Sheridan, pinagmasdan naman ako nitong si Stevan.
“Dapat ba maging tulad ka muna ng mga natitipuhan niya bago siya magkagusto sa’yo? Eh kung hindi ka pala niya magustuhan bilang ikaw ay mabuting ‘wag na lang, ayos na 'yang umaasa ka na lang.” nagugulat naman ako sa kaseryosohan nitong si Stevan, kay Mama naman siguro nagmana.
“Hindi ko alam Stev, alam ko lang malabo kami.” pumangalumbaba ako,
“Anong balak mo? Ang tagal na niyan eh.” aniya,
Oo nga matagal na, kaya panigurado naman na mawawala na rin ito. “Mawawala rin ‘to.” bulong-bulong ko, pinipilit na pawiin ang pangamba at lungkot.
“Paano kung hindi?”
Tumahimik ako, pinagmasdan ang mga constellations sa langit. Hindi maintindihan ang iba kung paano sila nagkokonekta.
Hindi ko alam sa totoo lang.
Tulad ng mga normal na teenagers, natutunan ko rin namang magkagusto, malas nga lang dahil sa kaibigan ko pa, sa hindi pa puwede.
Mayaman at guwapo kaya paniguradong bagsak na ako, ‘di naman kami gaya ng mga nasa libro na ang isang sikat at guwapo ay mai-inlove sa isang commoner at iyon. Masaya silang nagmamahalan.
Ang reyalidad at mananatiling reyalidad.
Hindi ako ganoong maganda, at maipagmamalaki ko lang ay ang kakayahan kong maka-top sa Dean’s List at makakuha ng scholarship sa prestihiyosong unibersidad.
“Natatakot ka kasi, ang totoo ay napakalaki ng insekyuridad mo sa sarili mo, na iniisip mo na ‘ganto ka lang’. Sino ako para magkagusto sa kan’ya, gano’n palagi ang iniisip mo, basa kita Elisha. At mas gugustuhin mo ba iyon? Na magugustuhan ka lang ni Isaac dahil maipagmamalaki ka dahil maganda ka? Hindi ba't gusto natin iyong gusto tayo dahil gusto tayo.”
Hindi ko maitatangging tama ang mga sinasabi ni Samantha, ang kaibigan ko. Habang pumapatay kami ng oras dito sa canteen.
“Alam mo kailangan natin ‘yan, ako ilang beses ko nang naramdaman yan, na parang hindi ako kagusto-gusto kaya lagi akong iniiwan, kaya eto alam ko na ang gagawin ko, alam ko na kung sino at kanino ko lang ibibigay ang tamang emosyon na ibinibigay ko sa maling tao. Kung hindi ka gusto Elisha edi hindi, kung gusto edi okay.”
Sumubo siya sa inorder niyang banana split, tumango-tango na lang ako at kumain na lang din.
Hindi ko napansin na masyado ko na palang dinaramdam ang mga nararamdaman ko, at parang hindi na yata ako makahinga kaya agad kong ininom ang tubig ko.
“Oh tingin mo ‘tong isang ‘to. Puro kagaguhan ang alam.”
Sinilip ko ang tinitingnan niya sa kaniyang cellphone habang lumalagok ng tubig. Picture ng isang lalaking akala ko sa unang tingin ay artista. Isa lamang palang estudyante rito.
“You’re not my child, but you can call me daddy? Aba ayos din ‘tong quoted comment ng tropa niya. Nakakadiri talaga.” umiling-iling pa siya,
Nakita ko nga ‘yong comment na ‘yon pero di ko na lang pinansin.
Muli pa siyang nagbasa.
“Daddy Rios? Aba! At babae pa ang nag comment no’n ha? Hindi ko talaga nagugustuhan ‘to para sa’yo.” bulong-bulong ni Samantha.
Kumunot ako sa huling sinabi, bubuksan na sana ang aking bibig ngunit naunahan lang niya.
“What’s beneath the towel, 10 inc— ano ba ‘to? Nako Elisha sinasabi ko talaga sa’yo ha” patuloy niya pang pagbabasa,
Napapatawa na lang ako.
Bakit ako?
Dahil ba sa comment? Hindi naman ako ganoon ka sensitive, sanay na ako sa mga nakakasama ko sa classroom. Iba’t- ibang lalaking bastos na ang nakakasalamuha ko. Kaya hindi na big deal ‘yong mga ganyang tao.
Hindi naman dahil sa nasanay na rin ako, kun'di ay wala naman akong magagawa. Hindi ko na alam kung paanong suway pa ba dahil ang mga guro nga na mas nakakatanda ay hindi na sila mapagsabihan, ano pa kayang magagawa ng isang estudyanteng tulad ko?
“Huwag ka sa mga ganitong lalaki ha Elisha, hindi nakakabuti ang mga ganito sa’yo. At kung aamin ka man, mabuti na nga na sa mga tulad ni Isaac, kakaunti na lang ang mga gano’n, at kung sakaling hindi, humanap ka agad ng katulad niya, baka tangkilikin pa ‘to ng iba at maging kagaya nila, kawawa ka.” ani Samantha, inis na inis, na kahit pa ang pagkain ay pinanggigilan na rin.
Sa pag isip-isip ko, para akong naliwanagan sa sinabi ni Samantha, kahit papaano ay para akong nagkaroon ng lakas ng loob, humarap ako sa salamin sa bahay at nakita ang repleksyon ko.
Ang waxy kong buhok ay nakakalat lang sa aking mukha, ang maliliit na pekas na nagkalat sa ilong at itaas ng pisngi ay bahagyang natakpan ng pulbo, nilagyan ko ng kaunting lip balm and medyo nanunuyo’t mapintog kong mga labi.
Iniisip ko ang tanong na hindi kailanman maisasagot, bakit ba kasi hindi ako maganda?
Sinuot ko ang putting sneakers at huminga.
Napagdesisyunan kong sumama sa paanyaya sa akin ni Isaac kamakailan lang, catch up lang daw dahil uuwi na siyang Maynila.
Nagkita kami sa katabing coffee shop kung saan palagi naming pinag tambayang dalawa noon, tuwing may hinahabol kaming requirements, projects at assignments.
Nakaupo siya roon pag dating ko, mag isa at may hinihintay. Sobrang perfect kung hindi lang ako ang darating.
Kinagat ko ang aking ibabang labi at unti-unting pumasok. Agad kong nakasalubong ang mga ngiti at tingin niya, halos mabilaukan ako, pakiramdam ko ito ulit ang una.
“Elisha!” tinawag niya ako,
Pinitik ko ang sakit at inalis ang awkward na ngiti, pinalitan ng totoo. At hindi ko man lang alam kung nagawa ko ng ba ng maayos dahil mukha namang hindi.
Naupo ako sa harap niya, ilang sandali pa ay may dumating na waiter at nag lapag ng napaka daming pagkain sa harap.
“I missed you.” ang unang sambit niya, para akong mahihimatay sa kaba.
Abot langit, parang gusto kong tumakbo ng hospital at kumuha ng oxygen tank doon. Kilig at paghihirap ay nararamdaman ko ng sabay.
Ang hirap huminga kahit sa tatlong salita pa lang na iyon.
Kinuha ko ang tinidor at unti-unting tinikman ang pagkain na hinain sa akin. Hindi ako gutom pero kailangan may gawin ako habang nakatingin siya sa akin, at parang ayaw ko na lamang kumilos. Dahil sa bawat kilos ay pinagmamasdan niya ako.
“Kumusta naman ang araw mo?”
Kumusta na nga ba?
Nag-angat ako ng tingin at nakita siyang ngumiti.
Isa sa mga nagustuhan ko sa kanya ay ang pagiging maalaga niya, habang tinatanong niya ako ay nilalagyan niya ang plato ko ng iba’t ibang pagkain.
“Ayos naman.” Ngumiti ako, hirap tingnan siya ng diretso. Wala naman akong kasalanan pero bakit pakiramdam ko lang ay mayroon?
Tumango siya at saka kumain, mahirap pala iyong ganito. May nararamdaman ka pero kailangan mong itago para lang isalba ang kung anong mayroon kayo. Ang nakakatakot pa ay kung may maisasalba ka ba talaga.
“’Di ka ba busy? Hindi ba kita naabala?”
Medyo bumaba ang ngiti niya, napalitan iyon ng pag aalala. Agad akong umiling.
“Hindi naman, bakit?” pinilit na tingnan siya,
Rinig ko ang buntong hininga, akala ko'y magagalit.
“These past few weeks… Elisha. Nahirapan akong hagilapin ka, minsan tinatanggihan mo pa ako. May problema ba tayo?”
Nangamba ako kaunti, kung kaya akong basahin ni Samantha na kaibigan ko, malamang kaya rin akong basahin ni Isaac. Kung sakaling basa niya na ako bakit hindi pa siya naiilang?
O baka hindi niya lang pinipili tingnan ang bahaging ito, ang bahagi ko na may gusto sa kanya?
“Marami lang akong ginagawa….” Hindi naman ako makapag-sinungaling.
Totoong marami akong ginagawa. Hindi ko na nga alam kung paano ko pagkakasyahin ang oras ko.
“Elisha, I know you. And you’ve been avoiding me, what’s wrong?” tila nang aamo pa ang boses niya,
Hinahanap pa niya ang mga mata ko at mariin ko namang iniiwas iyon. Ngunit sinigurado kong nakangiti ako kahit hindi na iyon totoo at hindi na rin matigil ang mala-tambol na kabog ng dibdib ko. Natatakot na baka mahuli ang mga mata kong may itinatago, bigo at hirap sa pagmamahal na nararamdaman.
Ganito pala ‘yong feeling na ‘yon ano? Ang hirap itago, ang hirap din namang ilabas. Mas lalo mong gustong ikulong, mas lalong kumakawala.
“Binista kita sa simbahan, hindi mo iyon alam dahil iniiwasan mo ako. Elisha, bakit?” puno ng hinanakit ang tanong na iyon, para bang ayaw ko na lamang sagutin dahil masasaktan lang din ako.
Umiling ako.
Nakaramdam ako ng matinding sakit, hindi ko alam kung dahil ba iyon sa kaba o dahil sa kung anong nararamdaman ko sa kanya.
Masakit ba talaga ang magkagusto? Kung ganito na kasakit ang pagkakagusto sa isang tao, paano pa ang magmahal?
“Sabihin mo please, you’ve been off to me lately, may nagawa ba akong mali?”
Paano kung ito na ang huli? Paano kung hindi na kami muli pang magkikita?
Kahit na nahihirapan na akong huminga dahil sa nagbabadyang luha, nagawa ko pa ring ngumiti. Kung ang pag ngiti ang magbibigay sa kanya ng katiyakan ay buong puso ko iyong ibibigay kahit pa hindi saya at galak ang nararamdaman ko ngayon.
Ngumiti ako dahil gusto kong maging matapang sa nararamdaman ko.
Gusto kong i-deny pero bawat araw naiisip ko ano bang maganda paraan para tuluyan na itong mawala, ano bang magandang paraan para hindi na muli pang matakot?
Harapin mo, tila sambit ng boses sa utak ko.
“Alam mo, matagal ko na ‘tong pinag isipan. Hindi ko na nga alam Isaac kung hanggang kailan ko ito maitatago sa'yo pero para lang malaman mo ay hindi ko na rin gustong hanggang dito na lang ako." malalim akong bumuntong hininga,
"Lumampas ako sa linya natin bilang magkaibigan. Alam ko rin na may gusto kang iba pero… gusto kasi kita.”
Pikit mata.
Ang luha ay tuluyang bumagsak at ipinamukha sa akin ng hikbi ko na hindi pa pala ako matapang, na kahit sinabi ko alam kong takot pa rin ako sa maaaring mawala.
“Eli?” tinawag niya muli ako at alam kong iyon na ang huli, wala man kasiguraduhan ay alam kong iyon ang huli.
Alam kong may mahal ng iba pero sumugal pa rin ako, umaasang makikita niya ako hindi lang bilang kaibigan.
“Sorry.” yumuko ako, umaasa
Hindi ko ata kaya, pero narito pa rin ako. Sobrang sakit pero nanatili ako.
“Hindi ko alam na ganito, bigla nalang… nahirapan na kasi ako Isaac pero ayos lang naman ako, mawawala rin ‘to siguro.” kahit taliwas ang nararamdaman ko, kahit pagpupumilit pa na magiging maayos rin ang lahat.
Umiling siya, nakatingin sa akin, naaawa.
“Alam mo… si Ashi at ako…” pabulong niya iyon na sinasabi, may pag dadalawang isip, nag-iingat na baka mabasag ako ng mga salita niya. Masakit, ang hirap pala kapag ang tagal mong gusto tapos matagal mo ring naitago. Ngayon na ilabas mo na, hindi mo alam kung paano ka hihinga, kung may pinaglalagyan o wala, kung mayroon, saan? Kung wala… tanggapin na lang. Ang daling pakinggan ngunit kay hirap gawin.
Tumango ako, panibagong luha ang mga pumatak, inabutan niya ako ng tissue at agad ko iyong tinanggap.
Kung ganito lamang kadali tulad nang pagtanggap ko sa tissue na inabot niya, ngunit ang nararamdaman ko ay hindi tissue lang.
“I’m sorry Eli but... we can only be bestfriends.”
Napapikit ako sa narinig, hindi nakagalaw sa kinauupuan, nakapako na rin ang kamay kong mahigpit na nakahawak sa tissue na binigay niya.
Siguro ganoon talaga, umaasa ka pero hindi ka sigurado, puwede iyon. Hindi mo nga alam kung hanggang saan, uuwi kang iiyak pero alam mo sa sarili mo na atleast sinubukan mo, kahit na nakakatakot atleast na ipaalam mo kung anong nararamdaman mo.
Masakit man dapat tanggapin, hindi puwedeng hindi tayo tatanggihan sa mundo. At Salamat dahil nakatagpo ako ng isang mabuting kaibigan, mali nga lang dahil nahulog ako.
Courage is like love, it must have hope for nourishment.
--