Hanggang makarating siya sa isang lugar na animo food street sa kahabaan ng lansangan ng Nagoya. Kaibahan nga lamang ay sadyang maayos ang pagkakahilera ng mga tindahan at malinis.
Kumakalam na talaga ang tiyan niya. Nailagay tuloy niya ang kamay sa bulsa kahit alam naman niyang wala siyang makakapa roon. Napamulagat siya nang may makapa. Hindi siya makapaniwala. Dali-dali niyang nilabas ang nakapang papel para lamang malungkot. Isang papel na may nakasulat na Address! Napahawak siya sa kanyang bibig. Si Rako! Ngunit nanamlay siya. Naalala niya ito.
Habang palabas na sila ng kanilang club kasama sina Carlota ay tawa sila nang tawa. Nakarami kasi sila ng tip sa huling customer nila.
"G*go talaga itong si Mr. Atushi, Maya. Napakatinik. Aba'y nakarami ng tyansing sa akin tapos hindi niya ako bibigyan ng tip na katumbas ng paghaplos niya sa akin?! Hahaha! Hindi ako makakapayag na ganoon lang iyon. Lin*ek na lalaki siya! Talagang pinag-order ko siya ng maraming alak para ma-solve siya at ma-solve ang komisyon ko noh!" kwento ni Carlota.
Sa bawat alak kasi na order-in ng customer nila ay may komisyon sila. The more na marami itong nainom ay mas malaking makukuha nilang komisyon.
"Ano siya hilo?!" pagpapatuloy ni Carlota. "Ang lagay ay ganoon na lang? Ano siya ngayon?" Muli itong humalakhak. "Hindi nakabangon! At heto pa!" Hinugot nito mula sa dibdib ang isang lapad pagkatapos ay inamoy.
"Wow! Carlota?!" Namilog ang mga mata niya nang makita iyon. "Swerte mo naman!"
"Syempre! Ako pa!" Itinuro pa nito ang sarili at itinaas ang braso.
"Hep!" sambit ni Claudia. Gumitna ito sa kanila. "Ako rin mayroon!" Inilabas naman nito ang nakuha nitong tip na kasinghalaga ng nakuha ni Carlota at iwinagayway pa sa harapan nila.
"Ako kaya? Kailan ko magagawa na maka-tip araw-araw nang ganyan?! Malas ngayon. Wala akong ganyan. Kahapon mayroon. Ngayon ay wala," malungkot niyang wika.
"Ikaw naman kasi. Kulang ka pa sa practice. Dapat kasi pag-aralan mo ng uminom ng maraming alak. Makipagsabayan ka sa customers mo. Kung tutuusin ay ikaw ang pinakamaganda sa ating lahat na empleyado rito pero may kulang lang talaga sa'yo." Ibinalik na ni Carlota sa dibdib ang nakuhang tip.
"Tama!" sang-ayon ni Claudia sa tinuran ni Carlota. "Mukha ka ngang artista kung tutuusin eh. Pero sayang ka. Hindi mo siya masyadong ginagamit," wika nito habang ngumunguya ng bubble gum.
"Hirap kasi sa'yo eh nakakatatlo o apat ka pa lang ng alak ay ayaw mo na. Dapat makarami ka. Para everybody's happy naman!" ani Claudia.
"Iyong mga customer mo ay nasuswertihan mo lang kapag nagbibigay sila sa'yo ng lapad eh. Dapat huwag kang umasa sa swerte. Trabahuhin mo. Samantalahin mo habang narito ka sa Japan. Para mabilis kang makaipon `di ba, Claudia?" sabi ni Carlota.
"Sige. Bukas na talaga. Susubukan ko,"alanganin na wika niya habang pilit ang ngiti.
"Sus! Totoo na ba iyan?!" halos sabay na wika ni Claudia at Carlota sa kanya.
"Try lang," kiming wika niya.
Napaikot na naman niyang muli ang eyeballs ni Claudia sa sinabi niya.
"Huwag mong i-try, B*kla." Tinapik siya nito sa balikat. "Gawin mo!" wika nito.
Kasalukuyan na nilang hinihintay ang service nila sa labas noon nang mapansin na naman niya si Rako sa may gilid ng kalsada.
Nakasuot ito ng brown na coat na may ilang butas. Ang panloob nito ay nangingitim na puting t-shirt. Nakasuot ito ng kupya na itim. Medyo may kahabaan na ang buhok na parang nanlalagkit at matigas. Siguro ay dahil hindi na nakakaligo at nakakapag-shampoo. Ang mukha nito ay may konting dumi pero hindi naman sobra. Medyo mahaba na rin ang balbas nito dahil hindi na nakakapag-ahit marahil. Ang sapatos nito ay bota na kulay brown na may mga gasgas na.
"Nakatingin ka na naman sa Rako na iyan, Maya," wika ni Carlota nang mapansin marahil nito na nakatingin siya kay Rako. Naaawa kasi siya rito kapag nakikita niya ito.
"Wala kang mapapala riyan. Ilan beses ba namin na kailangan na sabihin sa'yo iyan?" paalala naman ni Claudia.
Kwento kasi ng mga ito ay dati raw na customer ng club na pinapasukan nila si Rako. Pero bukod pa sa club nila ay marami pa itong pinupuntahan na club. Sari-saring club nga raw ayon sa kwento ng mga dinatnan niyang mga kasamahan sa club. Mayaman at marami raw talaga itong pera noon. May itsura rin naman daw ito noon. Ang problema lang talaga ay matakaw raw sa babae. Winaldas ang pera sa babae. Nang may makatapat at na-inlove sa dancer na Pilipina sa club ay pumirmi na at ibinahay na lamang ang kababayan nila. Kaso pinerahan lang pala ng babae. Hinuthutan lang. Nang maubos na ang pera ay iniwan.
"Buti nga riyan!" natatandaan niya pang wika ni Claudia.
Naaawa siya kapag nakikita ito kaya naman sadyang nagdadala na siya ng biskwit para rito.
Lumapit na naman siyang muli rito at iniabot ang biskwit. Hindi pa siya nakuntento at dumukot ng tip na nakuha niya sa customer kanina.
Basta makita niya ito sa labas ay binibigyan niya ito. Hindi niya maintindihan pero magaan talaga ang loob niya rito. Naaalala niya ang kanyang Itay sa katauhan nito. B*liw siguro siya dahil para sa kanya ay may hawig ito sa kanyang Itay.
"Are you okay?" tanong pa niya rito habang nakangiti.
"Oo. Okay!" sagot nito at nag-thumbs up pa sa kanya. Pagkatapos ay ngumiti sa kanya. May alam ito nang kaunti na tagalog dahil Pilipina raw ang mga naging nobya nito noon. Naturuan ito.
Tangka na siyang tatalikod nang mahablot nito ang braso niya.
Nakita pa nga iyon nila Carlota at Claudia kaya nagpanic ang mga ito at tangkang lalapitan siya nang pigilan niya ang mga ito. Sinenyasan niya ang mga ito na ayos lamang siya.
Nginitian niya si Rako.
"Yes?" tanong niya rito. Tinabihan pa nga niya ito sa pagkakasalampak nito sa gilid ng kalsada. Nagtataka nga siya rito. Hindi naman ito mabaho kahit mukha itong mabaho sa itsura nito.
Nakita niya ang pag-iling-iling ng mga kasama niya sa kanya habang pinagmamasdan silang dalawa ni Rako.
Hinarap na niya si Rako pagkuwan.
"May ibibigay ako, sa'yo," wika nito sa kanya.
"Ano iyon?" nakangiting tanong niya rito.
"Iniabot nito sa kanya ang isang maliit na papel.
"Para saan ito, Rako?"
"Kapag kailangan mo ng tulong at matutuluyan ay puntahan mo ako sa address na iyan. Pwede mo rin akong tawagan sa numero na iyan," wika nito habang nakatawa na nagpalabas sa ngipin nito na maputi pa rin na ipinagtataka niya.
Naisip na lamang niya na baka lahi nito ang maputi talaga ang ngipin.
"Salamat, Rako," sagot niya at ibinulsa na niya ang papel na ibinigay nito sa kanya.
"Puntahan mo lang ako," muli pa nitong wika.
"Sige."
Tumayo na siya at tinawid ang daan.
"Ano iyong ibinigay sa'yo ni Rako, Maya?" tanong ni Claudia habang nakataas ang kilay.
"Address niya. Kapag kailangan ko raw ng tulong ay puntahan ko siya roon."
"Hah? At naniwala ka naman?! Wala ngang bahay iyan eh. Paanong magkakaroon ng address? Bali* talaga iyan. Naku, sinasamantala na ng Rako na iyan ang kabaitan mo, Maya. Aba'y gusto pa yatang makalibre sa'yo eh. Baka iyang address na binigay sa'yo ay abandonadong building tapos kapag naroon ka na ay pagsasamantalahan ka na."
"Grabe naman kayo… hindi naman siguro," pagtatanggol niya kay Rako.
"Huwag mo na ngang ipagtanggol iyan, Maya. OA na ang kabaitan mo ha," dagdag ni Claudia.
"Oo nga. Grabe naman. Ganyan na ang kalagayan niya ay mahilig pa rin," singit naman ni Carlota. "Iwww. Makakakuha ka pa ng sakit sa taong iyan, Maya. Huwag kang magtatangka na maniwala riyan. Baka mamaya ay may masama ng balak sa'yo iyan."
"Uy, B*kla. Baka marinig kayo ni Rako ano ba?! Kawawa naman siya."
"Eh bakit ba?! Totoo naman ang mga sinasabi namin ha! Wala kaming pake kahit marinig niya noh!" Humalukipkip pa ito at paismid na tiningnan si Rako.
Hindi na niya namalayan na wala na pala si Rako sa kalsada.
"Umalis na. Mukhang narinig nga kayo," sisi niya sa mga kasama.
"Pabayaan mo siya! Ikaw naman kasi! Masyado kang transparent. Pinapakita mo ang kabaitan mo riyan eh hindi naman niya deserve!"
Napailing na lamang siya at hindi na muling nagsalita pa. May pakiramdam kasi siya na hindi naman siya pakikinggan ng mga ito.
Kinabukasan na uwian nila ay nalungkot siya dahil hindi niya nakita si Rako. Naisip niya na baka nagtampo ito dahil sa mga narinig sa mga kasama.
"Bakit lungkot-lungkutan ka riyan?" sita sa kanya ni Carlota.
"Wala iyong lablayp niya roon sa kabilang daan," singit ni Claudia habang nakangisi.
"Hindi ko siya lablayp noh. Mabait lang iyong tao sa akin," depensa niya.
"Ano'ng mabait? Ikaw lang iyong mabait. Wala kang mapapala sa Rako na iyan. Inuulit namin sa'yo nang magising ka na! Nag-aaksaya ka lang ng panahon mo sa kanya noh. Kung ako sa'yo aralin mo na lang ang mga payo namin sa'yo."
Nang sumunod na araw ay muli na naman na naroon si Rako sa pwesto nito. Agad na nilapitan niya ito.
"Hi, kumusta ka na, Rako?"
"Okay lang naman, Maya. Mabuti naman ako."
"Pasensya ka na sa mga kasama ko ha. Mapagbiro talaga ang mga iyon."
"Ayos lang. Totoo naman ang mga sinabi nila. Huwag mo akong alalahanin."
"Heto, Rako. Masarap ito. Tikman mo." Tumabi siya ulit dito at ipinagbukas ito ng chocolate."
"Maya, bakit mabait ka sa akin kahit na alam mo naman ang nakaraan ko? Hindi ka ba natatakot sa akin?"
"Bakit naman ako matatakot sa'yo? Alam kong mabait ka. Deserve ng kahit sino ang pagmamahal. Walang pinipili."
"Bakit? Mahal mo ba ako?" parang baliw na tanong nito sa kanya.
"Hindi," tumatawang sagot niya rito. "Basta. Masaya ako kapag nabibigyan kita. Kahit hindi naman ikaw ang nasa harapan ko ay bibigyan ko rin basta kaya kong bigyan. Alam ko kasi ang pakiramdam ng walang-wala. Basta," naiyak siya bigla.
"Sorry ha. May naaalala lang kasi ako. Sige na. Parating na ang service namin. Ingat ka ha," wika niya at pagkuwan ay tumayo na siya.
Iyon ang huling pag-uusap nila. Heto na siya at siya naman sa huli ang nasa kalye at walang-wala. Hindi pa niya alam kung kailan babalik sa normal ang lahat. Sobra na ang gutom niya. Pero patuloy lamang siya sa paglalakad nang makita niya ang basurahan sa may gilid ng kalsada. Ang pinakahuling nais niyang gawin ay mukhang magagawa na niya. Hindi na niya namalayan ang sarili na nagkakalkal ng basurahan. Kinalkal niya iyon hanggang makita niya ang isang food box na may kasama na mineral bottle na may kaunti pang tubig at nakabalot ng plastic. Kinuha niya iyon at binuksan. May piniritong manok na may mga laman pa. Inamoy niya ito. Mukhang hindi pa naman panis sa tantya niya kaya naman pagtyatyagaan na niya. Nagmasid siya sa paligid na animo ay kriminal siya na may pinagtataguan. Nang walang nakakakita ay dali-dali siya na nagtungo sa isang sulok at naupo. Umusal na lamang siya ng panalangin na sana ay hindi sumakit ang tiyan niya. Pikit ang mata na kinain niya ang manok. Hindi niya napigilan ang maiyak habang nginunguya ang manok.
"Masarap naman pala siya," piping wika pa niya. "Kumusta na kaya ang pamilya ko ngayon?" muli ay tanong niya sa isipan. Sana ay makabalik na siya agad sa club. Binuksan na niya ang mineral water at pinunasan muna sa jacket ang nguso nito. Pagkatapos ay ininom. Matapos niyang makakain ay nag-isip siya. Naisip niya kung saan siya magpapalipas na naman ng gabi. Sa sobrang stress niya sa kakaisip ay inilagay na naman niya ang palad sa bulsa ng jacket niya. Muli ay nasalat niya ang papel. Kinuha niyang muli ito at binasa.
Sa estado sa buhay ni Rako ay pwede ba niyang paniwalaan talaga ang sinabi nito na kapag sakaling kailanganin niya ng tulong at matutuluyan ay malaya niya itong mapupuntahan? Mayroon pang telephone number pero totoo nga kaya? Mistulang palaboy-laboy lamang ito sa kalye kaya paanong magkakaroon ng address?
"Pero ano kaya kung subukan ko na puntahan? Wala naman masama kung susubukan ko eh," wika niya sa sarili. Sa huli ay napagdesisyunan niya na hanapin na. Ipagtatanong niya. Baka sakali. Huminga siya nang malalim at pagkuwan ay lumakad na siya. Dahil hindi siya ganoon kabihasa sa paggamit ng wikang hapon ay ipinapakita na lamang niya mismo ang address na nakasulat sa napagtatanungan. Nang una ay talagang nahirapan siya dahil ang ibang pinagtanungan niya ay talagang hindi alam ang nakasulat sa address. Ngunit sa huli ay sinuwerte naman at alam nila. Ngunit nagtataka lamang talaga siya. Hindi kaya mali ang itinuro sa kanya ng mga napagtanungan? Paano siyang humantong sa harap ng isang malaking gate na iyon? Na ang nasa loob ay isang tahanan na mayroong tatlong palapag at sobrang gara? Niligaw ba siya ng mga pinagtanungan niya? Bakit naman ganoon? Hapong-hapo na siya para lamang marating ang hinahanap pagkatapos ay malalaman niya na niligaw lamang siya? Naiiyak na naman siya. "Inay," usal niya. Pinahid niya ang luha na dumaloy muli sa pisngi niya. Hindi kasi ang inaasahan niyang bahay na nasa harapan niya ang dadatnan niya. Gusto na niyang umalis at bumalik na lamang sa pinanggalingan niya ngunit nakapagtataka na ayaw nang gumalaw ng mga paa niya. Marahil ay pagod na siguro ang mga ito at tila nangangailangan na rin ng pahinga sa haba ng nilakad. Ipinasya niyang maupo sa may gilid ng gate.