Chapter 2

1999 Words
Natapos ang practice at ang mga ilang gawain na ipinagawa sa kanila ng kanilang advicer at sabay-sabay na silang umuwi. Tulad ng dati ay dinatnan na nila si Erwin na nakaabang sa gate ng eskwelahan. Si Erwin ay manliligaw niya. Sabay-sabay na naglakad palabas ng eskwelahan pauwi sina Mariah, Joana at Erwin. Nang makarating na sila sa may kanto kung saan ay nakahilera ang mga pampasaherong tricycle ay sumakay na si Joana sa may paradahan na patungo sa San Jacinto para umuwi. Sa kabilang baranggay ito nakatira at may kalayuan kaya naman kailangan niyang sumakay ng tricycle habang si Erwin ay nagpatuloy sa pagsabay sa paglalakad kay Mariah. Pagkahatid ni Erwin kay Mariah ay saka pa lamang ito uuwi. Babalik ito sa sakayan ng mga tricycle dahil tulad ni Joana ay sa kabilang baryo rin ito nakatira. Nang malapit na sila sa kanto ay huminto si Erwin at binuksan ang backpack nito na waring may hinahanap sa loob nito. Hindi na bago kay Mariah ang ginagawa ni Erwin. Marahil ay mayroon na naman itong nais ibigay sa kanya. Hindi nga siya nagkamali dahil may inilabas itong isang may katamtaman na plastic mula sa bag nito. "Ahmmm, Mariah," wika nito sa kanya habang iniaabot ang plastic sa kanya.  "Para sa'yo nga pala," wika nito na nakangiti sa kanya. "Ano na naman ito, Erwin?" tanong niya rito kahit nahuhulaan na niya ang laman ng plastic. Sa loob-loob niya ay siguradong matutuwa na naman ang mga kapatid niya. Lahat kasi ng ibinibigay ni Erwin sa kanya ay agad niyang ibinibigay sa mga kapatid niya. "Dumating kasi si Papa at may mga dalang pasalubong kaya naisip kita na bigyan," sagot nito na hindi pa rin napapalis ang mga ngiti sa labi at nakatingin sa kanya habang kasalukuyan na sinisilip niya ang laman ng plastic. Natutuwa itong makita na masaya si Mariah sa kanyang mga ibinibigay. "Napakarami naman nito, Erwin!" hindi niya napigilan ang pagkamangha habang kinakalkal ang laman ng plastic. "Hindi ba nakakahiya sa parents mo?" nag-aalangan na tanong niya kay Erwin habang nakatingala siya rito. May kataasan kasi ito sa kanya kaya kailangan niyang tingalain ito. "Syempre, hindi, Mariah. Para sa'yo talaga ang mga iyan. Sana magustuhan mo," masayang wika nito. "Oo, nagustuhan ko, Erwin, salamat," bulalas niya rito at hindi niya napigilan na napahawak sa braso ni Erwin. Napatingin si Erwin sa pagkakahawak niya sa braso nito. Tila napapaso naman na binitiwan ni Mariah ang pagkakahawak sa braso ni Erwin. "Ahmmm, pasensya na, Erwin," kimi at may matipid na ngiti sa labi na wika niya kay Erwin. "Hehehe, okay lang, Mariah," nakangiting sagot ni Erwin at kinuha pa ang isang palad niya. Ikinulong ni Erwin sa mga palad niya ang isang palad ni Mariah habang nakayuko at matiim na nakatingin sa kanya. "Masaya ako dahil napasaya kita. Sana mabigyan mo na ako ng chance na mahalin ka, Mariah," patuloy na wika nito at nakatingin kay Mariah sa nangungusap na mata. Naiilang na binawi ni Mariah ang palad niya na nakakulong sa palad ni Erwin. "A, eh, Erwin, hindi pa yata kita mabibigyan ng sagot sa ngayon," nakaduko na sagot niya kay Erwin. Hindi niya kayang tingnan sa mata si Erwin dahil nahihiya s'ya rito. Sa totoo lamang kasi ay wala siyang balak na sagutin ito. Matagal na itong nanliligaw sa kanya halos dalawang buwan na rin. Noong una ay wala talaga s'yang balak na pansinin ito kahit madalas na magpalipad hangin ito at walang balak na ilihim ang pagkakagusto nito sa kanya. Sa tuwina ay mahilig din itong magpaabot ng love letter sa kanya. Hindi niya ito pinapansin dati dahil wala siyang anuman na nararamdaman para rito. Hindi niya ito type. Tulad niya ay isang fourth year student din si Erwin. Sa kabilang section ito. Ngunit dahil sa kakilala nito ang kaibigan niya na si Joana at nagpapatulong daw ito sa kaibigan niya sa panliligaw sa kanya ay hindi na siya nakatanggi na bigyan ito ng pagkakataon na makapanligaw. Simula noon ay palagi na itong naghihintay sa gate ng eskwelahan kapag uwian. At kapag nakakapuslit ito ay pinupuntahan siya sa klase para batiin lamang siya. Kapag naman recess nila kung minsan ay binibilihan siya nito ng buko juice at sandwich. Hindi niya sana gusto na tanggapin pero sabi sa kanya ni Joana ay tanggapin niya. Sayang daw at blessing iyon at masamang tanggihan ang blessing. Dagdag pa nito sa kanya na atleast ay hindi na siya gagastos. Ipunin na lang daw niya ang baon niyang pera para pandagdag sa nalalapit nilang pagka-college. Pinayuhan pa siya ni Joana na dapat ay maging praktikal siya. Kakaiba talaga ang kaibigan niya na si Joana. Kapag may binibigay si Erwin sa kanya ay kunin lamang daw niya. Katwiran kasi nito ay ganoon talaga ang nililigawan. Makakatanggap talaga ng iba't ibang regalo mula sa manliligaw. Tsaka huwag daw niyang alalahanin si Erwin dahil mayroon naman kaya ang pamilya nito. Nasa abroad ang ama nito at ang ina nito ay isang teacher sa ibang eskwelahan. Minsan natanong niya ang kaibigan kung bini-build up ba nito sa kanya si Erwin. Ang sagot naman nito sa kanya ay hindi naman sa ganoon. Sinasabi lamang daw nito para may alam siya tungkol kay Erwin. Nasa kanya pa rin kung sasagutin niya si Erwin. Mabait si Erwin sa kanya at totoong maginoo. Mayroon din naman itong itsura. Matangos ang ilong nito, matangkad at moreno. Ang problema nga lamang ay wala siyang makapang damdamin para rito. Sinubukan naman niya na gustuhin ito pero hanggang ngayon ay wala pa rin siyang madama para kay Erwin. Katunayan nga ang ibinibigay nito na chocolate sa kanya ay hindi niya makain. Hindi niya maatim na kainin. Ibinibigay lamang niya sa dalawang kapatid lahat. Tuwang-tuwa naman ang mga ito palagi kapag may dala siyang chocolate. Natutuwa siya na napapasaya niya ang dalawang kapatid kapag nabibigyan niya ang mga ito ng chocolate na mula kay Erwin.  "Sige, okay lamang, Mariah. Hindi naman ako nagmamadali. Nakahanda ako'ng maghintay hanggang sa magkaroon na ako ng puwang sa puso mo," mabini at may sinsiredad na wika ni Erwin sa kanya. Doon ay nakadama siya ng guilt sa sarili. Hindi man niya kagustuhan pero alam niya sa sarili niya na pinapaasa lamang niya sa wala si Erwin.  "Pasensya ka na, Erwin," wika na lamang niya dahil sa kawalan ng masasabi rito. Hindi niya kayang bigyan ng assurance si Erwin. "Ah, okay, Mariah. Basta lagi mo'ng tatandaan na lagi lamang ako'ng nandito para sa'yo," wika ni Erwin na tila nakahalata sa nilalaman ng isip niya. "Paano? Dito na lamang muli, Mariah," pagpapatuloy nitong wika nang hindi pa rin siya nagsasalita. Hanggang sa kanto lamang kasi nila niya pinapayagan si Erwin na maihatid siya. Katwiran niya rito ay baka mapagalitan siya ng kanyang ina kapag nalaman na nagpapaligaw siya. Sumang-ayon naman si Erwin sa kagustuhan niya. Sinabi pa nito na gagawin daw nito ang lahat para maging successful pagdating ng araw para makaharap ito ng taas noo sa ina niya pagdating ng araw.  "Ah, oo, ingat ka sa pag-uwi, Erwin. Salamat pala rito," itinaas pa niya ang plastic na may laman na mga chocolate. "Your welcome, Mariah. Para sa'yo talaga ang mga iyan," nakangiting wika nito. "Sige na, Mariah, mauuna na'ko sa'yo ha," wika nito at tumalikod na sa kanya at naglakad pabalik sa sakayan ng mga tricycle. Tinanaw lamang n'ya ito at minsan pa ay nilingon siyang muli nito at nakangiti habang kumakaway. Lalo tuloy siyang nakonsensya para rito. Kung si Eman lamang sana ang nanliligaw sa kanya ay sasagutin talaga niya agad kahit hindi na siya bigyan ng kung anu-ano. Kaso ay hindi. Hindi naman din kasi lingid sa kaalaman niya na may nobya na si Eman. "Bakit ba ganoon? Kung sino ang gusto mo ay hindi pwede? Ang may gusto naman sa'yo ay ayaw mo," piping wika n'ya sa sarili. Humugot siya ng isang malalim na buntong hininga. Hindi niya namalayan na napalalim ang mga isipin niya. Ipinasya niyang kuhanin na sa bag ang ibinigay ni Erwin sa kanya na plastic na may laman na imported chocolates. Umakyat siya sa hagdanan at nagtungo sa kanilang kwarto. Dinatnan niyang busy ang dalawang nakababatang kapatid sa paglalaro ng manika na yari sa papel. "Ysay, Iya," tawag pansin niya na nakangiti sa dalawang kapatid habang ang dalawang kamay n'ya ay nasa likuran niya. Ysay at Iya ang palayaw ng dalawang nakababatang kapatid niya.  Sabay pa na lumingon sa kanya ang dalawang kapatid. "Ate, sali ka sa amin ni Ate Ysay," wika ni Iya sa kanya habang ang pansin ng mga ito ay nasa nilalaro pa rin na paper doll. May kanya-kanyang hawak ang mga ito na paper doll at kunwari ay nag-uusap ang dalawang paper doll sa pamamagitan ng pag-act at pagbibigay ng boses ng dalawang kapatid niya. Siya ang nagturo sa mga ito ng paglalaro ng paper doll. Nawiwili siya noon sa paglalaro ng mga ito dahil napaka-cute.  "Oo nga, Ate," sang-ayon naman ni Iya kay Ysay. Matagal ka ng hindi nakikipaglaro sa amin, Ate," paalala pa nito at tila nagtatampo. Wala na nga talaga siyang oras sa pakikipaglaro sa mga ito. Busy na rin kasi talaga s'ya. Minsan kasi ay nakikipagtinda siya sa kanyang Tiya Iska para may pandagdag sa pambili nila ng pagkain. May maliit na sari-sari store kasi ang kanyang Tiya Iska. Minsan ay nagtitinda rin ito ng lutong ulam at meryenda. Kapag may sobrang ulam ay ibinibigay nito sa kanila. "Pasensya na kayo, busy na talaga kasi si Ate," malungkot na wika niya sa mga ito. "Pero may sorpresa ako sa inyo," masayang balita niya sa mga kapatid. "Ano iyon, Ate?!" excited na tanong ng mga ito at nagniningning ang mga mata na nakatingin sa kanya. Sa isang saglit ay nawala sa isipan ng mga ito ang tampo sa kanya. "Hulaan niyo," wika n'ya sa mga ito. "Ate, naman," kumakamot sa ulo na tugon ni Ysay sa kanya habang sinisilip sa likod niya ang plastic na itinatago niya. "Oooppps, bawal tingnan. Hulaan nga hindi ba sabi ko?" giit niya habang nakangiti pa rin sa mga ito. "Ate, naman kasi madaya," sagot naman ni Iya at nagtangkang tumayo na para tingnan sa likod niya ang hawak na plastic pero pinigilan niya.  "Sige na po, ito na!" Inilabas na niya mula sa likuran niya ang plastic. "Dyaran!" "Wow! Ano iyan, Ate?! Buksan mo na!" halos sabay na wika ng mga kapatid niya. Sinimulan na n'yang alisin ang pagkakabuhol ng plastic at sa ilang segundo ay ibinuka niya ang plastic at namangha ang kanyang dalawang kapatid.  "Wow!" bulalas ni Ysay at Iya. Mabilis na dumapo ang kamay ng mga ito sa plastic. "Imported chocolates at candies," hindi makapaniwalang saad ni Ysay. "Kanino galing ito, Ate?! Sino nagbigay?" tanong ni Ysay habang nagniningning ang mga mata. Si Iya naman ay kasalukuyan na nitong naibukas ang isang chocolate at agad na nilantakan. "Sa kaibigan ko, Ysay, dumating kasi ang Papa niya. Maraming dalang pasalubong kaya binigyan niya ako. "Wow! Sobrang bait naman niya, Ate! Siya rin ba iyong nagbibigay sa'yo ng chocolate lagi?!" dire-diretsong tanong ni Ysay sa kanya. "Oo," nag-aalangan na sagot niya rito. Twelve years old na kasi ito kaya malamang na may idea na rin ito na manliligaw niya ang tinutukoy niyang kaibigan. Tumayo siya at kumuha ng pambahay na damit sa tokador para makaiwas sa nagdududang tingin ni Ysay. Hinubad na niya ang uniform at nagpalit ng pambahay. "Maya!" tawag ng kanyang ina mula sa labas ng bahay. Marahil ay tapos na itong nagkusot at magbabanlaw na sila ng damit. "Oh, iwan ko na kayo ha. Hati na lamang kayo riyan sa ibinigay ko. Tawag na ako ni Nanay," wika niya sa dalawang kapatid at agad na siyang bumaba para makaiwas sa maaari pa na itanong ni Ysay sa kanya. Pagbaba n'ya sa hagdan ay nakahinga siya ng malalim. Mabuti na lamang at tinawag na siya ng kanyang ina. Pakiwari kasi niya sa klase ng tingin ni Ysay ay nakahalata na ito. Feeling niya ay gusto na siya nitong tanungin kung manliligaw niya ang nagbibigay sa kanya ng mga chocolate.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD