“Sige dai ingat ha.” Si Mikey habang kumakalas sa pagkakayakap sa kanyang kaibigang si Megan. Inihatid niya ito sa airport, dahil pauwi na ito ng Pinas at siya naman ay next week na rin. Maiyak iyak na siya dahil mamimiss niya talaga ito. Sa ilang taon kasi niya itong nakasama sa hirap at ginhawa ay ngayon lang sila nagkahiwalay.
Nakatanaw lang siya habang papalayo ito sa kanya bitbit nito ang mga bagahe. Nagpipila na ito sa may check in counter ng makita niya kung sino ang nasundan nito sa pila. Bigla nalang itong sumenyas na parang kinikilig dahil ang nasundan lang naman nito ay ang nag-iisang knight and shining armour nitong nagligtas dito noong nakaraang araw na naka encountered ito ng away dahil sa hitsura nitong hindi naman nakakabastos pero kadalasan talaga na-e-skandalo. Sa taglay ba naman na kagandahan ng kaibigan niya walang lalakeng hindi maaakit dito.
Noong nagsabog ng kagandahan at kaseksihan yata ang panginoon sa mundo sinalo na lahat ni Megan. Samantalang siya tulog yata noong panahon na iyun. Hindi naman siya pangit, pero hindi rin maganda. In short, simple lang. Wala siyang hilig sa mga kulurete sa mukha maging sa katawan.
Maraming nagsasabi pang beauty queen ang height niya pero ang ganda ewan. Kamukha naman daw niya ng konte si Mikee Cojuangco. Pero mas black beauty ito samantalang siya mestisahin kaso hindi lang marunong mag ayos. Pati pananamit gusto niya yung t-shirts at jeans kaysa skirts at gowns. Eh sa ayaw niya, doon siya komportable. Instead na heels ay mas mahilig siya sa converse or rubber shoes.
Hanggang balikat lang ang buhok niya at medyo curly lang ang kaya niyang gawin. Palagi din siyang nag sasalamin pang reading glass dahil nakasanayan na niya. Hindi naman siya badoy tingnan pero hindi din naman attracted. Pero kahit ganun, okay pa rin naman sa kanya. At wala pa rin naman sa hinagap na magboboyfriend na siya dahil wala pa sa bokabolaryo niya iyun. Kahit sumubok ayaw niya, at wala siyang pakialam kung lampas na sa kalendaryo ang edad niya at NBSB pa siya. No Boyfriend Since Birth.
Pero kahit ganito siya marami rin naman nagpapahiwatig na mga kasamahan niya sa trabaho na manliligaw sa kanya pero lagi nalang niyang binabara. Lalo na ang kasamahan niya sa part time job nila sa siomai, si Clark. Kahit na ilang beses niyang ireto ito kay Megan ay siya pa rin ang gusto nito. Pero paano ba kasi? Kahit hindi naman pangit si Clark hindi niya pa rin magugustuhan. Kahit boyish din naman ang style niya hindi rin niya type ang magkagusto sa isang babae. Baka siguro hindi pa ipinapanganak ang lalaking magugustuhan at maiibigan niya habang buhay kung hindi kasawian ang ibibigay sa kanya. Baka matulad lang siya ng mama niya.
Huwag naman sana? Kaya nga ayaw niyang magboboyfriend muna dahil ayaw niyang masaktan.
Nasa kalagitnaan siya sa daan sa nagkukumpulang mga taong inihahatid ang kanilang mga mahal sa buhay sa loob ng airport ng Dubai na iyun. Pabalik na siya sa exit para habulin ang huling bus papunta ng Mall kung saan doon siya nagtatrabaho bilang supervisor na ng restaurant. Matagal tagal na kasi siya roon kaya naging supervisor na siya.
Nakapagpaalam at nakapafill up na naman siya ng form for vacation at naapprobahan na naman ito ng boss nila sa restaurant na iyun para next week na uuwi na siya ng Pinas.
Medyo excited lang siyang umuwi sa Pinas, wala din naman kasi siyang pamilya ibig sabihin literal na pamilya tulad ng ina at ama o di kaya mga kapatid. Tita lang siya ang meron siya dahil simula ng ipinanganak siya sa mundong ibabaw ang tita Pat lang niya na kapatid ng nanay niya ang nakagisnan niya. Itinuring din naman siyang parang tunay na anak nito kaya sinuklian lang din niya ng kabutihan ang ginawa nito sa kanya. Ito lang ang pamilya niya. Hindi nadin naman ito nakapag-asawa ulit simula ng mamatay ang asawa nito, at hindi din binayayaan ng anak.
Kaya ganun nalang ang pagkakainggit niya sa mga kakilalang may mga pamilya sa Pinas dahil may mga magulang at kapatid ang mga ito. Eh siya?wala. Kaya si Megan lang ang naging kaagapay niya sa buong buhay niya at ang Tita Pat niya.
Nasa kalagitnaan siya ng paglalakad takbo dahil paparating na ang sasakyang binook niya sa labasan ng airport na iyun. Ayaw na niyang magbus at baka magahol na siya sa oras sa trabaho. Bitbit niya lang ang nabiling kape sa isang food court na nadaanan kanina. Sa pagmamadali niya dahil mahirap pa naman magbook ulit ng sasakyan ay nasagi ng isang lalaki ang kape niyang bitbit at tumilapon iyun. Ganun nalang ang pakiramdam ng panghihinayang ng makitang naubos ang lahat ng laman ng iyun.
Ang mahal pa naman ng kapeng iyun na paboritong paborito niya. Maliban sa alak ay kape din ang pinakapaborito niyang inumin. Kaya ganun nalang ang pagkainis niya sa tangang taong gumawa noon.
“Hoy ikaw?!” Baling niya sa lalaking nakatalikod at may kausap ito sa telepono. Parang wala man lang itong pakialam sa nagawa. Parang walang narinig na nagpatuloy lang ito sa paglalakad, kaya naman nasundan niya ito dahil gustong gusto niyang jumbagin ang pagmumukha nito pagnakaharap niya ito.
Maliban kasi sa ang liliksi ng kilos ng lalaki ay ang tangkad pa nito. Marami ding taong nakaharang at nakasiksik. Matangkad din naman siya pero mas matangkad pa rin ito. Habang nakasunod dito ay kita niya lang ang malalapad nitong likod at nakasuot ng white tshirt with collar at naka-slacks pants. Ang pagkakaalam niya military lang ang nagsusuot ng ganito.
Nawala sa isip niya ang sasakyang binook dahil gusto niyang konprontahin ang gumawa sa katangahang pagtapon ng kanyang kape. Ang masaklap parang hindi naman nito alam. Ano ba ito? Robot?walang pakiramdam?
Sinusundan lang niya ito at curious siya sa matangkad at malapad na balikat na iyun este sa lalaking tanga. Hanggang sa nakita niyang lumalabas ito sa exit sa may parking lot.
Gusto niyang itapon sana ang bitbit niyang takip nalang ng kape kaso baka hindi umabot at tuluyan niya itong nakitang pumasok sa isang BMW na sasakyang nakaparada doon.
Nagslow motion naman sa kanya ng tuluyang mahantad sa kanya ang mukha ng lalaking sinunsundan. Ngunit papasok na ito sa loob ng sasakyan.
Oh my?! Ganun nalang ang pagkamangha niya sa mukha nito. Bukod pala sa matangkad at malapad ang katawan nito ay ang gwapo pa talaga ng sinusundang lalaki.
Biglang tigil sa pag-inog ang mundo niya. For the first time na nakadama siya ng ganitong paghanga sa isang lalaki. Kamukha ito ni Eddie Gutierrez noong kabataan pa nito.
Parang biglang napagkit at hindi na mabura ang ipinintang mukha ng lalaking iyun sa isipan niya simula ng araw na iyun hanggang sa trabaho ay hindi na nawala sa isip niya ang mukha nito.