Chapter 4: Ang Delingkwente.
Written by: CDLiNKPh
Huling subject na para sa araw na iyon at magaan na magaan na rin ang loob ni Colleen sa bagong kaibigan na sina Mariz at Grace. Masaya kausap ang mga ito kaya kahit nasa kalagitnaan sila ng klase ay palihim sila na nag-uusap.
Pumasok na sa loob ng classroom ang pinakahuling teacher nila sa araw na iyon. Nagpakilala ito sa lahat bilang Ms. Villafuerte. Batang-bata pa rin itong tingnan at ang sabi ay kaka-graduate lang daw nito. Tantiya niya ay kasing edad ito ng Kuya Carlo niya.
Nagustuhan agad ng buong klase si Ms. Villafuerte lalo na ang mga lalaki na halatang nagka-crush na kaagad sa bagong guro. Sexy at maganda rin kasi ito.
Maya-maya ay kahit silang mga estudyante ay nagpakilala na rin sa buong klase.
"Ms. Sandoval, how were you related to Mr. Carlo Sandoval?" tanong ni Ms. Villafuerte sa kanya na tiningnan siya ng maigi sa mukha matapos niyang magpakilala.
"Yes Ma'am, Kuya ko po siya. At siya po ang nagpapaaral sa akin dito," sagot niya.
"Oh, I see.. Kung hindi mo naitatanong matalik na kaibigan ko ang Kuya mo. Malapit kami sa isa't-isa noon pero nawala na ang komunikasyon ko sa kanya nung nagtrabaho na siya sa isang malaking kumpanya. Madalas ka rin niyang i-kwento sa akin noon. Mahal na mahal ka ng Kuya mong iyon," nakangiting sabi nito.
"Naku talaga po? Nakakatuwa naman. Huwag po kayong mag-alala, babanggitin ko pa kayo sa kanya mamaya," natutuwang sabi niya.
"Mabuti naman Colleen. Alam mo, napakatalino ng Kuya mong iyon. Kaya nga siya ang naging c*m laude ng School eh. Hindi na ako magtataka kung kasing talino mo rin siya. I'm sure ako na may pinagmamanahan kayong magkapatid," pabirong sabi pa nito.
"Naku, hindi po ako kasing talino ni Kuya," pinagpapawisan ng malamig na sabi niya. Baka tawag-tawagin siya nito palagi sa pag-aakalang matalino rin siya
"Manang-mana ka nga talaga sa Kuya mo, napaka-humble. Sige, Colleen makakaupo ka na." Pagtatapos na ng babae sa usapan nila.
Nakahinga ng maluwag na naupo na rin siya.
"Wow, Colleen kapatid mo pala si Carlo Sandoval? Hindi ako makapaniwala, alam mo ba na legend siya sa school na ito?" kinikilig na sabi ni Grace.
"Legend? Paanong naging legend ang Kuya ko?" nagtatakang tanong niya.
"Hello! Hindi lang naman sa school na ito, hindi ba? Sikat na sikat siya dahil siya lang naman ang may pinakamataas na IQ sa buong pilipinas! Masyado nga lang pribado ang buhay niya kaya konti lang ang impormasyong alam ng marami sa kanya bukod sa pangalan niya. Ang swerte-swerte mo naman! Pakilala mo naman kami oh!" Parang mahihimatay na sa paghagikhik na sabi ni Mariz.
"Maswerte ka talaga dahil palagi mo siyang nakakasama sa bahay! Naku Colleen, sana katulad din ng Kuya mo ang Kuya ko!" dugtong pa ng kinikilig na si Mariz.
Napatango na lang siya. Alam niyang maraming nakakakilala sa Kuya Carlo niya dahil sa pambihirang talino nito pero hindi naman pumasok sa isip niya na ganoon na pala talaga ito kasikat sa Maynila. Halos ilang taon din kasi silang hindi nagkasama.
Pero para sa kanya ay kahit halos puro puri ang naririnig niya patungkol sa Kuya Carlo niya ay ordinaryong tao lamang ito. Hindi kasi ito mayabang. Nakatapak lang ang paa sa lupa. Para sa kanya ay 'da best' ang kuya niyang makulit at isip bata kapag sila-sila lang. Simple lang itong tao.
Doon na nag-ring ang bell. Hudyat na uwian na kaya naman natigil na rin ang pag-iisip niya.
-------
SAMANTALA, kay Elijah...
Narating na rin niya ang hide-out ng lalaking tumawag sa kanya kanina.
Maya-maya ay saka naglitawan ang mga pamilyar na lalaking alam niya na may atraso siya noon. Nakalaban ng grupo nila noon ang mga taong nasa harapan niya ngayon.
Lumabas ang lalaking kalbo na sa tingin nya ay ang kausap niya kanina. Hawak-hawak nito si Soledad at may piring ang mata ng babae. Nakagapos din ang mga kamay nito.
"Elijah, babe? Ikaw na ba iyan? Tulungan mo ako Babe, pinapahirapan nila ako rito!" Hagulgol ng babae na nangangapa kung nasaan siya.
Binitiwan ito ng lalaking kalbo at tinanggal din ang piring sa mata nito. Agad na tumakbo at yumakap ang babae papunta sa kanya.
"Tumabi ka. Hindi rin magtatagal ang laban na ito," pabulong na utos niya sa babae na agad namang sinunod nito.
"Kahit gaano ka pa kagaling tignan natin kung hanggang saan tumagal iyang tapang mo sa pagharap ng mga tauhan ko sa'yo! Boys, umpisahan n'yo nang pagtulungan ang isang 'yan. Magbabayad ka sa ginawa mong pang-aagaw sa girlfriend ko!" galit na sabi ng kalbo hanggang sa isa-isa nang lumapit ang mga myembro ng g**g na pinamumunuan nito. May hawak na dos-por-dos ang mga ito at agad na nagsisuguran sa kanya.
Dahil bihasa sa martial arts ay agad niyang naiwasan ang bawat pag-atake ng mga ito. Nasasadsad lang sa sahig ang mga lalaking nagtatangkang paluin siya ng kahoy.
Mas malakas na suntok ang ibinibigay niya sa bawat isang suntok na natatanggap niya. Ilang sipa at suntok ang pinakawalan ni Elijah. Marami ang kalaban niya pero marami na rin ang kaalaman niya sa pakikipaglaban. Hindi siya naging pinuno ng g**g para sa wala.
Nagawa niyang matalo ang mga tauhan ni Kalbo sa pamamagitan ng bilis at lakas na ipinamalas niya. Tumba ang mga ito at nagsitakbuhan na ang iba.
Bakas na bakas naman sa mukha ni Kalbo ang pagkagulat sa nagawa niya. Napanood ng lalaki ang laban niya kaya naman hindi kataka-takang makaramdam ito ng takot nang lapitan niya na ito.
Kinuha niya ang b***l na nalaglag ng isang lalaking tumakas at itinutok iyon dito.
"Tingnan natin kung sino ang magbabayad sa atin ngayon. Anong sinabi mo sa akin kanina? Duwag ako?" nakangising sabi niya. "Hindi mo ako dapat iniinsulto. Tingnan natin ngayon kung sino ang duwag sa ating dalawa. Ngayon, ikaw na ang magdasal dahil katapusan mo na."
"Maawa ka! 'Wag mo akong papatayin! Marami pa akong anak na hindi ko pa nakikilala! Kakalimutan ko na ang ginawa mong pang-aagaw sa akin kay Minerva huwag mo lang akong babarilin!" Takot na takot na pagmamakaawa ng kalbo.
Humalakhak lang si Elijah. "Ngayon nagmamakaawa ka para sa sarili mong buhay? Kung gusto mo pa talagang mabuhay, sige, itaas mo ang mga kamay mo! Magsayaw ka sa harapan ko!" utos niya na pinagtitripan pa ito.
"B-Bakit mo ako pinagsasayaw?" takang tanong nito.
"At may lakas ng loob ka pang magtanong. Gawin mo kung ayaw mo pang mamatay. Gusto ko... 'yung sinasayaw ng sexbomb. Bilisan mo, bago pa magbago ang isip ko."
Naramdaman niya na dumating na ang mga kasamahan niya na nanggaling pa sa School at sumunod sa kanya. Kahit si Soledad ay naroon na rin.
"Tamang-tama. Marami ka ng audience. Sumayaw ka na."
"Pero-"
Agad niyang pinapaputukan ang gilid ng paa nito. Muntik na itong matamaan kung hindi lang ito nakailag. Sa sobrang takot nito ay napaihi ito sa pantalon nito.
Nagsitawanan ang lahat ng naroon.
"Magsasayaw na ako! 'Wag ka nang magpaputok!" Sa kabila ng takot at paghikbi ay nagawang sabihin nito.
Nagsayaw na ito sa kabila ng kahihiyan. Tuwang-tuwa naman ang lahat ng naroon habang parang nangingilid ang luha pa at parang macho dancer na sumayaw ito.
Nasa kalagitnaan ng tawanan at tuksuhan ang lahat nang magulat ang lahat nang bigla niyang barilin ang lalaki.
Bumulagta ito sa sahig.
"Bossing, bakit n'yo siya pinatay?" gulat na may halong takot na tanong ni Berto. Nanginginig ito. Marahil dahil ito ang unang beses na nakita siya nitong pumatay ng tao.
"Hindi ko nagustuhan ang pagsayaw niya. Mukha siyang payaso sa perya kaya hindi nakatiis ang mga mata ko na panoorin siya. Asikasuhin ninyo ang basurang iyan. Sunugin n'yo kung gusto nyo," walang ganang sabi nya saka inihagis ang b***l sa katawan mismo ng kalbong pinatay niya.
Sumakay na siya ng motor niya at kahit si Soledad ay natakot nang lumapit sa kanya. Ganoon siya, wala siyang pakialam sa buhay ng isang taong kinaiinisan niya. Gagawin niya ang lahat ng gusto niya kahit pa ang pumatay na walang nararamdamang awa.
Dumaan pa siya sa school para tingnan kung naroon pa si Colleen pero wala na ito...