CHAPTER 8: Colleen’s Addiction.
Written By CDLiNKPh
IRITANG-IRITA si Carlo na tumayo mula sa study table niya. Ang lakas-lakas ng pinapatugtog ni Colleen sa kwarto nito at nasisira ang concentration niya sa mga dokumentong tinatapos niya at dinala niya sa araw na iyon mula sa opisina.
"Colleen, ano ba 'yang pinapagtugtog mo ang lakas-lakas patayin mo nga!" inis na sigaw niya pagkabukas na pagkabukas pa lang niya ng kwarto nito.
Pero siya ang nagulat sa ginagawa nito! Marami nang mga posters na nakadikit sa dingding nito at may kasalukuyan pa itong dinidikit ngayon habang nakikinig sa nakakabinging tugtog na nasa cd player nito. Para bang gusto pa nitong punuin ang buong kwarto nito ng pictures ng isang singer.
"Colleen ano ba yang pinaggagawa mo? Bakit andami-daming basura rito?!" inis na tanong niya na hindi mapigilang kumunot ang noo. Parang maaga siyang tatanda sa ginagawa nito.
"Kuya, hindi iyan mga basura! Si Jake Pineda 'yan! At siya na ang idol ko! Grabe Kuya, ang ganda-ganda ng kanta niya di'ba? Bumili rin ako ng collection ng mga CDs niya tingnan mo!" Excited na nilapitan siya nito at kulang na lang ay iduldol sa mukha niya ang mga albums na halatang kabibili lang.
Sa inis niya ay tinabig niya ang kamay nito. Muntik pang malaglag ang mga CDs nito kung hindi pa nito nasalo.
"Kuya ano ka ba naman muntik nang matapon ang mga CD, kabibili ko lang nito eh!" nakangusong reklamo nito saka niyakap ang mga cd na akala mo eh may aagaw dito.
"Mukhang sa mga basurang iyan nauubos ang mga ibinibigay kong allowance sa'yo ah! Hindi nahuhulog ang pera sa langit Colleen! Pagkatapos kung ano-ano lang pala ang binibili mo imbes na ipangkain mo! At ang lakas-lakas mo pang magpatutugtog para kang bingi!" inis na panenermon niya saka pinatay ang cd player nito.
"Minsan lang naman akong bumili ng mga ganito Kuya! Hindi mo pa kasi nararanasang magka-idol dahil palaging pag-aaral ang iniintindi mo kahit noong college ka pa! Teenager ako kaya hindi mo ako mapipigilan!" sagot pa nito dala ng bugso ng damdamin. Parang maiiyak pa talaga!
"Aba at sumasagot ka na ngayon? Ganyan ba ang mga natututunan mo sa school?" napipikang sabi niya saka lalapitan na sana ito para batukan nang biglang bumungad sa may pintuan ang Mama Eula nila.
"Carlo. Ano na naman iyan? Nag-aaway na naman ba kayo? Mukhang napapadalas na 'yan ah," puna ng babae.
"Pagsabihan n'yo iyang anak mo Mama. Ang ingay-ingay, hindi ko matapos iyong mga paper works ko nang dahil sa kanya. Naturingan akong naka day-off ngayon pero naii-stress ako nang dahil sa pinapatugtog niya."
"Hmp! Ang kanta ni Jake nakaka-stress? Kuya, malala na talaga iyang kabaduyan mo! 'Di mo na alam ang maganda sa hindi! Kaysa naman sa mga classical music na pinagtutugtog mo, nakakaantok!" pang-aasar din na sabi ni Colleen.
Masamang tingin lang ang binigay niya rito at tumahimik na ito at umurong ang dila. Saka siya naiinis na umalis at pumasok na lang sa sariling kwarto.
Nang dahil sa pagiging fanatic ni Colleen ay halos hindi na nito napagtutuunan ng pansin ang pag-aaral.
Dahil dito ay naatasan tuloy siyang mag-report sa buong klase ng Math Teacher nila dahil palagi raw siyang late at maingay pa sa klase dahil sa pakikipagkwentuhan kina Grace at Mariz tungkol kay Jake Pineda.
At bukas na ang report na iyon pero nagkataon na ngayong gabi ay may fans day si Jake Pineda sa SM Mall of Asia.
Kaya wala siyang ibang pinagpilian kundi ang pumunta sa library para mag-aral.
Hmp! Hindi ako magpapatalo sa dalawang 'yun! Kailangang makapunta ako sa mall tour ni Jake mamaya! Kailangan ko nang tapusin 'to! determinadong sabi niya sa isip.
Pero maya-maya ay umiikot-ikot na ang mata niya sa pagtingin ng mga numero. Parang pakiramdam niya ay sasabog ang utak niya sa hirap niyon!
Wala siyang maintindihan kahit isa. Ano kaya kung iuntog na lang niya ang sarili sa pader?
"W-wahh!!! Ayoko na! Hindi ko na talaga kaya!" Napasigaw na siya sa sobrang hirap.
Nagulat siya sa nagawa. Nakatingin na ng masama ang lahat sa kanya at sinaway pa siya ng librarian. Palalabasin na raw siya nito kung hindi pa raw siya tatahimik.
Nangalumbaba na lang siya roon. Hindi talaga kaya ng utak niya. Wala rin siya sa school na ito kung wala ang Kuya niya. Sina Mariz at Grace kahit may pagkamahaharot ay may mga utak naman kahit papaano. Siya lang talaga ang bokya. Mabuti na lang cute siya. Napahagikhik siya sa naisip. Baka sakali ay mabawasan ang sakit ng ulo niya.
Bakit kasi hindi na lang siya naging matalino? Ang sarap siguro sa pakiramdam 'pag madali lang para sa'yo ang lahat. Tulad ng Kuya Carlo niya. Ang swerte nito at matalino ito.
Ang saklap ng buhay. Parang maiiyak na siya...
"Colleen?" narinig niyang tawag ng babaeng may malumanay na boses na hinawakan pa siya sa balikat mula sa likuran. Pag-angat niya ng ulo ay si Ms. Villafuerte iyon.
"Naku Ma'am, kayo po pala. Pasensya na po kayo kung naingayan kayo aalis na lang po ako!" nag-aalalang sabi niya saka akmang tatayo na nang pinigilan siya nito.
"Alam kong may problema ka. 'Wag ka na mahiya, sabihin mo na at baka matulungan kita," nakangiting sabi nito na tumabi pa sa kanya.
"Wala Ma'am, nagre-review lang po ako para sa report ko bukas sa math. Kaso may problema ako eh. Hindi ko po talaga maintindihan kahit anong gawin ko," napabuntong-hininga na sabi niya.
"Oh, eh bakit hindi ka magpaturo kay Carlo? Alam mo ba na no'ng high school kami ay maning-mani lang sa kanya ang math? Kung tutuusin, mas matalino pa nga yata siya kaysa sa mga teachers namin noon."
"Si Kuya? Ayaw ko po siyang lapitan kasi palagi na lang niya akong pinapagalitan nitong mga nakaraang araw. Kapag nagpaturo ako sa kanya baka isipin niya na hindi ako nag-aaral kasi kailangan ko pang magtanong sa kanya."
"Mabait si Carlo, Colleen. Matiyaga sa lahat ng bagay at kahit nga ang mga kaklase namin noong mahina sa klase ay bukal sa loob na tinutulungan niya. Hindi naman siguro iisipin ng kapatid mo iyon sa iyo. Kung alam mo lang na palagi ka pa nga niyang bukambibig sa akin noon. Mahal na mahal ka niya kaya huwag ka nang mahiyang magpatulong sa kanya," payo nito.
"Hindi ko alam sa kanya Ma'am. Kung minsan hindi ko na siya maintindihan. Palagi kasi siyang nagsusungit at kung minsan parang naiinis pa siya kina Grace at Mariz. Parang kahit ang mga kaibigan ko pinagseselosan pa niya."
"Eh, natanong mo na ba kung bakit siya nagkakaganon?"
"Hindi pa po. Pero nag-umpisa siyang lalong maging ganun no'ng naging idol ko na si Jake Pineda. Siguro iniisip niya na pinababayaan ko na ang pag aaral ko nang dahil kay Jake."
"Oh, eh ganon ba talaga ang nangyayari?" Panunukat nito na tiningnan pa siya sa mga mata. Hindi naman siya makatingin ng diretso.
"Ihh... Medyo lang naman po. Pero ano pong magagawa ko? Hindi po kumpleto ang araw ko kapag 'di ko naririnig ang mga kanta niya," pagtatapat niya.
"Okey lang naman na maging fanatic ka Colleen. Pero 'wag lang sosobra. Anumang labis ay masama at sana ay tandaan mo iyan." Pinangaralan siya nito. Natahimik tuloy siya. May punto nga naman ito.
"Oh, mabuti pa siguro, turuan na kita rito sa report mo at nang hindi ka na malungkot diyan. Pero sa susunod dapat hindi mo hayaang masira ang pag-aaral mo nang dahil lang sa artista ah. Dahil kung hindi, isusumbong kita kay Carlo," pagbibiro pa nito maya-maya.
"Hindi na po," natawa na rin siya saka na inilabas ang libro.
"GRACE! Mariz! Hintayin n'yo ako sandali!" Pagtawag niya sa dalawa. Lumingon naman ang mga ito.
"Sasama na ako sa inyo nakaready na ang mga CDs ko!" sabi niya na malaki ang ngiting nakapaskil sa mukha.
"Ano? Eh di'ba may report ka pa bukas? Baka kami ang sisihin mo kapag nagmukha kang tanga ro'n!" sabi ni Grace.
"Hindi! Nag-aral na ako sa library kanina 'di ba? Saka tinuruan na ako ni Ma'am Laida!" pagmamalaki niya na totoong pangalan na ang tinawag sa guro. Ang sabi kasi nito kanina ay close na naman daw kasi sila.
"Ma'am Laida na ngayon ang tawag mo sa kanya? Hmm.. Mukhang may naaamoy ako riyan kay Ms. Villafuerte ah. Siguro may gusto siya kay Carlo kaya mabait siya sa'yo," tamang-hinala na suspetsa ni Mariz.
"H-huh? Bakit mo naman nasabi?" nagtatakang tanong niya.
"Halatang-halata Colleen! Ikaw lang yata ang hindi nakakakita! Palagi niyang binabanggit sa klase si Carlo at mabait pa siya sa'yo! Alam ko! May pagnanasa iyan kay Papa Carlo ko!" sabi nito.
"Wala naman sigurong masama roon di'ba? Ang ganda-ganda ni Ms. Villafuerte. Kahit mahinhin, makikita mo pa ring sexy at matalino rin katulad ni Papa Carlo. Sad to say Mariz, pero sa tingin ko, wala tayong kalaban-laban sa kanya." Pagtanggap na ni Grace sa katotohanan.
"Nakakalungkot isipin pero kung si Ms. Villafuerte, sige tatanggapin ko na ang pagkatalo! Masaya na rin ako kung magiging masaya naman ang mahal ko!" oa na sabi na rin ni Mariz na hindi na iniisip kung gusto rin ba ni Carlo si Ms. Villafuerte.
Napaisip si Colleen. Siguro dapat siyang matuwa kung si Ms. Villafuerte ang mapapangasawa ng Kuya niya. Kasundo niya ito at napakabait pa. Sa tingin niya bagay rin talaga ang dalawa kung totoo mang tama ang hinala ni Mariz.
Pero bakit parang bumibigat ang dibdib niya sa kaisipan na ikakasal si Carlo sa ibang babae? Pakiramdam niya parang sumama ng pakiramdam niya. Parang bigla siyang tumamlay.
Bakit ganoon? Parang masakit sa dibdib?