Chapter 6

2845 Words
Makalipas ang ilang araw ay naging kapansin-pansin ang pananamlay ng kanyang ina. Dahil bakasyon naman ay ipinasya niya na makipagtinda sa kanyang Tiya Iska. Isang araw nang iwan sila ng kanilang ina at nagpaalam na may pupuntahan lamang ay sinubukan niya na habulin ito. Naiwan kasi nito ang payong nito. Tatawagin sana niya ito nang makita niya na patungo ito sa tahanan ng kanyang Tiya Iska. Imbis na tawagin ay kusang lumakad ang mga paa niya upang sundan ang kanyang ina na papunta sa tahanan ng kanyang Tiya. Hindi niya alam kung bakit bigla siyang nakaramdam ng kaba. Napahawak siya sa kanyang dibdib. Bigla niyang naalala ang naging usapan nila ng kanyang Tiya nang nakaraan na linggo. "Tiya, si Inay kasi ay napapansin ko na madalas na nakatulala," umpisa niya ng kwento sa kanyang Tiya. Katatapos lamang niyang isalansan sa istante ang mga paninda ng kanyang Tiya noon. Tinanong niya ito kung maaari ba siyang magtanong dito at umoo naman ito sa kanya kaya naman sinimulan na niya itong tanungin. "Hindi ko naman po siya matanong kung may gumugulo po ba sa isipan niya. Kasi nitong mga nakaraan na araw po ay nagiging masungit po siya sa amin." Hindi naman makatingin sa kanya ang kanyang Tiya. "Mayroon po bang problema si Inay?" "Hindi ko alam. Wala naman siyang nababanggit sa akin, Maya," tugon ng kanyang Tiya. Hindi niya lang makuha pa pero pakiramdam niya ay may alam talaga ang kanyang Tiya. "Ano naman ang ililihim ng Inay mo sa inyo ng mga kapatid mo?" pagkuwan ay tanong nito sa kanya. "Sige po kung ganoon… Pasensya na po kayo, Tiya, kung natanong ko po kayo. Nag-aalala lamang po kasi ako kay Inay." "Masyado kang maraming nalalaman, Maya. Ayusin mo na lamang ang pagtitinda mo riyan," masungit na tugon nito sa kanya. "Sige po.. Sorry po, Tiya," napapahiyang sagot niya rito. Maging ang Tiya niya ay napansin niyang naging mainitin din ang ulo. Kaya naman hindi siya matatahimik hangga't hindi nalalaman ang katotohanan. Nang nasa gate na bakod na siya ng mga ito ay nagdahan-dahan na siya sa pagpasok. Nagkubli siya sa may pintuan na malapit sa bintana nang matanaw niya ang kanyang ina sa loob ng tahanan Ng kanyang Tiya. "Ate, hanggang kailan ba natin ililihim sa mga anak mo ang tunay na kalagayan mo? Nagtatanong na sa akin si Maya," dinig niyang wika ng kanyang Tiya sa kanyang ina. "Pabayaan mo siya, Iska. Ano ba ang maitutulong nila sa akin kapag nalaman nila ang sakit ko? Mayroon ba?" Sumikdo ang dibdib niya nang marinig niya mula sa kanyang ina ang salitang sakit. "Ano'ng sakit mo, Inay?" piping wika niya habang nakakunot ang kanyang noo. "Wala siguro silang maitutulong, Ate. Pero karapatan nilang malaman ang kalagayan mo," may bahid ng pag-aalala na wika muli ng kanyang Tiya. "Ano'ng gusto mong gawin ko? Sabihin ko sa kanila na may sakit ako? Pagkatapos ano? Pati sila na tulad ko ay mamomroblema at mag-aalala. Eh ako nga mismo ay hindi ko maialis sa isip ko na anumang oras ay pwede akong mamatay at mawala sa mundo. Pagkatapos ay idadamay ko pa sila?!" "Mamamatay?" Hindi na niya namalayan ang sarili niya na lumuluha na siya. "Bakit sinasabi ni Inay iyon?" tanong niya sa kanyang isipan. "Wala pa nga ay iniisip mo na agad na mamatay ka?! Hindi mo pa nga sinusubukan na magpagamot." "Bakit sino bang hindi? Ikaw ba?! Hindi ba at ganoon din ang iniisip mo? Ano sabihin mo?!" histerikal na wika ng kanyang ina. "Mabuti na iyong malaman na lang nila kapag wala na'ko. Nang sa gayon ay minsanan na lang ang sakit na mararamdaman nila." "Ano iyan? Tatanggapin mo na lang talaga na hanggang diyan ka na lang? Hindi mo iniisip ang mga iiwanan mo?!" Tuluyan nang humagulgol ang kanyang Tiya. Doon ay nagdesisyon na siyang lumabas sa pinagtataguan niya. Sabay na napalingon ang kanyang Ina at Tiya Iska niya sa kanya. "Inay," lumuluha na wika niya habang palapit sa kanyang ina. "T-totoo p-po b-ba a-ang l-lahat ng n-narinig ko s-sa usapan n-ninyo k-kanina ni T-Tiya?" gumagaralgal na tanong niya habang sumisinghot-singhot pa. Nagsisikip na ang dibdib niya dahil hindi niya ma-imagine ang buhay kapag totoong mamamatay nga ang kanyang ina. "Nakikinig ka sa usapan namin ng Tiya Iska mo?! Magmula pa kanina?!" hindi makapaniwalang tanong nito sa kanya. Ramdam niya ang galit sa tinig nito dahil sa ginawa niya. Kabilin-bilinan kasi ng kanyang ina sa kanila na huwag na huwag makikinig sa usapan ng iba. "P-patawad p-po, I-Inay…" Tuloy ang pag-agos ng masaganang luha sa kanyang mga mata. "K-kung n-nais n-niyo p-po akong paluin dahil sa k-kapangahasan k-ko na p-pakinggan ang usapan niyo ni Tiya ay t-tatanggapin ko po. Sige po. P-paluin niyo na lang po ako… P-pero, Inay." Pinagdikit niya ang kanyang dalawang palad. "Nakikiusap po ako sa inyo. M-Magpagamot po k-kayo. Naniniwala po ako na g-gagaling po kayo, Inay." Tumalikod ang kanyang ina na tulad niya ay lumuluha na pero pilit pa rin nitong pinipigilan. Ang isang braso nito ay humawak sa baywang nito habang tumitingin sa labas ng bintana. "At saan tayo kukuha ng pampagamot ko ha? Nagpapatawa ka ba?! Nagmamagaling ka kasi riyan na akala mo ay alam mo ang nangyayari." Nakuha na niya ito. Dinadaan na lamang ng kanyang ina sa galit ang lahat ng nararamdaman nitong sakit na dulot ng karamdaman nito. Tinatago nito sa kanilang magkakapatid ang kung anuman na nararamdaman nito sa katawan. "Akala mo ba ay ganoon lamang kadali ang lahat?" pagpapatuloy nito. Lumapit siya sa kanyang ina at niyakap ito mula sa likuran. Hindi niya kayang isipin na bigla na lamang itong mawawala sa kanilang magkakapatid. Marami pa siyang pangarap para sa pamilya nila. "Iyong p-pampaaral k-ko Inay para sa kolehiyo. Gamitin po natin iyon, Inay. M-Magtatrabaho p-po muna ako para po may panggastos tayo." "Ano sa akala mo? May tatanggap sa'yo sa edad mong iyan?" "Ate, tama si Maya. Magpagamot ka na. Mas kawawa ang mga anak mo kapag hindi mo nilabanan ang sakit mo…" singit ng kanyang Tiya. "S-sayang l-lamang ang mga g-gagastusin natin sa ospital. P-pambili k-ko na nga lang ng g-gamot ay hindi pa n-natin alam k-kung s-saan kukunin," sumisigok-sigok na wika ng kanyang ina na nakatalikod pa rin sa kanila ng kanyang Tiya. "P-Pampaospital pa kaya?" dagdag pa nito. "Pipilitin natin na makahanap, Ate. May awa ang Diyos. Magtiwala tayo sa kanya." Lumapit na rin ang kanyang Tiya sa kanyang ina. "Pwede naman tayong humingi ng tulong kay Kapitan at kay Mayor, Ate. Basta huwag ka lamang agad susuko. Huwag mong susukuan ang sakit mo. Magpalakas ka. Nandito lang kami ng mga anak mo lagi sa tabi mo. Hindi ka nag-iisa." Hindi na napigilan ng kanyang ina ang sarili at yumakap na sa kanyang Tiya. Marahil ay nagkaroon na ito ng pag-asa na labanan ang sakit nito. Pati siya ay yumakap na rin sa mga ito habang taimtim na nanalangin na sana nga ay gumaling na ang kanyang ina upang mas makapiling pa nila ito nang mas matagal. Na-diagnosed na pala ang kanyang ina na may stage three cancer. Matagal na pala itong may dinaramdam sa katawan pero hindi nito sinasabi. Sinarili nito ang sakit. Kailan lamang ito nalaman ng kanyang Tiya nang makumbinsi nito ang kanyang ina na magpa-check-up na. Iyon nga ay noong araw na hindi nila alam kung nasaan ito at gabi na halos umuwi. Kaya pala napansin niya mula noon na palagi itong tulala at malungkot. Kumalat na sa baryo nila ang pagkakasakit ng kanyang ina. May ibang naawa naman at kusa na nagbibigay ng tulong sa kanyang ina ngunit hindi sumasapat dahil na rin sa dami ng gamot na kailangan nilang bilhin. Pati si Erwin at Joana ay nagbigay rin ng tulong sa kanila. Kung kani-kanino sila humingi ng tulong upang matustusan nila ang pampagamot ng kanyang Inay. Sari-saring institusyon ang pinuntahan nila. Pinayuhan sila ng doktor na tumingin sa kanyang ina na humanap sila ng second opinion sa sakit ng kanyang ina. Ngunit tulad ng naunang tumingin na doktor ay iisa ang naging resulta ng pagsusuri. Nang makaipon sila ng kaunting halaga ay pina-confine na nila ang kanyang ina sa pampublikong pagamutan. Dumaan ito sa sari-saring test at cell treatment. Nang medyo nagiging maayos na ang lagay sa ospital ng kanyang ina ay nagsimula na siyang maghanap ng trabaho. Ngunit dahil menor de edad pa lamang siya ay walang ibig na tumanggap sa kanya sa mga inaaplayan niya. Napipilitan na nakipaglabada na lamang siya. Sa ganoong paraan ay nakukuha niya ang pambili ng pagkain nila at may pandagdag sa pambili ng gamot ng kanyang ina. Salitan sila ng kanyang Tiya sa pagbabantay sa kanyang ina sa ospital. Iniiwan ng kanyang Tiya ang maliliit pa niyang pinsan sa byanan nito kapag nagtutungo ito sa ospital. Minsan habang nagluluto siya ng kanilang tanghalian ay nasa sala ang kanyang dalawang kapatid at nakadungaw sa bintana nila na yari lamang sa kawayan. "Ate Ysay, miss ko na talaga si Inay," umiiyak na wika ni Iya, ang kanilang bunso. "Sino ba ang hindi? Miss ko na rin si Inay," umiiyak na tugon ni Ysay. Dinig niya ang parehong paghikbi ng mga ito kaya muli na naman siyang napaiyak. "Mabuti pa si Ate Maya, palagi niyang nakikita si Inay. Nakakainis naman kasi iyong guard sa ospital. Ayaw tayong papasukin doon. Anak din naman tayo ni Nanay eh," himutok ni Ysay. "Ate Ysay. Kapag gumaling si Inay ay hindi na talaga magiging matigas ang ulo ko. Lagi na akong makikinig sa sinasabi ni Inay." "Ako rin Iya. Hindi na kita aawayin. Basta gumaling lamang si Inay." Nagyakapan ang dalawang nakababatang kapatid niya habang patuloy ang mga ito sa pag-iyak. Nais man niyang lapitan ang mga ito para palakasin ang loob ng mga ito pero hindi niya magawa. Napakahirap sa kanya na gawin iyon. Hindi man niya gustong isipin pero sa nakikita niyang kalagayan ng ina sa ospital ay talagang nawawalan din siya ng pag-asa. Pilit na lumalaban ang kanyang ina ngunit sadyang hindi na kinaya ng kanyang ina ang gamutan. Tinapat na ito ng doktor na wala na raw itong pag-asa na gumaling pa. Binigyan na ng taning ng doktor ang kanyang ina. Labis ang paghihinagpis ng kanyang ina sa nalaman. Niyakap lamang ito ng kanyang Tiya at inalo. Kitang-kita niya rito ang sakit na dulot ng sinabi ng doktor. Maging siya ay nagpigil din ng galit sa doktor. Sino ito para sentensyahan ang buhay ng kanyang ina? Naikuyom na lamang niya ang kanyang kamao. Sa huli ay nagpasya ito na magpauwi na lamang sa kanilang tahanan. Hindi na nila nagawa pa na kontrahin ang kagustuhan nito dahil nakikita na rin nila ang paghihirap nito. Binilhan na lamang ng kanyang Tiya ng maliit na papag ang kanyang Inay at sarili nitong kulambo. Sa ibaba na kasi ito natutulog at hindi na nila katabi. Kagustuhan nito na humiwalay ng higaan sa kanila. Wala na silang nagawa kung hindi pagbigyan ang kahilingan nito. Hating-gabi na ay hindi pa rin siya makatulog. Bumaba siya ng hagdanan at pinagmasdan ang kanyang ina. Muli na naman siyang naiyak nang makita ang kanyang ina na nakabaluktot. Sa totoo lamang ay hindi na niya alam kung totoong natutulog pa ito. Nanlalalim at nangingitim na kasi ang mga mata nito. Hindi na rin ito kumakain nang maayos kahit ano'ng pilit nila rito. Kahit gusto niyang maging matatag ay hindi niya kaya. Hindi niya maatim na hindi maawa sa ina lalo na sa tuwing nakikita niya ang ito na umiiyak dahil sa sakit na nararamdaman sa katawan. Muli na naman dumaloy ang luha na madalas niyang pinipigilan. "Anak, bakit gising ka pa?" wika ng kanyang ina na hindi man lamang natitinag sa pagkakabaluktot nito. Napapitlag pa siya sa biglang pagsasalita nito. Paano nitong nalaman na gising pa siya gayong nakatalikod pa ito sa kanya? Pinalis niya ang kanyang luha kahit hindi naman ito makikita ng kanyang ina dahil tanging gasera lamang ang gamit nilang ilaw. Naputulan na kasi sila ng kuryente. Naipambili na kasi nila ng gamot ang pambayad nila. Mabuti na rin na naputulan sila. Atleast ay hindi na nila iisipin kung saan sila kukuha ng pambayad sa buwanang konsumo sa kuryente. Ang mahalaga ay may pagkain sila sa hapag ng mesa. "Ahmmm… nauuhaw lang po kasi ako, Inay. Iinom lamang po ako sandali ng tubig," kaila niya rito. "Hindi ako naniniwala sa dahilan mo, Maya. Matulog ka na. Kailangan mong magpahinga at napagod ka na naman sa paglalaba mo kanina. Baka magkasakit ka niyan," paalala ng kanyang ina sa kanya. "Hindi naman po ako napagod, Inay. Kayo nga po ay ilan taon niyo po kaming binuhay sa paglalaba pero hindi po kayo napapagod," katwiran niya rito. "Huwag mong itulad sa akin ang katawan mo. Bata ka pa. Dapat kapag oras ng pahinga ay nagpapahinga ka." "Nakapahinga naman po ako kanina, Inay." "Kahit kailan talaga, Maya ay may katigasan din talaga ang ulo mo. Manang-mana ka sa Tatay mo," sagot na lamang ng kanyang ina. "Sige po, Inay. Matutulog na po ako," paalam na lamang niya rito para makatulog na rin ito. "Sige, Anak. Magandang gabi sa'yo," paalam nito sa kanya. Kinabukasan ay maaga siyang nagising upang ipagluto ng almusal ang kanyang ina at kapatid. Napahinto siya sa paglakad patungo sa kusina nang magsalita ang kanyang ina. "Maya, gisingin mo nga sina Ysay at Iya. Gusto ko silang makausap." "Po? Sige po, Inay." Napakunot ang noo niya pero agad siyang umakyat sa hagdanan at ginising ang kanyang dalawang kapatid. "Ysay, Iya. Gising na." Niyugyug niya ang mga ito upang agad na magising. "Gusto raw kayong makausap ni Inay." Agad niyang nagising si Ysay samantalang si Iya ay halata na antok pa rin kaya bumabalik pa ito sa pagkakahiga. Niyugyug niya ito at inulit ang sinabi hanggang bumangon na ito. "Halina kayo." Tinulungan niyang bumangon sa higaan si Iya at sabay-sabay silang bumaba ng hagdanan. "Inay, narito na po kami," sabay-sabay na wika nila sa kanilang ina. "Tanggalin mo ang kulambo ko, Maya," utos nito sa kanya na agad naman niyang tinalima. "Dito kayo." Umubo pa ito. Pagkataops ay pinagpag ng kanyang ina ang nasa may bandang gilid ng papag nito. Tumalima lamang sila sa kanilang ina. "Hmmm… Maya, maaari ba na puntahan mo ang iyong Tiya, Iska? Nais ko rin siyang makausap," nakangiti na utos nito sa kanya bagamat ramdam niya ang hirap nito sa pagsasalita. "Opo, Inay." Agad siyang lumabas ngunit parating na pala ang kanyang Tiya na kasama ang dalawang pinsan niya. "Ah, Inay… Narito na po pala sila Tiya na kasama sina Yohan at Princess." Pumasok na ang kanyang Tiya at nagtungo sa bandang ulo ng kanyang ina. Hinaplos nito ang buhok ng kanyang ina "Ate, narito na kami ng mga pamangkin mo." Hinaplos nitong pareho ang mukha ng dalawang pinsan niya at nginitian. "Iya." Hinaplos nito ang mukha ni Iya. "Magpapakabait ka, Bunso ko… Mahal na mahal ka ni Inay. "Susunod ka sa lahat ng sinasabi sa'yo ni Ate Maya ha." Hinawakan ni Iya ang palad ng kanilang ina na nasa pisngi nito. "Opo, I-Inay… palagi po akong magiging mabait… Basta magpagaling lang po kayo." Nagsimula na naman humikbi ito. "Kung ganoon ay tama iyan, Bunso. Natutuwa ako na marinig sa iyo iyan," nakangiting wika ng kanilang Inay. "Ikaw naman, Ysay…" Tulad ni Iya ay hinawakan din nito ang pisngi ng kapatid na si Ysay. "Tutulungan mo lagi si Ate Maya mo sa pag-aalaga kay Iya ha." "O-opo, Inay. P-pero b-bakit niyo po ba s-sinasabi iyan sa a-amin?" gumagaralgal na wika nito habang nagkakaulap na rin ang paningin nito. Pinunasan nito sa pamamagitan ng palad nito ang mga butil ng luha na dumaloy mula sa paningin ni Ysay. "Iwasan mo ang pagiging iyakin mo ha," wika nito sa halip at hindi pinansin ang sinabi ng kapatid. "Ikaw, M-maya. Ikaw na ang bahala sa mga k-kapatid mo ha." Halata sa tinig nito na hirap na itong magsalita. "Huwag na huwag mo silang pababayaan. Mahal na mahal kayo ni Inay. Patawarin niyo ako dahil hindi ko nagawa na alagaan kayo hanggang sa hu--." "Inay, h-huwag niyo pong s-sasabihin iyan," putol niya sa nais pa nitong sabihin. "M-Marami po k-kayong isinakripsyo sa amin. M-Minahal niyo po k-kami nang higit pa sa buhay niyo at naramdaman po namin iyon." Niyakap niya ang braso nito. "Iska." Tumabi sila upang makausap nang maayos ng kanyang ina ang kanyang Tiya. Lumuhod ito at ikinulong sa palad nito ang mga kamay ng kanyang ina. "S-Sana kahit wala na ako ay p-palagi mo pa rin gagabayan ang mga pamangkin mo. K-Kapag nagkamali sila ay sabihan mo. H-Huwag mo silang kukunsintihin." "Ate, huwag ka naman nagsasalita nang ganyan," ramdam niya ang takot sa tinig nito. "B-basta, ipangako mo, I-Iska." "Oo, Ate. P-Pangako," nanghihina ang loob na wika ng kanyang Tiya. "Kung ganoon ay m-masaya n-na akong aalis sa mundong ito." Pilit na ngiti ang namutawi sa labi nito. "M-mahal na m-mahal ko kayong la------." Biglang lumuha ito at kasabay niyon ay nalagutan na ito ng hininga. "Inay!" Halos lahat sila ay umatungal nang iyak. "Inay!" Niyakap nila nang mahigpit ang kanyang ina. Ibinangon at baka sakali na muli itong magising. Ngunit manatili itong wala ng hininga.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD