Chapter 5

1996 Words
Minabuti na lamang niyang magtungo sa kanilang kusina. Titingnan muna niya kung nakapagsaing na ang kanyang ina. Napatingala siya sa bubong nila at nag-isip. Nagtataka siya kung bakit wala pang luto na kanin ang kanyang ina. Ngayon pa lamang ang unang beses na nangyari ito. Saan naman kaya ito nagpunta? Napakibit siya ng balikat. Baka nagtungo siguro sa palengke, naisip niya. Sinilip muna niya ang dalawang kapatid niya na mahimbing pa rin na natutulog. Nakabaluktot pa itong pareho habang nakatalukbong ng kumot. Napangiti siya. Ipinasya na niyang magluto. Kinuha na niya ang kaldero at nilagyan ng bigas. Dalawang gatang ang inilagay niya at pagkatapos ay lumabas na siya bitbit ang kaldero. Nilagyan na muna niya ng tubig ang timba. Pagkatapos ay nagsimula na siyang sumalok ng tubig sa tabo at lagyan ang kaldero. Tatlong beses niyang niluglugan ang bigas pagkatapos ay nilagyan na niya ito ng tubig at sinukat gamit ang tatlong daliri sa gitna ng kanyang palad. Pumasok na siya sa kanilang kusina. Kumuha na siya ng panggatong na nasa isang gilid sa bandang ilalim ng kanilang kalan. Inayos niya ito at inilagay sa ilalim ng kalan na yari lamang sa bakal. Kinuha niya ang posporo at sinindihan ang papel na kanyang pinilas mula sa lumang notebook na gamit na. Nagsimula na siyang paapuyin ang kanilang kalan. Tagaktak na ang pawis niya ay hirap pa rin siya na paapuyin ito. Nakailan beses na siya ng pag-ihip upang mapaapoy ay wala pa rin. Pakiramdam nga niya ay kinakapos na siya ng hininga. Paulit-ulit ang pagsindi niya ng papel at inilalagay sa ilalim ng gatong bago niya tuluyan na napaapoy ito. Napabuga siya sa hangin. Ito palagi ang isa sa pinakaayaw niyang gawain sa bahay. Napakahirap kasing gawin. Nang makapagpahinga siya nang kaunti dahil sa naramdaman na pagod ay umakyat na siya sa upuan. Inabot niya ang basket na nakasabit mula sa bubong nila na yari sa pawid at kawayan. Kinailangan din niyang tumingkayad pa bago niya ito maabot. Naghanap siya ng mailuluto mula sa basket. Nakita nga niya ang tuyo na nakabalot pa. Mayroon pang dalawang itlog na natira. Kinuha niya ito at inilagay sa mesa. Masarap naman sana talaga ang tuyo at itlog sa almusal. Kaya nga lamang dahil madalas nilang ulam ay nakakasawa rin minsan. Sa sobrang hirap ng buhay nila ay kailangan na pagkasyahin lamang nila ang kinikita ng kanyang ina mula sa paglalabada. Kung saan sila makakamura sa ulam ay roon sila. Sa loob yata ng isang taon ay mabibilang sa daliri niya kung ilan beses silang nakapag-ulam ng karne. Tumayo na muna siya at kinuha ang takore. Lumabas siya upang lagyan ng tubig ito mula sa poso. Sa pag-iisip niya sa ina kanina ay nawala sa isip niya na mag-init muna ng tubig upang makapagkape muna siya. Inilapag niya sa lababong yari sa kawayan ang takore at inalis muna sa apoy ang kaldero. Pang-dalawang baso lamang naman ang iinitin niya kaya siguradong madali lamang kukulo ito. Gusto na kasi niyang makahigop ng kape kaya habang hinihintay niya ang pagkulo ng tubig ay nilagyan na niya ng kape ang tasa at nilagyan na rin niya ng asukal. Makalipas naman ang ilang sandali ay kumulo na ang tubig. Kinailangan lamang na lagyan niyang muli ng gatong ang kalan dahil medyo lumiliit na ang mga nauna niyang inilagay kanina. Kasalukuyan na siyang nagkakape nang marinig niya ang tinig ni Iya. "Ate Maya," wika nito. Nakita niya ito na pababa ng hagdanan. Pupungas-pungas pa ito sa kanyang mata. "Nasaan si Inay?" pagpapatuloy na tanong pa nito. Nakaugalian na nito na pagkagising nito ay hahanapin na nito agad kung nasaan ang kanilang ina. "Hindi ko rin alam, Iya. Pagkagising ko kasi kanina ay wala na si Inay. Hindi ko alam kung saan nagpunta," tugon niya rito. Dumeretso na ito papunta sa kusina at naupo na kaharap siya. "Pahingi naman ako ng kape mo, Ate," pagkuwan ay wika nito sa kanya. "Hay naku, Iya. Alam mo naman na binabawal kayo ni Inay na magkape. Bata pa kayo kaya bawal pa kayong uminom ng kape." "Eh bakit ikaw ay pwede? Kami ni Ate Ysay naman ay hindi?" pangungulit nito sa kanya. "Kasi po matanda na ang Ate Maya niyo…" Kinurot niya ang tungki ng ilong nito. "Aray ko naman, Ate!" reklamo nito. "Pinanggigigilan mo na naman ako niyan eh." "Kasi naman napaka-cute mo talaga!" Inulit muli niya ang ginawa rito kaya napaaray na naman ito. "Isusumbong kita kay Inay mamaya!" Gulat siya nang bigla na lamang itong umatungal ng iyak. "Humanda ka!" babala pa nito sa kanya. Humagulgol na ito. Nakasumpong na naman ang pagiging ugaling bunso nito. Naalarma tuloy siya at nakaramdam siya ng takot. Kahit na kasi matanda na siya ay napapalo pa rin siya minsan ng kanilang ina kapag nagagalit ito. "Iya naman…Tahan na." Nilapitan niya ito at niyakap. "Nilalambing ka lamang naman ni Ate. Huwag mo naman akong isusumbong kay Inay," pakiusap niya rito habang malungkot ang mukha upang maawa ito sa kanya. Sa halip na tumigil ito sa pag-iyak ay mas nilakasan pa nito ang hagulgul. Sinubsob pa nito ang mukha sa mesa kaya naman umisip na siya ng paraan upang agad na mapatahan ito at baka mamaya ay bigla silang datnan ng kanilang ina. Talagang mapapagalitan na siya kapag nagkataon. Kinuha na niya ang tasa ng kape. "Iya, hindi ba gusto mo nitong kape ko? Masarap ito. Gusto mo ba ay bigyan kita…?" malambing na wika niya rito. "Inuuto mo lamang ako, Ate. Hindi mo naman ako totoong bibigyan niyan." "Hmmmp… Sinong nagsabing hindi kita bibigyan? Syempre bibigyan kita… Heto nga oh." Umalis na ito sa pagkakadukmo mula sa lamesa at tumingin sa kanya. Pinalis nito ang mga luha na tumulo sa mukha nito. Pagkuwan ay tumawa itong bigla. Natawa siya rito nang makita niya ang pagtawa na iyon ng kapatid. Wala pa naman itong ngipin sa harap. Nalusaw na dahil sa kakakain ng kendi at tsokolate. Kung makatawa ay parang walang iniyakan kanina. Baliw-baliwan din ito minsan. "Bibigyan mo talaga ako?" paniniguro nito habang nakatawa pa rin. "Opo! Pero sa dalawang kondisyon," wika niya rito sabay tutok niya ng hintuturo sa harapan nito. "Ha? Bakit dalawa? Ate naman!" nagmamaktol na wika nito. "Ganoon talaga. Ano? Ayaw mo ba?" Nag-isip muna ito habang nagdududang nakatingin sa kanya. "Sige na nga!" napipilitan na wika nito. "Ano ba ang kundisyon mo, Ate?" humalukipkip ito sa kanyang harapan. Natatawa talaga siya rito. Napakasarap kurutin ng dalawang pisngi. Nagpigil lang talaga siya dahil baka umiyak na naman. "Ang una kong kondisyon ay huwag mong sasabihin syempre kay Inay na binigyan kita. Pangalawa naman ay ngayon ka lamang iinom ng kape. Hindi ka na iinom muli." "Ha? Madaya ka naman, Ate eh! Niloloko mo'ko!" "Ano'ng madaya roon? Paano kitang niloloko?" Nakapamaywang na tanong niya rito. "Sige ka, ikaw rin, kapag nalaman ni Inay. Siguradong pareho tayong mapapagalitan. Gusto mo ba iyon?" "Syempre naman hindi, Ate. Ayokong magalit sa akin si Inay." "Dapat sundin mo kung ganoon ang kundisyon ko." "Oo na!" "Oh, siya. Sige. Sa iyo na iyan. Pero dahan-dahan ka sa pag-inom ha. Mainit pa iyan," paalala niya rito. "Aayusin ko lang ang gatong dito sa sinaing ko. Kumulo na eh. Baka masunog," wika niya sa kapatid. Sa loob-loob niya ay mabuti na lamang at kaunti na lamang ang natira niyang kape sa tasa kaya kaunti lamang ang maiinom ng kapatid. "Ate, kaunti na lang pala ang kape mo eh," reklamo nito. "Oo, kaunti na nga lang. Nainom ko na eh," sagot niya na hindi tumitingin sa kapatid. "Hindi naman pala masarap ang kape. Mapait ang lasa." "Oo. Tama ka. Ewan ko ba sa'yo kung bakit gustong-gusto mong tikman. Hayan ha. Alam mo na ang lasa. Siguro naman ay hindi ka na hihingi niyan sa akin sa susunod." "Hindi na, Ate. Kakain na lang ako ng almusal." "Sige. Hihintayin ko lamang na maluto ang kanin at iluluto ko na ang tuyo at itlog." "Iyan na naman ang ulam?" malungkot na tanong nito sa kanya. "Oo, Iya. Masarap naman ito hindi ba?" "Lahat naman ng inuulam natin ay lagi mong sinasabi na masarap, Ate. Kahit hindi naman totoo." Nilapitan niya ang kapatid at muling hinarap.Hinawakan niya ito sa magkabilang balikat. "Iya, hindi ba ay laging sinasabi sa atin ni Inay na kung ano ang mayroon tayo ay dapat na matuto tayong magpasalamat?" Tumango lamang ito. "Mapalad pa rin tayo kasi may kinakain pa tayo. Hindi ba iyong iba riyan sa labas ay walang makain. Pero tayo heto may tinitirahan pagkatapos ay may kinakain tayo. Ginagawa ni Inay ang lahat upang mabuhay tayong magkakapatid. Pinapaaral para balang araw ay umunlad tayo kaya dapat ay iisipin mo lagi iyon. Na maswerte tayo." "Sige, Ate," sagot nito habang nakayuko at pinagdidikit ang dalawang hintuturo nito. Binatil na niya ang itlog at nilagyan ng kaunting asin. Pagkataposb ay inalis na niya sa apoy ang kaldero dahil luto na ang kanin. Hindi na nila namalayan ang pagbaba ni Ysay ng hagdanan. "Ate, ano'ng niluluto mo?" wika nito at ginulo nito ang buhok ni Iya. "Ate, ano ba?!" saway ni Iya rito na tinawanan lamang ni Ysay. "Nagluluto ako ng scrambled eggs at tuyo para sa almusal," sagot niya kay Ysay. "Sarap niyan, Ate. Nagutom tuloy ako." Lumapit ito sa likuran niya at sinilip ang niluluto niya. "Magmumog ka na muna kaya roon sa labas. Mabilis ko lang itong maluluto at kakain na tayo." Nagtungo na si Ysay sa poso at doon ay nagmumug at naghilamos. Pagbalik nito sa mesa ay naghahain na siya. "Nasaan na kaya si Inay. Kakain na tayo ay wala pa siya. Saglit lang ha. Sisilipin ko lang sa labas si Inay kung naroon siya kila Tiya Iska. Dito lamang muna kayo ha? Mabilis lang ako. Babalik din ako agad." bilin niya sa dalawang kapatid. Lumabas na siya at nagtungo sa bahay ng kanyang Tiya. Kumatok siya sa tindahan nito na kasalukuyan pa na nakasara. Nagtataka lamang siya kung bakit nakasara ang tindahan nito. Maging ang tahanan ng mga ito ay nakasara rin. Naubusan na siya ng tinig ngunit wala naman lumalabas kaya napilitan siyang bumalik na lamang sa kanilang tahanan. Pagbalik niya sa kanilang tahanan ay sinabi niya sa dalawang kapatid na walang tao sa tahanan ng kanilang Tiya Iska. Hindi rin niya nakita sa daan ang kanilang ina. Malungkot man ay kumain na silang magkakapatid ng agahan. Matapos silang kumain ay nagtulong-tulong sila sa paglilinis ng bahay upang pagdating ng kanilang ina ay mapasaya nila ito. Hanggang lumipas ang tanghalian ay wala pa rin ang kanilang ina. Nagbukas na lamang sila ng isang lata ng sardinas para sa ulam nila ng tanghalian. Magtatakip-silim na nang dumating ang kanilang ina. Ang itsura nito ay tila hapong-hapo. Sinalubong nilang magkakapatid ito at nagmano. "Inay, saan kayo galing?" tanong ni Iya na agad na humawak sa palda ng kanilang ina. Nakapagtataka lamang na hindi ito sumasagot. Parang malungkot ang itsura nito. Hanggang sa makapasok sa loob ng bahay ay parang tulala pa rin ito. Hindi man lamang nagsasalita. Nang tangkang mangungulit na naman si Iya ay binawalan na niya ito na muling magtanong sa ina. Pakiramdam kasi niya ay may bumabagabag sa damdamin nito. Kung ano iyon ay aalamin niya kapag ayos na ito. Niyaya na nila itong kumain ngunit ang isinagot lamang nito sa kanila ay kumain na ito sa nadaanan na karinderya sa labas. Nagpaalam na ito sa kanila na mauuna na raw itong matutulog. Nagkatinginan na lamang silang tatlong magkakapatid. Matapos niyang mahugasan ang pinagkainan ay umakyat na siya sa kanilang kwarto. Dinatnan niyang nakahiga na ang dalawa niyang kapatid sa tabi ng kanilang ina at tulog na. Ang kanyang ina ay nakahiga ng patagilid at nakatalikod sa kanya. Pumasok na siya sa kulambo at nahiga sa dulong bahagi kung saan ay roon ang pwesto niya kapag matutulog na sila. Nang makahiga na siya ay pinakiramdaman niya ang kanyang ina. Hindi niya sigurado kung maging ito ay tulog na. Naghihintay sana siya ng tyempo upang matanong niya ito pero hindi niya namalayan na nakatulog na pala siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD