Chapter 22

1318 Words
"Si Mr. Galvez ang kasalukuyan na nilliigawan nating bagong investor. Sa ngayon ay hindi natin siya pwedeng basta na lamang kontrahin sa nais niya," simula ng kanyang Lolo. Nanatili lamang siyang nakatingin dito kaya nagpatuloy ito sa pagsasalita. "Ang totoo niyan ay ikaw kasi ang napupusuan niya para sa nag-iisang anak niya na si Candice…" Tinatantya nito kung ano ang reaksyon niya sa sinabi nito. "Ano'ng nais niyong mangyari, Lolo?" tanong niya rito kahit may ideya na siya sa ibig ng kanyang Lolo. "Tulad nga ng nauna kong sinabi, Daniel. Kung sakali ay baka pwede mo akong pagbigyan sa kahilingan ko ngayon sa'yo na pakisamahan mo muna nang maayos si Candice." "Pero, Lo. Paano kung--." "Sige na, Daniel.. Ngayon lamang ako muling humiling sa'yo," putol nito sa sasabihin niya. Makikita sa mukha ng kanyang Lolo ang pagsusumamo kaya naman alam niyang hindi na naman siya makakatanggi. Bahala na. Tutal naman ay wala naman siyang ibang commitment. Maya : Katatapos lamang nilang gawin ang assignment ni Sky. Medyo inaantok na nga siyang tulad ng kanyang anak. Matapos niyang mapainom ng gatas si Sky ay pumasok na siya sa banyo. Nasisiguro niya na pagbalik niyang matapos na maligo ay tulog na ito. Katabi niya pa rin ito sa kwarto. Ayaw pa rin niyang maihiwalay ito ng kwarto sa kanya kahit na mayroon na talagang nakalaan na kwarto para rito. Nais pa rin niya itong nayayakap kapag matutulog na. Masaya siyang nagigising kapag ang mukha nito ang una niyang nasisilyan pagmulat ng kanyang mga mata. Magmula nang siya na ang nagma-manage ng negosyo na iniwan ni Rako ay nasanay na siya na kumilos ng mas mabilis kaysa dati. Pati ang paliligo ay naging mabilis na rin. Wala pa yatang apat na minuto ay tapos na nga siyang maligo. Lumabas na siya ng banyo na suot ang bathrobe. Hindi nga siya nagkamali ng iniisip. Tulog na nga talaga ang kanyang supling. Ang napakagwapo niyang source of joy. Napangiti siya. Kumuha na siya ng maisusuot na pantulog. Isang gray nighties ang kinuha niya. Komportable kasi siya na isinusuot ito kapag gabi. Masarap ang tulog niya kapag ganoon ang suot niya. Matapos niyang maisuot ang pantulog ay kinuskos na niya nang maigi ang buhok upang agad na matuyo gamit ang twalya. Pagkatapos ay nagsuklay na siya. Dahan-dahan siyang humiga upang hindi magising si Sky. Nakahiga ito at naka-side paharap sa kanya. Nahaplos niya ang mukha ng sariling anak. Sa paghaplos niya sa mukha ng anak ay sumingit muli sa isip niya ang mukha ng lalaki kanina. Hindi maikakaila na kamukha ng anak niya ang lalaki. Nang may maisip siya. Kung may anak ito roon ay hindi malayong magkita silang muli nito. Totoo nga kayang hindi siya nito nakilala man lamang? "Baka naman kasi magkaibang tao sila," singit ng isang tinig mula sa kanyang isipan. "Hindi nga ba at sa mundo ay may mga sadyang magkakamukha? Malayong maging siya si James dahil mukhang mayaman ang isang iyon kumpara naman kay James ng buhay mo noh? Isa pa, bakit ba affected ka pa? Akala ko ba ay kalilimutan mo na ang lahat tungkol kay James? Bakit ngayon ay binabalikan mo na naman? Maganda na ang buhay mo. May Sky ka na. Kumpleto ka na. Hindi mo na kailangan si James!" kausap niya sa kanyang sarili. Tama! Hindi ko na siya kailangan. Tahimik at payapa na ang buhay ko. "Pero, paano kung siya pala iyon? Ano'ng drama niya at hindi ka man lamang yata naalala? Imposibleng hindi ka niya makilala. Kahit na umayos ang pananamit mo ay mananatiling alam at makikilala ka niya sa tagal din ng pinagsamahan niyo. Nakuha ka niya at lahat-lahat na ay ibinigay mo pagkatapos ay hindi ka niya nakilala man lang. Ikaw nga kinalimutan mo na siya at lahat-lahat pero nang makita mo siya kahit na nagbago nang kaunti ang pangangatawan at pananamit ay nakilala mo pa rin siya hindi ba?" muling wika ng isang tinig sa kawalan. Napaisip siya. Pilit niyang inukilkil sa isipan ang imahe ni James. Sa ilang sandali nga lamang ay bumalik sa alaala niya ang mga panahon na nakilala niya si James. Eight years ago : "Ano na, Maya? Naka-ready na ba ang baranggay clearance at police clearance mo? Ang diploma mo, good moral character at Form 137 nariyan na rin ba? Iyon ang pinakamahalaga," paalala pa sa kanya ni Glaiza. Nakilala niya ito sa kasalukuyan na pinagtrabahuhan niya na may pangalan na Fast burgy. Naging regular customer niya ito dahil malapit lamang sa tirahan ng mga ito ang stall nila. Kinumbinsi siya nito na mag-apply na lamang na factory worker sa San Miguel, Tarlac. Sabi kasi nito ay malaki ang sweldo roon basta lagi siyang mag-o-overtime. Hindi katulad sa kasalukuyan niyang trabaho na puyat na nga ay maliit pa rin ang kita niya. Ang Ate kasi nito ay regular na roon. Kasalukuyan na raw itong line leader. Kung sakaling mapunta sila sa process na hinahawakan nito ay hindi na sila mahihirapan masyado sa trabaho. Sakto lamang ang edad niya. Katatapos lamang niyang mag-birthday. Labing-walo na siya kaya naman qualified na siyang magtrabaho roon. Hindi maselan ang qualifications na hinahanap na worker ng kumpanya. Basta naka-graduate umano ng high school ay maaring matanggap basta maipasa lamang ang mga entrance exams, interview, medical examination at training. Ang training ay tatagal ng dalawang linggo. Kahit training pa lamang ay may sweldo na basta kailangan na pumasa. Kapag hindi raw nakapasa ay kalahati lamang ang ibabayad. Kung ilang beses siyang nanalangin sa Maykapal na sana ay makapasa siya ay hindi na niya mabilang. Nag-absent lamang siya ngayon sa kasalukuyan niyang trabaho. Hindi pa siya nagbibitiw dahil gusto niya ay masiguro muna niya na tanggap na siya sa papasukan bago siya mag-resign. Mahirap kasi kung hindi pala siya makakapasa sa lilipatan. Wala na siyang siguradong babalikan na trabaho kaya siguradong walang kakainin ang kanyang dalawang kapatid. "Oo, heto na nga oh," sagot niya rito. Pagkuwan ay binuksan niyang muli ang long brown envelope na hawak niya at ipinakita rito. "Ah okay. Kung maipapasa kasi natin ang exam mamaya ay to be follow na lamang daw ang NBI clearance." "Nag-review ka ba?" tanong niya rito habang nakangiti. "Pakopyahin mo na lang ako mamaya," pilyang sagot nito. "Sige," sagot naman niya. "Nagbaon na lang pala ako, Glai. Baka kasi mahal ang pagkain doon eh." "Sabi ni Ate ay hindi naman. Heto nga at binigyan niya ako ng pera." Ipinakita nito sa kanya ang perang hawak. "Halika na?" "Sige." Nagtungo na sila sa paradahan ng traysikel at naghati sila sa pamasahe. Iyon ang kagandahan kapag may kasama ka na magbabiyahe. Makakatipid sigurado sa pamasahe. Matapos na makasakay ng traysikel ay kakailanganin pa nilang muling sumakay ng jeep na papuntang Tarlac. Nagtabi sila sa upuan. Kinuha niya ang coin purse na yari sa tela. Nangupas na nga ang kulay dahil sa matagalan ng gamit. Sadyang napakabigat nito dahil puro barya ang laman niyon. Walang perang papel. Buhat pa ang mga barya sa tindahan ng kanyang Tiya. Ipinahiram muna nito sa kanya ang mga pinagbentahan nito. Wala naman kasi siyang ipon. Sa katapusan pa lamang ang kanyang sweldo. Pati nga ang pinangkuha niya ng police clearance at baranggay clearance ay hiram lamang niya sa kanyang Tiya. Pati ang suot niyang puting polo shirt ay hiram rin niya rito. Medyo maluwang lamang sa kanya nang kaunti. Pero ayos na rin. Kailangan daw kasi ay nakasuot ng pang-formal kapag nag-a-apply. Binilang muna niya ang ipapamasaheng barya. Pagkatapos ay isinama na niya sa pamasahe ni Glaiza. "Pakiabot po ng bayad. Dalawa po. Tarlac po," wika niya na nakangiti sa katabi niya sa upuan. "Salamat po," pagkuwan ay muling wika niya nang iabot na nito sa driver ang bayad nila at inulit nito ang sinabi niya sa driver. Iyon ang kalakaran sa pagsakay ng jeep. Kapag nag-abot ng bayad ang isang pasahero ay sasabihin ng pinag-abutan ang eksaktong sinabi ng nagpaabot. Dadagdagan lamang ng raw ng nag-abot sa driver.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD