CHAPTER 15: Ang unang Halik

2062 Words
CHAPTER 15: Ang unang Halik Written by: CDLiNKPh "KUYA, salamat ah? Alam mo sobrang namiss ko 'to. Naaalala ko noon nung nasa probinsya pa tayo palagi mo akong nilibre sa Jollibee noon," sabi ni Colleen na tuwang-tuwa na dinala niya ulit ito sa paborito nitong fastfood. Kakatapos lang nilang mag-shopping at pinamili niya ito ng mga bagong damit kaya napagod sila. "Ikaw talaga para kang bata. Palagi pa rin naman akong may pasalubong sa inyo nina Mama at Papa kapag umuuwi ako ah?" nakangiting sabi niya. Ngumuso naman si Colleen. "Kahit na. Masaya lang ako kasi ngayon lang tayo ulit nakalabas ng tayong dalawa lang. Matagal na tayong walang bonding Kuya. Maganda naman iyong ganito na makapagsaya tayo para hindi ka na lang palaging nagsusungit. Pakiramdam ko bumalik ulit iyong dati kong Kuya sa probinsya. Ikaw na ulit si Kuya Carlo ko," paliwanag nito. Napatawa tuloy siya. "Nagsusungit? Dating Carlo? Ano ka ba naman Colleen eh ako pa rin naman ito. Ano bang pagbabago ang sinasabi mo riyan?" "Iyon kasi ang pakiramdam ko Kuya. Pakiramdam ko iniiwasan mo ako at palagi na lang mainit ang ulo mo sa akin. Naisip ko na siguro kaya ka nagkakaganyan ay dahil hanggang ngayon ay broken hearted ka pa rin kay Ate Eliza. Mahal mo pa rin ba siya Kuya? Hanggang ngayon wala ka pang sinasabing dahilan sa amin nina Mama at Papa kung bakit kayo naghiwalay. Ano ba talagang naging problema?" tanong nito bago kumagat sa burger nito. Bumuntong-hininga siya. "Hindi si Eliza ang dahilan Colleen. Gusto mo ba talagang malaman kung ano ang dahilan?" sabi niya na tumitig sa mga mata nito. Nang mga sandaling iyon ay gusto na niyang sabihin dito ang totoo. "Nakipaghiwalay ako kay Eliza dahil hindi ko pala kayang mahalin siya. Dahil kahit na anong gawin ko hindi ko pa rin makalimutan iyong babaeng mahal ko talaga. Hanggang ngayon, siya pa rin ang hinahanap ng puso ko..." sabi niya habang titig na titig sa maamong mukha ni Colleen. Gusto niyang maramdaman nito na ito mismo ang tinutuloy niya. Ang babae na matagal na niyang iniibig ng lihim. "May mahal kang iba Kuya? Kung gano'n sino siya? Kilala ko ba?" naguguluhang tanong nito. Ngumiti siya ng mapakla. "Oo. Kilalang-kilala mo siya." "Sino? Saka bakit hindi naging kayo Kuya? Ang pagkakaalam ko kasi si Ate Eliza lang ang naging girlfriend mo. Akala nga ni Mama bading ka dati eh! Pagkatapos ngayon mayroon palang third party sa inyo ni Ate?" sunod-sunod na tanong nito. Naihilamos niya ang kamay sa sariling mukha. Napakamanhid nito. Balewala lang ba talaga rito ang malalim na titig na ibinigay niya? "Malalaman mo rin ang lahat pagdating ng panahon Colleen. Hindi pa ito ang tamang panahon. Wala ring alam ang babaeng tinutukoy ko. Mas mabuti nang maging lihim ang lahat kaysa naman mawala siya sa akin. Sigurado ako na kapag nalaman niya ang nararamdaman ko ay siya lang ang masasaktan. Mas maigi na ang ganito. Mas maigi nang ako na lang ang masaktan kaysa siya," malalim na sabi niya saka na tuluyang tumayo. -------- NAPASUNOD na rin si Colleen sa Kuya niya matapos nilang kumain. Hindi niya mapigilang maawa sa Kuya niya. Nakita niya sa mga mata nito kanina na malungkot talaga ito. Pakiramdam niya ang dami-dami nitong bagay na kinikimkim lang nito sa sarili nito na kahit sa kanya ay hindi nito masabi. Kung sino man ang babaeng mahal ng Kuya niya ay ngayon pa lang ay nagagalit na siya rito. Napakatanga nito para hindi makita kung kagaano kalaking bagay ang pinakawalan nito at hindi nito minahal si Carlo. Tinitingala niya ang Kuya niya. Para sa kanya ay ang mga lalaking katulad nito ang gusto niyang makasama habang buhay. Katulad ni Carlo ang lalaking gusto niyang makasama habang buhay balang araw. Matalino, responsable at mabait na anak at kapatid. Para sa kanya napakaswerte ng babaeng gusto nito. Pero bakit ganoon? Bakit parang masakit sa kanya? Bakit parang ayaw niya iyong ideya na parang masyadong mahal na mahal nito iyong babaeng tinutukoy nito? MULA sa hindi kalayuan ay nakamasid pala si Elijah kina Carlo at Colleen. Magkapatid ba talaga sila? sa isip-isip niya. Kung titingnan ang dalawa ay walang mag-iisip na hindi sila magkasintahan lalo pa at hawak kamay sila. Hindi magkamukha ang dalawa at wala rin sa mga ugali at kilos ng mga ito ang magkapareho. At nakikita niya na iba ang kislap ng mga mata ni Carlo habang nakatitig ito kay Colleen. Transparent ang wall ng jollibee kaya natanaw niya kung paano nitong pukulan ng malagkit na titig si Colleen. May nakababatang kapatid din siyang babae at kahit kailan ay hindi niya tinitigan ng ganoon si Wendy. Alam niya na may nangyayaring kababalaghan. Iba ang nakikita niya kay Carlo. Parang isang lalaking nagmamahal ang titig nito. May pagsuyo. May magkapatid bang ganoon? At kung totoong magkapatid ang mga ito ay bakit ganoon na lang ang ngitngit sa dibdib niya? Bakit selos na selos siya? Bigla siyang kinutuban. Hindi siya titigil hangga't hindi nalalaman kung totoo ba ang hinala na namumuo sa utak niya. Agad niyang tinawagan si Mr. Ong. Isang private investigator. ------- PAGKATAPOS kumain ay nagpunta sa Quantum sina Carlo at Colleen. Naglaro sila ng video games ni Carlo. Nag-basketball shooting, sumayaw sa dance revo at nakakuha pa ito ng stuffed toy na ibinigay nito sa kanya. Ang saya-saya niya nang mga sandaling iyon. Para bang ayaw na niyang matapos pa ang araw. Madalas siya sa Quantum kasama ang mga kaibigan niyang sina Grace at Mariz pero iba ang saya na nararamdaman niya ngayong ang Kuya Carlo niya ang kasama niya. Dahil namamasyal na rin lang ay pumunta sila sa videoke room. Kaunti lang ang nakakaalam pero parehas silang mahusay kumanta ni Carlo. Iyon nga lamang at walang nakakarinig noon bukod sa kanilang dalawa rin. Nahihiya silang kumanta kapag nasa harapan na ng ibang tao. Nag-duet sila. Nag-umpisang kantahin ni Carlo ang liriko ng kanta. Hindi niya maintindihan kung bakit nang marinig niya ang tinig nito ay parang bumaon sa puso niya ang liriko ng kantang sinasabayan nito. Malamig ang boses ni Carlo. Swabe at masarap pakinggan. Pakiramdam niya ay bigla itong naging gwapo sa paningin niya... Hanggang sa siya na ang umawit. Para siyang mapapaso sa tingin ni Carlo. Tinititigan siya nito na para bang tumatagos sa kaluluwa niya ang mga tingin nito... Dumating ang chorus ng kanta. Pumailanlang sa karaoke room na iyon ang ganda ng boses nila. Sabay silang umaawit kasama ang puso nila. Nagtitigan sila habang umaawit na para bang sila lang ang tao sa mundo... Para silang nakalutang sa ere... Sana'y maramdaman mong mahal pa rin kita Sana maniwala kang di ka na mag-iisa Dalangin at pangarap ko Ako'y muling mayakap mo Sana pagbigyan ang puso ko Nagkatitigan sila pagkatapos ng kantang iyon. Para bang nag-usap ang mga mata nila. Para bang nagkakaintindihan ang mga puso nila kahit hindi naman sila nag-uusap. Hindi niya alam kung bakit nang mga sandaling iyon ay hindi 'Kuya' ang tingin niya rito. Pakiramdam niya ay lumakas ang t***k ng puso niya. Para bang... Para bang lalaki ang tingin niya kay Carlo? Lumapit ang mukha nito sa mukha niya. Para bang may pwersang humihila rito palapit sa mga labi niya. Hindi siya nakatiis at bigla siyang umupo. "A-ahh, parang ang init dito Kuya! Order ka naman ng maiinom natin!" sabi niya na kunwari ay nagpaypay pero ang totoo ay nanginginig ang mga kamay. Bumuntong hininga naman si Carlo. Saka na lumabas at tinawag ang operator ng Music 21. Ano iyong muntikan nang mangyari kanina? Nananaginip lang ba ako? Muntikan na kaming- Hindi! Baka imahinasyon ko lang iyon! Imposibleng halikan ako ni Kuya Carlo! Magkapatid kami! matigas na pagtanggi ng isip niya. Pumasok ang operator sa loob na may dala ng pagkain at inumin. Parang pulutan na nila. Beer para kay Carlo at juice para sa kanya. Bata pa raw kasi siya kaya pinagbabawalan nitong uminom siya. Niyaya siya ulit kumanta ni Carlo ng duet sila pero tumanggi siya. Ayaw niya dahil baka may maramdaman na naman siyang kakaiba. Kumanta na lang ulit si Carlo. Solo na lang nito ngayon. At muli, habang kumakanta ito ay naroon na naman ang tambol sa puso niya. Bakit ba kasi napakagaling kumanta ng Kuya niya? Bakit parang nagrarambulan ang mga daga sa dibdib niya? I get weak in a glance Isn't this what's called romance? And now I know 'Cause when I'm lost I can let go Nang marinig niya ang instrumental ng kanta ay lalo lang nagwala ang puso niya. Masyadong romantiko ang tunog na para bang nagniningning na si Carlo sa paningin niya. Ngayon lang niya iyon naramdaman sa tagal na nakakasama niya ito. Ano ba itong nararamdaman niya? Sa kantang iyon mas lalo lang lumalala ang tensyon sa pagitan nila. Ayaw niyang tingnan si Carlo pero hindi niya maiwasang hindi mapatulala sa mukha nito. Ayaw niya itong nararamdaman niya! Nagiging wirdo na siya! Dinampot niya ang unang basong nakuha ng kamay niya sa mesa. Napansin niya na alak iyon pero wala na siyang pakialam. Mas maigi na ngang uminom siya at baka sakali ay mawala sa isip niya ang kakaibang nararamdaman niya. Inom lang siya ng inom habang wala namang kamalay-malay si Carlo na kanta nang kanta lang. NATAPOS na rin sa pagkanta si Carlo sa wakas. Nagulat siya nang biglang inagaw ni Colleen ang mike at bigla na lang itong nagkakakanta ng Dancing Queen. Pero hindi na maganda sa pandinig ang pagkakakanta nito ngayon. Para itong nagwawala. Awtomatikong napatingin siya sa lamesa. Halos nangangalahati na nga ito sa beer na para dapat sa kanya! Lasing ito! We are the dancing queen! Young and sweet only seventeen! Parang sirena ng ambulansya na pagkanta ni Colleen. Halos mabingi siya! Hindi na siya nakatiis at inagaw niya ang mikropono rito. Bigla niyang naamoy ang amoy alak pero mabango pa ring hininga nito. Namumungay na rin ang mga mata nito. At ang lapit-lapit na ng mukha nila... Ang lakas-lakas na ng t***k ng puso niya... Sobrang nakakaakit ito sa paningin niya. Pakiramdam niya parang sasabog ang puso niya. Kahit yata ang santo ay bibigay rito. Umiling-iling siya. Hindi ito ang tamang oras para magpantasya na naman sya. "Kuya bakit ka ba ganyan ha? Bakit pakiramdam ko hindi tayo magkapatid? Ayokong maging kapatid kita. Gusto ko ako lang ang babae sa buhay mo. Si Ate Eliza? Hindi kayo bagay, alam mo ba kung bakit? Kasi tayo ang bagay," lasing na sabi nito na humagikhik pa. Sinubukan nitong tumayo pero natumba lang ito. Ramdam na ramdam niya ang pagtambol ng dibdib niya. Bakit sinasabi ni Colleen ang mga bagay na iyon? Dahil ba lasing ito? Kailangan pa ba nitong malasing para lang masabi nito ang mga bagay na iyon sa kanya? Gustong umasa ng puso niya na may bahid ng katotohanan ang sinasabi nito ngayon pero lolokohin lang niya ang sarili niya kung maniniwala siya. Ni hindi alam ni Colleen na ampon ito. Imposibleng mahalin siya nito nang higit pa sa kapatid katulad ng nararamdaman niya para rito. "Umuwi na tayo Colleen. Hindi ka dapat umiinom ng alak nang hindi ko alam. Tingnan mo nga iyang hitsura mo, lasing na lasing ka na hindi mo na alam ang sinasabi mo!" galit-galitan na sabi niya. Pinipigilan lang niya ang sarili kahit na ang gusto niya ay yakapin lang ito. "Ayoko pa umuwi! Dito muna tayo Kuya. Kakanta pa 'ko eh- Hik!" sabi nito na sininok pa. Lasing na lasing talaga at hindi niya ito masisisi dahil unang beses nitong uminom at matapang pa na alak ang ininom nito na medyo naparami. "Hindi! Aalis na tayo ngayon bago pa lumindol dito. Baka masira iyang karaoke sa kakakanta mo!" "Pa-kiss muna," namumungay ang mga mata na dumikit ito sa kanya. "Colleen tumigil ka nga--" Huli na ang lahat dahil bago pa man matapos ang sasabihin niya ay sumayad na ang malambot na labi nito sa labi niya! Hinalikan siya nito! --- Gusto mo mabasa ang karugtong? Pwede ng mabasa ng buo dahil tapos na ang story na ito. If you want to buy digital copies of my books na completed na, just go to Google Play then click book tab tapos Search n'yo lang, CDLiNKPh OR just send a message in my F B , just search CDLiNKPh para masabi ko po ang process. If you'd like to support me in creating more stories in the future, you can donate here: GCASH: 09152881691 MAYA: 09910091691
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD