CHAPTER 14: Elijah’s True Feelings.
Written By: CDLiNKPh
"OH PARE, bakit nagmumokmok ka rito? Hindi ka makipaglaro ro'n sa kanila?" puna ni Paolo kay Elijah nang makita nito na umiinom lang ng alak sa isang sulok ang lalaki. Kasalukuyang naglalaro ng billiards ang mga kasamahan nila sa g**g. Doon sa lugar na iyon ang tambayan nila at may mangilan-ngilan ding babae roon na pinagsisilbihan sila at handang magbigay ng 'extra service' pero parang walang pakialam si Elijah. Sinabi pa nito sa mga kasamahan nila na gusto raw nitong mapag-isa pero lumapit pa rin siya. Itinuturing siya nito na isa sa mga pinakamalapit na kaibigan nito.
"Masarap sa pandinig ang boses niya Paolo. Malumanay din siyang magsalita at malambing pero ngayon ni hindi niya ako magawang pansinin...Bakit ganoon siya ha, Paulo? Bakit niya ako tinatanggihan? Wala pang nakakatanggi sa isang Elijah Salvador!" lasing na pagkukwento ni Elijah na hindi niya mawari kung siya ba o ang sarili nito ang kinakausap.
"Teka, huwag mong sabihin na dahil na naman iyan sa ikinukwento mo sa akin noong nakaraang araw na si Colleen? Mukhang tinamaan ka na talaga sa babaeng iyan ah. Parang noong nakaraang araw lang ang saya-saya mo habang kinukwento mo siya. Ngayon naman para ka nang mamamatay! Tingnan mo ang hitsura mo Elijah. Hindi ikaw iyan. Ngayon ka na lang ulit naglasing nang dahil sa isang babae!" Hindi niya mapigilang sabihin.
"Akala ko attracted lang ako kay Colleen. Akala ko naiintriga lang ako sa kanya dahil sa pagkainosente niya. Pero hindi pala basta ganoon lang iyon. Parang dinudurog ang puso ko sa tuwing naiisip ko na hindi na niya ako gustong makausap ulit," nakatulalang sabi nito na tuluyan nang umiyak. Hindi siya makapaniwala! Para talagang nawawala na ito sa sarili nito.
"Mahal mo na nga talaga s'ya P're. Hindi ka naman magkakaganyan kung hindi. Pati pananalita mo nagiging corny," komento niya. Si Elijah ang tipo ng lalaki na hindi basta-basta nagkakagusto. At ito ang pinakaunang tao na hindi naniniwala sa love at first sight. Pero base sa nangyayari rito ay walang duda na minahal nito si Colleen sa unang beses pa lang na makita nito ang babae. Mas malala pa ito ngayon kaysa noong nabigo ito kay Eliza. "Paano ba 'yan Elijah, ang ibig bang sabihin nito ay nakalimutan mo na si Eliza?" Bigla niyang naisipang itanong.
Tumalim ang tingin nito. "Magkaiba sila ng kaso ni Colleen! Si Eliza kababata ko pero nagawa pa rin niya akong ahasin! Ngayon ko lang napagtanto na hindi ko naman talaga siya minahal. Masyado lang akong nasanay na palagi ko siyang kasama noon. Pero si Colleen, iniiwasan lang niya ako dahil sa kasalanan ko. Iba siya... Minsan lang ako magmahal. Kaya hinding-hindi ako papayag na sa pangalawang pagkakataon mawala pa ulit ang pag-ibig na iyon. Gagawin ko ang lahat para lang mapasakin siya! Naririnig mo ba ako ha, Paolo?!" pagalit na sagot nito. Napatango na lang siya. Parang siya pa tuloy ngayon ang inaaway nito.
"Chill, Bro! Relax! Masyado ka namang seryoso eh. Isa lang naman ang problema mo eh. At iyon ay si Jodith. Bakit kasi hindi mo na lang siya itumba? Para wala ka nang maging problema at pwede mo nang angkinin si Colleen," nakangising suhestiyon niya na ang ibig sabihin ay ang ipapatay na lang ang babae.
"Sira ulo ka ba? Kahit na inis ako sa babaeng iyon nasa loob pa rin ng sinapupunan niya ang anak ko. Ang kailangan ko lang gawin ay ang mapaniwala si Colleen na hindi ko nga anak ang batang iyon. Kukunin ko rin ang anak ko kay Jodith pero sa ngayon kailangang mas unahin ko si Colleen bago pa siya makuha ng ibang lalaki! Hinding-hindi ako makapapayag na mapunta siya sa iba! Akin siya Paolo! Naiintindihan mo? Akin siya!" Uminit na ang ulo na sabi ni Elijah. Masyado na itong obsessed! Parang pati tuloy siya ay kinakabahan na rito. Alam niya ang mga bagay na kayang gawin ni Elijah para lang makuha ang gusto nito.
------
KINABUKASAN...
Hindi alam ni Colleen kung saan siya kukuha ng pera. Kanina lang ay pinagmalaki sa kanya nina Grace at Mariz ang ticket na binili ng mga ito para sa nalalapit na concert ni Jake Pineda. Successful ang movie ng mga ito kaya mas lalo pang dumami ang mga fans nito. Ibig sabihin napakabenta ng mga tickets at kapag 'di pa siya nagmadali ay baka maubusan pa siya. Para siyang maiiyak sa inis kapag naiisip niya na hindi siya makakapunta habang siguradong mag-eenjoy naman ang dalawa.
Nakakainis naman kasi sina Mariz at Grace eh! Bakit kasi hinayaan nila akong maging fan ni Jake Pineda! Ang mahal pa naman ng ticket! Sa tatlong libong ticket ay tatlong daan lang ang pera 'ko! Anong gagawin ko ngayon? Saan ako kukuha ng pera? sabi niya sa isip. Para siyang maiiyak sa kadesperaduhan.
Sinabi na lang niya kanina na hindi siya interesadong sumama kahit ang totoo ay gustong-gusto niya! Sana lang talaga ay ang ticket niya sa raffle noong mall tour ni Jake Pineda ang mabunot para siya ang maka-date nito. Siguro kapag nangyari iyon ay laking inggit nila Grace at Mariz.
Pero asa pa siya. Sa libong taong tagahanga nito ay isang porsyento lang ang pag-asa na siya ang mabunot.
Nakayuko pa rin sya habang nag-iisip ng malalim kaya hindi niya napansin ang Kuya niya na naghihintay pala sa kanya
"Colleen!" nakangiting tawag nito.
"Kuya! Anong ginagawa mo rito? Saka kanino ang kotse na 'yan?" nagtatakang tanong niya kay Carlo.
"Good news Colleen dahil na-promote ako sa opisina. At itong kotse na ito ang pinagagamit sa akin ng kumpanya para mapuntahan agad ang mga kliyente. Kaya kailangan nating magsaya. Tara, ililibre kita," masayang balita nito nang lumabas sa kotse. Hinawakan siya nito sa kamay saka siya pinasakay sa bagong-bago at kulay pulang sasakyan.
------
LINGID sa dalawa ay may nakamasid pala sa kanila. Si Elijah! At hindi siya makapaniwala na kasama ng babaeng mahal niya ang traydor niyang kaibigan.
Doon ay muling ginunita niya ang nakaraan...
Magkaklase sila noon ni Carlo sa kursong Accountancy. Simula pa noong bata pa siya ay sanay na siya na siya ang nangunguna sa klase. Pero nang dumating sa buhay niya si Carlo ay doon niya naranasang maging pangalawa. Sa academics at sa sports ay si Carlo ang nangunguna noon. Pero sa kabila niyon ay naging magkaibigan sila dahil na rin sa magkapareho sila ng mga hilig sa buhay. Akala niya noon ay nagkaroon siya ng kakampi sa katauhan nito. Pakiramdam niya ay nagkaroon siya ng kapatid na lalaki dahil magkasundo sila sa lahat ng bagay at madalas ay nagkalapalitan pa sila ng mga ideya tungkol sa iba't-ibang bagay. Ibinigay niya ang buong tiwala rito at hindi nagpadala sa sinasabi noon ni Paolo na baka dumating ang panahon na baka agawin sa kanya ni Carlo ang lahat ng bagay na mayroon siya.
Pero tama pala si Paolo. Dahil inagaw ni Carlo ang unang babaeng minahal niya. Si Eliza...
Pinagkasundo sila ng mga magulang nila para ipakasal. Pumayag noon si Eliza sa kasunduang iyon kaya ang akala niya ay mahal siya nito pero pinutol nito ang kasunduan na iyon nang makilala nito si Carlo. Minahal ni Eliza si Carlo na nagawa nitong ipagpalit siya sa lalaki!
Tinanggap niya ang pagkatalo noon pero nagulat na lamang siya nang malaman na niloloko lang pala ni Carlo si Eliza. Inagaw pa nito sa kanya ang babae kahit alam na alam nito kung gaano niya itong kamahal pagkatapos ay iiwan lang pala nito iyon?
Pumunta sa Amerika si Eliza na dala-dala ang hinanakit nito kay Carlo. Nagalit na rin ang mga magulang niya rito kaya naman hindi na sila nagkabalikan. Hanggang sa nabalitaan na lang niya na nag-asawa na ng Amerikanong itim si Eliza na ni hindi man lang binigyan ng pagkakataon ang pag-ibig niya rito.
At dahil iyon kay Carlo! Sa manloloko at sa traydor na si Carlo!
Pinutol niya ang pakikipagkaibigan dito noon at nagpalit siya ng kurso. BS Administration ang kinuha niya na hindi niya na rin napagtuunan ng pansin dahil napabarkada siya noon. Nawala ang gana niya sa pag-aaral na wala na siyang pakialam noon kung may makaungos pa man sa kanya.
Sumali siya sa g**g dahil na rin sa suhestiyon ni Paolo. Gumawa sila ng mga masasamang bagay. Babae rito, babae roon. Nambubugbog ng mga inosenteng tao. Minsan nagti-trip din na mang-umit sa mga malls kahit mayayaman naman sila. Self-satisfaction lang kumbaga.
Naisip niya noon. Bakit nga ba niya kailangang gumawa pa ng mabuti kung hindi naman iyon nakikita ng mga taong pinahahalagahan niya? Wala namang may pakialam kung maging masama siya. Si Carlo at Eliza? Iniwan at tinraydor siya ng mga ito. Mga taong pinagkakatiwalaan niya.
At ngayon nagkita na naman sila ng 'ahas' niyang kaibigan matapos nitong maka-graduate. Habang siya ay naiwan sa school na estudyante pa rin hanggang ngayon.
At ngayon naandito na naman si Carlo para na naman ba agawin sa kanya ang babaeng mahal niya?
Kung iniisip mo na makakaisa ka ngayon Carlo, nagkakamali ka. Dahil hinding-hindi ako makapapayag na mangyari na naman ang pang-aagaw mo noon. Magpakasaya ka ngayon. Dahil sisiguraduhin ko sa'yo na hindi rin magtatagal iyan, aniya sa isip.
Sakto namang lumabas din mula sa gate ng school ang dalawang kaibigan ni Colleen. Agad siyang lumapit sa dalawa.
"Hoy, kayo. Sabihin ninyo nga sa akin. May boyfriend na ba si Colleen? Ano niya iyong kasama niyang lalaki na umalis?" iritableng tanong niya. Ni ayaw niyang tumingin sa dalawa. Wala talaga siyang kaamor-amor sa mga panget na babae. Ni hindi niya makita ang dahilan kung bakit kinakaibigan ang mga ito ni Colleen. Ni hindi niya matandaan ang pangalan ng dalawang ito.
"Walang boyfriend si Colleen pero hindi mo s'ya pwedeng ligawan! Lolokohin mo lang siya eh!" pagsigaw ng babaeng maitim.
Nagpanting ang tenga niya. Napakamot siya sa baba na ang ibig sabihin lang ay nayayamot siya. Saka niya nilapitan ang babaeng madada saka ito hinawakan nang mahigpit sa baba.
"Alam mo ba kung sino ang kausap mo ha, panget? Huwag kang bastos! Kapag kinakausap ka sumagot ka, kung ayaw mong tamaan ka sa akin," nanggigigil na sabi niya na wala ni katiting na paggalang.
"Tama na iyan! Huwag mong saktan si Grace! Walang boyfriend si Colleen! Kapatid niya si Carlo! Kuya niya iyong lalaking kasama niya!" natataranta namang sagot ng babaeng maikli magsuot at makapal ang make-up.
Inis na tinulak niya palayo ang tinawag na Grace saka walang ano-ano na sinuot niya ang helmet saka sumakay na sa motor.
Naiwan na takot na takot sina Mariz at Grace.
Ngayong alam na ni Elijah ang totoo ay naninibugho siya sa katotohanan na sa dinami-dami ng tao na pwedeng maging kapatid ng babaeng mahal niya ay bakit si Carlo pa?
Pinaglalaruan ba sila ng tadhana?