CHAPTER 7: Jake Pineda.
Written By CDLiNKPh
"OH, bakit nakasambakol iyang mukha mo?" nagtatakang tanong ng kaibigang si Mariz sa kanya paglapit ng mga ito sa upuan niya.
Ang aga-aga pa naman niyang pumasok pero liliban lang naman pala sa klase ang guro nila sa unang klase.
"Nag-away kasi kami ni Kuya Carlo kanina," walang ganang sagot niya.
"Eh bakit ba kasi, ano bang ginawa mo at nagalit sa'yo si Papa Carlo? Basta ako Colleen, patawarin mo na ako pero kahit anong mangyari nasa side pa rin niya ako! Ang gwapo-gwapo niya noong nakaraan araw! Salamat talaga at pinakilala mo kami sa kanya ah! Sana kami ang magkatuluyan!" kinikilig na sabi ni Mariz at nagniningning pa ang mga mata sa pangangarap.
Kung alam lang ng mga ito ang sinabi ng Kuya niya patungkol sa mga ito ay malamang mawawala ang pagkagusto ng mga ito sa kapatid niya.
"Sus, kung makapagsalita naman ito akala mo si Carlo ang friend niya at hindi si Colleen! Hay naku girl, 'wag mo nang pansinin ang malandi na 'yan. Mabuti pa ako na lang ang palagi mong isama sa bahay ninyo para makita ko si Carlo. Tutal naman mas close tayo kaysa kay Mariz di'ba?" pambobola ni Grace na umupo na sa upuan nito sa tabi niya at isinandal pa ang ulo sa balikat niya.
"Sus! Kung makapagsalita ang galing pero siya rin naman pala!" pagtaas ng kilay na sabi ni Mariz. "Anyway, narinig na ba ninyo ang bagong kanta ni Jake Pineda? Grabe nakakakilig talaga ang boses niya!" biglang balik ang magandang mood na sabi nito.
"O, akala ko ba eh may mahal ka na? Hindi ba sabi mo nga, sana si Carlo ang makatuluyan mo pagkatapos ngayon nangangarap ka naman ng ibang lalaki? Iba rin ang kalandian mo girl ano," panunukso ni Grace.
"Eh iba naman iyon ano! Siya ang reality tv ko at si Jake naman ang prince charming ko! 'Wag ka nang magpanggap dahil alam ko naman na patay na patay ka rin kay Jake Pineda pero syempre daig pa rin kita kaya tingnan mo 'to!" Saka Inilabas ni Mariz ang pinakalatest album ni Jake.
Hindi na nakatiis si Grace at agad itong lumapit pagkakita sa napakagwapong mukha ni Jake na nasa cover.
"Saan mo nabili ito? Sa susunod na linggo pa nila ito ila-launch 'di ba? Ang daya mo bakit naunahan mo ako? Pahiram ako niyan!" Hindi na nakatiis si Grace at pilit na hinahablot ang album sa kamay nito na inilalayo naman ni Mariz.
"W-wahh! 'Wag kayong magulo! Nasa gitna ninyo ako hindi ako makahinga sa ginagawa n'yo!" Hindi na rin makatiis na sigaw niya nang mabangga na siya ng mga ito nang dahil sa pag-aagawan.
"Sabihin mo nga sa akin Colleen, sino ang hindi mawawala sa sarili kapag nakita ang pinaka-latest na album ni Jake? 'Wag mong sabihin na hindi mo siya gusto, naku maghihinala ako sa'yo na tomboy ka!" eksaheradang sabi ni Mariz.
"Ihh, hindi ko nga sya kilala eh." Napayuko siya. Nahihiyang aminin na hindi nga niya kilala ang pinag-uusapan ng mga ito.
Nanlaki ang mga mata ng dalawa. Saka siya hinawakan sa dalawang balikat ni Mariz.
"Sigurado ka ba talagang hindi mo kilala si Jake Pineda?" hindi pa rin makapaniwalang tanong nito.
"Hindi nga talaga, hindi naman kasi uso ang TV doon sa probinsya namin e. At hindi rin lahat ng channels nakukuha kaya hindi na lang ako nanonood dahil malabo rin naman," paliwanag niya.
"Kung ganoon, hindi mo alam na kalahati ng kabataan mo ang muntik mo nang palagpasin!"
"E-eh?"
"Hindi mo ba alam na halos magkandarapa na ang Hollywood para lang maging international artist siya? Palaging number one ang mga songs niya sa billboard at wala pang concert niya na hindi napuno ang Araneta! Number one endorser din siya rito sa Pilipinas at may ginagawa na rin syang movie ngayon! Ganun siya kasikat pero hindi mo sya kilala? Gosh, Colleen! Napakainosente mo talaga! Pinanganak ka ba kahapon?" Oa na tanong ni Maris.
"Eh anong magagawa ko kung hindi ko siya talaga kilala!" Nainis na sabi niya.
"Kung ganoon, heto! Hiramin mo ang CD na ito ni Mariz para maka-relate ka sa amin! Sa oras na marinig mo iyan ay siguradong masasaniban ka at magiging fan ka na rin niya! Imposibleng hindi! Kung hindi mo siya magugustuhan talagang wala ka na lang talagang taste! Hindi ka makakasabay sa lahat at mapag-iiwanan ka! Gusto mo ba iyon? Kaya hayan! Binibigyan kita ng pahintulot na gamitin iyan!" sabi na ni Grace na halos ipagduldulan sa mukha niya ang CD.
Binatukan ito ni Mariz."Tama ba namang magpahiram ng hindi iyo? Sampal gusto mo?" pambabara ni Mariz dito.
Nagsagutan pa ang dalawa kaya kinuha na lang niya sa kamay ni Grace ang pinag-aagawan ng mga ito.
At napamaang ang labi niya nang matitigang maiigi ang mukha ng gwapong lalaking nasa cover. Agad na nag-flashback sa isip niya iyong lalaking nakabangga niya noon noong kumukuha pa lang siya ng entrance exam sa Phoenix University. Naalala niya na nakita pa niya ang movie poster nito noon. Paano nga ba niyang nakalimutan ang pangalan nito?
"Naaalala ko na ang lalaking ito! Siya iyong nakabangga ko noon sa mall!" gulat na sabi niya.
Natigil naman sa napipintong pagsasabunutan ang dalawa nang marinig ang sinabi niya.
"Ano kamo? Nakabangga mo s'ya?" hindi makapaniwalang tanong ni Grace.
"Oo, hindi ako maaring magkamali, siya nga iyon!" siguradong sabi niya.
"Weh? Parang kanina lang sabi mo hindi mo siya kilala, ngayon naman sinasabi mo na nakabangga mo siya? Aba ang swerte mo naman at si Jake pa ang nakabangga mo," hindi naniniwalang sabi ni Maris.
"Hmp! Kung ayaw nyong maniwala eh 'di 'wag! Akina nga yang walkman mo. Pakikinggan ko na lang ang mga kanta niya para masiyahan na kayo." sabi niya na kinuha na ang walkman ni Maris at lumayo muna sa mga ito.
Pero imbes na ang mga ito ang masiyahan ay siya pa ang mas naligayahan...
Lumakas ang t***k ng puso niya pagkarinig sa malamig sa pandinig at swabeng boses ni Jake. Hindi rin niya mapigilang mapaindayog sa kantang pinakikinggan niya.
Bigla ay naging excited siya...
At doon na nag-umpisa ang pagiging avid fan ni Colleen...