CHAPTER 2 : Ang Pagdating.
Written by: CDLiNKPh
Makalipas ang labindalawang taon...
Sabik na sabik si Colleen habang nasa daan papunta ng Maynila. Ngayon kasi ang araw nang paglipat nila sa bahay ng Kuya Carlo niya sa Maynila.
Nagkaroon kasi ng sakit sa bato ang Papa nila kaya kinailangan nitong dumaan sa isang operasyon. Dahil doon ay nabaon sa utang ang pamilya kaya napilitan silang maibenta ang nag-iisang bahay sa probinsya. Hindi na rin ganoon kaginhawa ang buhay nila katulad ng dati pero hindi naman matatawag na sobra na nilang hirap.
Simula nang magkolehiyo si Carlo ay sa Maynila na ito nag-aral. Kaya naman halos limang taon din sila na hindi nagkasamang magpapamilya. Nagkikita lamang sila nito sa tuwing may okasyon o kaya naman naiisipan nitong bisitahin sila sa probinsya kaya ganun na lamang ang pagkasabik niya sa kapatid.
Hindi niya napigilang sugurin ng yakap si Carlo pagkarating na pagkarating pa lang nila sa bahay. Naging sanhi pa iyon para mapatumba ito sa pagkakayakap niya. Nakangiting bumungad naman sina Bong at Eula sa pinto.
"Hay naku Carlo! Miss na miss ka na niyang kapatid mo! Alam mo ba na ang kulit-kulit niyan kanina sa byahe!" nakangiting sabi ni Eula.
"Kayo rin naman po, namiss ko kayong lahat! Naku, mabuti pa po siguro kung ayusin na natin ang mga gamit ninyo at nang makakakain na tayo. Mukhang pagod na rin ho kayo eh," sabi ni Carlo.
"Naku mabuti pa nga." Pasasalamat ni Bong.
Iyon lamang at tumulong pa sa pagliligpit ng mga gamit nina Bong at Eula si Carlo. Sinabi ng Papa niya sa kanya kanina na sa iisang kwarto na lang muna sila ng Kuya niya matutulog dahil hindi pa nagagawa ang kwarto niya. Tumango na lang siya at pumasok na sa loob ng kwarto ni Carlo. Napansin niya na nakasunod pa ng tingin sa kanya ang kapatid bago siya pumasok at nagkatitigan pa sila kanina pero agad din itong nagbaba ng tingin.
Bakit kaya parang ang weird ni Kuya? aniya sa isip pagkapasok sa loob ng kwarto.
Hindi na lang niya pinagtuunan ng pansin ang pagtataka at agad nang iniligpit ang sariling gamit.
---
"ANAK pasensya ka na ah, alam kong pinangako ko na sa 'yo ko na ibibigay ang bahay na ito para sana sa magiging pamilya mo pero heto kami ngayon at nakikitira na naman," sabi ng ama ni Carlo no'ng nasa hapagkainan na sila.
"'Pa, ano ba kayo, bakit ho kayo nag-iisip ng ganyan? Magkapamilya tayo at isa pa hindi n'yo naman ginusto na magkasakit kayo eh. Bukod doon wala pa rin naman akong balak na mag-asawa," natatawang sabi niya.
"Anak, ano ba kasing nangyari sa inyo ni Eliza? Akala ko ba magpapakasal na kayo bakit bigla-bigla eh hiwalay na pala kayo?" nagtatakang tanong ni Eula sa kanya na natigil saglit sa pagkain nito.
"'Ma, kung pwede lang po sana 'wag na nating pag-usapan. Kayo ang gusto kong makausap. Dapat natin sulitin ang oras na magkakasama na tayo ulit."
"Hay naku anak, ikaw ang bahala. Itong kapatid mo nga pala. Gusto ko na ipasok mo roon sa school na pinag-aralan mo noong college ka." Pag-iiba ng usapan ni Eula.
"'Ma! Pang matatalino lang po ang school na pinasukan dati ni Kuya! Nakakahiya baka bumagsak lang ako sa entrance exam!" Reklamo kaagad ni Colleen nang marinig ang sinabi ng ina.
"Aba, tingnan mo itong bata na ito. Walang katiwa-tiwala sa sarili niya. Kaya mo iyan, tuturuan ka naman ng Kuya Carlo mo!" Pagpapalakas ng loob ng mama niya sa natarantang si Colleen.
"Tama siya Colleen. Huwag kang matakot, nandito naman ako, 'di kita pababayaan." Nakangiti siya na hinawakan pa ang kamay nito sa mesa.
Nagkamot na lang si Colleen ng ulo at wala nang mai-katwiran.
Hindi naman maiwasang hindi matitigan ni Carlo ang kunwaring kapatid niya. 'Di man niya diretsang sabihin pero napakalaki na talaga nang pinagbago nito simula ng huli niya itong makita. Oo at nakikita niya ang mga latest pictures nito na pinapadala ng mga magulang niya pero iba pa rin pala kapag nasa harapan na niya ito.
Pakiramdam niya ay isa na talaga itong ganap na dalaga bagama't may pagkabatang-isip pa rin ito.
Biglang kumabog nang malakas ang dibdib niya nang matitigan niya ito. Napakahaba ng pilik mata nito at lalo lang pumula ang dati na nitong mapupulang labi. Tumangos na rin ang dati nitong hindi katangusang ilong at pumuti rin ito ng sobra ngayon. Unat na unat ang buhok nito at kahit saang anggulo tingnan ay napakaganda na talaga nito. Lalo lang siyang naakit nang ngumiti ito bigla.
'Di na niya namamalayan na kinakausap na pala siya ng ama.
"Carlo, kanina pa kita tinatanong kung nasaan ang juice at nang makapagtimpla na ulit ng bago! Kanina ka pa nakatulala riyan! Ano bang meron sa mukha ni Colleen at titig na titig ka?" Narinig niyang sigaw na ni Bong.
Ninerbyos lang siyang lalo nang mapansin na pinupukulan na rin pala siya ni Colleen nang nagtatakang tingin.
"Ay sorry po 'Pa! A-ah, Nagulat lang kasi ako rito sa pinagbago nitong bunso natin eh nagmukha na kasing tao!" Pagpapalusot niya sabay halakhak.
"Hmp! Yabang mo Kuya purkit gwapo ka lang ganyan ka na!" Pag-irap ni Colleen na parang bata.
"Hindi, ikaw naman hindi ka na mabiro. Naglalambing lang ako," sabi niya sabay pisil sa pisngi nito. "'Ma! Ito po bang bunso natin ay may boyfriend na?" Biro niya na may halo ring pag-asam na sana nga ay wala pa.
"Kuya, wag ka nang mang-asar kasi 'di ko pa nararanasan maligawan. Walang nagkakagusto sa'kin sa lugar natin. Mga bulag siguro ang mga lalaki roon sa probinsya kaya 'di nila napapansin ang mala-dyosa kong ganda e!" Pag-pout ni Colleen sabay pa-cute.
"Naku anak, binabawi ko na ang sinabi ko kanina na wala kang tiwala sa sarili mo! Napakalakas pala! Hindi naman masyadong magaan ang bangko mo ha? Baka lumutang ka." Pagbibiro pa ni Eula na halos sumakit na ang tiyan sa kakatawa.
"Syempe maganda ka po Mama! Kaya dapat ako rin! Mana po yata ako sa'yo!" Pamlalambing ni Colleen na humalik pa sa pisngi ng ina-inahan. Nagalak naman si Eula.
"Naku ikaw ha, napakabolera mo! Nagsasabi ka ng totoo!" Nakatawang sabi ni Eula saka niyakap ang ampon. Humalik naman ulit sa pisngi nito ang napakalambing na si Colleen.
Napangiti na lang si Carlo habang nakatingin sa dalawang babae ng buhay niya. Nagagalak sa kaalamang wala pa palang nagiging nobyo si Colleen.
----
KINAGABIHAN ay nauna na si Colleen sa kwarto para matulog.
Dalawa lang ang kwarto sa bahay na iyon kaya nang sinabi ng mama niya na magsasama muna sila ni Carlo pangsamantala hanggang sa maayos ang kwarto niya na pinapagawa ay pumayag na rin kaagad siya. Sobrang na-miss niya ang Kuya Carlo niya at marami siyang gusto pang ikwento rito.
Napangiti siya nang bumukas ang pinto at iniluwa niyon ang Kuya Carlo niya. Napansin niya na parang namumutla ito.
Kumuha ito ng banig, unan at kumot sa aparador at inilatag nito iyon sa sahig.
"Kuya anong ginagawa mo, bakit diyan ka matutulog eh ang laki-laki nitong kama?" nagtatakang tanong niya. Nagtataka rin naman na sumagot ito.
"Colleen, hindi na tayo pwede magtabi. Dalaga ka na at ako, lalaki pa rin ako kahit magkapatid tayo. Masagwang tingnan ano ka ba," paliwanag nito.
"Pero 'di ko pa naman nararamdaman na dalaga na ako e, saka dati naman na tayo nagtatabi ah? Nagbago ka na talaga Kuya. Kung ganun pala sana 'di na lang ako lumaki. Kina Mama naman tumatabi pa rin ako sa kanila ni Papa," nalulungkot na sabi niya.
Natawa naman ito.
"Eh kung pwede ka nga lang doon sa kwarto nina Mama eh doon na sana kita pinatulog eh kaso hindi ka naman na kakasya sa kama. Konting tiis lang Colleen, magagawa na naman ang kwarto mo. Saka bawal ang tiyanak do'n!" Pang-aasar pa ni Carlo sabay tawa.
"Hmp! Ikaw lang naman ang ayaw tumabi sa akin eh! Hindi mo na talaga ako mahal Kuya!"
"Colleen, ano ka ba? Hanggang ngayon isip bata ka pa rin. Ini-spoiled ka kasi ni Mama eh. Matulog ka na nga para bukas maipa-register na kita sa Phoenix University." Pambabalewala na lang ni Carlo sa pagtatampurorot niya saka na ito tumalikod at pinatay ang ilaw para matulog.
----
KINABUKASAN ay nagulat si Carlo nang magising na katabi na niya si Colleen. Nakayakap pa ito sa kanya. Lumipat pala ito kagabi habang tulog siya.
Napabuntong-hininga siya.
Napatitig sa maamong mukha nito habang tulog ito. 'Di niya maiwasan na 'di mahaplos ang mukha nito. Ang mukha na matagal niyang kinapanabikan na makita ulit. Sa pagkakatingin niya rito ay malakas na ang tambol sa puso niya.
Napatingin siya sa mga labi nito na para bang nag-aanyaya na ito ay halikan niya. Unti-unting lumapit ang mukha niya sa mukha nito ngunit sa huling sandali ay pinigilan niya ang sarili.
Hindi ko dapat gawin ito! Magkapatid kami, ang sigaw ng isip niya. Kaya kahit mabigat man sa loob ay inilayo niya ang sarili sa maamong mukha nito.
Bumangon na siya bago pa siya may magawa na 'di kanais-nais. Binuhat niya ito pabalik sa kama saka na siya bumaba para mag-almusal.
----
ENTRANCE EXAM ni Colleen nang araw na iyon. Kinakabahan pa siya bago magsimula ang exam.
Totoong mahirap ang mga lumabas na tanong sa entrance exam pero nakakatuwa dahil marami siyang naisagot sa mga iyon. Iba talaga kapag may kapatid kang matalino. Ang galing nitong magturo at nahulaan nito ang mga karamihan sa lumabas na tanong.
Maagang natapos ang exam kaya naman naisipan niya na magpunta muna sa katapat na mall habang 'di pa dumadating ang Papa niya para sunduin siya.
Malapit na siya sa banyo para mag-ayos muna sana nang may makasalubong siya na parang nagmamadaling lalaki at nabunggo siya. Napatumba siya kasama nito at nagulat siya nang matitigan ang gwapong mukha nito. Nagkatitigan sila at umabot pa nang ilang segundo bago matapos iyon nang bigla siyang makarinig ng mga nagtitiliang tao.
Parang nataranta ang lalaki nang marinig ang mga paparating na tao.
Agad siya nitong tinulungan na makatayo.
"Sorry, Miss. Nagmamadali ako. Ano nga palang pangalan mo?" sa kabila nang pagmamadali ay naitanong nito. Nakatitig pa rin sa kanya.
"A-Ah, kuwan, a-ah, Colleen po ang pangalan ko!" Natataranta at nanginginig na sagot niya. Hindi maintindihan kung bakit ganoon ang nararamdaman.
"Colleen... Napakagandang pangalan. Bagay na bagay sa napakagandang katulad mo," pamumuri ng lalaki na ikinapula naman niya. Hindi na niya magawang sumagot pa dahil malapit na sa kanila ang mga papalapit na tao. "Sana magkita pa tayong muli, Colleen," huling sabi nito saka na umalis sa harapan niya.
Parang bulang naglaho na ang lalaki at nagulantang siya nang papasalubong na ang mga tao sa kanya!
Agad siyang nagtago sa gilid ng pader para hindi maipit sa mga humahabol na tao.
Hala, ano yun? aniya sa isip.
Saka naman siya nakakita ng movie poster sa mall.
Kay Tagal kang Hinintay featuring Jake Pineda.
Saka bumalik sa isip niya ang gwapong mukha ng lalaking nakabangga niya kanina.
Ang lalaking nasa movie poster ay walang iba kundi ang lalaki rin na iyon!